top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 24, 2022


Nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) na manatiling ‘top priority’ ang kaligtasan sa kalsada sa pagdiriwang ng “National Day of Remembrance for Road Crash Victims, Survivors and Families”.


Alinsunod umano ito sa pagpapatupad ng Philippine Road Safety Action Plan (PRSAP), kaya dapat lang na isama rin sa panawagan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang nagpapatupad ng Radio Frequency Identification (RFID) sa mga tollway.


Hindi na mabilang sa daliri ang mga aksidenteng naganap dahil sa kakulangan ng malasakit ng DPWH sa mga sirang tulay, pampublikong imprastruktura, sirang kalsadang, may malalaking lubak, ngunit hinihintay munang may mangyari sakuna bago umaksyon.


Hindi ba’t may dalawang sasakyan ang nahulog sa ginagawang Obispo Bridge sa Antero Soriano Highway, Tanza, Cavite na ikinamatay ng isa at lima naman ang nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahil kakulangan ng maayos na babala.


Kung ang malalaking sasakyan ay hindi nakakaligtas sa mga aksidenteng hindi sana nangyari ay mas lalong nasa delikadong kalagayan ang ating mga ‘kagulong’ na araw-araw ay nagmamaneho gamit ang kanilang motorsiklo.


Alam naman nating mas malapit sa sakuna ang mga nakamotorsiklo kumpara sa four-wheel vehicle dahil nangangailangan pa ito ng kombinasyon ng pisikal at mental na kahandaan dahil bukod sa init ay kalaban din ang masamang panahon at higit sa lahat ay ang kondisyon ng kalyeng dinaraanan.


Ayon sa pinakahuling ulat ng Metro Manila Accident Recording and Analysis System (MMARAS), ang Metro Manila Development Authority (MMDA) umano ay nakapagtala ng kabuuang 26,768 aksidente sa kalsada noong nakaraang taon na kinasasangkutan ng mga nakamotorsiklo lamang.


May mga bumangga o nabangga ng kotse, mayroon namang motorsiklo sumalpok sa kapwa motorsiklo ngunit mataas na porsiyento umano ay bigla na lamang sumemplang o humagis ang isang nakamotorsiklo dahil sa hindi nakaiwas sa lubak.


Lalo nitong nagdaang Bagyong Paeng na rumagasa ang tubig-baha sa maraming kalsada sa bansa ay nagkalat ang mga butas ng kalye na labis na nagpapabagal sa daloy ng trapiko at sa gabi ay napakadelikado at hindi malayong may mamatay na naman tayong kababayan dahil diyan, kaya dapat bilisan naman ng DPWH ang kilos kahit tapal-tapal lang.


Isa pa sa mga dapat ayusin ang sistema ay ang RFID na kaya ipinatutupad ay para mapabilis ang pagdaan ng mga sasakyan sa mga toll gate ngunit hindi talaga ito mapulido at palagi na lamang tayong nakararanas ng problema.


Hindi ba’t sa kasagsagan nang pagpapatupad ng Metro Pacific Tollways Corporation sa RFID sa North Luzon Expressway (NLEX) ay sangkatutak na problema ang ating naranasan kumpara ngayon na may pagkakataon na lamang na pumapalya ang sensor at ayaw tumaas ng toll gate barrier.


Pero mas malala ang kinahaharap na problema ng Skyway O&M Corporation (SOMCO) dahil sila ang itinalaga ng Toll Regulatory Board (TRB) na mangalaga sa South Metro Manila Skyway Projects (SMMS) kabilang ang traffic safety, management, maintenance at toll collection.


Kaso may pagkakataong imbes na mapabilis sa pagdaan sa Skyway ay mapepeste pa sa haba ng pila ng sasakyan sa toll gate dahil sa ayaw na namang gumana ng sensor at lahat ay kailangan pang gumamit ng card para makadaan.


Ganyan din ang nangyari noong Huwebes nang hindi rin gumana ang Autosweep RFID na pinamamahalaan naman ng San Miguel Corporation (SMC) na nagdulot ng sobrang haba ng pila ng sasakyan sa South Luzon Expressway (SLEX) na umabot pa umano hanggang Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway.


Bukod sa SLEX ang iba pang tollways na pinamamahalaan ng SMC ay ang STAR, Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAX) at Skyway ay pare-parehong nakararanas ng problema sa RFID-linked electronic toll tag reader at nagdurusa ay ang mga motorista.


Nagbabayad naman ng maayos ang publiko sa singil na gusto n’yo, sana lang ay puliduhin n’yo naman ang serbisyo at huwag n’yo gamitin ang media para pagtakpan ang kapalpakan ninyo—pati na rin ang DPWH.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 22, 2022


Kabi-kabila na ang nagaganap na protestang kinasasangkutan ng mga delivery rider na kung ating pakikinggan ay may punto ang kanilang ipinaglalaban at hindi tayo basta nanghihimasok lang dahil ang laban ng ating mga ‘kagulong’ ay laban din natin.


Bilang unang Representative ng 1-Rider Party List ay hindi tamang panoorin na lang natin ang mga kababayan nating rider na ang ipinaglalaban ay ang kanilang hapag-kainan at hindi makatarungang pagtrato sa kanila bilang rider.


Noong nakaraang linggo lamang ay binatikos ng Digital Pinoys ang Grab Philippines dahil umano sa hindi makatarungang pagtrato sa kanilang delivery rider, kaya ipinaglalaban nilang hindi dapat makapasok sa motorcycle industry ang naturang kumpanya.


Ayon sa tagapagsalita ng Digital Pinoys, ang naganap na protesta ng mga rider ng Grab Philippines sa Cebu ay ilan lang sa maliliit na isyu laban sa kumpanya at katunayan ay may nauna nang protesta laban dito ang mga Grab rider sa Pampanga.


Hindi naman natin alam kung ano ang motibo ng Grab Philippines dahil nagpalabas sila ng pahayag na hindi umano sila naniniwala na lehitimong rider ang nagsagawa ng protesta sa Cebu.


Pekeng Grab delivery partners umano ang nagsagawa ng protesta sa Cebu habang ang mga lehitimong Grab Philippines partners umano’y abala sa kanilang trabaho ng mga sandaling iyon.


Nanindigan ang Grab na ang mga inilalabas na hinaing ng mga ‘kagulong’ natin na nagsagawa ng protesta sa Cebu ay walang kinalaman sa tunay na saloobin ng kanilang delivery partner na sa katunayan ay nagpapasalamat pa dahil nagkaroon sila ng hanapbuhay.


Ipinaliwanag pa ng Grab na dumarami umano ang mga kumakain sa labas dahil bukas na lahat ang mga restaurant, kaya naka-waive na ang kanilang komisyon habang ang kita ng mga rider ay ganun pa rin.


Pero paano kaya idedepensa ng Grab na hindi lang ang mga taga-Cebu ang nagsagawa ng protesta dahil ilang buwan lang ang nakararaan ay nagprotesta rin ang ating mga ‘kagulong’ sa Pampanga laban din sa Grab.


Nagsama-sama ang ating mga ‘kagulong’ sa Angeles City, Pampanga matapos magbagsak umano ng presyo ang Grab dahil nagkaroon ito ng promo na hindi pa natin batid kung ano na ang kinahinatnan.


Halos kahalintulad din ito ng protesta ng mga delivery rider sa Cebu dahil hindi umano makatarungan ang ginawang pagtapyas ng Grab sa ibinabayad sa kanila—tapos tinawag pa sila ngayong pekeng rider.


Kaya inalam natin kung sino nga ba itong inaakusahang grupo ng ating mga ‘kagulong’ na nag-aksaya pa umano ng panahon at nagpanggap ng mga delivery rider ng Grab para lamang manggulo.


Sila pala ang United Delivery Riders of Cebu, ang grupo ng mga rider ng food and delivery hailing apps, na nagsagawa ng protesta para kunin ang atensyon ng Central Visayas management ng Singapore-based technology company dahil umano sa pagtapyas ng kanilang incentives at delivery pay.


Mahigit umano sila sa limampung rider na nagsama-sama sa Fuente Osmeña Circle, Cebu City noong Nobyembre 10 para ipagsigawan ang ‘unfair labor practices’ laban sa Grab.


Maraming media ang dumalo sa naturang protesta at naka-live pa ito sa Facebook page ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong manggagawa (Sentro)—isang grupo ng nakatuon sa kapakanan ng mga manggagawa.


Hindi umano pinapansin ng Grab ang kanilang hinaing at nais nilang magkaroon na umano fare matrix at maging transparent sa pagkuwenta ng kanilang mga kita.


Naniniwala naman tayo na aaksyunan ng Grab Philippines ang hinaing ng ating mga ‘kagulong’ pero hindi dapat akusahan silang mga pekeng rider dahil hindi sila mag-aaksaya ng panahon laban sa Grab kung hindi sila konektado.


Ngayon kung hindi magiging maayos ang kalagayan ng ating mga ‘kagulong’ sa Grab ay huwag kayong mawalan ng pag-asa dahil kakampi ninyo ang inyong lingkod para sa mga hinaing.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 19, 2022


Pangarap ng marami sa ating mga kababayan ang magkaroon ng sariling sasakyan—maging kotse man o motorsiklo ay nakadepende sa kung ano ang kaya ng budget ngunit paano natin matitiyak na ang sasakyan nating bibilhin ay hindi tayo mapapahamak?


Dalawang kapahamakan ang naghihintay sa mga taong bumibili ng segunda-manong sasakyan—una ay maloko sa pag-aakala na maayos pa ang sasakyan dahil maayos ang pintura, ngunit paglipas lamang ng ilang linggo ay maglalabasan na ang lahat ng sira nito.


Ikalawa ay maloko sa dokumento—maraming bumili ng segunda-manong sasakyan ang sa halip na makaranas ng ginhawa dahil sa may bagong biling sasakyan ay sa kulungan pa bumagsak dahil peke pala lahat ng dokumento dahil nabentahan ng carnapped vehicle.


Kaya heto’t bibigyan natin ng tip ang mga ‘kagulong’ nating nais bumili ng segunda-manong sasakyan para mapalaban naman ng tama ang inipon nilang pera at hindi sila masadlak sa pagkalugi o kulungan.


Higit na mura ang bumili ng second hand na sasakyan kumpara sa bago kaya marami sa ating mga kababayan ang naeengganyo at lumalabas sa datos na inaasahang papalo sa 1.9 milyon ang sales volume ng ipinagbibiling unit sa katapusan ng 2023.


Unang dapat gawin sa pagbili ng segunda-manong sasakyan ay dapat matiyak kung ano ang pangangailangan bago magsimulang maghanap, gumawa ng shortlist para sa mga ipinagbibiling sasakyan at magtakda ng oras para makita ang hitsura.


Inspeksyunin itong mabuti o magsama ng marunong sa sasakyan, subukang imaneho at kung sa tingin ninyo ay maayos naman, ikonsidera ang presyo kung akma pa sa segunda-manong sasakyan.


Huwag ding kalilimutan ang magiging karagdagang gastos sa pagkakarga ng gasolina at kung may lugar ba na puwedeng gamiting garahe para hindi maging karagdagang problema sa kalye o eskinita ng inyong lugar.


Bagama’t bihira ang nagbibigay ng warranty sa mga nagbebenta ng second hand ay may ilang car dealers na nag-aalok ng karagdagang in-house warranty o warranty by a third party insurer na karaniwan ay isang taon mula ng binili.


Unang dapat alamin sa pagpili ng second hand na sasakyan ay ang mileage upang makita kung gaano na kalayo ang tinakbo nito, ngunit tiyakin natin na ang odometer ay hindi pa nakalikot ng mga eksperto para kamutin paatras ang takbo para mapalabas na hindi pa laspag.


Tingnan ang Engine—kung maitim na ang langis ay indikasyon ito na pabaya ang dating may-ari, normal lang naman ang mga minor scratches, ngunit dapat tiyaking maayos ang Exterior, walang grabeng retoke ng bangga na tinambakan ng makapal na masilya.


Bugahan ng tubig ang windshield para makita kung may tagas sa loob at kung walang malalim na gasgas dahil napakamahal magpapalit ng windshield at tingnan na rin kung gumagana ang wiper.


Tiyaking walang kalawang, tingnan kung makapal pa ang gulong at kapain kung may malalim na gasgas ang rims na karaniwan ay pinipinturahan lang at pihitin ang manebela at sipatin kung hindi sumasayad ang mga gulong sa tapalodo.


Subukan ang ilaw, busina, aircon, radio kung gumagana pati na rin ang bluetooth, USB, DVD at pakinggang mabuti ang tunog ng makina kung walang kakaibang maririnig na hindi aprubado ng mekaniko.


Kung ayos na ang lahat, karaniwan ay car dealer ang nag-aayos ng dokumento, ngunit dapat tiyaking kumpleto ang mga requirements para masigurong legal ang bentahan bago dalhin sa Land Transportation Office (LTO).


Release of Chattel Mortgage (if car has an active loan); Original Office Receipt and Certificate of Registration from LTO; Philippine National Police — Highway Patrol Group Clearance; Deed of sale with assumption of car mortgage; Latest Official Receipt of Payment for the Motor Vehicle User’s Charge; Compulsory Motor Vehicle Liability Insurance (CTPL) at Approved Motor Vehicle Inspection Report (MVIR).


Kung hindi kumpleto ang mga binanggit kong requirements ay magdalawang-isip na sa pagbili ng sasakyan dahil baka sa kulungan ang posibleng hantungan.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page