top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 31, 2023


Kung bumabakat lang sa katawan ang mga salitang binibitawan ng publiko laban sa nanakit at nanutok ng baril sa isang siklista ay malamang na mata lang ang walang latay sa nag-viral na ex-cop dahil sa rami ng naiinis.


Sa social media ay napakarami nang galit na galit laban sa dating pulis na si Wilfredo Gonzales na hindi man lamang kinakakitaan ng sinseridad sa ipinapakita niyang pag-amin sa lahat ng kanyang interview at bakas na bakas ang pagiging kumpiyansa nito na tila napakalakas ng koneksyon.


Sa Senado, nagbigay ng manifestation si Sen. Jinggoy Estrada na sinuportahan din ng kanyang kapatid na si Sen. JV Ejercito hinggil sa naganap na pang-aabuso ng naturang ex-cop laban sa isang siklista.


Sinuportahan din ito ni Sen. Pia Cayetano na galit na galit din at nakatakda umanong magbigay ng pasabog hinggil sa naganap na pananakit, pagmumura at panunutok ng baril ng dating pulis na ito dahil nasagi lamang ang sasakyan ng isang cyclist.


Maging si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay naglabas ng opisyal na pahayag na tahasang kinukondena ng buong lokal na pamahalaan ang insidenteng kinasasangkutan ng nabangggit na ex-cop at isang siklista na naganap sa Welcome, Rotonda, Quezon City.


Ayon kay Belmonte, titiyakin umano niyang mananagot sa batas ang ex-cop upang hindi na pamarisan pa at hindi umano pinapayagan ang anumang pang-aabuso sa lungsod na nasasakupan ni Belmonte.


Kumbinsido rin si Department of Interior and the Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na dapat ay sampahan pa rin ng kasong kriminal ang nag-viral na ex-cop dahil hindi umano pinapayagan sa ating lipunan ang ‘bullying’ o mapang-api gamit pa ang baril.


Ang Land Transportation Office (LTO) naman ay tuluyan nang binawi ang lisensya ng ex-cop at sinuspinde ito ng 90 days habang iniimbestigahan pa umano ang naturang kaso at dapat na hindi na talaga bigyan ng driver’s license dahil expired din ang rehistro ng kotseng gamit nito.


Binawi na rin ng PNP-Firearms and Explosives Office, Civil Security Group ang License To Own and Possess Firearm, Firearm Registration (LTOPF) at Permit To Carry Firearms Outside Residence ng ex-cop, habang naobliga nang sampahan ng kasong alarm and scandal ng Quezon City Police District (QCPD) noong Martes sa Prosecutor’s Office ang naturang dating pulis.


Medyo ramdam nga ang pagiging espesyal sa pagtrato sa sumukong ex-cop dahil nagsagawa pa ng press conference noong Agosto 27 at ang PNP pa ang nag-host kung saan naipaliwanag ng ex-cop na ayos na umano ang lahat dahil nagkaroon na umano ng settlement sa pagitan niya at ng siklista.


Sinabi pa ng dating pulis na dapat umano maging responsable naman ang mga vlogger, tugon ito ng ex-cop sa nag-viral na video na tila pinalalabas nitong kung hindi sa nag-upload ng viral video ay hindi naman umano magkakaroon ng problema.


Ngunit, mas higit na umuusok sa galit itong si Atty. Raymond Fortun, tumatayong abogado ng siklista dahil sa panghihinayang na masampahan sana ng mas mabigat na kaso ang ex-cop pero umatras na umano ang siklista dahil sa takot.


Ibinunyag ni Fortun na maging ang nag-upload ng video ay tuluyan nang binawi ang video online dahil nakatanggap umano ito ng mga banta na nakunan ng CCTV ang sasakyan nito at alam na kung saan hahanapin kung hindi aalisin ang in-upload na video.


Ganito rin ang katwiran ng pamilya ng siklista na pinaniniwalaan din ni Atty. Fortun na biktima ng pananakot kaya tuluyang umatras na magsampa ng reklamo laban sa ex-cop na ngayon ay inaalam pa kung empleyado ito ng gobyerno.

Nabatid na taong 2016 ay nagretiro si ex-cop upang unahan ang desisyon ng mga kasong kanyang kinakaharap ngunit makaraan ang dalawang taon ay lumabas ang desisyon at na-dismiss ito sa serbisyo.


Hindi pa matiyak kung napakinabangan ng ex-cop ang benepisyo nito sa PNP mula sa kanyang pagreretiro ngunit kinakailangang maungkat din ito dahil kung nagawan niya ng paraang makaligtas sa mas mabigat na kaso, maipatupad man lang sana ng kagawaran na dapat ay walang makuhang benepisyo ang dismissed na pulis.


Hahalukayin pa natin!


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 29, 2023


Marahil panahon na upang magkaroon ng panibagong batas o karagdagang parusa para sa mga retiradong pulis na kahit wala na sa puwesto ay patuloy pa rin sa pang-aabuso dahil pakiramdam nila ay may natitira pa silang impluwensya at walang takot na maglabas ng baril.


Alam naman nating may umiiral na batas laban sa mga nananakit, nanunutok ng baril at iba pang pang-aabuso ngunit ang kahilingan ng marami nating Kababayan ay ang karagdagang parusa pa kung retiradong pulis ang masasangkot.


Kung aktibong pulis kasi ang masasangkot sa kahit anong klaseng pang-aabuso ay sinasampahan ng kasong kriminal at kaakibat nito ay may kinakaharap pa silang kasong administratibo kaya labis ang kanilang pag-iingat.


Hindi tulad ng mga retiradong pulis, partikular ang mga abusado sa panahon ng kanilang panunungkulan ay hindi pa rin maiwan ang ‘hoodlum mentality’ o pagiging ‘siga’ na karaniwang nakasanayan o naging practice ng mga sinaunang pulis.


Sanay din humilot ng complainant ang mga pulis o dating pulis lalo pa, at hindi naman matindi ang nagawang krimen at hindi sila takot na mang-abuso kaya marapat lamang na magkaroon ng karagdagang kaso para sa mga retiradong pulis kahit na umatras na ang complainant na magsampa ng kaukulang kaso.


Ganitung-ganito kasi ang sinapit ng isang siklista na nag-viral ang video ng insidente sa social media noong Agosto 8 na naganap sa Quezon City, matapos na pagmumurahin, sinaktan at tinutukan pa ng baril ng isang retiradong pulis dahil lamang sa simpleng sagian.


Umiral pa rin ang pagiging dating pulis ng isang retirado na hindi niya alam na kahit wala na siya sa serbisyo ay bitbit pa rin niya ang kanyang pinanggalingang kalasag ng pamahalaan na Philippine National Police (PNP) na dapat ay kanya pa ring pinoprotektahan.


Dahil sa pangyayaring ito ay agad namang naglabas ng show cause order ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) laban sa retiradong pulis na kitang-kita sa video kung paano niya tinutukan ng baril ang walang kalaban-labang siklista na bahagyang nakasagi ng kanyang sasakyan.


Marami naman ang natuwa sa mabilis na pagtugon ni LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, na base pa lamang sa video ng insidente ay ipinag-utos na nitong magsagawa agad ng imbestigasyon upang mapanagot ang motoristang nanakit, nagmura at nanutok pa ng baril.


Kasabay nito ay mabilis na nanawagan naman ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) na sumuko sa lalong madaling panahon ang suspek na agad na umanong tumugon at sumuko. Ngunit nitong nakaraang Linggo, Agosto 27 lamang nila inihayag.


Gayundin, sa pagsuko ng suspek ay isinurender nito ang kanyang baril at sasakyan na ngayon ay nasa kustodiya ng Highway Patrol Group (HPG) upang tiyakin kung ayos ang papeles o kung may iba pang kinasasangkutang kaso.


Mabuti naman at binawi na umano ng PNP-Firearms and Explosives Office, Civil Security Group ang License To Own and Possess Firearm, Firearm Registration (LTOPF) at Permit To Carry Firearms Outside Residence ng suspek. Sana, bantayan ito dahil tiyak na maghahanap ‘yan ng padrino para makapagbitbit muli ng baril.


Kaso, ayon sa NCRPO-Public Information Office (PIO) na nagsagawa ng press conference noong nakaraang Linggo ay sinabi umano ng pamunuan ng QCPD na nagkasundo na ang retiradong pulis at ang pobreng siklista.


Hindi nilinaw ng QCPD kung anong klaseng settlement ang nangyari, pero kung pagbabasehan natin ang sinabi ni Atty. Raymond Fortun, tumayong abogado ng siklista sa kanyang Facebook post na ang biktima pa umano ang pinagbayad ng P500.


Galit na galit si Atty. Fortun dahil ang siklista na umano ang binatukan at tinutukan ng baril ay siya pa ang pinagbayad ng P500, bukod pa sa nakakatanggap sa ngayon ng mga banta sa kanyang buhay ang nag-upload ng nag-viral na video.


Ito ang sinasabi natin, hindi malayong magduda ang taumbayan na magkampihan ang mga pulis at hindi natin alam kung paano nangyaring ang biktima ang lumabas na may kasalanan at pinagbayad pa.


Wala nang magagawa ang pobreng siklista dahil pumirma na siya sa areglo sa hindi pa natin matiyak na paraan at ‘thank you’ na lang ang pananakit at panunutok ng baril dahil balik na naman sa kalye ang retiradong pulis na marami pa ring kakampi sa PNP. Grabe!


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 26, 2023


Naaalala n’yo pa ba si dating Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Jose ‘Jay Art’ Tugade na nagsumite ng resignation noong nakaraang Mayo 22 dahil sa hindi pagkakaintindihan ng kanyang tanggapan at ng Department of Transportation (DOTr)?


Medyo lumalim ang hidwaan sa pagitan nina Jay Art at ng kasalukuyang DOTr Secretary Jaime Bautista dahil sa pagkakaroon ng shortage sa plastic card ng driver’s license na humantong sa pag-iimprenta na lamang gamit ang ordinaryong papel para magsilbing temporary license ng mga tsuper.


Agawan at pakikialam umano sa bidding kung sino ang dapat na supplier ang siyang gagawa ng plastic card ng driver’s license ang pinag-ugatan ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng LTO noon at ng DOTr.


Si Jay Art na isa ring abogado ay anak ng dating DOTr Secretary na si Arthur Tugade na kilalang nagpakita rin ng napakahusay na performance noong panahon ng kanyang panunungkulan at hindi nakialam sa naging desisyon ng anak.


Ang nakikitang rason sa resignation ni Jay Art ay dahil sa matinding pressure na maging si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ay dismayado na sa kakulangan ng supply ng plastic card ng driver’s license.


Pinaglalaanan nga naman kada taon ang lahat ng ahensya ng sapat na pondo kaya malaking kuwestiyon kung bakit humantong sa ganitong problema ang LTO sa kabila ng tumatanggap umano sila ng napakalalaking suweldo.


Ngunit, sa halip na mapabilis ang desisyon upang mabigyan ng solusyon ang naturang problema ay nagsisihan pa sina DOTr Secretary Bautista at noon ay LTO chief na si Jay Art habang nabulgar tuloy sa publiko ang panghihimasok ng DOTr sa procurement.


Sa ginawang resignation ni Jay Art ay nahukay ang sunud-sunod na problema ng DOTr at dumami ang kumukuwestiyon sa liderato ng naturang ahensya dahil sa palpak na serbisyo at hindi matigil na alingasngas ng katiwalian sa hanay ng kanyang mga opisyal at maging sa kinuha niyang ‘consultants’ sa loob ng kanyang tanggapan.


Naungkat pati ang muling pagkakaputol ng suplay ng kuryente sa buong NAIA Terminal 3 noong Labor Day, dahilan upang muling makansela ang ilang operasyon nito kasama na ang ‘inbound’ at ‘outbound flights’ na nangyari rin noong nakaraang Bagong Taon.


Umabot ito hanggang sa Senado, ngunit hindi natinag sa puwesto si Sec. Bautista sa kabila ng mga batikos sa social media hinggil sa hindi umano maayos nitong pamamalakad sa LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tadtad ng reklamo.


Pero ngayon, parang apoy na kumakalat ang usap-usapan na tila nanganganib sa puwesto si Sec. Bautista — hindi dahil sa hindi maayos na serbisyo kundi dahil sa kumalat na ang pagkaladkad umano niya sa pangalan ng Unang Ginang Liza Araneta Marcos kaya hindi raw siya matibag-tibag sa kanyang puwesto.


Ayon sa media na nakadiskubre at naglathala ng pangyayaring ito, lumalabas na nakarating umano ito sa kaalaman ng Unang Ginang kaya ngayon ay nakatuon ang atensyon nito sa pamunuan ng DOTr na sa isang pagkakamali pa umano ay posibleng may paglagyan na si Sec. Bautista.


Pero hindi naman ‘yan ang inaabangan sa istorya dahil ang nakaabang umanong ipapalit kay Sec. Bautista ay ang dating tao nito na si Jay Art Tugade bilang bagong secretary ng DOTr.


Hindi pa natin personal na kumpirmado ang kalat na kalat nang kuwentong ito ngunit nalathala na sa mga pahayagan at hindi naman nagbibigay ng paliwanag hinggil dito si Sec. Bautista, at maging si Jay Art na marami sa ating mga Kababayan ang natutuwa kung sakaling siya ang papalit na bagong kalihim ng DOTr.


Sakaling totoo ang balitang ito, medyo doble ang dagok nito kay Sec. Bautista dahil ang dati niyang tauhan na nagbitiw sanhi ng tindi ng kontrobersiya ay siya pa ngayong papalit sa kanyang puwesto.


Sana ay magbigay ng paliwanag hinggil dito si Sec. Bautista upang maliwanagan ang lahat, at bukas ang pitak na ito para sa kanya. Hintayin natin baka sakali!


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page