top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 23, 2023


Sa kabila ng iringan at hindi pagkakaintindihan kung sino ang mas sikat at mas malawak na transport group ay tila unti-unti na ring nabubuo ang watak-watak na grupo habang papalapit ang itinakdang deadline sa Disyembre 31, 2023.


Marami kasi ang dumagdag na transport group na sumamang maghain ng petisyon sa Korte Suprema upang ipatigil ang implementasyon ng PUV Modernization Program (PUVMP) na magreresulta umano sa phaseout ng mga traditional jeepney.


Sa 56-pahinang petisyon, hiniling nila sa SC na ideklarang null and void ang mga direktiba sa PUVMP at magpalabas ng temporary restraining order (TRO) upang mapigil ang implementasyon nito.


Isa sa kautusang inilabas ng Department of Transportation (DOTr) ay ang Department Order No. 2017-11, na nagsilbing gabay ng PUVMP, at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) MC 2023-051, na nagtakda naman ng deadline sa consolidation sa katapusan ng taong ito.


Kabilang sa mga naghain ng petisyon ay sina PISTON national president Modesto Floranda, Jason Jajilagutan, Bayan Muna partylist coordinator Gaylord Despuez, Para-Advocates For Inclusive Transport member Edric Samonte, No to PUV Phaseout Coalition of Panay member Elmer Forro, Komyut spokesperson Ma. Flora Cerna at MANIBELA President Mar Valbuena.


Kabilang naman sa respondent ang DOTr, sa pangunguna ni Secretary Jaime Bautista, at ang LTFRB, sa pamamagitan ni Chairperson Teofilo Guadiz III.


Kasabay nang isinumiteng petisyon sa Korte Suprema ay tuloy pa rin ang panawagan ng PISTON at MANIBELA sa kapwa nila transport group na sumama na upang mas maging solido nga naman ang kanilang ipinaglalaban.


Mas malaking sakit ng ulo kasi ang ating kakaharapin sakaling hindi maresolba ang problema sa tradisyunal na jeepney dahil bukod sa darami ang mawawalan ng hanapbuhay ay maapektuhan pa ang ating mananakay.


Sa pagpasok kasi ng Bagong Taon ay dagdag-pasahe na kaagad ang nakaamba sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at maraming commuter ang nababahala sa pagsirit ng pamasahe na nakatakda nang ipatupad sa darating na Marso.


Ayon sa DOTr, magkakaroon ng dagdag na P2.29 boarding fare at P0.21 distance fare, kapareho ng adjustment sa LRT-1 at LRT-2. Ibig sabihin, aabot sa tatlo hanggang anim na piso ang magiging taas-pasahe sa MRT-3.


Mabigat na pasanin ito para sa mga kababayan nating minimum wage earner lalo pa at hindi kasabay na tataas ang kanilang suweldo kaya maliwanag na ilang kilong bigas ang mawawala sa kanilang hapag-kainan.


Sinabi ng DOTr na ang pagtataas ng pamasahe ay ginagawa para tapatan ang gastusin sa maintenance ng mga railway system sa bansa.


Kailangan umanong isumite ang petisyon sa Rail Regulatory Unit ng DOTr ngayong linggo at pagkatapos ng dalawang linggo ay saka pa lamang mag-iisyu ng notice ng public hearing.


Bago ang hearing, obligado silang ilathala sa diyaryo ang kanilang petisyon sa fare hike sa loob ng tatlong linggo. Saka pa lang umano pag-aaralan ng Regulatory Unit ang kanilang petisyon sa loob ng 30 araw at kung ito’y maaaprubahan ay tatlong linggo muling ilalathala ang desisyon sa fare hike.


Siyempre, inaasahan nilang baka sa huling bahagi ng first quarter o simula ng second quarter sa darating na taon ay maipatutupad na ang dagdag-pasahe sa MRT-3.


Hinihiling nila ang P2.29 dagdag sa boarding fee at P0.21 kada kilometro kaya ang pamasahe mula Taft Avenue hanggang North Avenue ay magiging P34 na mula sa dating P28.


Sabagay, bukas na libro naman ang sitwasyon na kailangan ang dagdag-pasahe sa MRT-3 dahil sa laki ng subsidy ng gobyerno -- ang tunay kasing pamasahe dulo sa dulo ay P69 pero ang pinaiiral lamang ngayon ay P28 dahil inaako ng gobyerno ang P41 sa bawat pasahero.


Kaya kung hindi maisasaayos ng mas maaga ang problema ng transport group sa bansa at masunod ang plano ng pamahalaan hinggil sa phaseout ay talung-talo ang mga kababayan nating mananakay dahil mababawasan ang kanilang pagpipilian kung saan mas murang sumakay.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 21, 2023


Sa darating na Disyembre 31, 2023 ay opisyal nang idedeklara ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng itinakdang deadline para sa mga tradisyunal na jeepney na ayaw talagang sumunod at sa halip ay mas pinipili pa ang magsagawa ng tigil-pasada.

 

Ito ay dahil sa hindi mapagkasunduang sistema na nais ipatupad ng DOTr na labis na tinututulan ng ilang transport group sa mahabang panahon hanggang sa umabot na nga sa sukdulan ang lahat.

 

Sa parehong mahuhusay na paliwanagan ng pamahalaan at ng transport group ay aabot pa sa Korte Suprema ang usaping ito matapos na magbanta ang grupong PISTON na isusugal nila ang kanilang huling hininga para lamang sa kapakanan ng kani-kanilang pamilya.

 

Ang nakatutuwa lamang sa girian ng transport group at ng gobyerno ay walang humpay nilang palitan ng mga pahayag na tila isang bombang nakatakdang sumabog anumang oras na umabot sa itinakdang deadline sa mismong pagpapalit ng taon.

 

Sunud-sunod ang isinasagawang tigil-pasada na pinababayaan lamang ng pamahalaan ngunit tila mag-iiba naman ng estratehiya ang transport group dahil sa pagpasok ng taon ay opisyal nang tigil-pasada ang hindi susunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

 

Kumbaga, ibibigay na ng gobyerno ang tigil-pasada na palaging ginagawa ng ilang transport group — dahil hindi talaga sila puwedeng mamasada kung hindi sila susunod sa patakaran.

 

Kaso, baliktad naman ngayon ang plano ng ilang transport group, dahil inanunsyo mismo ni MANIBELA Chairman Mar Valbuena na patuloy silang bibiyahe kahit bawiin pa ng otoridad ang kanilang permit kapag natapos na ang consolidation requirement sa ilalim ng PUVMP sa Disyembre 31.

 

Kumbaga, mas pisikal na ang magaganap na sitwasyon dahil sa kolorum na ang mga tradisyunal na jeepney habang obligado na silang hulihin ng mga enforcer dahil sa pamamasada ng walang dokumento.

 

Hanggang sa mga sandaling ito ay naninindigan pa rin ang MANIBELA na hindi sila dapat binibigyan ng deadline at hindi kailangang i-revoke ang kanilang mga prangkisa dahil sa wala naman umano silang nilalabag na batas.

 

Binigyang-diin ng MANIBELA na ang ginagawa umano nilang hindi pagsunod sa consolidation ay maliwanag pa sa sikat ng araw na kanilang karapatan kaya patuloy ang kanilang pakikipaglaban.


Kaya nga sa halip na panghinaan ng loob ay mas pinalawig pa ng MANIBELA at grupong PISTON ang kanilang transport strike hanggang sa panahon ng itinakdang deadline.

 

Medyo humina kasi ang kalagayan ng ilang tutol na transport group nang ihayag mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (P-BBM) na hindi na palalawigin pa ang consolidation deadline.


Dahil dito, naglabas na ng babala ang pamahalaan na babawiin ang permit ng mga hindi makikilahok sa konsolidasyon sa pagpasok ng Bagong Taon.

 

Ngunit, buo pa rin ang loob ng MANIBELA na hindi kailangan ang konsolidasyon para sa modernisasyon ng mga jeep, dahil kahit wala umanong government subsidy ay kaya nilang i-upgrade ang ilan sa kanilang units.

 

Ipinaliwanag pa ng MANIBELA na sa halos ₱400,000 hanggang ₱500,000 lamang ay makabibili na umano sila ng locally made jeepney units na tumatalima naman sa pamantayan ng gobyerno at labis nilang ipinagtataka kung bakit tutol ang pamahalaan.

 

Hindi umano sapat ang ₱200,000 subsidiya ng gobyerno para makabili sila ng mini buses na nagkakahalaga ng ₱3 million, subalit sapat para sa modernized jeepney models.

 

Sa halip umanong magbigay ng cash subsidy, maaaring magbigay ang gobyerno ng compliant engines mula sa Japan o mga gawang-‘Pinas kung mayroon nito.


Sabagay, kayang-kaya naman talaga ng local manufacturer na lumikha ng maganda at dekalidad na jeepney na hindi hamak na mas mura pa — pero sa hindi maipaliwanag na sitwasyon ay hindi pa rin nila napagkakasunduan.

 

Nais lang naman ng MANIBELA na sa halip na magsagawa ng konsolidasyon, palawigin ng gobyerno ang validity ng kanilang single franchise.

 

Kaya ‘pag opisyal nang tigil-pasada ang lahat ng tutol sa PUVMP ay asahan nating balik-pasada na umano ang mga transport group na ngayon ay ayaw mamasada!

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 19, 2023


Gutom na ang inaabot ng marami sa ating mga kababayang tsuper dahil sa tuluy-tuloy pa ring tigil-pasada na ayon sa dalawang transport group na MANIBELA at PISTON ay palalawagin pa sa loob ng dalawang linggo at handa umano silang magsakripisyo para sa kapakanan ng kanilang hanay.


Lalo pa at ilang araw na lamang ay Pasko na — na imbes naghahanapbuhay sana ang mga kaanib ng transport group ay mas pinipili nilang magprotesta dahil sa kawalan din umano ng hanapbuhay sila hahantong.


Kaugnay nito, nagbabala ang isang transport group na mapipilitan silang ilaban hanggang sa Supreme Court (SC) ang isyu sa franchise consolidation ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) kapag itinuloy ang bantang pagbawi sa prangkisa ng mga jeepney operator.


Marahil ay nawalan na ng pag-asa ang ilang transport group sa kasalukuyang pamahalaan kaya naisipan na ngayon ng grupong PISTON na iakyat sa Korte Suprema ang kanilang kalagayan na hindi nila matinag sa isinasagawa nilang protesta.


Naniniwala ang PISTON na hindi naman batas ang naturang programa at isang executive order lamang ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Kinukuwestiyon din ng PISTON kung bakit umano sila inoobligang pumasok sa modernization program, gayung dapat umano ay boluntaryo lamang ito at hindi sapilitan.


Dahil dito, humantong na sa pagsasanib-puwersa ang PISTON at MANIBELA na magkakasa umano ng dalawang linggong tigil-pasada hanggang sa deadline sa Disyembre 31, 2023 at sasalubungin din nila ng protesta ang mga unang araw pagpasok ng taong 2024.


Samantala, sa gitna ng mga pagkilos ay sinalakay ng ilang armadong kalalakihan ang tahanan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Teofilo Guadiz III sa Dagupan City nitong nagdaang Miyerkules.


Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni PSMS Alexander A Roldan, ng Dagupan Police Station, alas-10:00 ng umaga nitong Disyembre 13, nang pasukin ng armadong kalalakihan ang tirahan ni Guadiz sa Barangay Pogo Chico, Dagupan City.


Nabatid na ang 91-anyos na si Reveriana Estrada Guadiz, ina ng LTFRB chief at ang kasambahay na nakilalang si Maria Divina Mendoza Arbias, 25, ang tanging nasa loob ng bahay nang maganap ang insidente.


Bago umano nangyari ang pagpasok sa tahanan ng mga Guadiz, sinabi ni Carlito De Lorenzo De Guzman, 65, kapitbahay ng pamilyang Guadiz na isang puting van at itim na SUV ang dumating at huminto sa harap ng kanilang tahanan at inalok siya ng bag na puno ng groceries.


Nang buksan umano niya ang gate ng apartment upang tanggapin ang bag ng groceries ay agad na nagtungo ang mga kalalakihan sa service door patungo sa tahanan ng pamilya Guadiz.


Ayon sa saksi, tila alam na alam ng mga kalalakihan ang daan patungo sa service door ng pamilya habang sinabi naman ng ina ni Guadiz na nagulat na lamang siya nang puwersahang pumasok ang mga kalalakihan at hinanap ang kanyang anak na si Teofilo.


Agad na itinali ang paa at kamay ng kasambahay pero hindi naman umano sinaktan, saka isa-isang binuksan ng mga kalalakihan ang mga silid sa bahay ni Guadiz.


Nang hindi makita ang hepe ng LTFRB, tinangay muna ang dalawang cellphone at P1,000 cash ng kasambahay bago tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang get-away vehicle patungong Brgy. Malued, Calasiao, Pangasinan.


Pahayag naman ng LTFRB chief na bagama’t hindi niya alam ang motibo ng mga salarin, mukhang mas personal ang pakay ng mga ito at hindi pagnanakaw.


Hindi natin hinuhusgahan ang mga pangyayaring ito ngunit hindi malayong mag-isip ang ating mga kababayan na may kaugnayan ito sa papalapit na deadline sa Disyembre 31, 2023 — na sana ay wala naman!


Panalangin natin na maresolba ang usaping ito nang mapayapa at hindi umabot sa karahasan dahil naninindigan pa rin ang DOTr na tuloy ang deadline kahit ano ang mangyari!

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page