top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 6, 2023


Matindi na ang panawagan ng mga tsuper sa bansa. Nais nilang makuha ang atensyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) o kahit ng kanyang tanggapan man lamang hinggil sa kinakaharap nilang problema sa Land Transportation Office (LTO).


Maging ang Senado at Kamara ay kinakalampag ng mga tsuper upang magpasaklolo para pigilan ang operasyon ng Land Transportation Management System (LTMS)—ang online portal ng LTO.


Nakakuha tayo ng impormasyon na ilang transport group sa bansa ang plano nang iakyat sa korte ang problemang ito kung wala kahit isa sa anumang ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa sektor ng transportasyon ang aaksiyon o mamamagitan upang ito ay pigilan.


Sa katunayan, may mga transport group na nagpadala na ng demand letter sa LTO at copy furnished ang Office of the President, Senado at Kamara na humihiling na suspendihin ang operasyon ng LTMS sa lalong madaling panahon.


Pinalad tayo bilang Unang Representante ng 1-Rider Partylist na mabasa ang naturang demand letter na bagama’t hindi natin tahasang kinukondena ang hakbanging ito ng LTO ay hindi naman natin matiis na hindi bigyang-pansin ang hinaing ng ating mga tsuper.


Hindi natin sinasabing tama ang mga tsuper, ngunit ito ang panahon na kailangan nilang makikinig sa kanilang hinaing at marapat lamang na bigyan sila ng pansin kahit man lamang sa maliit na espasyo kong ito sa pahayagan ay matulungan natin sila.


Nakapaloob kasi sa kanilang reklamo na dagdag-pasakit lamang umano sa mga stakeholder at magdudulot lamang ng korupsyon ang hakbanging ito ng LTO, sa halip na magbigay ginhawa sa sistema ng vehicle registration at renewal ng driver’s license.


Ang implementasyon umano ng LTMS ay nagdulot lamang ng mga karagdagang problema sa operators at drivers ng pampublikong transportasyon, lalo na sa mga walang kaalaman sa technical o tamang paggamit ng computer.


Nabigyang-diin sa reklamo ng transport group na alinsunod sa proseso na umiiral sa LTMS ay kailangang mag-apply online upang magkaroon ng access sa LTO bago makapagsagawa ng transaksyon.


Sa puntong ito, marami umano mula sa hanay ng transport group ang kinakailangan pang gumastos ng P100 o P200 depende sa pagkagahaman ng ‘fixer’ na kailangan pa nilang lapitan para gumawa ng kanilang account upang makapagparehistro online.


Dahil sa kakulangan ng kaalaman, napipilitang lumapit sa ‘fixer’ ang mga kapatid nating operator at tsuper para lamang mairaos ang transaksyon. Lumalabas tuloy na hindi serbisyo ang pakay ng LTMS kundi ang kumita, ayon sa pananaw ng transport group.


Tila may punto ang transport group kung ibabase sa napagkasunduan na ang pagbabayad sa mga transaksyon sa LTMS ay magagawa lamang sa pamamagitan ng PayMaya na may dagdag pang charges sa mga tsuper at operator na P75 bilang service fee.


Sa maikling paliwanag, negatibo para sa transport group ang hakbanging ito ng LTO dahil mas pinalalakas pa umano nito ang korupsyon kumpara sa diretsong proseso ng aplikasyon at hindi na dumadaan pa sa portal.


Dahil nagtetengang-kawali umano ang LTO hinggil sa hinaing ng transport group, nagbanta na sila na magsasampa ng kaso laban dito upang humiling ng issuance of an injunction laban sa LTMS.


Marahil, may maganda namang layunin ang LTO para sa pagpapatupad ng LTMS at may ilang masasamang loob lamang na sinasamantala ang pagkakataon para kumita. Ang hindi lamang natin matiyak ay kung may basbas na naman ang ilang tiwaling empleyado ng LTO.



Tama rin naman ang ginawang hakbang ng mga transport group na iparating sa kinauukulan ang kanilang hinaing, sa halip na gumawa ng marahas na hakbang dahil ang karagdagang piso sa bawat litro ng gasolina o diesel ay idinadaing ng transport group—lalo na siguro ‘yung P100 o P200 na pantawid-gutom na ay aagawin pa ng ‘fixer’.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 4, 2023


Mariing ipinatutupad saanmang bahagi ng bansa ang joint memorandum circular na ang senior citizen at persons with disabilities (PWDs) na may 20% diskuwento ay may discount na rin sa kanilang online purchases ng essential goods at commodities.


Dahil hindi ganu’n kalinaw ang lawak na sakop na ibinibigay na diskuwento para sa mga senior citizen at PWDs ay kasalukuyang nakasumite sa Senado ang pag-amyenda sa naturang batas upang palawakin pa ang bisa ng diskuwento.


Nakitaan kasi ng butas ng mga grocery store at drug store ang naturang batas tungkol sa diskuwento, kaya hindi lahat ng kanilang itinitinda ay puwedeng patawan ng diskuwento na labis na ikinadismaya ng marami nating senior citizen at PWDs.


Sa kasalukuyang batas, ang senior citizen at PWDs ay binibigyan ng 20% diskuwento sa bigas, tinapay, gatas, tubig, liquefied petroleum gas (LPG) at iba pa kahit online ito binili.


Kabilang din sa diskuwento ang ikinukonsiderang prime commodities tulad ng veterinary products, poultry feeds, condiments, construction materials, batteries, electrical supplies, paper, soap, flour fertilizer, pesticides, school supplies atbp.


Gayunman, ang senior citizen at PWDs ay makakakuha lamang ng diskuwento sa mga pinapayagang items na hindi lalagpas sa P1,300 kada linggo at dapat ay personal itong kinukonsumo at hindi ng buong pamilya na hindi kuwalipikado sa diskuwento.


Para makakuha ng diskuwento, kailangang magdeklara ng kinakailangang dokumento tulad ng scanned copy o screenshot ng ID at ang una at huling pahina ng kaakibat na booklet na ipinapakita sa kahera sa oras na mamimili o oorder ng pagkain.


Ang mga umiiral na panuntunan ay niratipikahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Department of Trade and Industry (DTI), National Commission of Senior Citizen (NCSC) National Council on Disability Affairs (NCDA), Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG) at Bureau of Internal Revenue (BIR).


Bilang Unang Representante ng 1-Rider Partylist ay nalungkot tayo nang mabalitaan nating walang discount para sa senior citizens at PWDs sa single-ticketing system ng Land Transportation Office (LTO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipinatutupad na.


Mismong si Metro Manila Council Chairperson at San Juan Mayor Francis Zamora ang nagsabi na kahit senior citizen o PWDs ay kailangang magbayad ng full standardized violation fees.


Hindi natin tinututulan ang pahayag na ito ni Zamora, lalo pa at humingi naman siya ng paumanhin dahil ginawa lamang umano nilang unified ang fines upang hindi na magkaroon ng kalituhan.


Pero may pasubali na puwedeng magbayad ng traditional payment methods sa city hall ang mga hindi komportable sa online banking at e-wallets at kabilang na r’yan ang ilang senior citizen at PWDs.


Ang single-ticketing system ay naglalayong mapabilis at mapadali ang mga bayarin ng mga motoristang lumabag sa batas-trapiko at maalis ang pakikialam ng mga ‘fixers’ na nangongontrata ng mas mataas na bayad sa mga hindi alam ang halaga ng violations.


Nagsimula na ang pilot testing sa Manila, Parañaque, Caloocan, Quezon City, San Juan, Muntinlupa, at Valenzuela at inaasahang sa mga susunod na linggo ay maaaring maging fully implemented na ito sa buong Metro Manila.


Medyo malapit kasi tayo sa mga senior citizen at PWDs, kaya nalulungkot ako na tila hindi makatwirang hindi iiral ang kanilang diskuwento sa pagbabayad ng kanilang nagawang paglabag dahil mas malapit sila sa pagkakamali.


Lalo na ‘yung mga walang driver at kaya pang magmaneho, ngunit may kabagalan at may kahinaan na ang mga mata— hindi man sinasadya ay nakagagawa sila ng pagkakamali o paglabag.


Marami sa mga senior citizen na nagmamaneho pa dahil dala ng pangangailangan, ang iba ay retirado na at wala nang pagkunan ng panggastos—ibang usapin ito, ngunit sana lang, kahit diskuwento ay mabigyan sila, lalo na’t ang dahilan lang naman ay makaiwas sa kalituhan.


Tatanda rin kayo!


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 2, 2023


Ang Pasig River sa Pilipinas ay matatagpuan sa gitna ng Metro Manila, dumadaloy ang tubig dito mula Laguna de bay patungong Manila Bay sa kahabaan ng 26 kilometro (16 mi) at tinatayang nasa 50 metro (160 ft) ang lapad.


Ang average na lalim ng naturang ilog ay nasa 4 hanggang 6 na metro (13-20 ft) at ang kahabaan ng ilog na ito ay dumadaloy sa pinakamataong lugar sa bansa kaya sa paglipas ng panahon ay hindi ito napangalagaan, bagkus ay napakarumi na ng Ilog Pasig.


Kung babalikan natin ang kasaysayan, ang Ilog Pasig ay ginagamit bilang pangunahing daluyan ng transportasyon ng ating mga kababayang pabalik-balik para sa pagkuha ng tubig, pagkain, at ibang kabuhayan para sa mga residente ng Manila.


Mahalagang bahagi ng bansa ang naturang ilog dahil napakaraming bahay ang nakatayo sa kahabaan ng gilid nito kabilang na ang Palasyo ng Malacañang kung saan dito namamalagi ang Pangulo ng bansa hanggang sa kasalukuyan.


Alam ba ninyo na noong Oktubre 2018, ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ay nagwagi ng kauna-unahang Asia Riverprize dahil kinilala ang kanilang pagsisikap na i-rehabilitate ang Ilog Pasig at nagawa nilang mapanumbalik ang aquatic life sa naturang ilog?


Nagsimula ang rehabilitasyon noong 1999 sa tulong ng Danish International Development Agency (DANIDA), ang Asian Development Bank ay nagbigay naman ng $200 milyong loan sa pamahalaan ng Pilipinas upang maipatupad ang 15-taong slum upgrade program para sa Metro Manila kabilang na ang rehabilitasyon ng Ilog Pasig.


Abril 20, 2021, nag-anunsyo ang San Miguel Corporation (SMC) ng river cleanup at agad itong nakipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil ang river cleanup ay bahagi ng kanilang P95 bilyong Pasig River Expressway project.


Taong 2007 pa lamang, pinamahalaan na ng PRRC ang paglalagay ng ferry sa naturang ilog at maayos naman itong nasimulan, ngunit kalaunan ay hindi naging matagumpay dahil sa dami ng basura, marami pa ring informal settlers at mabaho na ang amoy.


Taong 2011, sa halip na dagdagan pa ang mga bumabiyaheng ferry, bigla na lamang itinigil ang operasyon at taong 2014 ay itinuloy muli ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang operasyon ng ferry sa Ilog Pasig.


Paulit-ulit, pabalik-balik ang operasyon ng ferry na sa simula ay maayos naman at talagang nakakatulong sa mga pasahero at palaging kasabay nito ang rehabilitasyon ng Ilog Pasig, ngunit palaging nauuwi sa wala.


Ngayong 2023, heto at nagpulong sina MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, Coast Guard District NCR-Central Luzon Commander, CG Rear Admiral Hostillo Arturo Cornelio at CG Lieutenant Commander Michael John Encina at tinalakay nila ang rehabilitasyon ng Ilog Pasig at disaster preparedness training.


Ito ay upang magamit umano na alternatibong daanan ng mga commuter sa Metro Manila ang Pasig River—at sisimulan umano ito sa pamamagitan ng isasagawang rehablitasyon sa naturang ilog ng pamahalaan.


Nakakatuwa ang napagkaisahang ito ng MMDA at Coast Guard dahil kapakanan ng mga pasahero at pagluwag sa daloy ng trapiko ang kanilang puntirya, pero nais kong ipaalala na napakarami nang nagtangka na gawing alternatibong transportasyon ang ferry, pero sila ay nabigo.


Napakarami na ring budget na naubos at nasayang mula sa paglilinis ng ilog hanggang sa paglalagay ng mga ferry, kaya sa puntong ito ay umaasa tayo na sana ay magtagumpay ang MMDA at Coast Guard dahil malaking tulong ito sa mga pasahero.


Sana ay pangmatagalang solusyon ang iniisip ng MMDA at Coast Guard hinggil sa pagbuhay sa ferry at huwag gawing dagdag ‘papogi’ lamang para sa accomplishment at pag-alis nila sa puwesto ay kasabay nilang maglalaho ang mga ferry sa Ilog Pasig.


Good luck sa MMDA at Coast Guard, sana ay huwag ninyong sundan ang mga ningas-kugon na dating nakaisip nito.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page