top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 14, 2023


Nakatakdang maglunsad ng bike advocacy o National Bike Day ang Department of Health (DOH) kung saan plano nilang magtalaga ng isang araw na magbibisikleta ang mga gumagamit nito papasok sa trabaho.


Isa itong proactive na hakbangin ng DOH upang labanan ang napakatagal nang problema sa polusyon at isulong umano ang mas malinis na hangin bukod pa sa mabuting dulot sa kalusugan ng pagbibisikleta.


Bagama’t wala pang tiyak na petsa kung kailan ito isasagawa ay nangako ang pamunuan ng DOH na marami sa kanilang tanggapan ang gagamit ng bisikleta patungo sa kanilang opisina upang maging matagumpay ang naturang hakbangin.


Ang kailangan lamang ay itaas nang todo ang kaalaman hinggil sa naturang bike advocacy upang makarating sa mga mahihilig sa bisikleta at mas dumami pa ang mga lumahok upang makatulong sa pagpukaw sa layuning nais nilang iparating.


Ipinaliwanag ng DOH na ang nasabing bike advocacy initiative ay nakahanay sa pandaigdigang pagsisikap na bawasan ang polusyon, babaan ang greenhouse gas emissions, at hikayatin ang publiko hinggil sa mabuting dulot ng pagbibisikleta sa kalusugan at kapaligiran.


Nitong nakaraang dalawang araw ng Setyembre 7 at 8, isang matinding polusyon ang kumulapol sa buong Maynila na nagdulot ng pagkabahala sa mga eksperto sa kalusugan kabilang na ang DOH.


Pumukaw sa atensyon ng DOH ang malawak na smog na namataan na labis umanong mapanganib na kombinasyon ng mga pollutant sa hangin at ang matagal na pagkakalantad dito ay maaaring humantong sa permanenteng pinsala sa baga.


Ang Pilipinas, gaya ng iniulat ng Philippine Air Quality Index, ay rank 69th sa mga tuntunin ng pinakamasamang kalidad ng hangin noong taong 2022 at wala pang ulat para sa taong kasalukuyan.


At isa nga sa mga nakikitang solusyon ng DOH ay kumbinsihin ang marami nating kababayan na gumamit na ng bisikleta, dahil bukod sa malaking tulong laban sa paglala ng polusyon ay nagbibigay-proteksyon din ito laban sa stroke, heart attack, ibang klase ng cancers, depression, diabetes, obesity at arthritis.


Kaugnay nito ay nanawagan naman ang ilang cyclist group nitong nakaraang linggo sa pamahalaan na dapat umanong tiyakin ang kaligtasan ng bikers sa buong bansa, kasunod ng mga insidenteng kinasasangkutan madalas ng mga motorista at siklista sa kabila ng presensya ng bike lanes sa mga kalsada.


Matapos ang ginawang imbestigasyon sa Senado hinggil sa naging pananakit at pagkasa ng baril ng isang dating pulis laban sa isang siklista ay umaasa si Atty. Raymond Fortun na isa ring siklista na makabubuo ang mga senador ng batas para sa kaligtasan ng mga bikers sa bansa.


Nais ni Fortun kasama ang miyembro ng QCklista na binubuo ng mga mahihilig sa bisikleta na hindi lamang magtapos sa panawagan ang hiling nila na magkaroon ng bike lane kung hindi ang magkaroon ng ligtas at respetadong daanan para sa mga nagbibisikleta.


Nitong nagdaang Linggo ay inorganisa ng mga siklista ang grupong QCklista na nananawagan para sa kaligtasan ng bikers sa buong bansa at nais nilang maturuan ang mga motorista na lulan ng four-wheeled vehicle hinggil sa tamang paggamit ng kalye at hindi lapastanganin ang bike lane.


Sabagay, totoo naman ang kanilang panawagan na ang itinalagang bike lane ay dinadaan-daanan lamang ng mga kotse at karaniwan ay nakikipaggitgitan pa sa mga pobreng nagbibisikleta na wala namang magawa kung hindi ang umiwas dahil walang kalaban-laban sa malalaking sasakyan.


Sabi nga nila, hindi naman sapat ang pagbibisikleta lang para maisaayos ang problema sa polusyon, pero hindi ‘yan ang mahalaga, dahil ang importante ay may sinisimulang hakbangin na dapat ipagpatuloy.


Masaklap ang datos na sa 270 kataong nasawi dahil sa vehicular accident sa National Capital Region (NCR), nasa 149 sa mga ito ay mga motorcycle rider at siklista mula lamang ‘yan noong Enero hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan.


Rider na nakatutulong sa pag-angat ng ekonomiya at siklista na kaagapay sa pagbuti ng kalusugan at kalikasan -- ang palagi pang biktima ng kawalan ng disiplina.


Nakakalungkot!

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 12, 2023


Ngayong nagbukas na ang mga klase, paano ba pumapasok sa eskwela ang inyong mga anak?


May mga estudyante na inihahatid ng kanilang mga magulang, meron namang sumasakay ng pampublikong sasakyan tulad ng jeepney, bus o tricycle.


Wala tayong sapat na panuntunan na sinusunod, kung paano maproteksyunan at safety ng mga mag-aaral gamit ang iba’t ibang klase ng sasakyan kaya sa puntong ito ay kailangang-kailangan ang monitoring ng mga magulang.


Dapat na tiyakin na komportable ang mga mag-aaral sa mga naghahatid at sumusundong school service lalo na kung tricycle dahil hindi alam ng mga magulang na halos umapaw na ang tricycle bago dumating sa eskwelahan sa rami ng isinasakay.


Hindi tulad sa mga standard na school service ay may umiiral tayong batas upang itaas ang public safety sa pagbibiyahe ng mga pasahero partikular sa mga school children kaya naglabas ng panuntunan ang pamahalaan.


Nakapaloob sa batas ang minimum design standard ng isang school bus upang matiyak ang kaligtasan ng mga inihahatid na mag-aaral at ang batas na ito ay kilala rin sa tawag na ‘School Bus Safety Act’.


Obligasyon ng mga school bus na sadyang idinisenyo upang maghatid patungo sa mga paaralan maging pribado man o pampubliko at pabalik sa mga tahanan ng mga mag-aaral nang ligtas sa anumang kapahamakan sa tuwing may regular na pasok sa eskwela.


Kailangan na ang isang school bus ay may seatbelts na kombinasyon ng lap belt at shoulder strap na ikakabit sa mga bumibiyaheng mag-aaral upang hindi sila humagis sakaling magkaroon ng biglaang paghinto o magkaroon ng aksidente.


May proficiency standard para sa mga school bus driver na dapat ay may professional driver’s license at tiyaking ang mga operator o may-ari ng school bus ay sinusunod ang mga umiiral na panuntunan at tiyaking maliwanag ang kanilang responsibilidad hinggil sa kaligtasan ng isang mag-aaral.


Hindi basta-basta ang pagpapatupad ng mga safety features sa isang school bus dahil bago pa ito naisabatas ay nagkaroon muna ng mga konsultasyon sa parent-teacher organizations na siyang bumuo ng programa para siguruhing ligtas ang mga school bus.


Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay nagbigay na ng babala sa mga school bus operators na kailangang sundin ang mga ipinatutupad na safety requirements, kabilang na ang seatbelts at iba pang safety devices.


Sa mga vans, dapat na inaalis ang jump seats upang magkaroon ng easy access sa pagpasok at paglabas mula sa last row at maging ang mga arm rest sa kanang bahagi ng una at ikalawang row ay dapat na inaalis din.


Gayundin, kailangan ng steel grilled window sa lahat ng bintana maliban sa windshield at dapat ay one-inch mesh size kabilang na ang paglalagay ng portable fire extinguisher sa loob mismo ng school service.


Sa hitsura naman ng school service, dapat na may dark yellow rectangle sa magkabilang bahagi, three meters by one meter ang sukat at nakaguhit ng single line. Ang katagang ‘School Service’ ay dapat nakasulat ng kulay itim na may sukat na 40 centimeters at ang pangalan ng school ay dapat na 25 centimeters ang sukat.


Sa likurang bahagi ay dapat na dark yellow square, one meter ang sukat at may nakasulat na dalawang linya na mga katagang ‘School Service’ -- Caution: ‘Children Crossing’ na dapat ay nababasa sa 50 metrong distansya.


Kailangan din ang sapat na bentilasyon, maging ordinaryo man o air-conditioned ng mga school bus na hindi dapat lalagpas sa 15 taon mula sa pagkakagawa at dapat na may dalang portable na “Stop and Go” ang konduktor sa oras na tumatawid ang mga mag-aaral.


Ngayon, ilan man sa mga nabanggit nating panuntunan ang hindi sinusunod ng mga school service na sumusundo at naghahatid sa inyong mga anak ay makabubuting magreklamo sa mismong paaralan o kaya ay tumawag sa LTFRB.


Tiyakin din na hindi kolorum ang school service dahil bukod sa sayang ang ibinabayad ay nakokompromiso rin ang kaligtasan ng mga mag-aaral.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 9, 2023


Kamakailan lamang ay ipinatawag sa Senado ang dating pulis na si Wilfredo Gonzales at ang siklistang si Allan Bendiola upang isailalim sa imbestigasyon makaraang mag-viral ang gulong kinasangkutan ng dalawa noong Agosto 8, 2023.


Dismayado ang mga senador sa naging desisyon ng siklista na iurong na ang reklamo matapos siyang murahin, batukan at kasahan ng baril dahil lamang sa simpleng sagian sa kalsada.


Ang anak mismo ng siklista ay nagbigay ng pahayag sa harap ng mga senador na tahasang kinukondena ang ginawang pananakit ng dating pulis sa kanyang ama at kung siya lamang umano ang masusunod ay nakahanda siyang sampahan ng kaso ang dating pulis upang hindi pamarisan.


Maging si Atty. Raymond Fortun na dapat ay tatayong abogado ay dismayado sa naging desisyon ng siklista na nagsabing hindi umano siya binayaran o tinakot ng dating pulis dahil ang nais niya ay matapos na lamang ang lahat upang makaiwas sa kahit anong gulo na posibleng maging epekto ng pangyayari.


Nakakahinayang lang na mas pinahalagahan ng siklista ang kanyang sarili at ang sinasabi niyang katahimikan ng kanyang pamilya kaya hindi na siya magsasampa ng demanda at katunayan bago pa ito dumalo sa imbestigasyon sa Senado ay nagka-areglo na sila.


Hindi alintana ng naturang siklista na sobrang dami ng nadamay sa ginawang pang-aabuso sa kanya ng dating pulis. Unang-una ay nakatanggap ng pananakot ang vlogger na kumuha ng nag-viral na video ayon sa pagtatapat ni Atty. Fortun.


Ikalawa, ilang kaanib ng Quezon City PNP ang sinampahan ng kaso dahil sa hindi umano maayos na paghawak sa kaso na kalaunan ay tinanggal pa sa puwesto at ikatlo ay nag-resign ang QCPD director na si Brig. General Nicolas Torre III upang magbigay daan sa isinasagawang imbestigasyon.


Ilan lang ‘yan sa mga grabeng naapektuhan dahil sa kagagawan ng isang dating pulis na bago pa man nasangkot sa iskandalong ito ay paulit-ulit na umanong naharap sa mga reklamo nang pananakot at iba pang pang-aabuso na naging dahilan ng pagkakasibak nito sa serbisyo bilang pulis.


Bukod sa mga senador ay marami sa ating mga kababayan ang nanghinayang sa naging desisyon ng siklista dahil ito na sana ang pagkakataon upang makapagbigay ng isang halimbawa sa ating mga kababayan para hindi na pamarisan.


Dahil sa muling nalusutan ng dating pulis ang kinasangkutan niyang gulo ay hindi malayo na maulit na naman ang pangyayaring ito na kung hindi man ang dating pulis ang sangkot ay posibleng pamarisan ng iba, basta’t mahusay lang makipag-areglo.


At parang inaadya talaga ng panahon ang mga pangyayari dahil isa na namang road rage ang naganap sa Valenzuela City na nag-viral din, na ngayon ay pinaiimbestigahan na ng pamunuan ng Northern Police District (NPD).


Isang matapang na lalaki na naman ang may bitbit na baril ang nakaalitan ang isang taxi driver na base sa video clip na inilabas ni Atty. Fortun ay pinagbantaan ng lalaki na lulan ng Toyota Fortuner ang takot na takot na driver ng taxi.


Kitang-kita sa video na kinakasahan din ng baril at itinutulak ng driver ng SUV na may plakang NBB-315 ang tsuper ng taxi sa kahabaan ng Bgy. Bignay ng nabanggit na siyudad.


Kaya heto uli tayo at nabulabog na naman ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) dahil kailangang agad na makilala kung sino itong matapang na lalaki na tila iniidolo rin ang dating pulis na si Gonzales.


Grabe, para na tayong mga cowboy na konting kibot lang ay nakabunot na ng baril — partida, gun ban pa!

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page