top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | january 6, 2026



Chavit

Photo: SS / Live Interview



Ayaw sumuko ni dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson sa panawagan sa kanyang tinatawag na ngayong “former friend” na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magbitiw na sa puwesto dahil sa mga kontrobersiyang ibinabato rito lalo na ang diumano’y pagiging “mastermind” nito kasama ang pinsang si dating Speaker Martin Romualdez sa flood control scandal.


Kahapon, muling nagpatawag ng press conference si Manong Chavit sa Club Filipino sa Greenhills at inisa-isa ang mga diumano’y ebidensiyang nagpapatunay ng direktang kaugnayan ni PBBM sa korupsiyon sa bansa, na pumutok nga at nakalkal dahil sa mga ghost flood control projects ng pamahalaan na palpak naman.


May inihanda pang AVP (audio-visual presentation) ang team ni Manong Chavit para isa-isahin ang mga dokumentong nag-uugnay sa pangulo, sa anak nitong si Cong. Sandro Marcos at sa pinsang si ex-Speaker Romualdez sa controversial na flood control scam.


Ayon sa dating pulitiko-philanthropist, kinabukasan ng kabataan at ng ating bayan ang kanyang ipinaglalaban kaya patuloy siyang nag-iingay at nanawagang sumuporta ang taumbayan sa gagawing “one time, bigtime rally” soon.


Hindi naman daw pagpapabagsak o pagsira sa gobyerno ang kanyang hangad kundi ang maparusahan ang mga korup na nagnakaw sa kaban ng bayan.


In fact, may pakiusap at hamon si Manong Chavit sa mga lider ng militar at pulis na sina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr. at Philippine National Police (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez, Jr. na umaksiyon na sa sitwasyon ngayon ng ating bayan para raw sa kinabukasan hindi lang ng kanilang mga anak kundi ng ating bayan.


Ani Manong Chavit, “Nakikiusap ako sa mga military at police, may mga anak din kayo. I would suggest na from now on, mag-usap-usap muna kayo (Gen. Brawner at Gen. Nartatez) bago kayo ipatawag sa Malacañang. Mag-isip kayong mabuti. 


“Isipin n’yo ang kinabukasan ng ating mga anak. Isipin n’yo ang ating nasyon. Kung wala kayong malasakit sa Pilipinas, ibang klase na ‘yun.” 


Dagdag na hamon pa nito sa dalawang lider ng militar at kapulisan, “So, isipin n’yong mabuti kung sasama kayo sa mga korup o sasama kayo sa ikabubuti ng bansa. You’re welcome to join us in that rally kasi ‘di naman natin paaalisin, eh, wala tayong iba-violate na constitution. Sabihin n’yo lang, ayaw n’yo ng graft and corruption… in public!


“You should announce na ayaw n’yo ng nangyayari, kung hindi, may ibig sabihin ‘yan. Involved din sila sa korupsiyon.”


Samantala, nahingi rin namin ang reaksiyon ni Manong Chavit sa recent statement ng CEO ng Miss Universe na si Mr. Raul Rocha na “delusional” daw ang businessman-philanthropist sa sinabi nitong desidido siyang bilhin ang Miss Universe Organization para makatulong sa turismo ng Pilipinas.


Pahayag ni ex-Gov. Chavit, “Si Rocha, wanted na ‘yun, may kaso, drug trafficking. So, si Anne (Jakrajutatip, ang Thai businesswoman na isa pang may-ari ng MUO), nasentensiyahan na rin, walang bumili ng Miss Universe. Sentensiyado na 2 ½ years, if I’m not mistaken. Si Rocha, wanted for drug trafficking, saka maraming kaso.”


At sa tanong namin kung itutuloy pa rin ba niya ang pagbili sa MUO, “Yes, nagpunta rito sa Pilipinas ‘yung mga dating opisyal ng Miss Universe at sinabi ko nang gusto kong bilhin. Mabibili pero marami kaming dadaanang (challenges) dahil sinabi nga, maraming kaso. So, I think ‘yung may hawak ng Miss Universe ngayon, ‘yung mga pinagkautangan nila.”


Sa sinabi ni Rocha na sasampahan niya ng mga kaso si Manong Chavit, sagot nito, “Pa’no niya ako sasampahan ng kaso, nakakulong nga?”


Pahayag naman ng anak ni ex-Gov. Chavit na si Ms. Steph Singson, “The social media account is held by Raul’s team pa kasi. So very soon, it will be legally taken from them. He is on the defense now. 


“Access to Miss Universe social media account will also be taken away from them soon.”

Oh, ayan, klaro na, ha?! Hindi lang nag-iilusyon si Manong Chavit at desidido talaga siyang mabili ang Miss Universe Organization.



BAGONG PANGULO AT OPISYALES NG SPEED, PINANGALANAN NA





HINIRANG ng grupong SPEEd ang bagong pangulo at iba pang opisyal nito kasabay ng pagsisimula ng taong 2026.


Inihalal ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) si Tessa Mauricio-Arriola, lifestyle at entertainment editor ng The Manila Times, bilang bagong pangulo.


Pinamumunuan na ngayon ni Mauricio-Arriola ang organisasyong nagsimula bilang isang social club ng mga entertainment editors mula sa mga pambansang broadsheet, nangungunang tabloid, at mga pangunahing online portal.


Ang SPEEd ay itinatag ng yumaong Manila Standard entertainment editor na si Isah V. Red, na nagsilbi ring president emeritus ng grupo.


"Sa aming bagong hanay ng mga opisyal, nais naming sumulong nang may matapang na pananaw, ngunit kasabay nito ay manatiling tapat sa mga pinahahalagahang palaging gumagabay sa SPEEd at patuloy na sumusuporta sa direksiyong pinaniniwalaan ng grupo," sabi ni Mauricio-Arriola.


Kasama niya sa bagong hanay ng mga opisyal sina Maricris Nicasio ng Hataw (bise presidente—internal) at Gerardine Trillana ng Malaya Business Insight (bise presidente—external).


Sina Ervin Santiago ng Inquirer Bandera at Rohn Romulo ng People’s Balita ay nahalal na mga kalihim, habang sina Dondon Sermino ng Abante TnT at DWAR1494 at Anna Pingol ng Pika-Pika at Pilipino Star Ngayon ay magsisilbing mga ingat-yaman. Si Jerry Olea ng PEP ay itinalaga naman bilang auditor.


Ang mga inihalal na PRO ng grupo ay sina Nickie Wang ng Manila Standard, na muling nahalal, Neil Ramos ng Tempo at Janice Navida ng Bulgar.


"Habang pumapasok tayo sa isang bagong kabanata, nananatili tayong nakatuon sa pagsuporta sa mga komunidad at, sa pamamagitan ng taunang Eddys, patuloy na pinararangalan ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula na siyang dahilan kung bakit posible ang mga makabuluhang kuwentong ito," dagdag ni Mauricio-Arriola.


Ang beteranong mamamahayag na si Nestor Cuartero ng Tempo, Manila Bulletin, at The Market Monitor, ay patuloy na nagsisilbing tagapayo ng SPEEd.


Kabilang sa mga miyembro ng konseho ng mga nakaraang pangulo sina Ian Fariñas ng People’s Tonight, Eugene Asis ng People’s Journal, Salve Asis ng Pilipino Star Ngayon at PangMasa.


Ang iba pang miyembro ay kinabibilangan nina Dinah Sabal Ventura ng Daily Tribune, Jun Lalin ng Abante, Nathalie Tomada ng The Philippine Star, Bobby Requintina ng Manila Bulletin, Dindo Balares, retiradong editor ng Balita, at Rito Asilo, retiradong editor ng Philippine Daily Inquirer.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 30, 2025



SPECIAL - VICE, HIRAP NA HIRAP UMIYAK_IG _praybeytbenjamin

Photo: IG _praybeytbenjamin



Namugto ang mga mata namin sa premiere night ng MMFF entry nina Vice Ganda at Nadine Lustre na Call Me Mother kasama ang batang si Lucas Andalio.


Diretso naming sasabihin, sa lahat ng pelikula ni Vice taun-taon, ito ang pinakagusto namin kung saan gumanap siyang ina sa batang si Lucas na ang totoong ina ay si Nadine.


Kaiba sa mga naunang movies ni Vice, mas mabigat ang mga drama scenes dito lalo na ang confrontation nila ni Nadine sa ospital.


Nagawa ni Direk Jun Robles Lana na mag-level-up ang acting ni Vice para hindi lang puro comedy ang kayang ipakita, puwede ring magdrama.


Pero nang panoorin uli namin ang movie after Christmas, may napansin ang mga kasama naming nanood na hirap daw umiyak at magpatulo ng luha si Vice. Parang medyo kulang pa raw ang emosyon nito sa mga drama scenes.


Well, maaaaring hindi lahat ay ma-please ni Vice sa kanyang acting. Pero kung kami ang tatanungin, deserving si Meme sa Best Actor award niya dahil napanood din namin ang iba pang entries sa MMFF at kung iko-compare ang bigat ng role niya rito at ang effort na kanyang inilabas kumpara sa bigat na inilabas nina Zanjoe Marudo (UnMarry), Piolo Pascual (Manila’s Finest), Richard Gutierrez (Shake, Rattle and Roll: Evil Origins), Gerald Anderson (Rekonek), Carlo Aquino, Rocco Nacino, Enzo Pineda at Kean Cipriano (Bar Boys 2: After School), Earl Amaba (ImPerfect) at Will Ashley at Dustin Yu (Love You So Bad), mas angat pa rin ang naging performance ni Vice.


Pero dahil gusto naman ni Vice, laging may bagong io-offer sa kanyang mga fans, baka naman mas may ile-level-up pa ang acting niya depende sa ganda ng role.


At sabi nga ni Vice, kahit Best Actor na siya ngayon ng MMFF, hindi pa niya maituturing na peak ito ng kanyang career dahil si Lord lang daw ang makakapagsabi nu’n. Everyday is a learning experience for him.


So, sa mga nagdududa pa rin sa galing ni Vice Ganda sa Call Me Mother, watch na lang kayo para kayo na ang magsabi kung pasado ba ang acting niya sa standards n’yo.


Ang nakakabilib ay ang kaseksihan ni Nadine sa CMM, perfect ang figure niya to be a beauty queen. May mga nakapansin lang na tila nabago na ang ilong ng aktres at mukhang nagparetoke raw, gayundin ang kanyang lips.


Well, kung nagpa-enhance man siya, at least, bumagay sa kanya.


Bilib na bilib din kami sa galing ng batang si Lucas Andalio na pamangkin pala ni Loisa Andalio. Hindi lang super cute at lovable ang bagets, napakagaling pang umarte. Deserved niya ang Best Child Performer award sa Gabi ng Parangal ng MMFF.


Congrats to the whole team of Call Me Mother. May mga nagre-request na nga raw ng Part 2 pero mas gusto yata ni Direk Jun Lana na ibang story naman ang gawin nila ni Vice Ganda.





Barbie, inilalantad na in public…

RICHARD, MASAYA ANG LOVE LIFE



NAKITA namin si Richard Gutierrez sa 51st MMFF Gabi ng Parangal last Saturday at napakasipag niya talagang mag-promote ng kanilang entry na Shake, Rattle and Roll: Evil Origins dahil aniya, kahit nu’ng Pasko ay naglilibot sila sa mga sinehan.


Noche Buena lang daw talaga ang pahinga niya at bonding with the family dahil maghapon nu’ng December 24 at kinaumagahan ng Dec. 25, nag-cinema tour na sila to promote SRREO ng Regal Entertainment.


Kaya naman ang nilu-look forward ni Chard for 2026 ay magkaroon naman ng quick vacation bago simulan ang teleserye nila ni Gerald Anderson at another movie with Regal Entertainment.


Hiningi namin ang reaksiyon niya sa pagiging open na nila ni Barbie Imperial in public na tipong soft launch na rin ng kanilang relationship dahil wala pa talaga silang inaamin.


Napangiti ito at napatango at ang matipid na sagot, “Yeah, of course. Next time na, i-save natin ‘yan for 2026.”


Pero nang matanong kung happy ba ang love life niya, ‘di naman ito nag-deny, “Happy, happy. Dapat kayo rin, ha?”


Oh, ‘yan, ha? Mukhang may pasabog si Chard sa 2026 kaya abangan ang hard launch nila ni Barbie Imperial.


Palabas pa rin ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins kung saan kasama si Richard sa third episode na 2050.


 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 29, 2025



Vice Ganda

Photo: VIce Ganda / MMFF



Humakot ng awards ang pelikulang pinagbibidahan ni Piolo Pascual sa ginanap na Gabi ng Parangal ng 51st Metro Manila Film Festival nu’ng Sabado nang gabi sa Dusit Thani Hotel sa Makati.


A total of 7 awards ang napanalunan ng Manila’s Finest, habang 6 naman ang naiuwing trophy ng UnMarry na pinagbibidahan nina Zanjoe Marudo at Angelica Panganiban.


Pareho namang nag-uwi ng tig-3 awards ang Call Me Mother nina Vice Ganda (Best Actor) at Nadine Lustre kasama ang batang si Lucas Andalio (Best Child Performer) at I’m Perfect na pinagbibidahan ng mga batang may Down syndrome mula sa Nathan Studios ni Ms. Sylvia Sanchez.


Dalawang awards ang naiuwi ng Bar Boys 2: After School na pinagbibidahan nina Carlo Aquino, Rocco Nacino, Enzo Pineda at Kean Cipriano kasama ang veteran actress na si Ms. Odette Khan na nagwaging Best Supporting Actress. 


Naka-isang award naman ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ng Regal Entertainment, na in fairness, kahit ‘di humakot ng awards, No. 2 sa box office gross mula nu’ng magbukas ang MMFF last Dec. 25.


May mga naawa sa Rekonek na pinagbibidahan ni Gerald Anderson kasama ang Legaspi Family at Love You So Bad na pinagbibidahan ng love triangle na sina Will Ashley, Bianca de Vera at Dustin Yu na wala man lang naiuwing award kahit isa.


Inspirado pa naman si Gerald sa kanyang first MMFF entry bilang producer at sabi nga nito, kung magiging maganda ang outcome, magpo-produce uli siya next year. Aalamin namin kung may mababago sa desisyon ni Gerald kapag nakita namin itong muli.


Samantala, halos ma-speechless daw si Vice Ganda nang siya ang tawaging Best Actor para sa Call Me Mother. Hindi raw siya nag-prepare ng speech dahil ‘di siya umaasang mananalo. But still, umabot ng halos 8 minutes ang speech niya kung saan nabanggit nga niyang ang kanyang Best Actor award ang patunay na puwede ring maging aktor ang tulad niyang kabilang sa LGBTQIA+ community.


Nabanggit din ni Vice na taun-taon na lang ay pinaplano nila ni Ion Perez ang magkaroon na ng baby at ang role nga niya sa Call Me Mother bilang ina ay mas nag-inspire pa sa kanya na magkaroon na ng anak dahil naramdaman daw niyang ready na talaga siya.


Pero nang tinanong namin si Vice kung handa na ba siyang iwan ang kanyang showbiz career para makapag-focus sa pagkakaroon nila ng sariling anak ni Ion, sagot nito, “Hindi siya iiwan, hindi iiwan. ‘Yun din ang gusto naming maging conversation sa pelikulang ito, ‘yung kailangan ba talagang ano, kailangan ba talagang talikuran ng isang ina ‘yung kanyang mga pangarap para harapin ‘yung kanyang bagong assignment sa buhay, ang kanyang pagiging ina. Kasi ‘yun ang nangyari kay Nadine, eh.”


Sabagay, kung saka-sakali, hindi naman magbubuntis si Vice kaya keri pa rin naman niyang mag-work kahit mag-baby sila ni Ion.


Super happy naman kami para sa mga batang cast ng I’mPerfect lalo na kay Krystel Go na first movie pa lang ay nag-Best Actress na. Pinatunayan lang talaga nila ang isinisigaw nilang “Yes we can!”


Congrats kay Ms. Sylvia Sanchez ng Nathan Studios na naniwala sa kanila, gayundin kay Direk Sigrid Andrea Bernardo na siyang bumuo ng kuwento ng I’mPerfect.

‘Congrats din to all the winners this year na deserving naman halos lahat ng nanalo.


Heto ang kumpletong listahan ng mga winners sa 51st Metro Manila Film Festival. 


Best Picture: I’mPerfect

2nd Best Picture: Unmarry

3rd Best Picture: Manila’s Finest at Call Me Mother (tie)

Best Actress in a Leading Role - Krystel Go (I’mPerfect)

Best Actor in a Leading Role - Vice Ganda (Call Me Mother)

Best Director - Jeffrey Jeturian (Unmarry)

Best Actress in a Supporting Role - Odette Khan (Bar Boys 2: After School)

Best Actor in a Supporting Role - Tom Rodriguez (Unmarry)

Best Child Performer - Lucas Andalio (Call Me Mother)

Best Screenplay - Chris Martinez & Therese Cayaba (Unmarry)

Best Editing - Benjo Ferrer (Unmarry)

Best Cinematography: Raymond Red (Manila’s Finest)

Best Production Design: Digo Ricio (Manila’s Finest)

Best Sound: Roy Santos (Manila’s Finest)

Best Musical Score: Frederik Sandoval & Emerzon Texon (Manila’s Finest)

Best Original Theme Song: “Sandalan” by Vehnee Saturno (Manila’s Finest)

Best Visual Effects: Santelmo Inc. (Shake, Rattle & Roll: Evil Origins)


Special Awards:

Gat Puno Antonio Villegas Cultural Award: Manila’s Finest

FPJ Memorial Award: Bar Boys 2: After School

Special Jury Prize (Best Ensemble): I’mPerfect

Breakthrough Performance Award: Zack Sibug (Unmarry)


 
 
RECOMMENDED
bottom of page