top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 8, 2022


Pangunahing problema sa paglala ng daloy ng trapiko at madalas na aksidente sa lansangan ay ang iba’t.ibang estilo ng pagmamaneho na ngayon ay nakikitang problema, kung saan at kung paano natuto ng pagmamaneho ang tsuper.


Hindi dapat nagkakaroon ng diskriminasyon pagdating sa kalsada, ngunit kahit ano'ng gawin natin ay talagang umiiral ang pagkakahiwalay-hiwalay ng opinyon, lalo na kung ang nasasangkot sa aksidente ay pampasaherong sasakyan at pribado.


Maraming pangyayari na maging ang mga traffic enforcer ay may bahagya agad na pagkiling sa pribadong sasakyan kumpara sa pampasaherong jeep na minamaneho ng kakabayan nating payak na payak ang ayos at kulang sa kaalaman.


Ilang beses na tayong nakasaksi ng mga ganitong pangyayari na ang pobre nating kababayan na tsuper ng pampasaherong sasakyan ay basta na lamang sinisigaw-sigawan ng nagmamaneho ng pribadong sasakyan at karaniwan ay hindi natin natitiis at ating sinasaklolohan.


Palagi nating tandaan, ang karapatan ng bawat nagmamaneho sa kalye ay pare-pareho lang, walang maganda o pangit na sasakyan, walang malaki o maliit na sasakyan—kaya hindi dapat mataranta ang mga nagmamaneho ng motorsiklo kapag binu-bully ng malaking sasakyan sa pamamagitan ng sunud-sunod na pagbusina na tila pinatatabi sa kalye.


Ngayon ay naglalagablab na ang usapin hinggil sa tila mas disiplinado at maayos magmaneho ang mga driver na graduate ng driving school kumpara sa mga kababayan nating nagmamaneho nga, ngunit natuto lamang sa kapwa driver o kaanak na marunong magmaneho.


Ang katagang ‘kamote driver’, na ang ibig sabihin ay hindi kumpleto ang kaalaman sa pagmamaneho ay nagmula mismo sa mga instructor ng ilang driving school na ginagamit nila mismo sa pagtuturo para maipakita sa mga estudyante ang pagkakaiba ng graduate ng driving school.


Pero tila mali ang paniniwalang ito dahil maraming nagmamaneho ang hindi naman nagtapos sa driving school, ngunit mahusay at disiplinado kaya nga lamang ay may ilang hindi talaga kayang ipasa ang ibinibigay na eksaminasyon sa pagkuha ng driver’s license.


Noong 2017, ang Senado ay nagsagawa ng public hearing hinggil sa road safety at lumabas sa naturang pagdinig na kalahati umano ng populasyon ng driver sa bansa ay bumabagsak sa driving examination at isinisisi ito sa mga basta na lamang natutong magmaneho at hindi kumpleto ang edukasyon.


Ito ang naging pagkakataon para dumami na ang mga driving school na aprubado naman ng Land Transportation Office (LTO), ngunit sa totoo lang ay magkakaiba rin ang sistema sa pagtuturo ng mga ito at wala naman talagang sinusunod na standard maliban sa dapat matutong magmaneho.


Hindi naman ito katulad sa kolehiyo na may sinusunod na bilang ng units bawat subject—kahit saang eskwela mag-aral, dahil sa driving school ay depende sa bayad ang bilang ng sesyon may isang araw hanggang pitong araw, mayroon namang limang oras lang hanggang 15-oras, depende sa bayad.


May matinong driving school, mayroon ding hindi at may mga nag-aaksaya ng oras para ituro ang lahat ng traffic signs at violations, ngunit mayroon ding ang estilo ay hindi rin nalalayo sa pagtuturo ng ating kaanak o kapitbabhay na basta matuto lang mag-drive.


Ngayon nga ay pinag-aaralan natin kung paano maisasama sa curriculum ng high school o senior high school ang professional driving dahil may kasikipan na ang dami ng subjects—para awtomatiko sanang puwede na silang kumuha ng lisensya kung graduate na at sigurado tayong alam nila ang lahat ng panuntunan sa pagmamaneho.


Mayaman o mahirap ay hindi naman natin mapipigilang mag-aral magmaneho, kaya mas mabuting ituro na sa eskwela kaysa umasa sa turo ng kung sinu-sino lang o sa mga nagsisiyamang driving school na kani-kanya rin naman ng sistema sa pagtuturo.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 5, 2022


Ang motorcycle helmet law o ang Republic Act No. 10054 ay nilagdaan bilang batas noong Marso 23, 2010 na naglalayong ang ating mga ‘kagulong’, kabilang na ang driver at ang angkas nito ay kailangang magsuot ng standard protective motorcycle helmets sa lahat ng pagkakataon habang nagmamaneho, malayo man o malapit at sa lahat ng klase ng lansangan.


Sinuman ang mahuli na nagmamaneho ng motorsiklo na walang suot na helmet ay magmumulta ng P1,500 para sa unang paglabag; P3,000 naman para sa ikalawang paglabag; P5,000 para sa ikatlong paglabag at P10,000 para sa ika-apat at pataas na paglabag kasabay nang magkumpiska na sa driver’s license.


Dahil dito ay puspusan ang ginagawang pagsita ng mga traffic enforcer kabilang na ang mga kaanib ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO) at iba pang operatiba ng mga lokal na pamahalaan.


Sa kabila ng may katagalan nang umiiral ang helmet law ay ito pa rin ang nangungunang violation sa ating mga ‘kagulong’ na tila hindi na yata natututo o sadyang may katigasan lang ang ulo ng ilan sa ating palaging gumagamit ng motorsiklo.


Marami sa ating mga ‘kagulong’ ang sinisita ng mga traffic enforcer na ang iba ay pinagbibigyan naman o pinatatawad dahil maayos at valid naman ang pangangatwiran, ngunit marami rin ang mas napapahamak pa dahil sa maling rason o pilosopong pagsagot.


Tulad na lamang ng isang nag-viral sa social media na sinita ng traffic enforcer dahil walang suot na helmet ang kanyang angkas at walang kagatul-gatol na sinabi ng driver na, “Yung backride ang may violation, hindi ako” kaya imbes na maawa ang enforcer ay agad siyang inisyuhan ng ticket.


Isa pa sa gasgas na katwiran ng mga ‘kagulong’ nating walang suot na helmet ay “May bibilhin lang sa kanto” na posible namang totoo, ngunit puwede namang maglakad kung sadyang malapit lang ang tindahan, pero dahil nagdesisyong gumamit ng motorsiklo ay kailangang magsuot ng helmet at ‘yan ay maliwanag sa batas.


Nagkataon din na may ilang pag-aaral base sa opisyal na talaan na kinasasangkutan ng nakamotorsiklo na karaniwan sa motorcycle-related accidents ay nangyayari sa loob ng 5-kilometro mula sa tahanan ng biktima, dahil karaniwan ay kampante, kaya mas mataas ang tsansa ng aksidente.


Karagdagang impormasyon pa na ayon sa batas (Republic Act 10054) na kapag ang ating ‘kagulong’ ay nakasakay na sa motorsiklo at umaandar na ang makina ay dapat ng nakasuot ng helmet dahil kung hindi ay isa na itong violation.


Halos nasa 95% ng mga nahuhuli nating ‘kagulong’ ang hindi nagsusuot ng standard motorcycle helmet dahil sa kadahilanang napakamahal—kaya marami ang nagsusuot ng helmet para hindi lamang masita, kaysa sa magkaroon ng proteksyon sa oras ng aksidente.


Dahil sa paniniwalang mas madalas ang huli kaysa aksidente ay tuluyan nang naliko ang pag-iisip ng marami nating ‘kagulong’ at mas pinipili pang bumili ng mumurahing helmet kahit madaling mabasag kahit mabitawan lamang.


Meron namang kaya hindi nagsusuot ng helmet dahil sa naka-gel ang buhok o kaya ay bagong ligo at marami pang kadahilanan na hindi umano sila komportable, ngunit ang lahat ng ito ay hindi natin puwedeng katwiran sa mga traffic enforcer dahil ito nga ay ipinagbabawal.


Alam ba ninyo na ang isang helmet kahit orihinal at pasado sa international standard ay kailangang palitan sa oras na umabot na ng limang taon dahil ang kalidad nito ay hindi na sapat para bigyan ng proteksyon ang nagmomotorsiklo.


Malaki rin siguro ang magagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) kung sasakyan nila ang lantarang bentahan ng mga substandard na helmet sa mga bangketa na matagal nang ipinagbabawal dahil sa mas binibili ito ng ating mga ‘kagulong’ dahil mas mura at ayos naman ang porma.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 3, 2022


Dumagsa ang ipinadalang reklamo sa aming tanggapan dahil sa napakatagal ng problema hinggil sa grabeng singil ng pamasahe sa mga tricycle sa ilang lugar sa Maynila na tila walang batas na sinusunod ang mga matatapang na tsuper.


Marami ang naglipanang tricycle o pedicab na hindi miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ang kung saan-saan lamang nakaparada sa Maynila na nambibiktima ng mga dayuhang mamimili na daig pa ang patak ng metro ng taxi kung maningil.


Nalalagay din sa peligro ang buhay ng mga dayuhang pasahero dahil kapag hindi nagbayad sa pamasaheng idineklara ng driver ng tricycle o pedicab ay makararanas ng mura, pananakot at kapag minalas pa ay kukuyugin pa ng iba pang tricycle o pedicab driver.


Karaniwang tanawin ang pangyayaring ito sa maraming lugar sa Maynila, partikular sa Quiapo, Divisoria at mga kalye na malapit sa mga pamilihang nabanggit at sa hinaba-haba ng panahon na umiiral ang talamak na sistema ay wala kahit isa ang nasasakote.


May nagreklamo sa atin na mag-asawa na sumakay umano ng pedicab mula sa istasyon ng Light Rail Transit (LRT) sa Recto patungong Tutuban Mall sa Divisoria at nang tanungin nila ang driver kung magkano ang pamasahe ay tahasang sinabi na P150.


Tahasang sinabi ng driver ng pedicab na mas mahirap umano kasi ang pumadyak sa pedicab kumpara sa pagmamaneho ng motorsiklo at dumadaan umano sila sa mga loobang iskinita para hindi makaranas ng trapik ang mga pasahero.


Ang matindi pa sa karanasan ng mag-asawa, pagdating umano nila sa Divisoria ay agad silang nagbayad ng P150,00 ngunit tumanggi ang driver dahil dapat umano ay P300 dahil P150 ang bawat isa—nang magreklamo ang pasahero ay naglabas pa umano ng tubo ang driver na akmang manghahataw.


Upang makaiwas sa tiyak na kapahamakan ay walang nagawa ang mag-asawa kung hindi ang magbayad na lamang ng P300 kahit labag sa kanilang kalooban at ng magsumbong umano sila sa nakasalubong nilang pulis ay sinabi lamang nitong, “Mag-ingat kayo, marami rito n’yan”.


Ang pinakapopular na paliwanag ng mga tricycle at pedicab driver ay maliit lamang umano ang kanilang kinikita dahil malaki umano ang ibinibigay nilang lagay araw-araw at ang iba naman ay lingguhan ang bigay sa mga nakakasakop na kaanib ng Philippine National Police (PNP) bukod pa sa kinukolekta ng mga taga-city hall.


Panahon pa ng mga naunang administrasyon ay umiiral na ang naturang ‘lagayan’ na halos lahat umano ng opisyal maging halal man o hindi ay nakikinabang sa ipinaparating na ‘lagay’ para lamang makabiyahe nang hindi hinuhuli.


Dahil sa palaging sinasabi ng mga driver ng tricycle at pedicab ang ganitong pangyayari sa mga sumasakay na pasahero ay wasak na wasak ang imahe ng nakatalagang PNP at nakatalaga sa LGU na mga buwaya at hindi nabubusog sa pangongotong ang mga ito.


Pero bilang mambabatas ay hindi ako naniniwala sa pahayag ng mga abusadong tricycle at pedicab driver—lalo pa't babae ang mayor ng Maynila na si Honey Lacuna na imposibleng pumatol sa ganitong ilegal na gawain na ang biktima ay kapwa rin natin Pilipino.


Ang mga jeepney driver nga ay hirap na hirap humingi ng dagdag-pasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRB) pero ang mga tricycle at pedicab driver ay may sariling patakaran, pero hindi hinuhuli.


Sana naman ay kumilos ang lokal na pamahalaan at ang nakakasakop na PNP para mawala na ang mga abusadong ito dahil nadadamay ang ating mga ‘kagulong’ na sumusunod sa batas sa kanilang pamamasada dahil miyembro sila ng TODA at madaling malaman kung may nagrereklamong pasahero.


Pero kung hindi mawawala ang mga manlolokong tricycle at pedicab driver—lalo na ngayong magpa-Pasko at dagsa ang mga mamimili ay maliwanag pa sa sikat ng araw na totoo ang sinasabi ng mga dorobong tsuper.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page