top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 13, 2024


Tila sa wala rin napunta ang pagsisikap ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na turuang maging mahusay ang mga rider sa bansa dahil wala namang umiiral na panuntunang dapat sundin hanggang sa ngayon na dapat ipinatutupad ng pamahalaan patungkol sa mga rider sa bansa.


Sa dinami-rami ng mga nagpupursige at iba’t ibang grupo na kumikilos upang maisaayos ang kalagayan ng ating mga ‘kagulong’, hanggang ngayon ay hindi pa rin naisasabatas ng Kongreso ang panukalang gawing legal na ang operasyon ng mga motorcycle taxi.


Bagong taon na ngunit lumang reklamo pa rin ang nangingibabaw at habang tumatagal ay parami naman nang parami ang mga motorcycle taxi na mula sa iba’t ibang grupo at ang iba ay nagkaroon lamang ng motorsiklo ay namasada na bilang taxi kaya ang resulta kanya-kanya at walang sinusunod na panuntunan.


Kahit saang lugar ay naglipana na ang mga motorcycle taxi at dahil walang tagapamahala ay dumarami ang nag-uusbungang reklamo kabilang na ang hindi pare-parehong singil depende sa gusto ng may-ari ng motorcycle taxi.


Isa sa labis na naapektuhan ay ang kumpanyang Angkas dahil mariin nilang itinatanggi na mula sa kanilang hanay ang mga pasaway na rider na umano’y inirereklamo ng overcharging ng Coalition of Filipino Commuters (CFC).


Magkagayunman ay naglabas ng pahayag ang pamunuan ng Angkas na hindi umano sila mangingiming parusahan ang kanilang mga rider sakaling mapatunayang may ginagawa talagang pang-aabuso.


Nabatid na pormal na nagsampa ng reklamo ang CFC laban sa Angkas sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) dahil umano sa pagkabigo nitong disiplinahin ang mga abusado nilang rider na maningil ng sobra-sobrang taas ng pamasahe sa kanilang mga pasahero.


Mabuti ang isinagawang ito ng CFC upang kahit paano ay may kumilos para sa mga hindi maayos na operasyon ng mga service provider at sana ay hindi manatiling reklamo lamang ang kanilang ginawa upang makarating ito sa tamang lupon para maimbestigahan.


Kaawa-awa kasi ang ating mga ‘kagulong’ na lumalaban ng parehas at hindi nang-aabuso dahil nadadamay sila sa ilang nagsasamantala at epekto ito ng hanggang ngayon ay wala pa ring batas para maging legal ang motorcycle taxi sa bansa.


Sabagay, handa naman ang pamunuan ng Angkas sa lahat ng mga katanungan laban sa kanilang mga driver dahil kinakitaan naman sila ng pagsisikap para mas maging maayos ang kanilang mga operasyon kaya lamang ay hindi maiiwasang may mga pasaway talagang rider.


Katunayan, ang Angkas ay katuwang ng pamahalaan sa pagkakaloob ng ligtas at maaasahang motorcycle taxi ride-hailing services sa pangunguna ng TESDA.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 11, 2024


Nakamamanghang umabot sa mahigit kalahating milyong motorista ang naaresto ng operatiba ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa paulit-ulit na traffic violations sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Tila hindi natuto ang kabuuang 529,578 motorista na humaharap sa mga traffic violations ng nagdaang taong 2023.


Nakatutuwa ring malaman na lalo pang pag-iigtingin ng operatiba ang implementasyon ng “no registration, no travel policy” upang tuluyan nang matiklo ang halos 24.7 milyong motor vehicles na may mga delingkwenteng rehistro sa buong bansa.


Ipinahayag ng LTO na ang kanilang massive operations ay nagsimula na noong unang linggo mismo ng buwang ito.


Hindi naman inilabas ng LTO ang eksaktong bilang ng bawat klase ng violation, subalit binanggit nito na may 193 behikulo sa may kabuuang bilang na 314 ang hindi pumasa sa isinagawang emission test ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong nakalipas na buwan ng Agosto 2023 lamang. At ito ay nangangahulugan ng 61 percent failure rate kung susumahin.


Samantala, noong nakalipas namang Setyembre may mga recorded incident naman ng behikulo na hinuli dahil sa maruming usok mula sa tambutso na lubhang nakaaapekto sa kalidad ng hangin sa Metro Manila. 


Sa datos ng LTO, karamihan umanong motorista na naaresto ay lumabag sa Clean Air Act o ang Republic Act 8749, Seatbelt Law Act o RA 8750 at overloading.


Napag-alaman na may 23,615 motor vehicles ang naka-impound sa LTO at ang datos na ito ay mas mataas ng 47% kumpara noong taong 2022.


Ang pamunuan ng LTO ay nagbigay ng maigting na kautusan sa lahat ng Regional Directors na ipagpatuloy ang visibility ng LTO traffic enforcers sa mga lansangan upang mahuli ang mga pasaway na motorista na naglipana sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Sa kautusan pa ng pamunuan ng LTO, naniniwala ito na ang mismong presensya ng uniformed personnel sa mga kalsada ay humihimok sa mga motorista na obserbahan at tuparin at pairalin ang disiplina sa kalsada. 


Kaugnay nito, nanawagan ang LTO chief sa mga may ari ng behikulo na sumunod sa mga tuntunin at regulasyon para hindi na maparusahan alinsunod sa ipinaiiral na batas-trapiko.


Naniniwala naman ako na magiging maayos ang trapiko sa bansa kung magtutulungan ang mga operatiba sa kalsada gayundin ang mga motorista.


Sa mga motorista na nakumpiska ang mga lisensya makaraang mahuli sila sa mga kaso hinggil sa trapiko ay inamin naman ng LTO na masusi nilang pinag-aaralan ang proseso at pagpapatupad ng temporary operator’s permit (TOP) o ang mga tiket na inisyu sa mga motorista makaraang kumpiskahin ang kanilang mga driver’s license dahil sa paglabag sa batas trapiko.


Nais ng LTO na mapadali ang proseso ng TOP at magkasundo kaugnay ng Joint Administrative Order No. 2014-01 o ang revised schedule of fines and penalties para sa mga traffic violators.


Siniguro naman ng LTO na nire-review na nila ito nang sa gayon ay tama lang ang trato sa mga motorista kung kaya’t sa oras na maipatupad ito ay agad silang magbibigay ng mga pagbabago para ora mismo ay matapos na ang problema sa TOP.


Samantala, ang 1-RIDER naman ay inungkat sa Kongreso ang ilang isyu kaugnay sa implementasyon ng TOP.


Noong nakalipas na taon ay matatandaang inilunsad ang electronic TOP na layuning maisagawa ang advance digitalization at masugpo ang korupsiyon. Sa nabanggit na digitalization, lahat ng mahuhuli sa paglabag ng batas-trapiko ay awtomatikong papasok sa LTO online database at hindi na ito magiging manual TOP.


Sa oras na ito ay maisyu, ang TOP ay valid lamang sa loob ng 72 hours at sa loob ng oras na ito ay inaasahang maaayos ng mga violator ang violation ticket.


Ang mga implementasyon na ito ng LTO ay malaki ang posibilidad na mabawasan ang mga motorista na lumalabag sa batas-trapiko. 


Gayundin, ang makabagong sistema ng LTO hinggil sa TOP ay senyales na dire-diretso na ang progreso sa kalsada sa buong bansa sa dahilang magiging disiplinado na ang mga motorista.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 9, 2024


Nanawagan si Senate Minority Floor Leader Aquilino Pimentel Jr. sa Department of Transportation (DoTr) na repasuhing mabuti kung ano ang rason bakit hindi excited ang mga operator at driver na lumahok sa consolidation o walang-wala silang gana, na posibleng may malaking kakulangan sa panig ng ahensya sa pagpapakalat ng tama o kongkretong impormasyon na humahantong sa kilos-potesta ang mga ito.


Magugunitang ang konsepto ng konsolidasyon ay halos may pagkakahawig sa pamamalakad ng Metro Manila Transit Corporation (MMTC) noon sa liderato ng namayapang Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at pinamunuan nila ang pagpatakbo ng aircon bus na ‘Love Bus’.


Ang Love Bus na may nakamarkang “Save gas ride love bus” ay pinondohan noon ng administrasyon ngunit sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay bigla itong nagsara.


Maraming driver at konduktor ang nawalan ng hanapbuhay noon at ang pangyayaring iyon ang siyang kinatatakutan ng mga tsuper at operator ng tradisyunal na jeepney ngayon.


Ipinahayag ng traditional jeepney drivers at operators na noong panahon ng MMTC na pinondohan mismo ng pamahalaan ay nabigo ang sistemang konsolidasyon at hindi nakayang imaniobra ang pamamahala ng tuluy-tuloy, ay heto pa kayang ipinatutupad ng kasalukuyang konsolidasyon na wala umanong maipakitang pondo at kapani-paniwalang programa.


Sabagay kung tutuusin ay hindi naman dapat mawala ang tradisyunal na jeepney dahil lamang sa kakulungan ng tamang pagpapatupad ng DOTr na sa umpisa pa lamang ay mali na dahil sa utang agad ang simula na labis na ikinatatakot ng mga operator at driver.


Iginigiit naman umano ng DOTr na hindi dapat mangamba dahil hindi sila nag-iisa sa pagharap sa utang kung saan marami silang magkakasama na aako sa sitwasyon, ayon ‘yan mismo sa paliwanag ni Sen. Pimentel, habang hindi man lamang nagpapakita ng ‘successful pilot’ o kahit ng isang matagumpay na karanasan ng isang driver o operator na lumahok sa consolidation.


Kinuwestiyon din ni Sen. Pimentel ang mga ‘minibus’ na siyang unti-unting ipinapalit sa tradisyunal na jeepney, na hindi dapat dahil kung air pollution lamang umano ang pag-uusapan ay tiyak namang magbubuga rin ng usok ang mga minibus na ito sakaling umabot na ng 10 taon sa kalye.


Hindi umano talaga magtatagumpay ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil sa tawag pa lamang ay mali na — modernized jeepney pero mukhang minibus na sobra pa ang mahal kumpara sa napakamurang jeepney na gawa sa ating bansa na mas matibay, kaya hindi talaga magkakasundo ang mga transport group at DOTr, paliwanag pa ni Sen. Pimentel, kaya tutol siya sa PUVMP na tiyak na nagpalakas lalo ng loob ng mga nagpoprotestang operator at driver.


Magkakalahating taon na nating tinututukan ang istoryang ito ng mga driver at operator na hanggang sa kasalukuyan ay ipinaglalaban ang kanilang hapag-kainan dahil sa pagpapatupad ng PUVMP at sana kahit sa napakaliit nating pitak na ito ay matulungan natin ang mga operator at driver sa bansa, na hindi na natutulog dahil sa labis na pag-aalala. 


Nawa ay makatulong tayo na maiparating sa kinauukulan ang mga karaingan ng ating mga driver at operator na kung bibigyang pansin lang natin ay malaki naman talaga ang punto kung bakit hindi dapat maipatupad ang PUVMP ng basta-basta na lamang at wala man lamang pruweba na magiging matagumpay ito, at tiyak na walang magugutom.


Sa creative side naman, ang modern jeepney ay minibus na ang tawag kaya ang modernization para sana sa mga jeepney operator ay nawalan na agad ng saysay dahil tila maglalaho na ang jeepney sa pagpapalit ng mga minibus habang maaaring mawala na rin ang isa sa ating cultural heritage.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page