top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 4, 2023


Kilala ang Metro Manila Development Authority (MMDA) pagdating sa paghihigpit sa lahat ng mga nakahambalang sa lansangan na maaaring pagmulan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko kaya kabi-kabila ang isinasagawa nilang clearing operations -- dati.


Maganda na ang nasimulan ng MMDA at kahit sa social media ay napakarami nilang naka-upload na talagang wala silang sinisino basta sinasakop ang kalsada kaya ilang buwan ding humanga ang ating mga kababayan sa pagsisikap na ipinapakita ng ahensya.


Ngunit nitong huling mga buwan tila, naramdaman ang pagluluwag ng MMDA na hindi natin alam kung sinadya ba o hindi dahil kataka-takang nagbalikan na ang mga problema sa mga lansangan at tinitingnan lamang ng mga enforcer ng kagawaran.


Hindi na natin iisa-isahin dahil alam naman ng MMDA ang mga lugar na ating tinutukoy -- tulad ng Baclaran at ilang bahagi ng Divisoria na nagbalikan na sa lansangan ang lahat ng mga sagabal sa lansangan na dahilan para hindi na magamit ang kalye.


Dati-rati halos araw-araw ay kitang-kita ang mga operatiba ng MMDA kasama pa ang media na binabantayan ang kanilang operasyon, na ngayon ay may mangilan-ngilan pa ring operasyon ngunit may tila mga kinikilingan na.


Isa na rito ang mga provincial buses terminal na hindi na natin papangalanan ang mga bus company upang hindi tayo pulaang namemersonal ngunit napakarami na ng mga kababayan nating nagrereklamo araw-araw.


Sa ilang bus terminal sa bahagi ng Cubao area ay lantaran na naman ang pagmamaniobra ng mga bus gamit ang mga lansangan na mariing ipinagbabawal noon ng MMDA, taliwas ngayon na parang walang nakikita ang mga enforcer ng ahensya.


Ilang bus ang maya’t maya ay nagmamaniobra gamit ang kalsada papasok at papalabas ng kanilang terminal na grabeng abala sa lahat ng motorista at mga taong naglalakad dahil kailangang pagbigyan muna ang provincial buses na ito.


Isa sa sobrang lantaran ang paggamit ng kalye ng mga provincial buses ay ang panulukan ng Gil Puyat Avenue at Taft Avenue sa Pasay City na nilagyan pa ng harang ang inner lane ng Gil Puyat para bigyang prayoridad ang mga papalabas na bus.


Kumbaga, pinatay na ang service road ng Gil Puyat Avenue para lamang sa kapakanan ng mga provincial bus, at sobrang pahirap ito sa mga motorista at mga taong papasok sa mga trabaho tuwing umaga gayundin sa hapon.


Ilang metro mula sa sinakop na service road sa Gil Puyat ay ginawa namang terminal ng mga multicab na bumibiyahe patungong Mall of Asia (MOA) at lahat ng mga ito ay nagbabayad sa isang ‘barker’ na siyang namamahala sa pilahan.


Ang masaklap, kitang-kita pa ang ilang traffic enforcer na umaalalay para ayusin ang sitwasyon kung nakakaranas na ng grabeng pagsisikip para hindi maistorbo ang operasyon ng provincial buses na nakahambalang sa naturang lugar.


Hindi tuloy natin maialis sa isipan ng ating mga kababayan na kaya lantaran ang paglabag na ginagawa ng ilang provincial buses sa Metro Manila ay dahil may basbas ang MMDA.


Marami kasing provincial buses na sumusunod naman sa umiiral na sistema tulad na lang ng paggamit ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngunit kataka-takang may mga kumpanyang pinapaboran ng pamahalaan.


Huwag naman natin basta husgahan ang kagawaran dahil naniniwala akong hindi basta ipagpapalit ng pamunuan ng MMDA ang kanilang kredibilidad sa ‘lingguhang kita’ mula sa mga pasaway na kumpanya ng bus terminal na ito.


Posibleng bahagya lang nilang hindi napagtuunan ng pansin ang naturang problema at naniniwala akong isa sa mga araw na ito ay magpapakitang-gilas na naman ang MMDA para patunayang seryoso silang iayos ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.


Sakali mang hindi pa rin pantay-pantay ang trato ng MMDA sa mga provincial buses na ito, hindi na ako kikibo bahala na ang taumbayan kung maghinala rito.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 1, 2023


Isang pahina na naman sa kalendaryo ang nalagas dahil tapos na ang buwan ng Hunyo, ibig sabihin papalapit na nang papalapit ang deadline na ibinigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa phaseout ng tradisyunal na jeepney.


Medyo may kahabaan ang palugit na ibinigay ng LTFRB sa mga driver at operator ng mga tradisyunal na jeepney para makapaghanda kaya unti-unti nang nabubuo ang pangamba sa hanay ng ating mga kababayang hanggang ngayon ay umaasa pa rin na hindi maaalis ang tradisyunal na jeepney.


Sa Senado, imbes na maghintay sa itinakdang phaseout sa Disyembre 31 ng taong kasalukuyan ay hinimok ni Sen. Grace Poe ang lahat ng tsuper ng public utility vehicles na gamitin ang oportunidad na mahasa ang kanilang kasanayan sa pagmamaneho sa lansangan sa pamamagitan ng paggamit ng ‘Tsuper Iskolar Program’ na puwedeng makuha online.


Maayos ang hakbanging ito dahil mapapalawak nito ang kaalaman ng isang driver hinggil sa pagme-maintain at pagkukumpuni ng sasakyan, at sa road safety at magagamit sa pag-a-apply kahit sa ibang bansa.


Nitong 2023 budget ay kasamang inilaan ang P100 milyong pondo para sa ‘Tsuper Iskolar Program’ sa PUV drivers at hiwalay na P100 milyon naman sa ‘ExTsuperneur Program’ na sadyang inilaan para sa mga motorista upang magkaroon ng kasanayan na magagamit nila sa bagong pagkakabuhayan.


Magsasama-sama ang Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan ng Land Transportation Office (LTO) at Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) na hubugin ang mga tsuper na magkaroon ng pormal na edukasyon at sertipikasyon na magagamit nila sa pagpapatuloy ng kanilang hanapbuhay.


Medyo matindi ang paghahanda na isinasagawa ni Sen. Poe dahil nakapailalim ang entrepreneurship program sa DOTr sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na lahat ay libre ang pag-aaral.


Sadyang ginawang madali ang proseso para makakuha ng scholarship program dahil puwede nang mag-apply sa online at maaaring magpunta ang aplikante sa regional offices ng ahensya upang makakuha ng slot sa mga isasagawang training.


Ngayong nasa kalagitnaan na tayo ng taon, dapat ay magising na ang mga PUV drivers at maging mga driver ng mga tradisyunal na jeepney na may ibang mga pagkakataon na iniaalok ang pamahalaan na dapat sunggaban upang hindi mawalan ng hanapbuhay sakaling hindi maging maganda ang kahahantungan ng nakatakdang phaseout.


Ipinapaalala ko lang na matapos ang mga protesta ay pinalawig pa ng LTFRB ang deadline para sa mga tradisyunal na jeepney na dapat ay hanggang Hunyo 30 na lamang ngunit pinaabot pa hanggang Disyembre 31 sa kasunduang sasali sila sa mga umiiral na kooperatiba.


May basbas mismo si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. hinggil sa extension sa consolidation ng traditional jeepney base na rin sa hiling ng transport sector na personal na nakipag-usap sa Malacañang.


Sa ngayon, payapa ang magkabilang panig dahil sa maayos ang mga kasunduan, ngunit tiyak na hahantong na naman ito sa mga protesta sa oras na dumating na ang takdang panahon dahil marami pa rin sa mga operator at tsuper ang hanggang ngayon ay tutol pa rin sa nakatakdang modernisasyon.


Marahil ay hindi naman pababayaan ng pamahalaan ang mga kababayan nating operator at tsuper ngunit makabubuting magsipaghanda na rin at subukang magsanay ng ibang kaalaman tulad ng mga iniaalok na pagsasanay upang kahit paano ay may masasandalan sakaling hindi maging maganda ang kahahantungan ng lahat.


Limang buwan na lamang, dapat ay huwag nating ipagwalang bahala ang ibinigay na pagkakataon ng pamahalaan para isaayos ang napagkasunduang sistema upang walang maagrabyado at hindi na natin makita ang ating mga kapatid na tsuper na sumisigaw sa kalye at umaamot ng simpatya.


Maraming mga anak ang hindi na naman kakain sa oras kung hanggang sa Disyembre 31 ay hindi nakapaghanda ang mga operator at driver dahil kahiyaan na ito sa panig ng LTFRB kung hindi pa rin mareresolba ang lahat.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 29, 2023


Nitong nagdaang linggo halos araw-araw ay hindi mabilang sa daliri ang naaaksidenteng kinasasangkutan ng nakamotorsiklo.


May pagkakataon pang umaabot ng tatlo hanggang lima ang sabay-sabay na binawian ng buhay sa isang insidente dahil sa motor.


Ganito kadelikado ang kinakaharap na buhay ng ating mga ‘kagulong’ na ang hanapbuhay ay maging isang delivery rider na nagseserbisyo sa iba’t ibang kumpanya — na kung wala sila ay hindi uusad ang mga negosyong kanilang pinagsisilbihan na hindi man lamang alintana ang kanilang kalagayan.


Marami sa ating mga ‘kagulong’ ang inagos ng tadhana sa pagmamaneho ng motorsiklo noong kasagsagan ng pandemya hanggang sa madiskubre nilang isa itong alternatibong kabuhayan sa kabila ng banta sa pang-araw-araw na buhay.


Dati ang sinasabing nasa hukay ang isang paa ay ang pagiging sundalo o pulis ngunit sa panahon ngayon, applicable na ang kasabihang ito sa mga rider na mas mataas ang insidente ng naaaksidente na nauuwi sa pa minsan sa pagkasawi.


Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa buong Metro Manila lang ay tinatayang nasa 22,000 na ang delivery riders na araw-araw ay nakikipagpatintero kay kamatayan.


Karamihan sa mga delivery rider ay nasa gitna na ng kalsada bago pa magbukang liwayway at natatapos ang kanilang trabaho pagkagat ng dilim habang hindi nila alintana ang hirap na mabasa at matuyo ang pawis.


Dahil sa rami ng nawalan ng trabaho noong panahon ng pandemya, marami sa ating mga kababayan ang lumahok sa app-based online delivery services tulad ng Grab, FoodPanda, Shopee, Lazada, at Lalamove.


Nabatid na ang mga riders mismo ay nag-set ng internal quota upang kumita ng mas malaki at hindi sila tumitigil hangga’t hindi nararating ang kitang P1,000 sa loob ng isang buong maghapong paglilibot.


Dahil sa natuklasang kabuhayang ito ng mga rider ay mas dumami na sa kanilang hanay habang ayaw na nilang balikan ang mga dati nilang trabaho na kumikita lang ng minimum wage sa isang araw dahil sapat na umano ang P1,000 para sa kani-kanilang pamilya.


Malaki na ang ipinagbago ng takbo ng buhay ng mga rider dahil nakakaya na nilang magbayad sa inuupahang bahay, nakakapagbayad na sa oras sa kanilang bill sa kuryente at tubig na dati-rati ay palagi umano silang naghahabol sa due date na baka maputulan.



Hindi pa kasama rito ang tip na ibinibigay naman ng mga kliyenteng natuwa sa kanilang serbisyo na karagdagang kita ng mga rider, na lalo pang nagpapasigla sa mga rider at nakakalimutan ang banta ng sakuna habang nagmamaneho.


Ang naiipong tip umano ay sobra pa para sa pambili nila ng gasolina araw-araw. Hindi naman kasi sinasagot ng mga may-ari ng app-based online delivery services ang kanilang gasolina at maintenance.


Ang mga kinakaharap na problema lang ng mga rider ay ang kanilang kalusugan dahil sa sinasagupa nila ang init at ulan basta’t maihatid lamang sa oras ang mga dapat i-deliver ngunit hindi maiiwasang biktima rin sila ng ‘fake booking’.


Maraming insidente na dumadagsa ang mga rider sa iisang lugar dahil sa sabay-sabay silang naging biktima ng mga scammer online. Hindi maiiwasan na may mga tao talagang walang magawa sa buhay kundi ang paglaruan ang mga rider.


Iniinda rin ng mga rider na may ilang kumpanya na inoobliga umano silang magsuot ng dri-fit shirt at pinabibili sila ng delivery thermal bag na may logo ng kumpanya na kailangan nilang bayaran ng P2,500 hanggang sa P3,000.


Ganyan kasalimuot ang buhay ng isang rider na maya’t maya ay naghahabol sa oras na kung bubuwenasin ay tinatawag na kamote rider, at kung mamalasin naman ay puwedeng masangkot sa aksidente kanilang ikamatay.


Ang masaklap sa mga rider, inaakala ng maraming may posibilidad na mahinto sila sa paghahanapbuhay kung masasangkot sa aksidente, ngunit lingid sa kaalaman nila, mas lalong nagpupursige ang mga rider na magtrabaho kaysa kumalam ang sikmura at kahit sabihin pang nasa hukay ang isa nilang paa.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page