top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 25, 2022


Kahit saan humantong ang usapan, kaligtasan pa rin ang kauna-unahang adhikain ng nagmamaneho maging ito man ay kotse o motorsiklo na madalas ay magkasabay na bumabagtas sa iisang kalye, kaya kailangan ang karagdagang pag-iingat.


Dapat maging malinaw sa ating mga motorista na ang motorsiklo ay may kaparehong karapatan at pribilehiyo, tulad ng kahit anong sasakyan na dumaraan sa kalsada—kaya mahalagang malaman kung anong klase ng pag-iingat at tamang trato sa mga nagmomotorsiklo para maiwasan ang aksidente.


Maghati sa kalye at hindi sa linya ang kotse at motorsiklo, kahit malaki ang espasyo ng linya ay hindi ito sapat para biglaang makagalaw ang isang nakamotorsiklo kaya kailangan nila ng espasyo para sa biglaang pag-iwas.


May pagkakataong sumasakop ng malaking espasyo ang nakamotorsiklo kung biglang may masasagasaan na puwedeng maging dahilan ng kanilang pagsemplang tulad ng lubak, bato at iba pang nakakalat sa kalsada na dapat nararamdaman din ng nagmamaneho ng kotse.


Hindi rin dapat tinututukan ng kotse ang motorsiklo dahil napakadelikado nito dahil mas unang kumakapit ang preno ng motorsiklo kumpara sa kotse, kaya madalas ay sumasalpok ang kotse dahil wala nang pagkakataon para makapagdesisyon.


Marami rin sa mga nagmomotorsiklo ang kulang na kulang ang kaalaman dahil sa biglaang pagbabago ng sistema ng transportasyon na dahil sa kagustuhang makapaghanapbuhay agad ay hindi na alintana ang kaligtasan basta mapaandar na lamang ang motorsiklo ay sapat na.


Alam dapat ng driver ng kotse na ang nakamotorsiklo ay bigla na lamang sumisemplang dahil inantok lang, nakasagasa ng busal ng mais, nadulas sa buhangin o basa at napakarami pang dahilan, kaya marapat lamang na magbigay ng sapat na espasyo para hindi magkarambola.


Tandaan din natin na kahit gaano pa kaganda o kamahal ang minamanehong motorsiklo ay hindi pa rin ito ganun kakumportable kompara sa kotse na bukod sa hindi bumabalanse ay naka-air condition pa kaya mas iretable ang nakamotorsiklo na limitado rin ang galaw ng ulo dahil sa suot na helmet.


Isa sa karaniwang aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo at ng iba pang sasakyan ay pag-u-turn o pag-turn left dahil madalas ay nakatabi sila sa malalaking sasakyan at hindi nakikita na nakasenyas sila para lumiko kaya muli ay dapat magbigay ng sapat na espasyo kung liliko ang kotse na may kasabay na motorsiklo.


Huwag magtiwala na ligtas ang intersections, lalo na sa madaling araw dahil marami ang nakainom ng alak ang nagmamaneho—kaya kapag umilaw na ang green light ay ugaliin pa ring tumingin sa makabilang bahagi upang masiguro na walang paparating na sasakyan.


May pagkakataon din na dahil sa maliit ang motorsiklo ay mahirap silang makita sa gabi o kaya ay hindi matukoy kung bisikleta lang na may ilaw, kaya hindi matiyak ang kanilang bilis na madalas ay binabalewala ng kotse kaya ang resulta ay aksidente.


Karaniwan din na ang motorsiklo ay bigla na lamang bumabagsak dahil nasagi ng kotse na bigla na lamang lumiko o lumipat ng linya ng hindi timingin sa side mirror o kaya ay bigla na lamang sumulpot ang motorsiklo na galing sa buwelo ng overtake.


Mahalagang-mahalaga na nagbibigay ng espasyo ang malalaking sasakyan sa tuwing mag-o-overtake at hindi dapat pinipinahan ang nakamotorsiklo dahil sa kaunting pagkakamali ay parehong puwedeng humantong sa disgrasya at luging-lugi ang ating mga ‘kagulong’ kahit maayos naman ang pagmamaneho.


Isinulat ko ang artikulo hindi para kunsintihin ang ating mga ‘kagulong’ dahil hindi naman lahat ng nagmomotorsiklo ay naglilibang lang, mas marami ang mahihirap nating kababayan na hinihintay ng pamilya na makauwi gamit ang motorsiklo at bitbit ang ihahain sa hapag-kainan, kaya magbigayan tayo sa kalye.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 22, 2022


Halos araw-araw ay may kinasasangkutang krimen ang dalawang magkaangkas sa motorsiklo na tinaguriang riding-in-tandem na dati-rati ay sa mga pagpatay lamang nasasangkot, ngunit ngayon—ultimo pangho-holdap hanggang sa snatching ay gumagamit na rin ng motorsiklo.


Talamak din ang nakawan at bentahan ng motorsiklo kahit walang kaukulang dokumento dahil hindi rin naman makabuhos ng operasyon ang elemento ng Philippine National Police (PNP) dahil sa milyun-milyong motorsiklo pa ang walang plate number.


Hindi naman natitigil ang legal na bentahan ng motorsiklo, kaya araw-araw ay nadaragdagan ang motorsiklo sa lansangan na walang plaka na sinasamantala naman ng masasamang-loob para gamitin ang pagkakataong ito sa paggawa ng krimen.


Humigit-kumulang nasa 19 milyong plaka ang backlog ng Land Transportation Office (LTO) nang matigil ang manufacturing nito dahil nagpasya ang LTO at Department of Transportation (DOTr) na isang disenyo na lang ng plaka at ipinagawa sa ibang supplier, matapos pumasa ang RA 11235 na ginawang harap at likod na ang plaka ng motorsiklo.


Noong nakaraang administrasyon ay pitong milyong plaka lamang ang kanilang nagawa, kaya kaawa-awa ang bagong LTO Chief na si Teofilo Guadiz III dahil 11 milyong plaka ang kanyang minana na isa sa tinitingnan nang pagdami ng krimen na gamit ang motorsiklo.

Ang nakikitang problema sa LTO ay ang pondong gagamitin sa paggawa ng plaka dahil ang lahat ng perang pumapasok sa kanilang tanggapan ay diretsong pumapasok sa National Treasury at humihingi lamang sila ng budget sa pamamagitan ng taunang GAA (General Appropriations Act) na may proseso pa sa ilalim ng Department of Budget and Management DBM).


Humingi ng P6.8 bilyong budget ang LTO, para sa karagdagang plate-making machine, ngunit ang isang machine ay nagkakahalaga ng P84 milyon, ngunit ang inilaan lamang ng DBM ay P4.7 bilyon samantalang dalawa lamang ang machine ng LTO—isa para sa kotse at isa para sa motorsiklo.


Nasa 450 plaka kasi bawat oras ang kaya ng isang plate-making machine na aabot lamang 3,600 sa loob ng walong oras na kung susumahin sa loob ng 30-araw kasama na ang Sabado at Linggo ay nasa 108,000 lamang—doblehin na natin ang shifting ng trabaho ay nasa 216,000 pa rin lang na talagang imposibleng matapos ang 11 milyong backlog.


Kahanga-hanga nga si Guadiz dahil ang lakas ng loob niyang magbitaw ng pangako na puntirya umano niyang matapos ang 90% ng backlog ng plaka ng motorsiklo hanggang katapusan ng Disyembre 2023 at hindi natin alam kung anong himala ang gagawin niya.

Dapat talaga ay pondohan ng sapat ang LTO para makabili ng karagdagang plate-making machine at maresolba na ang kawalan ng plaka sa bansa na napakatagal ng problema para mapadali rin ang trabaho ng PNP sa pagtukoy sa mga gumagawa ng krimen gamit ang motorsiklo.


Kung hindi naman kaya ang halaga ng karagdagang makina ay humanap ng pribadong contractor na kayang gumawa ng plaka upang mapadali ang problema basta’t makipag-ugnayan lamang sa Commission on Audit (COA) para maiwasan anumang alingasngas.


Ilang LTO Chief na ang nagdaan, ngunit nananatiling problema ang plaka ng sasakyan sa bansa at sana naman huwag tayong pumayag na matapos na naman ang administrasyong ito na kakapusan pa rin ng plaka ang isa sa maiiwang problema.


Siguro kung ang lahat ng kita, koleksyon at bayarin ay diretsong nasa pangangalaga ng LTO, baka wala tayong problema sa kakapusan ng plaka. Ano sa tingin ninyo?

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 20, 2022


Kahit kailan ang kakulangan ng tamang sistema kung paano maaayos ang lansangan na ginagalawan ng mga motorista at ng ating mga ‘kagulong’ ay hindi pulido at palagi na lamang may butas na nauuwi sa pagtatalo at minsa'y sa kaguluhan pa.


Tulad sa kahabaan ng Recto, Manila, mahigpit ang mga enforcer pagdating sa swerving kahit kapirasung-kapiraso lang dahil napakaikli lang naman ng kalyeng ito at kulang na kulang talaga sa buwelo ang mga sasakyan.


Ganyan din sa kahabaan ng Aurora, Blvd. sa bahagi ng V. Mapa, Manila, kapag nakalinya ang motorista sa second lane mula sa innermost lane at kumaliwa patungong V. Mapa kapag nag-go signal ay tiyak na huli ka.


Mabuti kung tinutuluyan, marami na kasing mga ‘kagulong’ natin ang nagrereklamo na nasita pero napapakiusapan naman umano ‘yung mga nanghuhuli—ang hindi ko lang alam kung paano napapalambot ang mga estriktong enforcer.


Ang nakakaawa ay ‘yung mga kababayan nating galing halimbawa ng Bicol na mahuhuli ng mga enforcer sa Manila—tapos kukumpiskahin ang lisensya, kaya kahit magkano ay maoobligang mag-alok ang kawawang nahuli, kung hindi nagkasundo ay tiyak na magmamaneho pabalik sa Bicol na ticket lang ang hawak na hindi naman kinikilala sa daraanang bayan.


Kaya nga malaking kaliwanagan ang inilabas ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na memorandum noong nakaraang buwan, Setyembre 14, 2022 para sa lahat ng Sanggunian, Mayor, Gobernador at mga DILG Regional Director.


Nakapaloob sa naturang DILG-DOTC (Department of Transportation and Communications) Joint Memorandum Circular NO. 01 s2008 na ang LGU ay puwedeng mag-isyu ng traffic violation ticket, pero bukod tanging ang Land Transportation Office (LTO) operatives lamang at ang deputized agent nito ang maaaring magkumpiska ng lisensya ng tsuper.


Hindi naman nagpatumpik-tumpik ang pamahalaan ng Quezon City at agad nagpakita ng pagsuporta sa inilabas na memorandum ng DILG, kaya matapos ang kautusan ay tumigil na agad ang kanilang traffic enforcer na magkumpiska ng driver’s license.


May ilang bayan at siyudad din sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagpaabot na ng suporta sa memorandum ng DILG dahil naaayon umano ito sa matagal ng desisyon ng Supreme Court—sa Republic Act 10930 ay nakapaloob na tanging ang LTO lamang ang maykapangyarihang kumumpiska ng lisensya may paglabag na tsuper.


Sa kabila ng mga pagkakaisang ito ay mariing tinabla ng pamahalaan ng Manila ang memorandum ng DILG dahil maykapangyarihan din umano sila na magkumpiska ng lisensya ng mga tsuper na lumabag sa batas-trapiko.


May mandato umano silang magkumpiska ng lisensya ng mga tsuper dahil binigyan sila ng kapangyarihan ng Local Government Code na gumawa ng sariling polisiya bukod pa sa umiiral na Ordinance No. 8092 o ang Traffic Code of Manila City na pinapayagan silang magkumpiska ng driver’s license sa mga may violation sa pagmamaneho.


Nakasaad naman sa Land Transportation Code—RA4136 na walang Sanggunian ng lalawigan, siyudad o bayan ang gagawa ng ordinansa o resolusyon na sasalungat sa umiiral na batas na tila hindi nabibigyang-pansin, kaya ngayon ay nangyayari ang banggaan ng DILG at pamahalaan ng Manila.


Tiyak namang magkakaroon ng pag-uusap ang magkabilang panig, pero sana lang ay bilisan para hindi humantong sa hidwaan ang enforcer ng Manila at mahuhuling tsuper, partikular ang aking mga ‘kagulong’ dahil tiyak na hindi nila ibibigay ang kanilang lisensya kung hindi operatiba ng LTO ang huhuli sa kanila—lalo na sa nakabasa at dala pa ang kopya ng artikulo kong ito.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page