top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 20, 2023


Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Labor Advisory number 14, Series of 2021 na may titulong ‘Working conditions of delivery riders in food delivery and courier activities.’


Sa ilalim ng naturang advisory, kailangang malinaw ang employer-employee relationship—tulad ng ordinaryong kumpanya, kailangang may attendance, may panuntunan at may mga department head na siyang sinusunod sa operasyon.


Itinuturing na isang empleyado ang delivery rider na dapat ay kumpleto ang tinatamasang benepisyo tulad ng minimum wage, holiday pay, overtime pay, thirteenth-month, at mayroon pang occupational safety at health standards tulad ng SSS, PhilHealth, Pag-IBIG atbp.


Pero alam n’yo ba na napakaraming delivery rider sa bansa ang inilalagay sa panganib ang kanilang buhay dahil sa araw-araw nilang pagtatrabaho ang wala man lamang nakukuha kahit singkong duling kung benepisyo at insentibo ang pag-uusapan?


Kamakailan lamang, isang delivery rider ang hinoldap ng mismong tumanggap ng kanyang delivery, at mabuti na lamang ay nakatakas at nakahingi ito ng tulong sa pulisya, kaya mabilis namang nasakote ang nangholdap.


Bukod sa nakaambang panganib, kahit nag-iingat ang isang delivery rider sa kanyang pagmamaneho, hindi maiiwasan na makatagpo ito sa kalsada ng isang hindi nag-iingat na motorista at madamay sa iniiwasang aksidente.


Walang magawa ang mga delivery rider sa tuwing masisira ang kanilang motorsiklo sa pagtupad ng kanilang trabaho kung hindi ang mag-abono para sa piyesa ng kanilang motorsiklo, bayaran ang maintenance at sagutin ang sariling gasolina.


Bilang delivery rider at nais nilang magkaroon ng benepisyo tulad ng SSS, kailangan nilang maghulog nang boluntaryo, hindi tulad sa ibang kumpanya na ibinabawas sa buwanang suweldo at ang kumpanya ang nag-aasikaso.


Mayroong apat na basehan para matukoy ang employer-employee relationship—ito ang four-fold test na, “The employer’s selection and engagement of the employee; payment of wages; the power to dismiss; at the power to control the employee’s conduct”.


Kaya nabuhayan ang marami nating kapatid na delivery riders at iba pa nating ‘kagulong’ nang paboran ng Korte Suprema kamakailan ang limang illegally dismissed riders ng Lazada E-Services Philippines, Inc. matapos matiyak ng korte na lahat ng basehan sa four-fold test ay kumpleto sa pagitan ng riders at ng kumpanya.


Lumalabas na ang naturang desisyon ng korte ay matibay na ang mga delivery riders ay may karapatan bilang manggagawa at may pribilehiyo sa mga benepisyo na tinatamasa ng isang regular na empleyado.


Inatasan ang Lazada ng korte na bayaran lahat ng dapat na benepisyo at dapat manatili ang limang delivery riders na nagreklamo sa naturang kumpanya at hindi dapat alisin sa kanilang trabaho.


Hindi kasi mapapasubalian na ang trabaho ng isang delivery rider ay lubhang napakahalaga para sa isang kumpanya kung saan sila nagbibigay ng serbisyo dahil kung wala ang mga delivery rider, tiyak na maaapektuhan ang kabuuan ng operasyon ng negosyo.


Bilang Unang Representante ng 1-Rider Partylist, pinag-aaralan na natin sa kasalukuyan na makapagsumite ng panukalang-batas na tutukoy sa kalagayan ng ating mga riders na konektado sa mga ride-hailing apps o anumang kumpanya, ngunit walang kasiguruhan kung hanggang saan ang pananagutan sa kanila ng kanilang pinapasukan.


Mas mahirap ang isang delivery rider kumpara sa isang ordinaryong mangagawa sa pabrika na bukod sa overtime ay napakaraming benepisyo ang tinatamasa na sinusunod ng pabrika dahil alituntunin ito ng batas.


Samantalang ang isang delivery rider ay kailangang mapagkakatiwalaan, presentable, marunong magpaliwanag, may professional driver’s license at madalas ay may sarili pang motorsiklo para lamang magampanan ang isang pagiging rider.


Higit sa lahat, kailangan din ng sapat na karanasan sa pagmamaneho ng motorsiklo upang maihatid nang mas mabilis at ligtas ang mga iniuutos, kaya tama lang na lingapin naman natin ang kapakanan ng ating mga ‘kagulong’ para sa kanilang seguridad bilang isang working rider.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 18, 2023


Hindi natin alam kung saan kumukuha ng lakas ng loob ang Department of Transportation (DOTr) sa tuwing haharap sila sa mga pagpupulong kung saan inuulan sila ng mga tanong at kahilingang magpaliwanag hinggil sa kakapusan ng driver’s license sa bansa.


Muling nasalang sa kabi-kabilang kuwestyon ang DOTr nang humarap sila sa pagdinig ng House Committee on Transportation, kung saan pinagdudahan ng ilang mambabatas ang kanilang intensyon sa pakikialam sa procurement ng Land Transportation Office (LTO) sa pagbili ng lisensya ng driver.


Tahasang kinuwestyon ng ilang miyembro ng Kamara de Representantes ang ginawang paglabag ng DOTr sa 2023 General Appropriations Act (GAA) dahil sa muli umanong pagsulot sa LTO sa implementasyon ng malalaking proyekto tulad ng plastic card para sa driver’s license.


Ibinulgar ng LTO na noong Disyembre ay nagsimula na umano silang magproseso ng karagdagang limang milyong plastic card na nagkakahalaga ng P249 milyon, ngunit sapilitan umanong inagaw ng DOTr.


Walang nagawa ang LTO dahil mas mataas umano ang posisyon ng DOTr at gamit ang Special Order (SO), kinuha ng DOTr sa LTO ang pamamahala sa procurement, na ayon naman sa LTO, hindi sana hahantong sa kakapusan ng plastic card ng driver’s license kung hindi nakialam ang DOTr.


Sa Hunyo o Hulyo, paubos na rin ang plate number para sa mga sasakyan, lalo na sa motorsiklo, gayung hindi pa natin nareresolba ang backlog ng plaka noong 2016, kaya hiningan natin ng paliwanag ang DOTr hinggil dito.


Hindi lang naman ito ngayon nangyari, dahil ang DOTr din ang nadidiin sa nagdaang backlog dahil kinuha nila ang pamamahala sa procurement para sa P4.7 bilyong budget na pambili sana ng plaka at ngayon ay muling naulit, kaya halatang-halata ang DOTr.


Ang masaklap, nadadamay ngayon ang LTO dahil sa pagkukulang ng DOTr, na dapat sa pagharap nila sa mga kaanib ng Kamara o interview ay inaamin nila na sila ang may problema at hindi ang LTO.


Kaya kung anu-anong paraan na lamang ang ginawa ng LTO para pagtakpan ang isyu hinggil sa kakulangan ng plaka, pero ang DOTr ay tuluy-tuloy pa rin sa paglalabas ng paliwanag na tila walang nangyari.


Noong tinalakay ang 2023 national budget, alam ng buong Kongreso na ang LTO ang magpapatupad ng mga proyekto at hindi ang DOTr, kaya inaprubahan nila ang pondo para r’yan kaya kuwestyonable talaga ang panghihimasok ng DOTr.


Noong nakarang linggo, tahasang pinalalayas ni Chief Presidential Legal Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile ang mga opisyal ng LTO dahil sa isyu ng kakulangan ng supply ng plastic card para sa driver’s license.


Sa kanyang programa, sinabi ni Enrile na kumunot umano ang noo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang mabalitaang may malaking problema sa kakapusan ng driver’s license.


Ayon kay Enrile, malinaw na may kapabayaan hinggil sa problema sa driver’s license dahil hindi umano nila ginampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at karamihan ay pabigat lamang umano sa Pangulo.


Dahil dito, tahasang pinalalayas sa puwesto ni Enrile ang mga opisyal sa LTO, ngunit mas dapat unahin ang mga opisyal ng Land Transportation ang Franchising Regulatory (LTFRB) na silang ugat ng lahat ng problemang ito.


Mabigat ang panawagan na ito ni Enrile, ngunit wala tayong magagawa dahil personal niya itong opinyon at nakita niya kung paano nainis ang Pangulo sa kanilang pagpupulong.


Habang lumilipas ang araw, painit nang painit ang sitwasyon ng DOTr, dumarami ang nagagalit at nagdadasal na mapalitan na sila sa kanilang puwesto — sana lang, hangga’t may natitira pa sa kanilang ‘lakas sa pagkakakapit’ ay resolbahin nila ang problema bago pa mahuli ang lahat.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 16, 2023


Hindi na talaga maawat ang paglago ng industriya ng pagmomotorsiklo sa bansa dahil kahit napakabagal ng pag-usad na maipasa ang paggamit ng motorcycles-for-hire para maging public transport ay tuloy pa rin ang pagdami nito.


Marami sa ating mga kababayan ang masusing naghihintay na maging ganap na legal ang motorcycle taxi, ngunit sa dami ng ibang prayoridad at usaping legal na pinagdaraanan sa Kongreso, marami na ang hindi nakapaghintay.


Dahil sa kakulangan ng pagkakakitaan sa bansa, marami sa ating mga kababayan ang naiisip na kumuha na lamang ng hulugang motorsiklo at gawing motorcycle taxi para may mapagkukunan sila sa pang-araw-araw na gastusin.


Sa ngayon, kalahati na sa mga namamasada ng motorsiklo ay kolorum, ito ‘yung mga sumisigaw ng ‘habal-habal’ sa iba’t ibang lugar na ang iba ay nakasuot pa ng uniporme ng mga kilalang Motorcycle Taxi App kahit hindi sila miyembro para mas madali silang makakuha ng pasahero.


Kontrolado kasi ngayon ng malalaking ride-hailing apps ang operasyon ng motorcycle taxi sa bansa at marami sa ating mga ‘kagulong’ ang kulang sa kaalaman o ayaw talagang lumahok dahil sa kabi-kabilang reklamo laban sa sistemang ipinatutupad ng mga kilalang kumpanya ng motorcycle taxi.


Delikado kasi kung patuloy sa pagdami ang kolorum na motorcycle taxi dahil bukod sa nalalagay sa peligro ang buhay ng ating mga ‘kagulong’, mas nasa delikadong kalagayan din ang mga tumatangkilik nito, lalo na ‘yung mga hindi marunong magmaneho ng motorsiklo.


Sa halos araw-araw na aksidenteng nagaganap na kinasasangkutan ng mga motorcycle taxi ay walang habol ang mga pasahero dahil wala pa namang opisyal na panuntunan, kaya ang karaniwang nangyayari ay nauuwi na lamang sa aregluhan.


Hindi maitatanggi na gumaan ang buhay ng marami nating manggagawa dahil naglipana na ang motorcycle taxi, ngunit ang sebisyong tinatamasa ng ating mga kababayan ay may kaakibat na peligro, kaya talagang napapanahon na unahin ang kapakanan ng ating mga ‘kagulong’.


Kung dati ay namumroblema ang pamahalaan tuwing may banta ng transport strike, sa nagdaang nationwide transport strike, motorcycle taxi ang nagsalba sa maraming manggagawa at estudyante para makarating sa kani-kanilang patutunguhan.


Maraming bansa ngayon na motorsiklo ang kaakibat sa pagsulong ng ekonomiya at hindi tayo naiiba sa kanila, dahil karamihan sa mga negosyo at opisina sa ating bansa ay gumagamit na rin ng motorsiklo.


Sa totoo lang, napakakombinyente ng paggamit ng motorsiklo, ngunit napakadelikado rin kung hindi ito properly regulated at dahil sa napakabagal na pagpapatupad nito, dumadami ang bilang ng motorsiklo sa bansa at mas humihirap ang kinakaharap nating problema.


Tulad na lamang ng pagdami ng hindi rehistradong motorcycle taxi at iba pang motorcycle-for-hire services na bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng marami sa ating mga kababayan, kaya dapat ay paspasan na talaga kung para sa kapakanan at kaligtasan, hindi lamang ng driver kundi maging ng riding public.


Sa kasalukuyan, ang motorcycle taxi at delivery services ay isa na sa pinakamalaking job-generating industries sa Pilipinas at ang pagpapatupad ng batas hinggil sa kanilang operasyon ay magbibigay sa kanila ng proteksyon laban sa mga biglaang pagbabago ng polisiya o extortion.


Makabubuting magkaroon na ng standard at specification, hindi lang sa singil kundi maging sa mga penalty sakaling may mga paglabag sa operasyon ng mga motorcycle-for-hire.


Alalahanin nating hindi lang buhay ng pasahero ang ipinagkakatiwala natin sa mga motorcycle-for-hire dahil ipinagkakatiwala rin natin ang ating mga cargo at iba pang mahahalagang bagay na ipinadadala natin sa mga mahal natin sa buhay.


Kaya panahon na para anihin naman ng ating mga ‘kagulong’ ang tamang respeto at pagtrato sa kalye at kahit mula sa mga enforcer na paborito silang panggigilan sa checkpoint sa dinami-dami ng sasakyang dumadaan sa kalsada.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page