top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 9, 2023


Matapos umani ng iba’t ibang reaksyon ang pagkakabalik sa puwesto ni Teofilo Guadiz bilang chief ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay agad silang naglabas ng pahayag na hindi pa umano ito tuluyang lusot sa kaso.


Maagap ang naging pahayag na sa kabila umano ng order ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) na ibalik na sa puwesto si Guadiz makaraang masuspinde dahil sa alegasyon ng korupsiyon ay hindi pa ito tuluyang ligtas sa kinakaharap na iskandalo.


Lumalabas na mistulang anesthesia na itinurok sa taumbayan ang pahayag na hindi pa lusot si Guadiz upang hindi na muna magbigay ng mga negatibong reaksyon kung bakit napakabilis namang naibalik sa puwesto si Guadiz.


Ayon sa pahayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, ang pagkakabalik ni Guadiz bilang chairperson ng LTFRB ay base sa utos ng Malacañang na kailangang sundin.


Sinabi pa ni Secretary Bautista na hanggang sa kasalukuyan ay tuloy pa rin umano ang isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Guadiz hinggil sa korupsiyong ipinupukol laban sa kanya na naging dahilan din ng kanyang suspensyon.


Kung anu’t ano man ang kahihinatnan ng isinasagawang imbestigasyon ng NBI sa mga katiwaliang ibinulgar laban kay Guadiz ay sa resulta lamang umano nito sila magbabase kung totoo ang mga ipinupukol laban kay Guadiz o hindi.


Matatandaan na noong Oktubre 9, sa isang press conference na inorganisa ng transport group na MANIBELA ay isiniwalat ni Jeffrey Tumbado ang talamak na korupsiyon sa LTFRB kung saan nakikinabang umano sina Guadiz, Secretary Bautista at ang Malacañang.


Si Tumbado na dating executive assistant ni Guadiz ay biglang binawi ang kanyang mga ibinulgar makalipas ang dalawang araw at humingi pa ng tawad kina Guadiz at Bautista.


Hindi ba’t isinulat ko na rin na nagkaroon ng madamdaming pag-uusap sina Tumbado at Guadiz – na si Tumbado din ang nagtapat sa media na nauwi pa umano sa iyakan ang pag-uusap nila ni Guadiz kaya pinangatawanan na nito ang pagbaliktad sa kanyang mga ibinulgar.


Sa madaling salita ay mabilis pa sa alas-kuwatro na kumilos si P-BBM at ilan sa mga nakapaligid sa Pangulo dahil nang makarating sa kanila ang pagbubulgar ni Tumbado ay agad-agad nilang sinuspinde si Guadiz.


Ibig sabihin, kahit walang imbestigasyon ay nagbaba ng kautusan si P-BBM na suspendihin ng 90 araw si Guadiz bilang LTFRB chief dahil ‘open secret’ naman ang mga ibinulgar ni Tumbado at parehong-pareho naman ito sa mga isinusumbong ng ilang nagrereklamong transport group.


Ngayong bumaliktad na si Tumbado, ay napakabilis din ng pagbabago ng desisyon ni P-BBM at ng mga nakapaligid sa kanya at kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon ng NBI ay binawi na agad ang suspensyon laban kay Guadiz at ibinalik na bilang chief ng LTFRB.


Kinumpirma ng tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na tinanggal na ang suspension kay Guadiz matapos bawiin ni Tumbado ang kanyang mga ibinulgar at lumalabas na ‘nakuryente’ lamang si P-BBM at ang mga alipores nito sa Malacañang.


Paano ngayon kung sakaling hindi umayon kay Guadiz ang lumabas sa resulta ng imbestigasyon ng NBI? Sususpendihin ba uli agad-agad si Guadiz ni P-BBM o wala na tayong aasahan dahil naibalik na sa puwesto?


Dahil kasi sa ‘bumaliktad’ lamang si Tumbado sa kanyang mga ibinulgar kaya nagbago ang desisyon ni P-BBM, kaya nga sinuspinde si Guadiz dahil may alingasngas at ang alingasngas na ito ay kasalukuyang iniimbestigahan ng NBI at wala pang resulta.


Paano na ang kalagayan ng mga natuwang transport group dahil sa suspensyon ni Guadiz na inakala nilang pinakinggan ang kanilang reklamo laban sa pamunuan ng LTFRB na hanggang ngayon ay hindi naman nila binibitawan at may hawak umano silang ebidensya.


Tutal ipinakulong ng House of Representatives si Tumbado dahil hindi na kapani-paniwala, mas mabuti siguro kung ipatawag ang mga naging biktima ng LTFRB upang makapagbigay ng pormal na testimonya at ebidensya — hindi ‘yung kunwari ay hindi pa lusot, pero palusot lang para makalusot!


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 7, 2023


Marami ang nahulog sa kani-kanilang inuupuan nang lumabas ang balitang ibinalik na kahapon sa kanyang puwesto si Teofilo Guadiz bilang chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) makaraang suspendihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang buwan dahil sa alegasyon ng korupsiyon.


Nakumpirma ang balitang ito nang i-post sa social media ng ilang transport group ang isang special order mula sa Department of Transportation (DOTr) na pirmado mismo ni DOTr Secretary Jaime Bautista na balik-trabaho na si Guadiz at parang walang nangyaring iskandalo.


Matatandaan na mabilis na umaksyon ang Palasyo at agad na sinuspinde si Guadiz makaraang ibulgar ng dati nitong executive assistant na si Jeff Tumbado, kaugnay sa ‘ruta for sale’ scheme kung saan ang public utility vehicle operators ay nagbabayad umano ng hanggang P5 milyon sa transport officials para makakuha ng ruta, prangkisa o special permit.


Hindi lang ang Malacañang ang naalarma sa pagbubunyag na ito ni Tumbado kaya nga agad na sinuspinde si Guadiz dahil maging ang taumbayan ay pinaniwalaan ang pagtatapat ni Tumbado dahil pinatotohanan din ito ng maraming driver at operator sa bansa.


Sabagay, hindi naman talaga lihim ang umiiral na ‘lagayan’ sa maraming ahensya ng pamahalaan na kahit anong pagbabantay ang gawin ay talagang nangyayari dahil sa nakasanayang sistema ng korupsiyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Nang ipatawag si Tumbado ng National Bureau of Investigation (NBI) upang imbestigahan hinggil sa kanyang isinawalat na anomalya ay wala na silang napiga at dito ay sinabi ni Tumbado sa media na nagkausap na sila ni Guadiz.


Kasabay nito ay binawi na ni Tumbado ang kanyang mga ipinagtapat at sinabi niyang naging madamdamin umano ang pag-uusap nila ni Guadiz na nauwi pa sa iyakan kaya mas pinili ni Tumbado si Guadiz matapos ang hindi naman detalyadong pagkakasundo.


Noong nakaraang Oktubre 23 ay ipinatawag ng Kongreso si Tumbado at dito ay kinastigo ito ng House Committee on Transportation dahil sa pagbawi nito sa kanyang testimonya at bigong mapatunayang totoo ang alegasyon nito laban kay Guadiz at sa ahensya.


Dismayado ang mga mambabatas kaya na-cite in contempt si Tumbado at ipinag-utos na makulong ng 10 araw noong Oktubre 23 dahil sa pabago-bago umanong pahayag nito kaugnay ng korupsiyon umano sa LTFRB.


Hindi bobo ang mga kongresista para paikutin lang ni Tumbado dahil napakarami na ng reklamo sa LTFRB mula sa iba’t ibang transport group na ngayon sana ang tamang pagkakataon para aksyunan ang problema dahil may tumayo nang testigo sa pag-amin ni Tumbado.


Ngunit, mas pinili na ni Tumbado na akuin ang lahat ng sisi na siya rin naman ang may kagagawan at handa siyang tanggapin kahit tawagin siyang sinungaling ng taumbayan.


Hindi natin masisisi si Sec. Bautista na ibalik na sa puwesto si Guadiz dahil sa panig ng DOTr ay isang malaking panalo ang pangyayaring ito laban sa mga transport group na nag-aakusa sa kanila ng korupsiyon.


Katunayan ay nagsampa pa ng kasong libelo itong si Sec. Bautista laban kay Mar Valbuena, chairperson ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) upang pabulaanan ang korupsiyon sa kanyang tanggapan.


Hindi kasi kontento ang MANIBELA na si Guadiz lang ang masibak dahil nais nilang idamay si Bautista na ayon sa ‘expose’ ni Tumbado ay inaabot ng lagayan hanggang Malacañang.


Kung dati ay nakapuntos ang MANIBELA, sa pagkakataong ito ay tila naungusan sila ng DOTr at LTFRB dahil sa hindi maipaliwanag na pag-atras at pagbawi ni Tumbado na isa sanang matibay na saksi.


Marami tuloy ang nagtatanong kung ano ba ang totoong namagitan sa madramang pag-uusap nina Tumbado at Guadiz na naging dahilan upang agad-agad ay iatras na ni Tumbado ang napakaliwanag at detalyado niyang ibinulgar.


Alam naman natin ang sistema sa Pilipinas -- kung walang ebidensya at walang testigo ay wala ring kaso — tuloy ang ligaya!


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 4, 2023


Habang papalapit nang papalapit ang Kapaskuhan ay parami rin nang parami ang mga sindikato at iba pang klase ng manloloko kaya labis na pinag-iingat ang publiko hinggil dito.


Kaya sobra ang ating pasasalamat sa pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil hindi nila tinantanan ang isang napakalaking sindikato na nambibiktima ng ating mga kababayan na nais magkaroon ng sariling sasakyan.


Ilang buwan ding pinagtiyagaang tutukan ng NBI ang pagsisiyasat hanggang sa makakuha na umano ang mga ito ng sapat na ebidensya para sampahan ng kasong kriminal ang isang opisyal at 49 empleyado ng isang auto trading firm.


Kasong syndicated estafa at forgery o pamemeke na may kaugnayan sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 ang isinampa ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) sa Quezon City Prosecutor’s Office noong nakaraang Biyernes laban kay Digicars chief executive officer Reynaldo Calda at sa 49 na tauhan nito.


Hindi na kasi biro ang pananalasa ng grupong ito dahil sa umabot na sa mahigit 100 katao ang naging biktima ng mga ito at sa pangunguna ni NBI-AOTCD chief Atty. Jerome Bomediano ay isinumite sa piskalya ang mga dokumento kasama na ang sinumpaang salaysay ng mga nagreklamo.


Kabilang umano sa mga biktima ay mula pa sa Visayas at Mindanao na nawalan ng malaking halaga matapos bawiin ng bangko o dealer ang kanilang mga kotse o motorsiklo dahil hindi nababayaran ang monthly amortization ng mga sasakyan.


Ang modus umano ng Digicars ay hikayatin ang mga motorcycle o car buyer na kunin ang serbisyo ng kumpanya dahil mas mababa ang kanilang monthly amortization kumpara sa inaalok ng mga dealer ng sasakyan.


Mahusay ang convincing power ng Digicars dahil nagawa nilang paniwalain ang mga naging biktima na pumasok sa hiwalay na loan contract sa bangko o dealer para sa in-house financing bago sila pumasok sa transaksyon.


Sa ganitong istilo, ang inutang na sasakyan ay mananatili sa pangalan ng buyer subalit ang monthly amortization payment ay babayaran sa pamamagitan ng Digicars para mas mababa umano ang charge.


Bahagi ng panloloko umano ng Digicars sa mga buyer, ang nababawas sa kanilang monthly amortization na mapupunta sa naturang trading company ay ipapasok bilang puhunan sa iba’t ibang negosyo at ang magiging tubo o kikitain ay siyang gagamitin para sa amortization.


Kaya marami ang nakukumbinsi dahil ang monthly amortization para sa isang sasakyan ay P10,000 tapos ang biktima ay magbabayad lamang ng P5,000 sa Digicars at ang naturang kumpanya na umano ang aako sa balanse.


Makaraan ang ilang buwan ay sumabog na ang problema matapos na mabigo ang Digicars na i-remit ang monthly amortization ng mga naging biktima dahil hinahabol na rin sila ng kani-kanilang inutangan na naniningil na.


Naniniwala ako na mas marami pa ang naging biktima ng Digicars ngunit mahigit sa 100 pa lamang ang nagsasampa ng reklamo. At dahil sa pagkakaresolba ng NBI sa modus na ito ay inaasahang darami pa ang reklamo.


Sa ngayon ay binawi na ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Certificate of Incorporation ng Digicars Auto Trading OPC dahil sa ‘serious misrepresentations’ ng kanilang business operations.


Lumabas sa imbestigasyon ng SEC na sangkot umano ang Digicars sa financing activities na kailangang may pahintulot ng komisyon at hindi umano nakasaad sa Articles of Incorporation at Certificate of Incorporation ng kumpanya na mayroon itong pahintulot para sa financing activities.


Nakasaad sa Articles of Incorporation ng Digicars na maaari silang magbenta ng iba’t ibang motor vehicle at motorcycle ngunit nadiskubre ng SEC ang kanilang modus operandi.


Nakakaawa ang mga naging biktima na umaasang magkakaroon ng sasakyan para sa kanilang kabuhayan ngunit panloloko lang pala kaya dapat talagang mag-ingat at huwag basta-basta maniniwala lalo na kung sobrang ganda pero sobrang mura ng iniaalok kumpara sa iba.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page