top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 18, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Mananagot sa Land Transportation Office (LTO) ang mga ahente o mismong dealer ng four wheeled vehicle o motorsiklo na hindi agad mailalabas ang plate number at Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR) sa tamang oras.


Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II nagsisimula na umano silang ayusin ang proseso para ipatupad ang tamang kaparusahan laban sa mga ahenteng nagbebenta ng mga kotse at motorsiklo na hindi sinusunod ang panuntunan ng ahensya hinggil sa pagbibigay ng papeles ng mga ibinebentang sasakyan.


Ibig sabihin hindi na maaaring ikatuwiran kapag nasita na hindi pa naire-release ang papeles ng bagong sasakyan dahil hawak na umano ng pamunuan ng LTO ang listahan ng mga ahente at mismong car dealer na bibigyan ng karampatang parusa tulad ng suspensyon ng accreditation.


Iginiit ng LTO na ang kanilang hakbanging ito ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. (PBBM) na tugunan ang napakatagal ng maling sistema na panahon na para maitama.


Base sa memorandum na tinanggap ng Department of Transportation (DOTr) mula sa Palasyo -- lahat ng dealer ng sasakyan ay kailangang sumunod sa  prescribed processing timelines ng LTO para sa release ng motor vehicles plates.


Nakapaloob din sa memorandum ang karampatang parusa sa mga lalabag tulad nga ng pagkansela ng dealership sakaling hindi sila makakasunod sa inilabas na kautusan.


Binigyang-diin din sa memorandum na lahat ng ahente o dealer ng sasakyan ay kailangang maibigay sa loob ng limang araw ang lahat ng kailangang papeles hanggang kaliit-liitang dokumento sa sinumang nakabili ng sasakyan, matapos maisumite ang mga documentary requirements.


Sa ngayon ay may mga tanggapan na umanong tinututukan ang LTO na hindi tumutugon sa kautusang ito at binibigyan sila ng ultimatum para tumugon.


Nasa 28 na umano ang kumpirmadong ahente ang nasa listahan ng ahensya na nakatakda nang patawan ng multang P20,000 hanggang P500,000 at isang buwan hanggang anim na buwang suspensyon ng kanilang accreditation.


Kaugnay nito, may panawagan din ang LTO sa mga bagong may-ari ng sasakyan na i-report kaagad sa kanilang tanggapan ang mga ahente at dealer ng sasakyan na inaantala ang pagre-release ng binili nilang sasakyan sa social media ng account ng LTO o sa AksyON THE SPOT o tumawag sa 0929 292 0865. Maganda ang hakbanging ito ng LTO dahil napakatagal ng problema ‘yan ng mga nakabili ng mga bagong sasakyan na karaniwan ay pinababayaan na ang isang customer matapos mabentahan ng sasakyan.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 15, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Hindi pa man naipapatupad ang pangakong zero backlog ng Land Transportation Office (LTO) hinggil sa plate number ay nadagdagan na naman sila ng panibagong problema makaraang paslangin ang hepe ng registration office ng ahensya kamakailan.


Hanggang ngayon ay hindi pa rin tukoy ng pamunuan ng LTO kung sino ang nasa likuran ng pamamaslang ng isa sa kanilang opisyal at kung ano ang tunay na motibo kaya muli ay lumutang na posibleng may kinalaman ang mga transaksyon sa naturang ahensya.


Dahil sa paglipas ng mga araw at hindi pa rin nareresolba ang nasabing kaso ay bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Quezon City Police District (QCPD) para masusing mag-imbestiga sa nangyaring pananambang sa naturang opisyal ng LTO noong nakaraang linggo.


Ito ay para mabatid nila kung sinu-sino ang may kinalaman at motibo ng pagtumba kay Mercedita Gutierrez, hepe ng registration office ng LTO central office, habang minamaneho ang kanyang Starex van sa Kamias Road kanto ng KH St., Brgy. Piñyahan, Quezon City.


Matatandaang dalawang tama ng bala ang tumagos sa sasakyan ni Gutierrez na natagpuang wala nang buhay habang nakahandusay sa loob ng van at bumangga pa sa isang delivery truck, matapos itong pagbabarilin ng gunman sakay ng motorsiklo.


Inaalam din ng QCPD Special Task Group kung may natanggap na mga death threat si Gutierrez bago ang pamamaslang. 

Grabe ang pangyayaring ito dahil napakalapit lamang ng pinangyarihan ng krimen sa Central Police District (CPD) at patunay ito na hindi na natatakot ang mga masasamang loob sa ating bansa.


Inaasahang dahil sa itinatag na task force ng Philippine National Police (PNP) ay mareresolba na ang kasong ito sa lalong madaling panahon at muli ay magbalik ang sigla sa tanggapan ng LTO.


Kailangang masakote ang mga salarin para mabigyang linaw ang naging dahilan ng pagpatay sa naturang opisyal upang hindi malagay sa alanganin ang kanyang kredibilidad na maayos namang nagtatrabaho.


Unfair sa biktima na nasawi na nga at ngayon ay nasasalang pa sa kung anu-anong ispekulasyon kung bakit siya pinaslang. Ngunit, ayon sa mga taga-LTO ay mabuti at maayos na empleyado ang namatay na opisyal.


Mabuting iharap sa media ang mga mahuhuling salarin para mabatid kung may kaugnayan sa trabaho ang pamamaslang o may iba pang motibo.


Kaya sa PNP Task Force — good luck sa inyo. Sana ay hindi ito maisama sa mga kasong nakatambak na lamang sa inyong tanggapan at binabahayan na ng gagamba.

Hindi lang ang mga kaanak ng biktima ang umaasa kundi ang taumbayan ay naghihintay na maresolba ang kasong ito.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 13, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Nagulat ang maraming tagapakinig ng programang Damdaming Bayan ni Deo Macalma at Sister L sa DZRH nang sa gitna ng paghahatid ng balita o live report ng isa sa kanilang reporter sa nagaganap na transport strike ay bigla na lamang umanong dumaing na sinusuntok siya sa tagiliran ng ilan sa mga kalahok ng tigil-pasada.


Dahil dito, mariing tinuligsa ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang physical attack na ginawa umano ng mga miyembro ng transport group na Manibela laban sa isang miyembro ng mamamahayag habang nagko-cover ng transport strike na isinagawa ng grupo sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.


Ayon kay Undersecretary Paul M. Gutierrez, PTFoMS executive director, ang pisikal na pang-aabusong ginawa laban kay Val Gonzales, isang beteranong field reporter ng istasyon ng radyo DZRH, ay hindi makakakuha ng anumang suporta sa publiko ang transport group o sa mga isyung sinusubukan nilang isulong.


Batay sa personal na pakikipag-usap ni Gutierrez kay Gonzales at mga ulat sa task force mula sa iba pang miyembro ng press, si Gonzales ay sinuntok umano sa baywang ng isang miyembro ng Manibela habang nagre-report ng transport strike sa East Avenue, Quezon City.


Sa report ni Gonzales, dahil sa transport strike ng Manibela ay walang motoristang makadaan sa East Avenue at ang traffic jam ay umabot hanggang sa Commonwealth Avenue.


Pinasinungalingan naman ni Manibela chairman Mar Valbuena ang pahayag ni Gonzales ukol sa umano’y panununtok sa kanya sa kanilang ikinasang kilos-protesta.

Sa depensa ng transport group, bago umano ang pag-ere ni Gonzales, nauna na itong nang-insulto matapos na murahin at pagsalitaan nang masama ang kanilang hanay.


Sinabi umano ng reporter na dapat na ipakulong ang grupo dahil sa abalang dulot ng kanilang mobilisasyon.


Ngunit, hindi puwedeng magsinungaling ang ipinalalabas na video na pinaligiran ng napakaraming kaanib ng Manibela habang nagre-report itong si Gonzales, kung saan naganap ang pananakit.


Hindi natin kinikuwestiyon ang pangyayaring ito – ngunit hindi ito makabubuti sa mga isinusulong o ipinaglalaban ng transport group dahil sa mawawalan na ng gana ang media na i-cover ang kanilang mga protesta na dahilan para makarating sa publiko ang kanilang hinaing kung may mga ganitong insidente.


Hindi natin masisisi ang mga kaanib ng media na kampihan ang kanilang kabaro at dahil sa naganap na ito ay posibleng maapektuhan ang adhikain ng grupong Manibela at humantong na maging hudyat ito ng katapusan ng kanilang laban – kaya dapat ay huwag itong pamarisan ng ibang transport group kung nais nilang may marating ang kanilang ipinaglalaban.


Nais nating ipabatid sa Manibela na sa ngayon ay nasa reporter ng DZRH ang simpatya ng publiko – na kailangang-kailangan pa naman ito ng kanilang grupo. At kung mauulit pa ang pangyayaring ito ay baka tuluyan na silang mawalan ng suporta sa publiko.  

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page