top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 20, 2023

Habang papalapit ang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) sa darating na Hulyo 24 ay paingay din nang paingay ang nakatakdang tigil-pasada na ilulunsad ng Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (SMMITT) o mas kilala sa tawag na Manibela.


Tanging ang ulo ng Department of Transportation (DOTr) na si Secretary Jaime Bautista ang target ng Manibela na kung magbibitiw umano sa puwesto ay hindi na nila itutuloy ang tigil-pasada, ayon mismo sa pahayag ni Manibela Chairman Mar Valbuena.


Kinukuwestiyon ng Manibela kung bakit nananatili pa rin sa puwesto si Bautista sa kabila ng napakarami nitong kapalpakan daw sa kanyang panunungkulan at pangunahing nagpahamak umano sa transport group dahil sa anunsyong hanggang Disyembre 31 na lamang ang tradisyunal na jeepney.


Dahil dito ay nagbigay ng pahayag nitong Lunes si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III na hindi umano ipatutupad ng gobyerno ang phaseout ng mga jeepney sa Disyembre 31.


Ngunit hindi naniwala ang Manibela sa pahayag ni Guadiz dahil ang nais nila ay manggaling mismo kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang anunsyo na wala talagang phaseout o kaya ay sibakin na sa puwesto si Bautista.


Dahil dito, nagbanta ang DOTr na babawiin ng LTFRB ang prangkisa ng mga lalahok sa tigil-pasada lalo pa at itataon ito mismo sa SONA sa Hulyo 24 na tatagal ng hanggang 26 na inaasahang aagaw ng eksena dahil tiyak na kukunan ito ng media.


Hindi rin natinag ang Manibela, dahil sa wala na umanong silbi ang banta ng DOTr kung hanggang katapusan na lang ng taon ang prangkisa ng tradisyunal na jeepney at dumagdag pa sa isasagawang protesta ang kahilingang magbitiw na si Bautista.


Binanggit ni Valbuena ang hindi maayos na operasyon ng mga airport sa bansa, kabilang na ang delayed ng mga flights, santambak na problema sa operasyon ng LRT at MRT na magtataas pa ng pamasahe, sunud-sunod na oil spill sa karagatan, kakapusan sa driver’s license at plate number ngunit nananatili pa rin si Bautista.


Ilan lang ‘yan sa mga kapalpakan umano ni Bautista, ayon kay Valbuena, ngunit sa kabila ng sunud-sunod na iskandalong kinasasangkutan ng DOTr ay nananatili pa rin ito sa puwesto gayung napakaraming mahuhusay na puwedeng ipalit na kaya ang trabaho.


Matatandaan na nagsagawa na rin ng tigil-pasada ang grupong Manibela noong unang linggo ng Marso 2023 ngunit sa kabila ng sinasabi nilang matagumpay ang protesta ay wala namang malinaw na resultang nakuha ang mga driver at operator.


Isyu pa rin ng Manibela ang 2017 Omnibus Franchising Guidelines na bahagi ng malawak na PUV Modernization Program para palitan ang mga luma at bulok na jeepney ng mga moderno at environment-friendly sa sasakyan.


Para umusad ang PUVMP, ang mga indibidwal na operator ay dapat bumuo ng grupo o sumali sa kooperatiba o korporasyon bago matapos ang taong 2023 dahil kung hindi ay ibibigay ng LTFRB ang kanilang prangkisa sa mga rehistradong kooperatiba, korporasyon o sa LGU.


Ngayon, uulit na naman ang Manibela at sa totoo lang kahit malayo pa ang SONA ay maraming sangay na ng pamahalaan ang nagsasagawa ng paghahanda sakaling maparalisa ang biyahe at tinitiyak na makakapasok at makakauwi ang mga mananakay.


Malaking kawalan naman sa Manibela ang hindi paglahok ng tinatawag na ‘Magnificent 7’ na kinabibilangan ng Pasang Masda, ALTODAP, PISTON, ACTO, FEJODAP, Stop and Go, at LTOP na kilalang malalaking transport group din na patuloy na nakikipag-ugnayan sa pamahalaan.


Dahil dito, kumpiyansa ang DOTr na hindi mapaparalisa ng Manibela ang transportasyon sa National Capital Regional (NCR) dahil karampot na 8% lang umano ang miyembro ng Manibela at fake news na aabot sila ng 200,000.


Ganyan kasalimuot ang hidwaan sa pagitan ng Manibela at DOTr na parehong may katuwiran at mabuting intensyon ngunit kailangang may manaig at ‘yan ang aabangan ng publiko sa araw ng SONA.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 18, 2023


Sa halip na tutukan natin ang nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ay biglang umeksena itong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers transport group (Manibela) na magsasagawa ng tatlong araw na protesta na natapat sa mismong araw na Hulyo 24 hanggang 26.


Ayon sa Manibela, nagkataon lang umano na nasabay sa SONA ang isasagawang tigil-pasada at hindi ito sinasadya. Ngunit, marami ang nagdududa na hindi ito nagkataon lang bagkus intensyunal para umani ng atensyon.


Mabigat ang panawagan ng Manibela dahil nais nilang mapalawig pa ng limang taon ang kanilang prangkisa na nakatakda nang wakasan sa darating na Disyembre 31 sanhi ng planong modernisasyon.


Sa ngayon, may bisa lamang na isang taon ang prangkisa ng mga tradisyunal na jeepney na labis na pinangangambahan ng mga kaanib ng Manibela na posibleng hindi na sila ma-renew sakaling hindi sila makasunod sa itinakdang deadline ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Ayon kay Manibela National President Mar Valbuena, ang isa sa mga nilalaman ng kanilang protesta ay ang walang habas na pamamahagi ng ruta sa iba’t ibang korporasyon at indibidwal na may kapasidad na labis na ipinag-aalala ng mga tsuper at operator na walang kapasidad.


Kasabay nito, isinumite ng Manibela sa Senate committee on public services ang mga dokumento kung saan ibinigay ng Department of Transportation (DOTr) ang ruta ng mga pampasaherong jeepney sa mga pulitiko at korporasyon.


Sinabi ni Valbuena na handa siyang isiwalat ang pangalan ng mga pulitiko sa isang public hearing ng Senado upang magkaroon ng immunity sa kaso at ibinigay din nila sa LTFRB ang mga kahalintulad na dokumento.


Magkagayunman, hindi umano umaasa ang Manibela na kakausapin sila ni DOTr Secretary Jaime Bautista para awatin sa itinakda nilang tigil-pasada sa Hulyo 24 dahil seryoso itong walisin umano ang mga jeepney driver sa kalsada.


Paliwanag pa ni Valbuena, wala umano silang laban sa DOTr secretary dahil ordinaryong driver lamang sila.


Ipinoprotesta ng Manibela ang tuluy-tuloy na pag-award ng LTFRB ng Local Public Transport Route Plan sa mga pulitiko at korporasyon dahilan para unti-unting mawalis sa kalsada ang mga tradisyunal na jeepney sa buong bansa.


Nais ng Manibela na mapatalsik umano si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III at lahat ng mga regional director ng ahensya dahil sa kabiguan nilang tugunan ang hinaing ng mga apektadong jeepney driver.


Ang masaklap sa isasagawang protesta ng Manibela, hindi sila suportado ng ilang transport group tulad ng Pasang Masda at ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines na hindi sang-ayon sa kanilang ipinaglalaban.


Samantala, ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) ay magsasagawa rin ng bukod na protesta sa Hulyo 17 at 24 na tinututulan din ang phaseout ng tradisyunal na jeepney at Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).


Tinatayang aabot ng halos 200,000 public utility vehicle ang lalahok sa transport strike na hindi naman alintana ng LTFRB at sa halip ay sususpendihin pa umano ang prangkisa ng mga lalahok sa tigil-pasada.


Dahil sa pagkakawatak-watak ng iba’t ibang samahan ng mga transport group ay posibleng maapektuhan ang kanilang ipinaglalaban na iisa lang ang layunin -- ang mapanatli ang tradisyunal na jeepney.


Kaya marahil, ngayon pa lamang ay humahalakhak na ang LTFRB at DOTr dahil sa paksiyong nangyayari kung saan ang mga hindi lalahok sa tigil-pasada ay sila namang aalalay sa mga pasahero para walang ma-stranded.


Maganda ang layunin ng pamahalaan hinggil sa modernisayon ngunit hindi nagkakasundo-sundo sa pagpapatupad nito. Parehong may katuwiran ang transport group at ahensya ng pamahalan na alam naman nating isa lang ang dapat na masunod.


Paulit-ulit na parehong nagbabanta ang magkabilang panig, abangan na lamang natin kung sino ang magtatagumpay para matapos na ito at hindi na maapektuhan ang ating mga mananakay.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 15, 2023


Parang bombang sumabog ang naging pahayag ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na pagbabawalan na ang mga motorcycle rider na sumilong sa ilalim ng mga flyover o footbridges sa kahit saang lugar sa Metro Manila.


‘Yan mismo ang naging pahayag ni MMDA acting Chairman Romando Artes sa harap ng maraming media sa gitna ng pagpapasinaya sa bagong bukas na Communications and Command Center ng MMDA sa Pasig City noong nakaraang Miyerkules.


Nabigla ang mga reporter na nagsasagawa ng coverage dahil ilan sa kanila ay gumagamit din ng motorsiklo. At kung matutuloy ang banta ni Artes, tiyak na maging sila man ay maaapektuhan kung hindi magkakaroon ng palakasan.


Tahimik ang media nang ianunsyo ni Artes na lubhang napakadelikado umano ng pansamantalang pananatili ng mga motorcycle rider sa ilalim ng mga overpass para sumilong at nang hindi mabasa sa buhos ng ulan dahil maraming dumaraang motorista.


Ang katuwiran ng MMDA, hindi umano ito ligtas para sa ating mga ‘kagulong’ na manatili sa ilalim ng mga flyover na karaniwan ay nasa highway dahil posibleng mabangga ng humaharurot na sasakyan na hindi agad sila mapapansin.


Higit sa lahat ang kumpulan umano ng mga motorcycle rider sa ilalim ng mga footbridge ay nagdudulot nang pagsisikip ng daloy ng trapiko kaya gigil na gigil ang pamunuan ng MMDA na ipatupad ang kautusang ipagbawal ang pagsilong.


Ipinaliwanag ng MMDA na labis na nakakaperhuwisyo ang ating mga ‘kagulong’ kung pagsisikip ng daloy ng trapiko ang pag-uusapan dahil sa tumatagal umano ng kalahati hanggang isang oras o higit pa ang pagbuhos ng ulan at hindi sila nag-aalisan hangga’t hindi tumitila.


May pagkakataon umanong dahil sa rami ng motorsiklong sumilong sa mga flyover ay sinakop na ng mga ito ang ilang linya sa kalye at isang linya na lamang ang nadaraanan kaya nagdudulot nang pagbagal ng usad sa hanay ng mga motorista.


Plano ng MMDA na patawan ng multa sa pamamagitan ng pag-isyu ng violation ticket para sa kasong obstruction na may multang P500 at ‘yan ay sa unang paglabag lamang at hindi pa natatalakay sakaling muling mahuli ang sumilong na rider.


Nakapaloob din sa plano ng MMDA na makipag-ugnayan sa mga gasoline stations at isasama umano ito sa pinaplantsa nilang sistema na dito maaaring sumilong ang mga rider bago ipatupad ng may paghihigpit ang kautusan ng MMDA.


Pakikiusapan umano ang mga gasoline station, partikular sa kahabaan ng EDSA na magtayo ng tent para magsilbing silungan ng mga rider at maaari umanong huminto sa itatalagang lay-by areas sakaling bumuhos ang ulan.


Maganda ang intensyon ng MMDA na maibsan ang pagsisikip ng trapiko ngunit tila hindi makatao ang panuntunang nais nilang ipatupad laban sa mga nagmamaneho ng motorsiklo at isa itong anti-poor o pagmenos sa ating mga ‘kagulong’.


Ilan lang naman sa ating mga ‘kagulong’ ang nagpapatila ng ulan dahil ang iba ay saglit lamang sumisilong para magsuot ng baon nilang kapote. At kung magsisimulang pumatak ang ulan at maghahabol pa sa mga gasoline station o lay-by area ang mga rider ay posibleng mabasa na bago pa makasilong.


Malaking porsyento ng ating mga ‘kagulong’ ay mula sa sektor ng mahihirap at ang iba ay delivery o habal-habal rider na hirap kumita ng P1,000 sa isang araw, tapos pagmumultahin pa ng P500 na imbes isusubo na sa pamilya ay aagawin ng mga enforcer ng MMDA.


Maghapong nakabilad sa init ang ating mga ‘kagulong’ kaya mahalagang agad na makasilong sa biglaang pagpatak ng ulan at parang nakakadurog ng puso na pati ang pagsilong ay ipagkakait pa natin sa kanila.


Hindi natin tinututulan ang intensyon ng MMDA ngunit sana naman ay plantsahin munang mabuti ang kautusang ito bago ihayag sa media para hindi naman magmukhang kawawa itong ating mga ‘kagulong’ na dumaranas na ng diskriminasyon sa mga check point at ngayon pati pagsilong para hindi magkasakit ay kakastiguhin pa.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page