top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | December 6, 2022


Hindi pa man ako ipinapanganak ay problema na ang korapsyon sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) at hanggang ngayon ay kabi-kabila pa rin ang reklamo hinggil sa naturang ahensya.


Mula sa mga fixer sa lahat ng tanggapan, kasabwat na empleyado, kaya patuloy ang pamamayagpag ng mga fixer at maging ang mga operatiba ng LTO ay nakatatanggap tayo ng sumbong na sangkot din sa iba’t ibang klase ng pangongotong.


Hindi natin ito isinulat para banatan lang ang tanggapan ng LTO dahil hindi naman lahat ay sangkot sa anomalya, kung hindi nais nating bigyan ng suporta ang bagong pamunuan na kinakitaan natin ng pagpupursige na linisin ang korapsyon sa buong ahensya.


Bagong talaga kasing LTO chief si Atty. Jose Arturo ‘Jay Art’ Tugade, na anak ni dating Department of Transportation Secretary Art Tugade na naramdaman din naman ang pagsisikap sa panahon ng kanyang panunungkulan noong nakaraang administrasyon.


Sa pag-upung-pag-upo ni LTO Chief Jay Art ay inanunsiyo agad niyang nais niyang wakasan ang korapsyon sa LTO gamit ang makabagong teknolohiya, lalo na sa pagpaparehistro ng sasakyan at pagkuha ng lisensya.


Ibig sabihin, siya mismo ay naniniwala na talamak talaga ang korapsyon sa buong ahensya dahil ito agad ang nais niyang baguhin na napakalaking hamon at kahanga-hanga kung mapagtatagumpayan niya ang inuugat ng problemang ito ng korapsyon.


Bagong dugo at bata pa si LTO Chief Jay Art, kaya naniniwala tayong isang araw ay may darating na bagong sibol na seryosong nais ayusin ang tulad ng tanggapan ng LTO na tila hindi na makaahon sa napakapangit na imahe.


Maganda ang planong bawasan o tuluyan nang alisin ang human intervention sa pag-aayos ng rehistro ng sasakyan o pagkuha ng lisensya gamit ang makabagong teknolohiya, dahil bawat taong daraanan sa naturang ahensiya ay hindi maiwasang pahirapan ang sitwasyon para magkaroon ng dahilan na maglagay.


Kaso may kinahaharap na problema si Chief Art Jay dahil hindi maayos ang operasyon simula nang gawing computerized ang sistema ng LTO dahil dalawa ang kanilang IT provider na nagdulot ng kaguluhan.


Hanggang ngayon ay nand’yan pa rin ang dating provider na Stradcom, samantalang hindi pa naisasaayos ng Dermalog bilang bagong provider ang IT system sa mga tauhan ng LTO na ilang araw nang tila may kakaibang sitwasyon sa naturang ahensya.


Kaya nga noong nakaraang linggo lamang ay naglabas ng kautusan si Chief Art Jay na bawal nang pumasok, maging sa labas ng tanggapan ng LTO ang mga umaali-aligid na fixer dahil hinihinalang isa sa mga provider ay nakikipagsabwatan umano sa mga fixer.


Hindi nga naman kasi magtatagal ang mga fixer kung walang kasabwat sa loob ng LTO, kaya’t tama lang ang banta ni LTO Chief Art Jay na sasampahan umano ng kasong paglabag sa RA11032 o “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act” ang sinumang mahuhuling nakikipagsabwatan sa fixer.


Inatasan din ng bagong LTO Chief ang mga regional directors na linisin ang kanilang hanay at pabilisin ang sistema upang hindi na magkaroon ng pagkakataoon ang mga fixer na makialam. Mahalaga na ang pagkuha ng lisensya at pagpaparehistro ng sasakyan na hindi daraan sa kamay ng mga fixer para hindi makalusot kung sakaling may problema ang sasakyan at matiyak na talagang marunong magmaneho ang kumukuha ng lisensya.


Suportado natin ang LTO sa paglaban sa korapsyon dahil matagal ng pangarap ng marami nating kababayan na malinis na ang ahensyang ito para sa kapakanan na rin ng ating mga ‘kagulong’. Goodluck!

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | December 3, 2022


Isa sa malalaking dahilan ng aksidente ng motorsiklo sa bansa ay dahil sa kakulangan ng tamang pangangalaga sa kanilang sasakyan kabilang na ang pagkakabit ng mahinang klase ng piyesa at iba pang aksesorya na sa gitna ng pagmamaneho ay biglang nasisira kahit kabibili pa lamang.


Ito ay dahil nagkalat ang mahihinang klase ng piyesa sa merkado na ipinamamalit sa mga parte ng motorsiklo na nasisira at ipinagbibili sa murang halaga, ngunit hindi dumaan sa tamang pagsusuri.


Karaniwan ay imported at sinasabi lamang ng mga nagtitinda na mahusay at galing sa Japan dahil sa imahe nilang matibay ang kanilang produkto, ngunit ang katotohanan ay galing ito sa bansang puro low quality ang mga produkto at hindi nagtatagal.


Sa puntong ito ay talung-talo ang ating mga ‘kagulong’ na bumibili ng piyesa dahil ilan lang naman ang may kakayahan o marunong tumingin ng piyesa at karamihan ay umaasa na lamang sa paliwanag ng nagtitinda at walang pinanghahawakan kung maayos o tatagal talaga ang mga biniling piyesa.


Bilang unang representante ng 1-Rider Party-list ay naghain tayo ng panukalang batas na naglalayong matiyak na ang lahat ng motorcycle parts at accessories na ibinebenta sa merkado ay sumusunod sa ipinatutupad na regulasyon sa modipikasyon ng motorsiklo ng Land Transportation Office (LTO).


Ito ang House Bill 6445 o “The Aftermarket Motorcycle Parts and Accessories Retail Protection Act” noong 29 Nobyembre 2022 na magbibigay-proteksyon sa kapakanan ng ating mga ‘kagulong’ na karamihan ay labis na pinaghihirapan ang kanilang pambili.


Ang “aftermarket motorcycle parts and accessories” ay tumutukoy sa mga item na makatutulong upang gawing mas ligtas at higit na mahusay ang takbo ng motorsiklo at mas mabigyan ng ginhawa ang nagmamaneho sa mahabang panahon.


Ang binabanggit nating item ay tulad ng windscreen, gulong, preno, side mirror, head light, turn signal, muffler, air filter at motorcycle stand, na karaniwang binibili at ikinakabit sa mga motorsiklo.


Hangad ng panukala natin na mapangalagaan ang kapakanan ng iba’t ibang klase ng riders sa bansa, lalo na ‘yung delivery riders na bumibili ng motorcycle parts and accessories na dapat awtomatikong nakatatanggap ng warranty sa mga piyesang kanilang binibili.


Kailangang maliwanag na nakasaad ang warranty sa resibo o may bukod na dokumento upang may pinanghahawakan ang ating mga ‘kagulong’ o kaya’y may karapatan ang bumili na bawiin o ibalik ang kanilang pera kapag mapatunayang ang nabiling piyesa ay hindi pasado sa pamantayan ng LTO.


Umiiral na kasi ang naturang pamantayan ng LTO tungkol sa aftermarket motorcycle parts at accessories, subalit naglipana pa rin ang mga produktong hindi naman pasado at walang kamuwang-muwang ang marami nating ‘kagulong’.


Maraming riders ang nahuhuli dahil nagkabit ng piyesa o accessory na hindi pasado sa LTO regulation, ‘yung iba kinukumpiska o kaya’y nakikita sa inspeksyon kung nagpaparehistro ng motorsiklo—kawawa ang ating mga ‘kagulong’ dahil pinag-ipunan nila ang inaakala nilang legal.


Sa Section 5 ng ating panukala ay nakasaad na dapat mag-isyu ang retailer ng ‘express warranty’ na tukoy ang petsa, sino ang nag-install, pasado sa LTO at dapat bigyan ng kopya ang bumili.


Sa Section 6 naman ay nakasaad na kapag natiyak na ang aftermarket parts at accesories ay hindi sumunod sa LTO regulation at mali ang pagkaka-install ay maaaring bawiin ng bumili ng buung-buo ang kanyang ipinambayad.


At higit sa lahat, nakapaloob din sa ilalim ng House Bill 6445, na ang Department of Trade and Industry (DTI), sa pakikipag-ugnayan sa LTO, ang magiging pangunahing ahensya ng pamahalaan na magmo-monitor sa pagpapatupad ng batas na ito.


Kapit lang mga ‘kagulong’ dahil kapag isa nang ganap na batas ang panukalang ito ay malaking tulong ito para sa kapakanan ng ating mga kababayang kaakibat na ng kanilang buhay ang motorsiklo.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page