top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 29, 2023


Ang Banawe ay isa sa pinakamasigla at pinakaabalang lugar sa buong Metro Manila na matatagpuan sa gitnang bahagi ng Quezon City sa Pilipinas dahil popular itong puntahan ng mga mahilig sa pagkain at nagbabalik alaala sa nagdaang kultura.


Dati kasing pinamahayan ng mga kapatid nating Tsino ang lugar na ito hanggang sa makabuo sila ng isang komunidad na kalaunan ay kumalat na sa iba’t ibang bahagi ng Quezon City.


Kasabay ng pagdami ng mga Chinese immigrants ang pagsikat din ng kanilang culinary traditions na masyadong malapit sa ating panlasa, na kalaunan ay nakasanayan at naipasa na sa mga susunod na lahi ng mga Pilipino.


Kaya ngayon ay naglipana ang iba’t ibang restoran sa Banawe at mga kalapit na kalsada kung saan matatagpuan ang pinaghalong timpla ng Chinese at Filipino na siyang nangungunang resto sa naturang lugar, bagama’t may mga kainan din na nagmula naman sa iba’t ibang bahagi ng Asya.


Ang Banawe ay hindi ikinokonsiderang tradisyunal na Chinatown tulad ng Binondo sa Manila at Ongpin St., ngunit kilala ito bilang malakas na Chinese community at ang impluwensya nila sa lugar ay hindi maitatanggi dahil sa dami ng mga negosyo at establisimyento na sila ang may-ari.


Ngunit sa paglipas ng panahon ay unti-unti na ring nakikilala ang Banawe dahil sa sobrang magkakadikit na car parts at accessories store o bilihan ng lahat ng klase ng piyesa ng sasakyan, kaya tinagurian itong ‘Autoparts Capital of the Philippines’.


Dinadayo na ito ng mga mahilig sa pagkain at maging ang mga naghahanap ng piyesa ng lahat ng klase ng sasakyan, local man o imported ay hindi mauubos ang kahabaan ng Banawe at tiyak na may piyesa ng sasakyang mahahanap.


Sa paglipas ng panahon, tila mas nakilala ang Banawe pagdating sa piyesa ng sasakyan at dito ay unti-unti na ring dumami ang mga kababayan nating naghahanapbuhay.


Ang dating maayos na kalakaran ay nahaluan na ng masasamang loob na kung tawagin ay ‘Buraot’ –sila ang mga naglipana sa kahabaan ng Banawe na bawat sasakyang pumapasok ay sumasalubong na at nagtatanong kung ano ang nais ipagawa o bilhin.


Karamihan sa mga ‘Buraot’ ay hindi konektado o mga empleyado ng mga bilihan ng auto parts, ngunit kapag sa kanila nakipag-usap ang nais bumili ng piyesa ay tiyak na mapapamahal ang presyo. Halimbawa, ang halagang P100 na bibilhin ay magiging P150 dahil ang karagdagang P50 ay mapupunta sa ‘Buraot’.


Naging kalakaran na sa kahabaan ng Banawe na lahat ng ‘Buraot’ na mag-e-escort ng customer sa bilihan ng piyesa ay awtomatikong papatawan na ng karagdagang patong sa halaga ng piyesang bibilhin.


Sa mga baguhang nagpapagawa ng sasakyan sa Banawe, karaniwang dinudumog ito ng mga ‘Buraot’ at lahat ay naghahanap ng sira o masisira pa lamang sa sasakyan at nag-aalok sila ng solusyon na sa una ay aakalaing mura, ngunit may halong panloloko pala.


Tulad na lamang ng mga plastic clip sa ilalim ng sasakyan na aalukin nila ng P50 hanggang P75 at kapag pumayag ang customer ay sisimulan na nilang lagyan, maayos naman at matutuwa ang customer, ngunit kapag magbabayad na, umaabot ng P1,000 ang singilan dahil hindi naman sinabi na lahat pala ng clip ay papalitan.


Hindi rin dapat malingat kung magtutungo ng Banawe dahil marami ang nangunguha ng side mirror, lalo na sa mga mamahaling sasakyan—ang resulta magpapahanap ang pobreng nanakawan ng side mirror dahil mahal ang original, kunwari ay maghahanap ang mga ‘Buraot’ pero ang ikakabit na side mirror ay ang ninakaw ding side mirror.


Oo nga at may surplus na piyesa mula sa ibang bansa, pero hindi natin maitatanggi na naglipana rin ang ma chop-chop na mahirap namang patunayang carnap kung chop-chop na kaya dapat magdoble-ingat kung bibili o magpapagawa tayo ng sasakyan sa Banawe.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 27, 2023


Kamakailan ay tumanggap ng donasyon ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ng 100 units ng body camera mula sa Grab Philippines na nagkusang magbigay upang masimulan ang matagal nang pangarap na ito.


Upang hindi manatiling pangarap, malugod na tinanggap ng pamunuan ng MMDA ang inihandog na body camera na halos maraming bansa na ang gumagamit nito at inaasahang magiging malaking tulong ito sa operasyon ng MMDA.


Lalo na sa mga insidente na karaniwan ay umaabot sa pagtatalo ang traffic enforcer at ang hinuhuling driver na lumabag sa batas-trapiko, na ngayon ay mas mabilis nang mareresolba dahil sa tulong ng body camera.


Hindi pa man nagsisimula ang paggamit ng body camera para sa mga enforcer ng MMDA, may mga espikulasyon na agad na posibleng maging dahilan para hindi na arestuhin ang mga TNVS o Transport Network Vehicle Service na nasa ilalim ng Grab.


Ngunit inapula agad ito ng pamunuan ng Grab Philippines Public Affairs sa pangunguna ni Leo Emmanuel Gonzales, na nagsasabing hindi sila naghandog ng body camera para magkaroon ng bentahe sakaling may mga tauhan silang lumabag sa batas-trapiko.


Sinabi pa nito na malaya ang mga enforcer ng MMDA na hulihin ang sinuman sa kanilang mga tauhan at hangad lamang umano ng Grab na mas mapabuti at sumulong na ang kalidad ng serbisyo ng ating mga traffic enforcer na napag-iiwanan ng ibang bansa.


Bawat body camera ay may 10 hanggang 12 oras na itatagal ang battery, kaya sapat ito para sa maghapong operasyon at nagkakahalaga ito ng P9,000 at bahala naman ang pamunuan ng MMDA kung sinu-sino ang mga unang mapipiling gagamit nito.


Ngayon, heto na ang MMDA at sisimulan na umanong gamitin ang mga body camera na ito upang masubukan kung magiging epektibo ito o magdudulot ng positibong resulta, lalo na’t marami sa mga motorista ang humihiling nito.


Malaki ang paniniwala ng MMDA na magsisilbing proteksiyon ang paggamit ng body camera para sa kanilang mga enforcer at sa kabuuan ay malaking bagay din ito upang makaiwas sa tukso ang mga traffic enforcer na inaalok ng suhol.


Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, ang mga body-worn cameras ay ipapamahagi sa mga traffic enforcers ng MMDA na nakatalaga sa apat na magkakaibang lugar sa Metro Manila upang subukin kung panahon na para pagsuutin ng body camera ang lahat ng enforcer.


Itatalaga ang mga enforcers na may suot na body camera sa kahabaan ng Katipunan Avenue, Sta. Mesa, Ortigas Avenue, sa Timog area sa Quezon City at ilan pang pangunahing lansangan.


Ang mga recording mula sa mga body cameras ay naka-link sa bagong MMDA Command Center sa Pasig City na magagamit na ebidensya kung sakaling magreklamo ang nahuling motorista.


Isinailalim na rin ng MMDA Traffic Discipline Office ang orientation sa ilan nilang enforcers hinggil sa paggamit ng body cameras. Bahagi ito ng pamilyarisasyon sa technical specifications, features, at parts ng gadget na gagamitin ng ilang mga traffic enforcers sa kanilang traffic management operations.


Sa kasalukuyan ay may kabuuang miyembro ng traffic enforcer ang MMDA na 2,266 na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, 1,400 ay may permanent position habang ang natitirang 866 ay casual o job order (JO) o OYSTER (Out-of-School Youth Serving Towards Economic Recovery).


Plano ni MMDA Chairman Artes na dagdagan pa ang mga body cameras sa mga susunod na buwan at napakalaki pala ng kakulangan kung ibabase natin sa kabuuang bilang ng kanilang traffic enforcer.


Suportahan natin ang balaking ito ni Chairman Artes dahil kung magkakaroon ng katuparan ang pangarap niyang ito, napakalaking bagay para masugpo ang korupsiyon sa lansangan, lalo na ang pangongotong.


Kung paano ito gagawin ng pamunuan ng MMDA ay ating abangan ang kanilang diskarte—ang mahalaga ay nakasuporta tayo sa mabuti nilang adhikain.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 25, 2023


Sa halip na umunlad, paatras ang serbisyong tinatamasa ngayon ng ating mga kababayan na nais kumuha ng driver’s license dahil nagkakaubusan na ng supply ng plastic cards at ang Official Receipt (OR) ay magsisilbing temporary license.


Ayon sa pamunuan ng Land Transportation Office (LTO), mayroon na lamang 140,000 plastic cards sa buong bansa na hindi na sasapat sa araw-araw para sa 20,000 indibidwal na kumukuha o nagre-renew ng bagong lisensya.


Paliwanag ng LTO, noong Disyembre ay nagsimula na umano silang iproseso ang karagdagang limang milyong plastic card na nagkakahalaga ng P249 milyon, ngunit naudlot ito dahil umeksena umano ang Department of Transportation (DOTr).


Hindi umano nakaporma ang LTO nang sabihin ng DOTr na nitong ng Enero 2023 ay sila na ang mamamahala sa bidding para sa mga kontrata na ang halaga ay mas mataas pa ng P50 milyon.


Inapela ito ng LTO, ngunit dahil nasa mas mataas na posisyon ang DOTr, wala silang nagawa nang hindi pumayag ang DOTr, na kung hindi sana ito nanghimasok, tahasang sinasabi ng LTO na hindi sana hahantong sa kakapusan ng plastic card ng driver’s license.


Pero kung DOTr naman ang tatanungin, kaya lamang umano sila nakipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) upang mapadali ang lahat dahil napabayaan ng LTO na maisagawa ang early procurement activities.


Nobyembre 22, 2022 lang naupo ang bagong pamunuan ng LTO at sa umpisa pa lamang ay alam na umano nila na paubos na ang plastic card, kaya Disyembre pa lamang ay sinisimulan na umano nila ang pag-aasikaso sa procurement.


Ngunit Enero 25, gamit ang Special Order (SO) ay kinuha ng DOTr sa LTO ang pamamahala sa procurement, na hindi sana aabot sa kakapusan ng plastic card kung hindi nakiaalam ang DOTr.


Mula noon, palagi na umanong nagpapaalala ang LTO sa pamamagitan nang pagpapadala ng sulat —na tinatanggap naman ng DOTr —at nitong Marso 21, tiniyak pa ng DOTr sa kanilang pagpupulong na matatapos ang procurement.


Ang tawag ng DOTr sa kanilang ginawa ay ‘good governance’, kaso hindi natupad kaya ngayon, heto at nahaharap sa malaking iskandalo at problema ang LTO dahil sa DOTr na sinisisi ang umano’y kabagalan ng LTO.


Sa darating na Hunyo o Hulyo, paubos na rin ang plate number para sa mga sasakyan, lalo na sa motorsiklo, gayung hindi pa natin nareresolba ang backlog ng plaka noon pang 2016.


DOTr din ang nadidiin sa nagdaang backlog dahil kinuha rin nila ang pamamahala sa procurement para P4.7 bilyong budget na pambili sana ng plaka at ngayon ay naulit ang kaso at gibang-giba na naman ang LTO.


Kaugnay nito, sa bisa ng Memorandum Circular ay pinalawig na lamang ng LTO ang bisa ng driver’s license na mapapaso simula Abril 24 hanggang Oktubre 31 o kung kailan matapos ang procurement o ang proseso ng pagbili ng license cards na pinangangasiwaan ng DOTr.


Hindi na rin umano maniningil ng penalty ang LTO para sa late renewal para hindi na dumagsa ang mga naghahabol sa renewal ng lisensya tapos wala namang makukuhang plastic card maliban sa OR.


Napakalaki ng perhuwisyo sa panig ng LTO ng pangyayaring ito dahil malaki ang mawawala sa kanilang koleksyon sa dami ng mga kababayan nating sumasailalim sa late renewal.


Kinailangan pang maglabas ng kautusan ng LTO sa lahat ng deputized agent nito at lahat ng traffic enforcer sa bansa na kilalanin pansamantala ang mga mapapasong driver’s license simula Abril 24 at maging ang mga OR na maaari ring kumpirmahin kung tunay sa pamamagitan ng QR code.


Dito ay medyo may kakaharaping problema ang LTO dahil nagagawa na sa kahabaan ng Recto ang QR code, kahit ang NBI clearance na may QR code ay gayang-gaya, lalo na ang temporary license—sana alam ito ng DOTr.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page