top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 7, 2023


Magandang pagkakataon ang ibibigay ng Land Transportation Office (LTO) sa 24.7 milyong behikulo na hindi rehistrado sa buong bansa makaraang maglunsad sila ng fast lane para hikayatin ang mga may-ari ng sasakyang expired na ang rehistro.


Tinawag ito ng LTO na ‘Oplan Balik Rehistro, Be Road Ready’ na ang tanging layunin ay himukin ang mga may-ari ng sasakyan na boluntaryong magparehistro at bibigyan sila ng prayoridad sa kani-kanilang district o extension office.


Pasok sa naturang fast lane ang mga delingkwenteng motor vehicle o mga sasakyan, kabilang ang motorsiklo na may expired registration sa nakalipas na isang taon.


Ang hakbanging ito ay bunga ng pagkakadiskubre mismo ng LTO na umabot na umano sa 65% ng mga sasakyan sa buong bansa ang hindi rehistrado, at sa kabuuang 38 milyong behikulo sa buong bansa, 14 milyon lamang ang rehistrado, ayon kay LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza.


Sa kabilang banda ay tila malaking kapabayaan kung bakit humantong sa ganitong sitwasyon ang ating kalagayan ngunit, may hinala ang LTO na dumami ang hindi nakapagrehistro ng sasakyan noong binawal ng gobyerno ang paglabas ng mga sasakyan sa kasagsagan ng pandemya.


Hindi na kataka-taka kung maraming sasakyan ang na-scrap na, lalo ‘yung mga sasakyang sobrang tagal na at posibleng ilan-ilan na lamang ang tumatakbo dahil sa tagal ng panahon na dumaan, na isa rin sa pagtaas ng datos.


Nakalulungkot kasi na kapag hindi ito mareresolba sa lalong madaling panahon ay malulugi ang gobyerno ng P38 bilyon ngayong taon kung hindi mahahabol na maiparehistro ang 24 milyong sasakyan sa bansa.


Lalo pa at ang target ng LTO ngayong taon ay nasa P31 bilyon. Kaya kung magiging matagumpay ang LTO sa problema ay maliwanag na karagdagang P37 bilyon ito para sa kaban ng bayan.


Noong una, matapos madiskubre ng pamunuan ng LTO na maraming sasakyan ang hindi rehistrado, kabilang na ang napakaraming motorsiklo ay agad nilang inatasan ang kanilang mga regional director na magsagawa ng checkpoint sa four-wheeled na sasakyan.


Kitang-kita na nabahala ang LTO sa inilabas nilang datos na 65% ng mga sasakyan sa Pilipinas ay mga delinquent o hindi nag-renew ng rehistro. Ibig sabihin, kapag nagkaroon ng sakuna o disgrasya sa kalsada, nasa 65% din ang walang insurance.


Sa ganitong sitwasyon ay nasa kaawa-awang kalagayan ang mga magiging biktima ng aksidente dahil sa walang mananagot sa kanila at wala rin silang hahabulin.


Kaya nga bago itong inilabas na fast lane ay nagbaba ng kautusan ang LTO sa lahat ng tauhan ng ahensya na maghigpit sa pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy sa buong bansa.


Ang tinutukoy ni Mendoza ay ang mga sasakyang higit isang taon nang paso ang rehistro, hindi pa kabilang dito ang mga hindi nakapag-renew ngayong 2023.


Nadiskubre ang kabuuang datos noong nakaraang Abril 2022 pa, nang sinimulan ang gamit ng Land Transportation Management System (LTMS) para sa registration.


Bukod sa kasagsagan ng pandemya ay may isa pang palagay na sinisilip na kaya tumaas ang bilang ng mga hindi rehistradong sasakyan ay dahil sa marami ang bagsak sa roadworthiness inspection, o kaya ay walang insurance coverage.


Kung hindi roadworthy ay malaki ang tsansa na makadisgrasya at kapag nakaaksidente ng walang insurance ay wala ring magbabayad ng danyos at masakit pa kung binawian ng buhay ang biktima – tiyak na mas mahaharap sa malaking problema.


Ayon sa datos ng Partnership for Enhanced Road Safety -- 13,000 Pilipino ang namamatay kada taon sanhi ng disgrasya sa kalsada at hindi pa natin matiyak kung sinu-sino ang lalo pang naging kawawang biktima dahil sa hindi rehistrado ang nakadisgrasya.


Hindi kaya nakakadagdag din ng kawalan ng ganang magparehistro sa maraming motorista ang kinakaharap nating problema sa backlog sa plate number na hanggang ngayon ay hindi pa rin naisasaayos.


Ipagdasal natin na sana maging maayos na ang kalagayan ng LTO at sa pagpasok ng taon ay maging normal na sana ang lahat.


Kaya kaya?

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 5, 2023


Natatandaan n’yo ba ang isang tricycle driver na nag-viral kamakailan dahil sa labis na paniningil nito sa Australian vlogger na sumakay mula Adriatico St. patungong Robinsons Mall sa siyudad ng Maynila.


Dagdag kahihiyan na naman ito sa imahe ng mga driver ng mga pampasaherong sasakyan sa ating bansa — tulad nga ng tricycle at ang pinakaiiwasan ng mga turista ay ang pagsakay sa ating mga taxi kaya mas pinipili na lamang nila ang sumakay sa mga kilalang ride-hailing apps.


Marami sa ating mga kababayan ang hiyang-hiya sa ginawa ng abusadong tricycle driver na sapilitan umanong siningil ng P500 ang pasahero niyang turista sa kabila ng napakalapit lamang ng biyahe at hindi alintana ng tricycle driver na isa itong vlogger.


Makaraang sumikat sa social media ang naturang tricycle driver ay nasakote ito ng operatiba ng Manila Police District (MPD) dahil sa paglabag sa ‘beating the red light’ at nadiskubreng wala pala itong driver’s license.


Marami ang natuwa sa pagkakasakote ng naturang tricycle driver dahil kahit sa ibang violation ay napatawan siya ng parusa na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code at agad na dinala sa impounding area ng Manila Traffic And Parking Bureau (MTPB).


Napakapangit na ng imahe ng ating mga tricycle lalo na sa Divisoria area sa Maynila na walang nakatutok para bantayan ang labis-labis na paniningil at maging ang ating mga taxi na kasama palagi sa advisory ng mga tourist guide na dapat mag-ingat dahil karaniwan ay mga ‘manloloko’ umano.


Ito lang ang nakalulungkot na parte dahil sa nadadamay ang mga matitino nating tricycle at taxi driver kaya marami sa ating mga kababayan ang nais nang wakasan ang sistemang ito ngunit wala pang makitang solusyon.


Ngunit, naagaw ang ating atensyon ng isang dating driver na gumawa ng app na naglalayong makatulong hindi lang sa mga pasahero kundi pati na rin sa mga driver sa pamamagitan ng contactless fare payment na nakatakda nang ilunsad sa susunod na taon.


Tinawag itong DyipPay na binuo ni Enrique Tan, isang dating jeepney, tricycle, at taxi driver, para makapagbayad ang mga pasahero sa dyip online at para makapag-book ng mga sakay sa tricycle.


Ayon kay Tan na nag-aral ng computer software technology sa TESDA, ang bagong sistemang ito ay maiiwasan na ang mag-abot ng bayad sa driver dahil ang kailangan ay smartphone lang na lahat naman ay meron.


Maaaring makita sa app kung nasaan ang PUV sa ruta nito. Ang pag-scan ng QR code sa PUV ay magbibigay-daan na ipasok ang departure point at destinasyon, kasabay ng paglabas ng halaga ng pamasahe, na maaari mong bayaran sa isang pag-click ng button.


Sana lang ay magkaroon ng third party, mga eksperto sa technology o kahit anong kumpanya na maaaring makipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) upang makabuo ng isang app na tulad ng ginagamit natin sa taxi meter.


Hindi ko alam kung paano ito tatawagin, ngunit makabubuti na ang isang pasahero na sasakay ng taxi ay may app sa sarili niyang cellphone na kapag pinindot ang button ay magsisilbing taxi meter na dapat ay aprubado ang app ng LTO.


Dapat ang cellphone app na ito ay standard ang patak tulad sa ginagamit na metro ng taxi nang sa ganoon ay hindi na magkaroon ng dayaan sa pagitan ng pasahero at driver dahil sa may pamantayan na o ‘counter checking’ at maging ang taxi driver ay puwede ring buksan ang sarili niyang cellphone app habang nagmamaneho bukod pa sa metro.


Puwedeng pangunahan ng LTO ang sinasabi nating meter app at isama na ang mga tricycle driver upang magkaroon ng basehan sa kanilang paniningil at sa taxi driver naman ay maiiwasan na ang over pricing.


Kung magkakaroon ng katuparan ang ideya nating ito ay maiiwasan ang lamangan sa pagitan ng driver at ng pasahero lalo na sa mga turista na wala talagang proteksyon sa kamay ng masasamang loob na driver at tuloy ay gaganda na ang imahe ng ating taxi at tricycle.


Sakaling maging matagumpay ang ideyang ito ay huwag n’yo sanang kalimutan na una ninyong nalaman ang ideyang ito mula kay MR.1-RIDER.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 2, 2023


Sa kabila ng sangkaterbang problemang kinakaharap ng Department of Transportation (DOTr) dahil sa sunud-sunod na kilos-protesta ng mga transport group ay malugod naman nilang inanunsyo ang planong pagbuhay sa rail industry sa bansa.


Maganda ang hakbanging ito ng DOTr, kung matutuloy ang kanilang balaking pagbuhay sa rail industry ng Pilipinas sa North-South Commuter Railway (NSCR) at South Long Haul (SLH) railway projects.


Sinimulan na kasi ang NSCR nitong Abril habang naantala naman ang SLH railway project na orihinal na kapalit ng Bicol Express line dahil sa hindi pag-apruba ng China sa loan application ng Pilipinas.


Nagdesisyon ang transport sector kamakailan na alisin ang China bilang funding source dahil sa mahabang panahon ng paghihintay sa loan at nakadagdag pa ang pag-igting ng tensyon sa pagitan ng Manila at Beijing sa maritime dispute sa West Philippine Sea.


Sa dinami-rami ng mga naging desisyon ng DOTr ay tila ang hakbanging ito ni Transport Secretary Jaime Bautista na buhayin ang railway industry ang umani ng positibong reaksyon dahil matagal na itong pangarap ng maraming Pilipino.


Bukod nga naman sa itataas nito ang bansa sa global standards ay makakalikha ito ng mga bagong oportunidad para sa ating mga kababayan at makapagpapalakas ito sa ating economic growth at higit sa lahat ay makapagpapaluwag sa traffic congestion sa maraming lugar sa bansa.


Ilan sa makikinabang sa pagluluwag ng daloy ng trapiko ay ang mga lugar na daraanan ng railway partikular ang buong National Capital Region (NCR) na inaasahang malaki ang ibabawas ng transportasyon.


Talagang malaki ang magiging epekto ng NSCR at South Long-Haul Project sa buong bansa dahil karagdagang trabaho din ang naghihintay sa marami nating kababayan at sa huli ay malaking tulong sa pag-angat ng ating ekonomiya.


Sabi nga ni Sec. Bautista, gagawa umano tayo ng railroad network na world class na puwedeng ipagmalaki hindi lang sa Asya kundi sa buong mundo dahil sa mga bago, moderno at mabilis na tren umano ang tatakbo mula Clark hanggang Calamba na magtutuluy-tuloy pa hanggang Bicol.


Ayon pa sa DOTr, maipagpapatuloy umano ng gobyerno ang Philippine National Railway (PNR) South Long-Haul Project sa pamamagitan ng paghiram ng pondo sa ibang bansa o financial institutions o sa pagtatayo ng railway sa ilalim ng public-private partnership.


Ibinunyag din ng DOTr na maaari umano tayong magtungo sa Japan International Cooperation Agency (JICA) o sa Asian Development Bank, o sa kahit sinong foreign partners para sa electromechanical at ang pamahalaan na ang bahala sa right way ng civil works sa tulong ng mga private contractor.

Nakakapanabik ang proyektong ito dahil ang NSCR ay magiging 147-kilometer railway system, na may 35 istasyon, 52 commuter train sets at pitong express train sets.


Mababawasan din nito ang travel time mula 4.5 oras sa wala pang dalawang oras mula Calamba, Laguna hanggang Clark, Pampanga at maseserbisyuhan nito ang humigit-kumulang 600,000 mananakay araw-araw sa full operations.


Inaasahan naman ang SLH project bilang 577-kilometer at 33-station rail connection mula Metro Manila hanggang Batangas at Bicol. Mababawasan ng South rail line ang travel time mula Manila hanggang Legazpi ng anim na oras mula sa kasalukuyang 12 hanggang 14 oras.


Ganyan katindi ang napakagandang proyektong ito na sana ay magtuluy-tuloy dahil bukod sa maraming kababayan natin ang excited ay malaking accomplishment ito sa panig ng DOTr na palagi na lamang nababatikos dahil sa mabigat na problema sa transportasyon.


Pero, kung matatapos ang NSCR at SLH railway projects ay malaking ginhawa ito sa marami nating kababayan, ngunit sana lang ay mabayaran ng tamang halaga sa tamang panahon ang lahat ng mga kababayan nating maaapektuhan ng naturang proyekto.


Wala na sanang mga protestang magaganap mula sa ating mga kababayan na mawawalan ng tirahan dahil sa masasagasaan ng napakagandang proyektong ito. Sana everybody happy!

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page