top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 17, 2022


Maraming driver ang natuto lamang magmaneho ngunit hindi alam ang mga umiiral na panuntunan kung sakaling makagawa ng paglabag sa batas-trapiko at kung hanggang saan lamang ang mga umaarestong traffic enforcer.


Tulad na lamang ng operatiba ng Metro Manila Development Authority (MMDA)—bawal sa kanila ang nagkukumpulan mula dalawa o mas marami kapag may hinuhuli silang driver, maliban na lamang kung may special operation na sabay-sabay silang nanghuhuli ng smoke-belching o colorum buses.


Bawal kumpiskahin ang lisensya ng driver ng traffic enforcer kahit may paglabag sa batas-trapiko maliban na lamang kung sangkot sa aksidente o may 3 o mahigit pang unsettled violations.


Narito ang mga violation na puwedeng arestuhin ang driver: Allowing another person to use driver's license; Broken sealing wire; Broken taximeter seal; Colorum operation (cargo/passenger vehicle); Driving against traffic; Driving under the influence of Liquor or prohibited drugs.


Failure to surrender queue / dispatch number at designated exit area (OBR); Fake driver's license; Fake/altered taximeter seal; Fake/altered sealing wire; Fast/defective/non-operational/tampered taxi meter; Flagged up meter; Illegal or unauthorized counter-flow.


Illegal transfer of plates/tags/stickers; Joined/reconnected sealing wire; No driver's ID; Ignoring Organized Bus Route (OBR) interval timers (for 2nd offense); Skipping or bypassing designated OBR terminals or loading bays (for 2nd offense); Operating on contractual basis.


Out of line operation; Overcharging (with or without conductor) (for the 2nd offense); Overspeeding; Reckless Driving (2nd offense); Refusal to convey passengers to destination/trip-cutting (Taxis and Public Utility Vehicles); Refusal to render service to public (Taxis and Public Utility Vehicles).


Tampered sealing wire; Tampered taximeter seal; Tampering of OR/CR/CPC & other documents (spurious documents); Undercharging (without conductor); Undue preference/unjust discrimination; Using motor vehicle in commission of crime; Colorum Operation (passenger).


Ang mga nabanggit na administrative violations ay nangangailangan ng hindi bababa sa dalawang oras na seminar sa Traffic Academy—ngunit ang sinumang driver na may tatlo o higit pang hindi nababayarang violations ay kailangan ding dumalo sa seminars na ang haba ng oras ay depende sa resulta ng diagnostic exam.


Mahalaga rin na malaman ng hinuhuling driver kung bakit dapat o kailangang kumpiskahin ang kanyang lisensya ng Traffic Enforcer at kung ano ang dahilan at kung hanggang kailan ang bisa ng ibibigay na ticket.


Kung sakaling tumanggi ang driver na ibigay ang kanyang lisensya ay may karapatan ang Traffic Enforcer na tanggalin ang kanyang plate number alinsunod sa Section 74 & 75, MC 89-105.


Hinuhuli at binibigyan ng ticket ng enforcer ang driver na nagmamaneho ng private vehicle na dumadaan sa yellow lane, dahil ang linyang ito ay inilaan lamang sa mga bus na karaniwang nakikita sa ilang bahagi ng EDSA, Commonwealth, Cubao, Macapagal, Ayala at iba pa.


Bawat enforcer ay may bitbit na mission order kung saang lugar ang kanilang nasasakupan at kung anong oras ang kanilang duty upang maiwasan ang overlapping sa lugar at sa oras ng trabaho—lalo na 'yung mga nakatago sa dilim at nanghuhuli pa rin kahit dis-oras na ng gabi.


Kailangan din na ang traffic enforcer na mag-iisyu ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay kitang-kita ang nameplates at hindi na dapat ang maraming usapan at pagtatalo upang maiwasan ang pagkabuhul-buhol ng daloy trapiko at ilegal na transaksyon.


Bago hulihin ang may paglabag sa batas-trapiko ay kailangang i-flag-down ng enforcer ang sasakyan at siguruhing nakaparada sa gilid ng kalye na hindi makakaistorbo sa daloy ng trapiko at doon sasabihin ng maayos ng enforcer kung ano ang violation ng driver.


Wala rin karapatan ang enforcer na pababain ng sasakyan ang isang driver na hinuhuli at higit sa lahat ay wala ring karapatan ang enforcer na tumanggap ng bayad sa violation dahil masisilbi itong ‘lagay’.


Itinuturing ding valid na driver’s license ang mga sumusunod: ID Plastic Card; DLR / Temporary Driver's License; TOP (Temporary Operator's Permit); International Driver's License; Foreign License at Valid LGU OVR.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 13, 2022


Nagluluksa ang ating mga ‘kagulong’ hinggil sa sinapit ng isang rider na namatay, samantalang sugatan naman ang kanyang angkas nang salpukin umano ng sport utility vehicle (SUV) sa kahabaan ng Taft Avenue, Manila noong Oktubre 27 ng madaling araw.


Ayon sa arson investigator, ang naturang SUV ay Subaru Forester na may plakang AMC-528 ay bigla na lamang naglagablab na mabilis na natupok makaraan ang ilang sandali matapos ang aksidente.


Base sa imbestigasyon ng Manila Police District, ang biktima ay nakilalang si Hally Limzon Adon, 35-anyos na idineklarang patay matapos isugod sa Philippine General Hospital, samantalang sugatan naman ang angkas nitong si Shelmar Saltiban, 27.


Kumpara sa ibang salarin, nasangkot din sa mga kahalintulad na aksidente ay buong-buong tinatamasa ng suspek na si Matthew Asher Chio Rillo, 20-anyos, isang estudyante ng Scout Gandia, Quezon City ang kalayaan gamit ang lahat ng paraan para sa legalidad ng batas.


Habang isinusulat ang column ay pinaiimbestigahan na natin kung may kaugnayan ang suspek sa mga kilalang pulitiko sa Quezon City dahil hindi naman tamang makaladkad ang pangalan ng mga pulitikong kaapelyido lamang ng suspek.


Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District, bandang ala-1:40 ng madaling araw ay binabaybay ng magkaangkas na biktima, lulan ng motorsiklo ang kahabaan ng Taft Avenue nang bigla na lamang umano silang mabangga ng nabanggit na SUV.


Ang magkaangkas na biktima ay sabay umanong tumalsik sa kanilang motorsiklo dahil sa lakas ng pagkakasalpok dahilan din ng pagsabog at paglagablab ng SUV.


Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, si Rillo ay nasa ilalim ng impluwensya ng alak base sa kanyang galaw at pananalita na mariin namang itinatanggi ng suspek.


Maliban sa incident report o police blotter ay hindi pa umuusad ang pangyayaring ito na sa ngayon ay wala pa namang nalalabag na batas, ngunit nababahala ang ating mga ‘kagulong’ na tila may special treatment umano para sa suspek.


Inaalala ng ating mga ‘kagulong’ na baka matulad ang kasong ito sa naganap noong nakaraang Setyembre na isang security guard ang pilit na sinagasaan ng SUV sa Mandaluyong City at mabilis na tumakas.


Hindi ba’t paglutang ng salarin ay may mga kasama pang padrino at nagawa pang magpatawag ng press conference na hindi basta nagagawa ng mga ordinaryong nasasangkot sa kahalintulad na kaso.


Ang pinakahuling balita sa pangyayaring ito ay pinatatawag na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver/owner ng SUV noong Nobyembre 7 ng alas-10 ng umaga—isang show cause order ang inilabas ng Intelligence and Investigation Division (IID), ngunit sa hindi pa mabatid na kadahilanan ay nabago ang schedule.


Pinagsusumite ang driver/owner ng SUV ng letter to comment o paliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng Reckless Driving While Under the Influence of Alcohol at kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya dahil sa Improper Person to Operate a Motor Vehicle base sa probisyon mula sa Sec. 27 ng Republic Act 4137.


Sinubukan nating makipag-ugnayan sa tanggapan ng LTO, ngunit sinabi nilang ang nagbigay ng 10-araw ang IID—hanggang Nobyembre 18 na magsumite ng verified answer/manifestation hinggil sa kaso, bilang konsiderasyon umano sa dalawang criminal proceedings na isinampa laban sa respondent.


Labas tayo kung maimpluwensya ang suspek dahil nakaalarma na naman ito, ang inaalala ko lang ay ang katarungan para sa ating ‘kagulong’ na binawian ng buhay ng wala sa oras, kaya tututukan natin ang kasong ito para hindi ma-hocus-pocus

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 10, 2022


Bigo ang malalaking kumpanya ng bus na bumibiyahe sa mga lalawigan na maibalik ang dati nilang lakas sa paghahatid ng pasahero dahil hindi na nila maalis sa lansangan ang mga colorum na van na umagaw ng mahigit sa kalahati ng dati nilang pasahero.


Nabatid na nagsulputan ang mga colorum na van noong kasagsagan ng pandemya na halos wala nang bumibiyahe dahil bukod sa napakahigpit sa mga travel pass ay nagsara ang malalaking kumpanya ng bus.


Habang kabi-kabila ang napakahigpit na checkpoint noong kasagsagan ng pandemya ay tumibay naman ang relasyon ng ilang tauhan ng The Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group ng Philippine National Police (HPG-PNP) sa mga may-ari ng van.


Isa sa maayos na maayos ang sistema ay ang mga van na bumibiyahe patungong Bicol-Manila at Manila-Bicol na talagang pinahirapan ang industriya ng mga bus na ngayon pa lamang unti-unting bumabangon, ngunit nakararanas ng paghina dahil sa ganda ng operasyon ng van.


May tumatayong call center mula Samar, Sorsogon, Masbate at Albay na siyang tumatanggap ng tawag mula sa mga pasahero at sila namang nakikipag-ugnayan sa mga driver ng van para sunduin sa bahay ang mga pasaherong bibiyahe patungong Manila.


Door-to-door ang ibinibigay na serbisyo ng mga van, susunduin halimbawa sa bahay sa Manila ang pasahero at ihahatid ito sa bahay kahit saang bahagi ng Bicol o Masbate pa ‘yan at halos pareho lang ang pamasahe sa bus.


Ang mga pasahero na galing probinsya na ayaw nang bumaba sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dahil napakalayo umano at kailangan pang mag-taxi o magdagdag ng karagdagang biyahe ay mas pinipili ang ginhawang hatid ng van.


Malaking bagay din na halos 18 katao lang ang laman ng van kasama na ang dalawang driver na nagpapalitan dahil kahit anong oras magsabi ang pasahero na kailangang magbanyo ay agad nilang napagbibigyan kumpara sa bus na may oras lang kung kailan hihinto at nagdurusa sa sakit ng pantog ang mga pasahero na nagpipigil sa pag-ihi.


Higit sa lahat ay walang inspektor ang mga bumibiyaheng van na gumigising sa mga pasahero sa gitna ng biyahe para lamang tanungin kung bayad na at higit sa lahat ang mga van ay tumatanggap ng bayad sa pamamagitan ng G-Cash.


Maganda rin ang sistema ng tulungan ng mga driver ng van dahil lahat sila may social media group kung saan ay nagpapasahan sila ng impormasyon kung sakaling may problema sa daraanan, tulad ng baha, aksidente at biglaang paglalagay ng checkpoint ng mga operatiba.


Sa ngayon ay humigit-kumulang sa 100 colorum na van ang bumibiyahe sa linya ng Bicol-Manila-Manila Bicol na hindi hinuhuli ng operatiba ng HPG-PNP, LTFRB at LTO dahil nakatimbre at maayos ang kanilang samahan.


May pagkakataon ding nanghuhuli ang LTO at LTFRB sa bahagi ng Camarines Norte, Tagkwayan, Del Gallego at iba pang bahagi ng Bicol dahil may mga colorum na hindi nakatimbre at basta na lamang pumapasada kaya karaniwan ay ini-impound ang mga ito.


Kapalit para hindi ma-impound ang colorum van na hindi nakatimbre ay tumataginting na P50,000—walang resibo dahil sa ilalim ng puno lang nagaganap ang transaksyon at hindi na umaabot sa tanggapan ng LTFRB o LTO sa naturang lugar.


Hindi natin sinasabing sangkot ang Central Office ng LTFRB at LTO sa nangyayaring sistema sa Region 5 dahil posibleng ang kanilang operatiba lamang ang nakakaalam nito kaya lamang ay nadadamay ang pamunuan dahil unipormado ang kanilang operatiba kapag nangha-harass sa kalye ng hindi nakatimbreng colorum na van.


Harassment dahil moro-moro at pera-pera lang ang operasyon, sana ay magkaroon na ng prangkisa ang mga van na bumibiyahe ng probinsya para sa gobyerno na mapunta ang lingguhan nilang ‘lagay’ at hindi na sila gawing gatasan.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page