top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 30, 2023



Karagdagang paghihigpit ang panibagong kautusang inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga operator, driver, kundoktor at mga empleyado na masasangkot sa sexual harassment sa loob ng public utility vehicles (PUV).


Bilang isa ring abogado, alam nating may mga umiiral na tayong batas hinggil sa sexual harassment, ngunit nakakatuwa ang hakbanging ito ng LTFRB dahil kitang-kita rin naman ang kanilang pagsisikap para gumawa ng mabuti para sa kapakanan ng mga pasahero.


Sa pahayag ng LTFRB noong Lunes, tiniyak nilang tinututukan ng Safe Spaces Act ang ‘gender-based sexually harassment’ sa mga kalsada, pampublikong lugar, trabaho paaralan, internet café at iba pang kahalintulad na lugar.


Nakapaloob sa LTFRB Memorandum Circular No. 2023-016 at Safe Space Act na papatawan ng parusa ang mga mahuhuli na nagmumura, tumatawag, nang-aasar o nagkukomento na may bahid ng kalaswaan, lalo na sa mga pasahero.


Mamalasin ang mga mangungutya sa kasarian at gagamit ng mga katagang may kinalaman sa pribadong buhay ng isang tao, kabilang ang mga ‘sex jokes’ na usong-uso sa maraming magkakaibigan ngayon.


Hindi natin alam kung paano ito ipatutupad ng LTFRB, ngunit sa umiiral na batas, agad na reresponde ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) kapag may ganitong insidente at agad na huhulihin ang inirereklamo depende sa bigat ng reklamo at sasampahan ng kaukulang kaso.


Hindi man buo ang detalye hinggil sa bagong pakulong ito ng LTFRB, nilinaw naman nila na sa para sa unang paglabag, ang sinumang mahuhuli ay pagmumultahin ng P5,000 at papatawan anim na buwang suspensyon.


Multa naman na P10,000 at isang taon na suspensyon ang ipapataw para sa ikalawang paglabag, at P15,000 at pagbawi ng Certificate of Public Convenience (CPC) ng sasakyan ang para sa ikatlong paglabag.


Sana sa mga susunod na araw ay mas malinawan pa natin ang inilabas na Memorandum Circular na ito ng LTFRB dahil tila bitin ang kanilang press release para mas maintindihan ito ng taumbayan, ngunit hindi natin kinukuwestiyon ang mabuti nitong layunin.


Sa kabila nito, nais sana pagtuunan ng LTFRB ang tila mintis nilang anunsyo hinggil sa napipintong pagbaba ng mga pamasahe sa pampublikong sasakyan tulad ng jeepney at bus.


Parang apoy kasi na kumalat ang balita na inatasan umano ng Department of Transportation (DOTr) ang LTFRB na bawasan ang umiiral na pamasahe sa mga nabanggit na uri ng transportasyon.


Base sa report, ang umiiral na minimum fare na P12 sa mga traditional jeepney ay ibabalik sa P9, habang ang sa modern jeepney na P14 ay magiging P11 at sa mga bus naman ay tapyas na mula P3 hanggang P4.


Malaking dagok ito sa panig ng transport group dahil halos ngayon pa lamang sila nakakabawi mula sa napakatagal na pagkakasadlak sa pagkalugi dulot ng pendemya at napakataas pa rin naman ng presyo ng krudo, at ang tinatamasa nilang karagdagang kita sa kasalukuyan ay tiyak na mawawala.


Tila nagkaroon ng pagkukulang sa bahaging ito ang DOTr at LTFRB dahil mas nauna pang nalaman ng transport ang group ang balita sa pagtatapyas ng singil sa pamasahe at medyo umalma na agad ang mga operator at tsuper.


Hindi na nila naianunsyo nang maayos na hindi naman malulugi ang transport group dahil magpapatupad ng subsidiya ang pamahalaan para punuan ang kita na mawawala sa mga operator at driver.


Naglaan kasi P2.16 bilyon ang LTFRB para sa service contracting program ngayong taon at sa halagang ito umano kukunin ang ibibigay sa mga apektadong tsuper, kaso, napakarami na nilang inasahang ayuda noon pang kasagsagan ng pandemya, pero mas marami ang nagutom na tsuper kaysa ang inabot ng grasya.


Hindi naman masamang unahin ang kapakanan ng mga pasahero dahil nararapat lamang ito, ngunit huwag din nating kalimutan ang mga operator at driver na dapat kasabay din sa pagkalinga ng pamahalaan.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 28, 2023



Marami sa ating mga kababayan ang natuwa at nag-aabang sa anunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na lilimitahan na ang nagtataasang bayad sa mga driving school sa bansa na inaasahang ipatutupad sa katapusan ng buwang ito.


Ang mga kababayan nating dapat ay mag-e-enroll sa driving school ay inantala muna ang pag-aaral dahil sa pangako ng LTO, habang ang ibang nawalan na ng pag-asa na makapag-enroll dahil sa sobrang mahal ay nabuhayan naman ng pag-asa.


Ibig sabihin, ganito na kahalaga ang mga driving school sa ating bansa dahil marami sa ating mga bagong driver ang ayaw nang matawag na ‘kamote driver’ o ‘yung mga walang disipilina sa kalye dahil sa kakulangan ng edukasyon.


Ang resulta, naging malaking industriya ng hanapbuhay ang driving school at kitang-kita na marami ang yumaman sa negosyong ito at nakita ito ng LTO, kaya naisipan nilang panahon na para ilagay sa tamang presyo ang singilan sa mga driving school.


Ngayon heto na, ilang araw bago ipatupad ng LTO ang pagkakaroon ng standard rate fees sa mga driving school — kung saan abot-kamay ng mga kababayan nating mahihirap — nagsimula nang kumilos ang mga may-ari nito para pigilan ang ahensya.


Ibig sabihin, naglabas ng pondo ang ilang driving school para mailabas ang kanilang hinaing dahil hindi naman biro ang magpakalat ng impormasyon nang walang kaakibat na mga gastusin upang isalba ang kanilang sitwasyon.


Malaking kabawasan kasi sa industriya ng driving school kung maipapatupad ang kautusan ng LTO dahil umaabot sa P20,000 ang kanilang sinisingil depende sa driving package na pipiliin ng mga nais mag-enroll , kung saan lamang ang anak ng mayayaman.


‘Yung mga may pera ay ilang linggong tinuturuan at may driving license na kasama sa package, pero kung hindi sapat ang pera ay may iniaalok din silang mas mura, pero ilang oras ka lang tuturuan at bahala ka na sa buhay mo kung huhusay ka o hindi.


Ang argumentong gamit ng mga driving school, hindi pa umano sila handa sa minamadaling pagpapatupad ng LTO sa Land Transportation Management System (LTMS) portal.


Ayon sa pamunuan ng Association of Accredited Driving Schools of the Philippines (AADSPI), minadali ng LTO ang pagpapatupad ng LTMS para maisalin ang dating sistema na Automated Certification for Student Drivers sa paggawa ng mga certificate para maipadala sa LTO.


Mahihirapan umano ang mga driving school sa bagong programa, hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa mga nasa probinsya at nabigla umano sila dahil sa Abril 15 pa sana ang pagpapatupad nito, ngunit biglang naglabas ng memorandum na mas napaaga.


Inirereklamo rin nila na hindi pa umano enrolled ang mga may-ari at instructor ng mga driving school sa LTMS at may kakulangan umano sa bagong finger print scanner na isa sa requirements na kaduda-duda ang features, pero umabot ng P16,800 ang halaga.


Umapela rin ang mga may-ari ng driving school sa bansa at napakarami nilang pagtutol na ma-regulate ang tuition fee at isa sa kanilang sumbong ay ang mga ‘fixer’ umano sa LTO na sindikatong kasabwat ng mga empleyado, na grabe ring maningil kaya napipilitan silang idagdag pa ito sa tuition fee.


Nakikiusap sila na kung maaari ay magkaroon umano ng mahusay na IT System upang maiwasan na ang kanilang mga certificates sa driving school ay hindi makopya ng mga fixers at dapat umano sa system ay makapag-log-in sila ng kanilang mga Certified Graduate Students at ‘yun ang maging basehan sa tatanggapin lamang ng LTO na aplikante.


Sa Pilipinas, tuwing may ipatutupad na kautusan ay palaging may argumento sa magkabilang panig, lalo na kung malakas ang pagtutol sa bagong panuntunan—may punto rin ang mga driving school at lamang sa public opinion ang hakbangin ng LTO, sana manaig ang kapakanan ng sambayanan!


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 25, 2023



Noong Lunes, Marso 20, matapos ang isang linggong anunsyo, nagbigay ng ultimatum ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa ating mga motorista at mga ‘kagulong’ na sisimulan na nila ang pag-iisyu ng ticket sa mga lalabag sa motorcycle lane.


Ito ay matapos ang isang linggong dry run na isinasagawa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, kung saan ipinatutupad ang motorcycle lane at upang makita na ang resulta kung epektibo ang motorcycle lane ay magsisimula nang maghigpit.


Ngunit ayon sa Traffic Enforcement Group ng MMDA, biglang nagkaroon ng pagbabago ang anunsyo kaya hindi naipatupad ang simula ng paghihigpit sa ginawang motorcycle lane na dapat ay noong nakaraang Lunes pa naisagawa.


Ibig sabihin, buong-buo na ang loob ng ating mga ‘kagulong’ at iba pang motorista na dumadaan sa Commonwealth Ave. na makararanas ng pagbabago, ngunit wala namang pormal na anunsiyo ang MMDA o kahit pahapyaw na abiso man lang.


Ang resulta, nagpakiramdaman ang lahat ng sasakyan na dumaraan sa Commonwealth Ave. na hindi alam na na-extend pala ang isinasagawang dry run, kaya walang paghihigpit na naramdaman, kaya inakala ng ilan sa ating mga ‘kagulong’ na palpak na naman ang motorcycle lane.


Katanggap-tanggap naman ang punto ng MMDA, na kaya pinalawig ang dry run hanggang Marso 26 ang pagpapatupad ng exclusive motorcycle lane ay dahil sa napakaraming lubak at hindi pantay na mga kalsada sa kahabaan ng Commonwealth Ave.


Kailangan nga namang iretoke at patsihan ang mga butas ng kalye, lalo na sa mismong motorcycle lane na inaasikaso naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil maoobligang lumabas ng linya ang motorsiklo kung butas o may lubak ang motorcycle lane.


Ang sinasabi ko, maganda na kasi ang simulain ng MMDA sa pagpapatupad ng motorcycle lane at katunayan, isa pa tayo sa dumalo sa dalawang araw na ‘Motorcycle Consultation Workshop’ sa pangunguna ni MMDA Acting Chairman, Carlo Dimayuga III.


Personal tayong pinadalhan ng imbitasyon ng Acting Chairman ng MMDA bilang Pinakaunang Representante ng 1-Rider Partylist para sa pagbuo ng consensus at action plan para maisaayos ang kasalukuyang lagay ng trapiko na ginanap noong nakaraang Oktubre 12 at 13 sa New MMDA Building, Julia Vargas Avenue, Pasig City.


Ayon sa datos na inilabas ng MMDA, ang daily average ng sasakyan na dumadaan sa EDSA ay nasa 410,000, kaya napapanahon na talaga ang motorcycle lane sa mga major roads kabilang na ang EDSA at Commonwealth Avenue.


Lumalabas kasi na sa dinami-rami ng dumaraang sasakyan sa kahabaan ng EDSA, may pagkakataong usad-pagong at nakadagdag sa pagbagal ang may 1.44 milyong motorsiklo na nakikipagsabayan, ayon naman sa datos na inilabas ng Land Transportation Office (LTO).


Kaya higit sa lahat, inaasam natin na maging matagumpay ang pagpapatupad ng motorcycle lane sa Commonwealth Avenue dahil dito nakasalalay ang pagbabalik ng motorcycle lane sa kahabaan ng EDSA na malaking tulong para sa kaligtasan ng ating mga ‘kagulong’.


Ngayon, heto na naman ang MMDA at nag-aanunsiyo na totoong-totoo nang mag-iisyu na ng ticket sa mga lalabag sa panuntunan ng motorcycle lane sa Commonwealth Ave. sa Lunes, Marso 27, at wala nang bawian.


Ang masaklap, pati tayo ay nagbibigay ng anunsiyo tulad ng ginawa natin noong nakaraang Linggo dahil nagmamalasakit tayo sa ating mga ‘kagulong’ na sisimulan na ang pag-iisyu ng violation ticket tapos biglang babaguhin ng wala man lamang abiso.


May oras pa naman at kung hindi pa talaga handa ay huwag maglabas ng anunsyo para hindi nalilito ang ating mga ‘kagulong’ na baka kasi humantong sa pagkabigo ng motorcycle lane dahil lang sa kakulangan ng preparasyon.


Nakakapanghinayang kung mauuwi sa wala ang motorcycle lane na ito na tulad ng nangyari noong nakaraan, kaya dapat nating seryosohin at paghandaan.



SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page