top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 2, 2023


Habang lumilipas ang panahon simula nang maupo ang bagong pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), tila padami nang padami rin ang problemang kinakaharap na halos hindi na nila maresolba ng maayos.


Sa dami ng matitigas ang ulo na tsuper at operator, hindi talaga makontrol nang tuluyan ng operatiba ng LTFRB, Land Transportation Office (LTO), Department of Transportation (DOTr) at ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police (HPG-PNP).


Sa kabila ng araw-araw nilang operasyon na manghuli ng kolorum, hindi nila kayang ubusin ang dami ng bilang ng kolorum, lalo na sa hanay ng mga UV Express at Premium Taxi na halos 30 porsyento lamang ang may prangkisa at 70 porsyento ay kolorum.


Napakadaling malaman ng kolorum dahil naglipana ang mga terminal ng mga van, hindi lang sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan at d’yan nakatambak ang may prangkisa at kolorum.


Halos lahat ng terminal ay may namamahala na siyang nangongolekta ng ‘lagay’ sa mga tsuper at operator na siya namang nakikipag-usap sa mga umiikot na operatiba ng LTFRB, LTO, HPG at kasali rin maging ang ilang kausap sa lokal na pamahalaan.


Maliwanag na lahat ‘yan ay pinagkakakitaan ng ilang tiwaling operatiba ng mga ahensya dahil hindi naman gagana ang mga naturang terminal ng van kung kahit isa lang ay hindi papayagan ang kanilang operasyon at dahil pinapayagan kahit santambak ang kolorum ay maliwanag pa sa sikat ng araw ang lahat.


Dahil sa tindi ng umiiral na korupsyon ay hirap na hirap ang pamunuan ng mga ahensya na sinserong nais linisin ang sistema ng transportasyon sa bansa dahil ang matindi nilang kalaban ay ang kanilang mga operatiba mismo.


Ito rin ang dahilan kaya tumatapang ang mga tsuper at operator dahil kung talagang ipagbabawal ay wala kahit isa ang makakadaan sa mga kalyeng binabantayan ng may kapangyarihan.


Imposible ‘yung sinasabing marami lang ang nakakalusot dahil sa dami ng nakahambalang na operatiba ng iba’t ibang ahensya sa kalye, alam nila ang mga bumibiyaheng kolorum at wala talagang makakalusot kung gusto nila.


Kasi lahat ng kolorum na hindi ‘naglalagay’ ay hindi nakakalampas sa mga tiwaling operatiba, samantalang ang may ‘timbre’ ay parang invisible na hindi nila nakikita at malayang nakakapamasada maghapon.


Hindi ba, noong nakaraang linggo lamang ay nadiskubre ang operasyon ng dalawang kolorum na ride-hailing apps na inDrive at Maxim na walang pisikal na opisina sa Pilipinas, pero may tanggapan umano sa ibang bansa, tulad ng Russia ngunit ang lakas ng loob na balewalain ang ating pamahalaan.


Nagawa nilang magsakay ng pasahero online gamit lamang ang kanilang apps at nagawa nilang mag-operate sa Baguio, Bacolod, Cebu at iba pang lugar—at kailan lang nadiskubre, kaya agad na nakipag-ugnayan ang LTFRB sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para ma-block ang naturang apps.


Napakadelikado ng pangyayaring ito dahil walang habol ang mga pasahero sakaling magkaroon ng aksidente o aberya, pero nalusutan tayo at napakarami ng kanilang unit, at ngayong nadiskubre ay tiyak na magpapahinga muna ang mga ‘yan dahil may mga nasakote na.


Dalawa lang ang puwedeng gawin ng mga tsuper at operator ng pekeng apps na ‘yan, una ay magpapalamig muna at paghupa ng sitwasyon ay babalik na naman sa operasyon dahil alam nilang basta may panlagay ay tuloy ang hanapbuhay.


Meron namang tiyak na mag-iisip nang lumagay sa maayos at ang gagawin nila ay maglalakad ng papeles at magkaroon ng prangkisa para makapamasada nang legal.


Pero sana naman, sa dinami-dami na nang nahuli at na-impound na van ay huwag nang bigyan ng prangkisa kahit kailan para hindi na pamarisan—kahit alam nating mas mabilis mag-isip ng paraan ang mga tsuper at operator ng kolorum kung paano lulusot kumpara sa pamunuan ng ating mga ahensya.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 31, 2023


Noong nakaraang administrasyon, dinoble ng Department of Transportation (DOTr) ang equity subsidy para sa may-ari ng legal na pampasaherong jeepney at UV Express at bagong operators na sumali sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).


Matagal nang umiiral ang subsidiyang ito, ngunit dahil nang panahong ‘yun ay kasagsagan ng COVID-19 pandemic at napakaraming operator ang hirap na hirap na makatugon sa panawagan ng modernisasyon, gumawa ng napakalaking pagbabago ang DOTr.


Ang inilabas na direktiba ay nilagdaan mismo ni dating DOTr Secretary Arthur Tugade na nag-amyenda sa probisyon sa Department Order No. 2018-016 upang alalayan ang mga tsuper at operators sakaling magbabago sila mula sa tradisyunal na PUJs para maging PUVs.


Ang dating P80,000 ay ginawang P160,000 bawat PUV bilang equity subsidy para sa mga PUV at UV Express operators na may prangkisa at maaari rin itong gamitin ng mga operator na nag-a-apply para sa bagong ruta sa ilalim ng Omnibus Franchising Guidelines (OFG).


Maraming tsuper at operator ang natuwa sa ginawang ito ng dating pamunuan ng DOTr dahil malaking tulong ito sa mga stakeholders na nais makilahok sa PUVMP, lalo na’t halos nagsisimula pa lamang magbalik sa normal ang kanilang pamamasada.


Ang ginamit na salita ng DOTr sa hakbanging ito ay pag-agapay sa maliliit na tsuper at operator para makasabay sa modernisasyon at hindi mapag-iwanan, lalo na’t napakarami nang mga bagong sasakyan.


Napakadiin pa ng pagpapatupad nito dahil ang karagdagang subsidiya ay retroactive, ibig sabihin, ‘yung mga nag-apply mula Hunyo 31, 2018 ay kabilang kahit nakakuha na ng previous amount ay makukuha pa rin ng tsuper o operator ‘yung balanse.


Hindi naman nagpakita nang pagtutol ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sa katunayan, buong-puso nilang tinanggap ang pagdoble sa subsidiya ng DOTr para mas marami umano ang maengganyo na sumali sa PUVMP.


Pero simula pala nang doblehin ang subsidiya ay hindi lang tripleng sumbong kundi tambak na reklamo ang inihayag sa atin ng mga nag-iiyakang tsuper at operator.


Bawat isang unit ay maaari umanong mag-loan nang mahigit P2 milyon para sa modernisasyon at may kaakibat itong subsidiya na P160,000 bawat unit—ito ay kung padadaanin sa banko ng pamahalaan na may 6% lamang na tubo sa loob ng pitong taon.


Bukod sa napakaraming requirements, kinakailangan pa umano ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP) at Metro Manila Urban Transportation Integrity Study Update and Capacity Enhancement Program (MUCEP) na sobrang pahirap sa mga tsuper at operators.


Kaya ang resulta, pinapatos ng mga tsuper at operator ang alok na subsidiya na idinaan sa pribadong banko, higit na malaki dahil P360,000 ito, pero aabot sa 10% hanggang 12% ang tubo sa loob ng pitong taon, ngunit hindi mahigpit ang requirements.


Grabe ang nararanasang pighati ng ating mga kababayang tsuper at operator na pinaasang matutulungan ng subsidiya na kunwari ay dinoble pa pero nagmistulang bitag lamang para mabaon sa utang sa mga pribadong banko.


Maraming tsuper at operator ang nagsumite na ng requirements para sa subsidiyang ito noon pang 2018, pero hanggang ngayon ay hindi umuusad ang kanilang aplikasyon dahil nagtuturuan umano kung saan kukuha ng LPTRP at MUCEP.


Natatakot na kasi ang maraming tsuper at operator patusin ang subsidiyang dumaan sa pribadong banko dahil sa karanasan ng marami na hirap na hirap umano sa tubo. Sa halip kasi na matulungan sila ay nabaon pa sa bayarin.


Dinoble ang subsidiya para sa modernisasyon at hindi para ibaon sa hirap ang ating mga tsuper at operator na imbes gumanda ang sasakyan ay lalo pang nabulok dahil sa kahuhulog.


Tapos nagtataka tayo kung bakit patuloy ang pagdami ng kolorum—kasi nga marami ang gustong lumagay sa legal pero pinahihirapan, lalo na sa ilang ahensya ng pamahalaan na hanggang ngayon walang pagbabago.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 28, 2023


Anumang araw mula ngayon ay posibleng simulan ng Land Transportation Office (LTO) ang online renewal ng driver’s license na isa sa nakikitang solusyon upang maibsan ang talamak na korupsyon sa naturang ahensya.


Maganda ang layuning ito ng LTO na kitang-kita naman natin ang pagsisikap kung paano maisasaayos ang inugat ng problema ng korupsyon na kinasasangkutan ng mga mismong empleyado at mga naglipanang ‘fixer’ sa loob at labas ng nabanggit na tanggapan.


Ayon kay Atty. Jose Art ‘Jay Art’ Tugade, chief ng LTO, ang hakbanging ito ay bahagi lamang ng isinasagawang paglilinis sa loob ng tanggapan kung saan araw-araw umano ay may nasasakote silang mga ‘fixer’ sa iba’t ibang sangay sa buong bansa.


Hindi lang umano basta inaaresto dahil ang lahat ng nahuli sa akto ay sinampahan ng kaukulang kaso at ipinakulong kabilang na ang isang regular na empleyado ng LTO na nakikipagsabwatan sa mga ‘fixer’.


Marami ang nagtatanong kung bakit iisang empleyado pa lamang ang naaaresto, samantalang hindi makapagtatrabaho ang ‘fixer’ kung walang kasabwat sa loob ng opisina at ultimo bulag at bingi ay alam na ang kalakarang ito.


Kung araw-araw ay may nasasakoteng ‘fixer’, dapat ay kalahati man lang sa mga ito ang bilang ng mga empleyadong kasabwat na humihimas na rin sana ng rehas, ngunit tila may kahirapan talaga kung paano ito gagawin.


Pero hindi naman nagrerelaks ang chief ng LTO dahil nakikipag-ugnayan na ito sa Philippine National Police (PNP) para manmanan at maidokumento ang galaw ng mga tiwaling empleyado na naging dahilan kaya may nahuli nang isang empleyado.


Panahon na nga naman para mabago ang imahe ng LTO dahil hindi naman lahat ng empleyado sa naturang tanggapan ay tiwali dahil napakarami ring mahuhusay at tapat sa kanilang tungkulin, na siyang nais protektahan ng pamunuan ng LTO.


Sana ay maging epektibo itong bagong hakbangin ng LTO na gawing mas madali na ang pagre-renew ng driver’s license dahil nakatakda nang ipatupad ang online renewal na isa sa nakikitang solusyon para hindi na magkaroon ng pagkakataong mamagitan ang ‘fixer’.


Sa mga magre-renew, kailangan lamang umano ay mag-fill-out ng LTO form online at kapag nakumpleto na ang lahat ng kailangan ay maaari nang magbayad online at magtutungo na lamang sa tanggapan ng LTO para magpakuha ng litrato at agad na makukuha ang lisensya.


Sa ganitong paraan, mabuting repasuhin na rin ng LTO kung dapat bang ipagpatuloy ang renewal examination na ibinibigay online dahil isa rin ito sa susi ng korupsiyon at kung online renewal na ay napakadaling magpalusot na maipasa ang eksaminasyon.


Ang kagandahan lamang sa online renewal ay mawawalan ng trabaho ang mga naglipanang tagasagot ng renewal examination na kabisado na ng mga ‘fixer’ at isa rin ito sa dahilan kung bakit marami pa rin sa ating mga kababayan ang naghahanap ng ‘fixer’.


Imposible namang hindi pa alam ng pamunuan ng LTO, pero maging ang mga personnel sa medical department ng LTO ay nag-aalok na sila na ang sasagot sa renewal examination kapalit ng karagdagang P500 kasabay na paglabas ng resulta ng medical exam.


Isa rin ito sa dahilan kaya hindi nasasakote ang mga tiwaling empleyado dahil itinatawag lamang ng mga personnel ng medical department ang pangalan ng kanilang katransaksiyon at pagdating sa counter ay alam ng mga empleyado ang bibigyan ng prayoridad.


Ibig sabihin, ang mga personnel sa medical department na ang tatanggap ng pera at iipunin na lamang ito maghapon at paglabas ng opisina ay magkikita-kita sila para magkuwentahan o kung mas mainit pa ang sitwasyon ay cellphone at GCash na lamang ang usapan.


Hindi lang naman sa iisang lugar may ‘fixer’ dahil bawat pinto sa loob ng tanggapan ng LTO, kabilang na ang mga opisina ng insurance company, emission center at iba pa ay pinamumugaran ng mga suma-sideline na ‘fixer’.


Higit sa lahat, hindi paisa-isang empleyado ang nakikipagsabwatan sa ‘fixer’ dahil centralized ang hatian ng kita sa buong maghapon sa lahat ng empleyado na nakatalaga sa renewal at pagkuha ng bagong lisensya.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page