top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 29, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Malungkot na bahagi ng pagiging isang delivery rider ang kawalan nila ng kakampi at napakadali nilang isinaryo dahil sa kabila ng husay nila sa kanilang trabaho ay parang lumalabas na kontrabida pa sila sa kalye.


Tulad na lang ng nangyari kamakailan sa isang rider ng motorcycle taxi na inakusahang nangholdap ng isang pasahero na nalathala at naipalabas sa halos lahat ng istasyon sa telebisyon ngunit kalaunan ay umamin ang pasahero na imbento lamang ang kanyang reklamo.


Hanggang ngayon kasi ay nakararanas ng pagkainis ang maraming motorista sa tuwing may makakagitgitang rider na hindi lang isa dahil minsan ay napakarami talaga.

Kaya nakikiusap tayo sa mga motorista na sana ay lawakan nang konti ang pang-unawa para sa ating mga rider dahil napakalaking tulong naman nila sa panahong ito.


Mabuti nga sa atin at may maayos tayong sistema sa trapiko — kumpara sa Vietnam na mas marami ang motorsiklo at may mga lugar pa na halo-halo sa daan ang four-wheel vehicle, motorsiklo at mga naglalakad sa kalsada. Ngunit, higit na mataas ang aksidente sa ‘Pinas dahil itinatrato nila sa Vietnam na parehas ang mga nakamotorsiklo.


Pang-unawa lang naman ang ating pakiusap para sa ating mga rider at hindi porke nakamotorsiklo ay mamaliitin na ng mga nakakotse.


Ipagpasalamat na lang natin dahil ang mga de-kotse ay kumportable sa pagmamaneho — naka-aircon, hindi naiinitan o nababasa ng ulan, tapos, ‘yung bahagyang gitgitan sa kalye ay naiinis pa sa mga nakamotor.


Mahirap ang buhay ng rider, maghapong bilad sa araw, isang mali lang sa balanse ay puwede nilang ikamatay. Araw-araw ang biyahe para makapaghanapbuhay ng legal — tapos madalas ay pinipinahan naman ng mga asar na motorista.


Gaya rin ng isang rider na walang kamalay-malay na katapusan na ng kanyang buhay ang paghinto niya sa stoplight matapos na araruhin ng pampasaherong bus sa Quezon City noong Sabado.


Dead-on-the-spot ang delivery rider nang salpukin at masagasaan pa ng bus na nasa likuran niya sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Fairlane St., QC, bagama’t naka-red pa ang traffic light.


Sa report, nawalan umano ng preno ang bus na minamaneho ng driver kaya dumire-diretso ito sa rider na nakatigil sa stoplight.


Patay din ang isa pang motorcycle rider nang salpukin ng driver ng isang Toyota Fortuner sa Tanza, Cavite, noong Martes.


Isinugod pa sa Tanza Family General Hospital ang biktima na si alyas “Alvin” subalit namatay habang ginagamot. Hawak naman ng pulisya ang driver ng Toyota Fortuner na may plakang ZKL 439 na si alyas “Andres”.


Ilan lang ‘yan sa napakaraming rider na binawian ng buhay dahil lamang sa napakadelikadong hanapbuhay at kung hindi pa natin ibibigay ang kahit kakarampot na pang-unawa ay sino pa ang ating aasahan na iintindi sa kanila na buhay ang puhunan para maitawid lang sa gutom ang kanilang pamilya.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 25, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Mismong si Sen. JV Ejercito na ang nagsabing sobrang atrasado na umano ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.


Ayon kay Sen. Ejercito, wala na ito sa plano at timeline na itinakda ng Department of Transportation (DOTr) dahil maraming problema lalo na sa financing.


Iginiit ng butihing senador na hindi talaga kakayanin ng mga operator lalo ng mga jeepney driver ang napakamahal na modernong jeepney.


Kaya muli ay nabuhayan ang transport group nang sabihin ni Sen. Ejercito na kung talagang hindi pa aniya handa sa modernisasyon, huwag itong ipilit.


Sa kabilang banda, sinabi naman ni Senador Raffy Tulfo na hindi siya kontra sa public transport modernization program.


Sa pagdinig nitong Biyernes, Hunyo 21 ng Senate Committee on Public Services na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Tulfo na masyadong mabigat para sa mga tsuper ang bayarin sa mga bagong jeepney.


Ayon kay Tulfo, mahihirapan ang mga jeepney driver sa P2.4 milyon na bayarin sa modernong jeepney o katumbas ng P28,000 kada buwan gayung nasa P21,000 lang ang kinikita nila bawat buwan o mas maliit pa.


Ang masaklap pa, sabi ni Tulfo, sa lahat ng bansa, sa China pa talaga binibili ang mga bagong PUV.


Dagdag pa ng senador na bukod sa sobrang mahal na, ayaw din niya ang disenyo na hindi naman mukhang jeepney kundi mini-bus ang mga itsura nito.


Sa mga ganitong pahayag mula sa dalawang senador ay bahagyang nabuhayan ang mga transport group at inaasahang bitbit na naman ang mga pahayag na ito sa susunod na mga kilos-protesta.


Nakakaumay na ang usapin sa PUVMP na mismong mga taong gobyerno ay hindi nagkakasundo-sundo hinggil dito — sana lang ay matuldukan na ang problemang ito.


Kung hindi kayang ipatupad ay tigilan na at kung kaya naman ay tapusin na dahil ang taumbayang mananakay ang apektado rito — lalo na at magbubukas na uli ang klase, tiyak na eeksena na naman ang mga transport group.


Sana ay maisip ng Department of Transportation (DOTr) kung gaano kahirap para sa mga guro at estudyante kung kabi-kabilang protesta na naman ang isasagawa ng mga transport group sa mismong pagbubukas ng klase, kapag hindi pa rin matapos ang problema sa PUVMP.


Kailangang may isang magiting na tatayo para ipatupad ang PUVMP, kung nais talaga itong ipatupad pero kung urong-sulong naman eh makabubuting tigilan na natin ito — kung hindi naman kaya!  

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 20, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Bagama’t isang pirma na lamang ang hinihintay ay nagdulot pa ito ng labis na pagkainip sa electric vehicle industry na itinuturing nang tagumpay ang tax breaks sa e-motorcycle sa bansa.


Aprubado na kasi ng National Economic Development Authority (NEDA) ang pagpapalawak sa Executive Order No. 12, series of 2023 na ibig sabihin ay isasama na sa executive order, na nagkakaloob ng tax breaks sa EVs, ang e-motorcycles, kaya maaalis na ang taripa sa imported models.


Sa ika-16 board meeting ng NEDA kamakailan, sinabi ng ahensya na nagkasundo ang board nito na aprubahan ang rekomendasyon ng Committee on Tariff and Related Matters na palawakin ang saklaw ng EO12 hanggang 2028, na nag-aalis din ng taripa para sa e-motorcycles, e-bicycles, at nickel metal hydride accumulators.


Ang inaprubahang bersiyon ng revised EO12 ay nasa mga kamay na umano ngayon ni NEDA Chairman at President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa final approval at publication.


Nakasaad sa naka-post sa website ng ahensya ang mga katagang, “Executive Order No. 12 is designed to stimulate the electric vehicle (EV) market in the country, support the transition to emerging technologies, reduce our transport system’s reliance on fossil fuels, and reduce greenhouse gas emissions attributed to road transport,” na pahayag umano ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan.


Alam naman natin na ang transportation sector ang nangungunang responsable sa pagbuga ng 35.42 million tons ng carbon dioxide noong 2022, na nag-ambag sa climate change, ayon sa datos ng Statista Research Department, kaya ang zero emissions ng e-motorcycles ay isa sa “most emphasized traits” sa ngayon.


Nakasaad din sa website ng ahensya ang, “By encouraging consumers to adopt EVs, we are promoting a cleaner, more resilient, and more environmentally friendly transportation alternative.”


Magmula nang magkabisa ang EO12 noong February 2023, hiniling na ng EV industry leaders ang pagsasama sa e-motorcycles sa ilalim ng executive issuance, kinuwestiyon ang naging layunin at iginiit ang inclusion nito sa sandaling isagawa ang pagrebyu.


Dalawa sa kanila, ang think tank Stratbase ADR Institute at ang advocacy network CitizenWatch Philippines, ang aktibong nagkakampanya para sa tax breaks sa e-motorcycles magmula noong 2023, kung saan binigyang-diin nila ang mga benepisyo sa bansa, kapaligiran, at ekonomiya sa sandaling maisama sa mga sasakyan sa bansa.


Suportado rin ng Electric Kick Scooter (EKS) of the Philippines, Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP), at ng ilang ahensya ng pamahalaan ang pag-aalis sa taripa sa e-motorcycles, na maliwanag sa kani-kanilang posisyon sa Tariff Commission matapos ang public hearing nito noong Marso.


Sa ilalim ng initial version ng EO12, tanging e-motorcycles ang pinapatawan ng 30% import tax, habang ang ibang uri ng EVs ay binawasan o inalis sa tariff rates.


Ayon sa Statista Research Department, ang motorcycles ay bumubuo sa humigit-kumulang 7.81 milyong registered vehicles sa bansa noong 2022, na siyang pinakapopular na vehicle type sa mga motorista.


Nais din ng Department of Energy (DOE) na taasan ang EV fleet ng bansa ng 50%, o karagdagang 2.4 million units, sa pag-asang makatulong ang green transportation sector na mabawasan ang 35.42 million tons ng carbon dioxide emissions ng bansa noong 2022, na nag-aambag sa climate change.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page