top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 7, 2023


Sobrang bilis talaga ng panahon, dahil ngayong araw na ito ay inaalala natin ang ating ika-1 taong anibersaryo ng pagsusulat sa pahayagan ng BULGAR, at sa walang sawa nating pagbibigay serbisyo-publiko sa ating mga ‘kagulong’.


Isa sa una nating isinulat ay ang kapahamakang naghihintay sa ating mga kababayang bumibili o pumapatol sa mga nagpapanggap na mga empleyado ng Land Transportation Office (LTO) na nag-aalok online gamit ang Facebook na puwedeng magkaroon ng driver’s license ng hindi na kukuha ng eksaminasyon at actual testing kapalit ng kaukulang bayad.


Ibinulgar agad natin ang sindikato online na nambibiktima ng ating mga kababayan na nagsikap lamang para makapag-ipon ng P3,000 hanggang P5,000 para makapag-down payment sa isang ordinaryong motorsiklo ngunit hindi pa marunong magmaneho.


Marami sa mga nakabili ng motorsiklo ay hindi pa talaga marunong magmaneho. Mas nauna pa silang bumili ng motorsiklo kaysa mag-aral magmaneho, kaya kabado silang kumuha ng lisensya na ang resulta ay umaasa sila sa non-appearance na alok online.


Silang mga takot kumuha ng lisensya ang karaniwang lumalapit sa mga fixer online dahil sa pag-aakalang konektado sa tanggpan ng LTO at hindi nila alintana kung tunay o peke ang iniaalok na driver’s license.


Iba-iba ang presyo ng iniaalok na lisensya online at kapansin-pansin na sinusunod din nila ang proseso sa LTO na dapat ay mayroong student permit at sila na ang bahala sa lahat kapalit ng P5,000 hanggang P7,000 na bayad para sa non-professional driver’s license.


May special package pang inaalok ang mga ‘fixer’ online na puwedeng kumuha ng driver’s license na hindi na kukuha ng eksaminasyon sa LTO, hindi na isasailalim sa medical examination, wala ng actual driving at pinadala na lamang online ang kanilang 1x1 picture at magkakaroon na sila ng tunay na driver’s license ngunit mas mahal ang ganitong serbisyo.


Ngayon heto at may bagong babala ang LTO-Bicol sa publiko na maging alerto laban sa online scammers na humihingi umano ng malaking halaga kapalit ng serbisyo para makakuha ng lisensya at pagpaparehistro ng sasakyan.


Kasunod umano ito ng kanilang pagkakatuklas na karamihan sa mga lisensyang nakuha online ay puro peke na hindi nahahalata ng mga naging biktima dahil gayang-gaya ang orihinal at tanging mga eksperto lamang ang kayang magdetermina.


Dahil dito, nagsasagawa ngayon ng koordinasyon ang LTO sa Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) upang pagsamahin ang kanilang puwersa na tugisin ang mga scammers online.


Kinumpirma mismo ni LTO chief Vigor Mendoza II na makikipagpulong ang kanyang tanggapan sa PNP-ACG upang paigtingin ang mga nakalatag na solusyon laban sa mga online scammers na nag-aalok ng serbisyo kapalit ng mabilis na pagkuha ng driver’s license at vehicle registration.


May mga tukoy na umanong salarin ang naturang ahensya na nag-aalok mula student permit hanggang renewal ng motor vehicle registration kaya pinag-iingat nila ang publiko para hindi maging biktima ng naturang sindikato.


Sabagay, kung paniniwalaan natin ang pahayag ng pamunuan ng LTO ay maayos at mabilis na umano ang sistema sa naturang ahensya at wala ng dahilan para pumatol pa ang ating mga kababayan sa mga manloloko online dahil sayang lang ang pera.


Mukhang desidido ang LTO na tugisin ang mga salarin ng sindikato online at ‘yan ang aabangan natin sa bagong pamunuang ito ng LTO na sa unang pagkakataon ay kumilos laban sa online scammers na nagpapanggap na lehitimong empleyado ng LTO pero peke pala.


Ito ang isa mga unang anomalya na ating ibinulgar at ngayon makaraan ang isang taon ng ating pagsusulat ay may nakikita na tayong liwanag na sana ay pagtagumpayan ng LTO at ng PNP-ACG para matigil na ang panloloko online.


Maraming salamat sa ating mga tagasubaybay na sa loob ng isang taon nating pagsusulat ay hindi bumibitaw at asahan ninyong patuloy pa rin tayo sa pagbibgay impormasyon at serbisyo-publiko.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 5, 2023


Sa paglipas ng mga araw habang binabayo ang iba’t ibang bahagi ng bansa ng mga pag-ulan at pagbaha ay patuloy namang lumalakas ang hagupit ng mga pangyayari hinggil sa insidenteng kinasangkutan ng isang dating pulis at ng isang siklista.


Imbes na humupa ang sitwasyon, na naganap noong Agosto 8 ay lalo pang umiingay dahil sa napakaraming pangyayari na nakapaloob sa simpleng pagkakasagi lamang ng isang siklista sa minamanehong kotse ng ex-cop.


Kitang-kita ang galawan ng mga sangkot mula pagsasagawa ng press conference upang makapagpaliwanag ang mga pangunahing karakter ngunit nananatiling galit ang publiko sa dating pulis na nagmura, nanakit at nagkasa ng baril sa siklista.


May isang programa pa sa telebisyon na ang tampok mismo ay ang pagkakakasundo ng dating pulis at siklista na nagkakamayan at parehong nagkapatawaran na ngunit nananatiling maingay ang pangyayaring ito, at hindi alam kung saan hahantong habang wala pang indikasyon na huhupa.


Kung totoo ang ipinapakitang pagkakasundo ng dating pulis at siklista ay walang problema dahil ito naman ang dapat. Ngunit, paano naman paghihilumin ang sugat at sakit na tumagos sa marami nating kababayan na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutunawan sa sitwasyon.


Dapat nating alalahanin na nag-viral ang pangyayaring ito, at hindi porke naghilom na ang sugat sa ibabaw ay magaling na rin ang nasa ilalim. May proseso ang lahat para sa pagpapagaling at hindi ito kayang gawin sa loob lamang ng isang magdamag.


Mabuti ang ginawa ni Atty. Raymond Fortun na dapat ay tatayong abogado ng siklista dahil sinampahan niya ng kaso ang tatlong personnel ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa hindi maayos na paghawak sa naturang kaso.


Mga kasong irregularities sa performance of duties at incompetence na isinampa sa Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB) na siyang may kapangyarihan upang dinggin ang reklamo laban sa mga law enforcer na abusado.


Bahagya namang naibsan ang galit ng publiko dahil ang dating pulis na coterminous employee ng Supreme Court ay agad na sinibak matapos masangkot sa pang-aabuso.


Pero nabuhay muli ang pagkainis ng taumbayan dahil sa hindi nito pagdalo sa pagdinig na ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO).


Ayon sa pamunuan ng LTO, ang dating pulis na kanilang inisyuhan ng ‘show cause order’ ay hindi lumutang sa hearing na itinakda noong Huwebes, Agosto 31, at sa halip ay ang anak umano nito ang dumating at nagsurender ng driver’s license ng ex-cop kaugnay ng 90-araw na preventive suspension na ipinataw ng ahensya.


Dahil dito, maglalabas ng desisyon ang LTO makaraang hindi magsumite ng affidavit ang dating pulis kung nararapat pa bang bigyan ng pagkakataong magmaneho o hindi na.


Isa pa sa pinagmumulan ng matinding galit ng publiko ay ang inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing isa sa bawat tatlong pamilya ay gumagamit ng bisikleta. Nasa 36% ng mga pamilya sa buong bansa ang kasalukuyang nag-mamay-ari ng bisikleta, na tinatayang mas marami pa ang mga owner nito, kumpara sa nagmamay-ari ng kotse at iba pang sasakyan base sa 13 surveys na isinagawa mula Mayo 2022 hanggang Marso 2023.


Resulta tuloy nito, maraming mga nagbibisikleta ay naghimagsik ang mga kalooban dahil sa sinapit ng kapwa nila siklista, pero ngayon ay areglado na.


Hindi natin kinukuwestiyun ang siklista kung bakit mas pinili niyang makipag-ayos na lamang kapalit ng katahimikan, ngunit kung lilipas na lamang ang pangyayaring ito ng ganu’n-ganu’n na lamang ay hindi malayong sa mga darating na araw ay may isa naman tayong ‘kagulong’ na maging biktima ng pang-aabuso dahil sa madali naman pala ang makipag-areglo.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 2, 2023


Ilang araw nang umuusok ang social media, lahat ng radio at TV stations, maging sa mga pondahan at tambayan ay iisa ang pinag-uusapan -- ang naganap na pananakit, pagmumura at panunutok ng baril ng isang dating pulis sa isang siklista.


Hanggang ngayon, hindi pa rin natutunawan ang marami nating kababayan hinggil sa nag-viral na pangyayari kung saan kitang-kita ang isang ex-cop na may hawak na baril matapos umanong masagi lamang ang dala niyang sasakyan ng isang cyclist.


Kulang na lamang ay ipako sa krus ng ating mga kababayan ang dating pulis na kinakitaan ng labis na pang-aabuso, at litaw na litaw din ang impluwensya nito tulad ng ginawa niyang pagpapaikot umano sa mga pulis na naging dahilan din para umatras na ang complainant.


Kaya pala sanay at matigas ang dating pulis dahil sa coterminous employee ito sa opisina ng isang Associate Justice ng Supreme Court, na ngayon ay sila mismong nagsibak sa dating pulis dahil sa pangyayari.


Bilang Representante ang inyong lingkod ng 1-Rider Partylist, kasama si Rep. Bonifacio Bosita ay nagsumite kami ng House Resolution 1231 na naglalayong imbestigahan ng Committee on Justice and Public Order and Safety ang naturang insidente na nag-viral video.


Bukod sa pangyayaring kinasasangkutan ng ex-cop ay kasama rin sa iimbestigahan ang iba pang insidente ng pang-aabuso gamit ang baril laban sa mga naka-2 wheels, lalo pa at may panibagong insidente ng panunutok ng baril sa nakahiga nang rider na viral na naman.


Hindi na kasi isolated ang dinaranas ng ating mga ‘kagulong’, parang nagkakaroon tuloy ng diskriminasyon sa pagitan ng mga motorista na pakiramdam nila ay mas higit silang makapangyarihan sa kalsada kumpara sa mga nagmamaneho ng dalawang gulong.


Kaunting hindi pagkakaintindihan sa kalye o kaya ay masangkot sa isang aksidente na hindi naman talaga maiiwasan ay parang mas may karapatang magalit ang lulan ng apat na gulong kumpara sa dalawang gulong.


Idagdag pa kung empleyado, konektado o halal na opisyal ng pamahalaan, opisyal ng Philippine National Police (PNP) o dating pulis na hindi naman lahat ay abusado ngunit hindi maitatanggi na marami rin ang abusado at kinakayan-kayanan ang ating mga ‘kagulong’.


Kaya ang isinumite natin ay RESOLUTION DIRECTING THE COMMITTEE ON JUSTICE AND PUBLIC ORDER AND SAFETY TO CONDUCT AN INQUIRY, IN AID OF LEGISLATION, ON THE RECENT GUN TOTING INCIDENTS OF INDIVIDUALS IN GOVERNMENT AGAINST TWO-WHEELED RIDERS.


Ang layon sa isinumite nating resolusyon ay makapagsagawa ng imbestigasyon na kalaunan ay makabuo ng mas malakas at mabigyan ng bagong pangil ang batas para proteksyunan ang mga riders mula sa ganitong pang-aabuso.


Malakas kasi ang loob nilang manindak dahil kumpiyansa silang madali lang makakalusot ang sinumang gagawa ng iba’t ibang klase ng pang-aabuso o pananakot, kung saan may mali nga o kulang sa umiiral na sistema.


Ito talaga ang nais nating punuan, kaya binigyang-diin natin sa isinumite nating resolusyon na pangunahing tungkulin ng pamahalaan ang magbigay ng proteksyon sa mga mamamayan, lalo na para sa mga rider at siklista sa mga kalsada.


Nakakadismaya lang na mabalitaang mismong ang inaasahan nating dapat na magtataguyod ng batas ay sila pa ang nangungunang bumabaluktot sa pamamagitan nang paninindak at iba pang klase ng pang-aabuso dahil lamang sa mga simple at walang saysay na dahilan.


Hangad natin na sa pamamagitan ng isasagawa nating imbestigasyon ay makabuo tayo ng malakas at akmang batas upang mabigyan natin ng kaukulang proteksyon ang ating mga ‘kagulong’, partikular ang mga siklista at mga rider sa bansa.


Hindi natin maitatanggi na kahit anong gawing pambu-bully ng mga motorista sa ating mga ‘kagulong’ at mag-astang parang mga hari ng kalsada ay wala na silang magagawa dahil kaakibat na nang paglago ng ekonomiya ng bansa ang mabilis na serbisyo ng motorsiklo.


Walang dapat na mas makapangyarihan sa kalye, dapat sundin ang umiiral na patakaran upang maiwasan ang aksidente at kaguluhan. Lahat dapat pantay-pantay upang sa huli ay pare-parehong makinabang habang inaayos pa ng pamahalaan kung paano ireresolba ang siksikang dulot ng napakaraming sasakyan.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page