top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 12, 2024


Noong unang inilunsad ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) ang proyekto nilang LTO-On-Wheels na nagsimula lamang sa dalawa pero dahil sa napakagandang feedback ay plano na itong gawing lima sa lalong madaling panahon.


Hindi kasi inakala ng pamunuan ng LTO na maraming tanggapan ng pamahalaan ang nagre-request na madala na rin sa kanilang lugar ang mobile one-stop-shop ng LTO upang mas madaling makapagparehistro ng sasakyan o makapag-renew ng kani-kanilang lisensya.


Napakaganda ng proyektong ito dahil sa pamamagitan nito ay hindi na kinakailangang bumiyahe pa ng malayo ng aplikante dahil nasa kanilang lugar na at higit sa lahat ay hindi na sila magdurusa sa haba ng pila sa mismong mga tanggapan ng LTO.


Halos magdadalawang taon na nang umarangkada ang LTO-On-Wheels sa loob ng Camp Karingal upang bigyan ng mabilis na serbisyo ang mga police personnel na lahat ay tuwang-tuwa dahil nakatipid na sila sa gasolina at pamasahe ay nakatipid pa sila sa oras.


Kasama sa mga ipinoproseso ng LTO-On-Wheels ang aplikasyon sa renewal ng rehistro ng motorsiklo at iba pang sasakyan, student permit, renewal ng driver’s license, renewal without penalty at conversion ng paper license para maging card.


Standard naman ang ipinatutupad na bayad ng LTO at walang karagdagan kahit anong gastos at higit sa lahat ay direkta ang gagawing mga transaksyon sa kanilang mga tauhan at walang mga pasaway na pakalat-kalat para makialam sa mga aplikante.


Umani ng papuri ang hakbanging ito ng LTO dahil bukod sa mapapalapit ang serbisyo sa publiko ay mawawalan na rin ng pagkakataon ang mga ‘fixer’ na pakalat-kalat sa ilang tanggapan ng LTO dahil sobrang bumilis ang proseso.


Medyo may kataasan kasi ang bilang ng mga nagmamaneho ng motorsiklo ang walang lisensya lalo na sa mga probinsiya dahil sa marami nga ang medyo andap na magtungo sa tanggapan ng LTO sa pag-aakalang mahirap ang proseso.


Pero dahil sa LTO-On-Wheels ay malaking porsyento sa ating mga ‘kagulong’ sa mga probinsiya ang hindi na mahihirapang kumuha ng student permit upang magkaroon ng lisensya sakaling umabot na ang kanilang operasyon sa mga lalawigan.


Napakaganda dahil bukas ang tanggapan ng LTO sa mga nais na madala ang LTO-On-Wheels sa kani-kanilang lugar dahil maaaring mag-request ang mga barangay captain o kahit anong ahensya ng gobyerno para makapagbigay ng serbisyo kahit saan.


Puwede ring gamitin ng mga konsehal sa mga bayan na makipag-ugnayan sa LTO at dalhin sa kani-kanilang lugar ang LTO-On-Wheels para makita naman ng mga botante na mayroon silang ginagawa na hindi na sila gagastos.


Ang kailangan lang naman ay tiyaking maayos ang parking space para sa bus ng LTO at makapag-provide ng at least 10mbps na internet connection upang maiproseso ang requirements ng mga aplikante at pwedeng pag-usapan kung ilang araw mananatili ang LTO-On-Wheels sa isang lugar.


Kaso bigla akong nalungkot dahil ang milyong halaga ng bus para sa proyektong ito ay kasalukuyang nakatambak na lamang sa loob ng LTO compound sa Quezon City, kasama ng mga na-impound na sasakyan at kung hindi maaasikaso ay mabubulok na ng tuluyan.


Nakakapanghinayang dahil pera ng taumbayan ang ginastos dito na maayos naman sa simula at kapaki-pakinabang, pero sa hindi natin maintindihang pangyayari ay nakatengga na lamang ang naturang bus na maayos pa naman subalit pinabayaan na ng pamunuan ng LTO na itambak sa LTO compound.


Dalawang bus ito na pinagkakaguluhan noon ng ating mga kababayan at dahil sa sobrang epektibo ng naturang proyekto ay plinano na dagdagan ng tatlo pang bus para mas makapagbigay ng maayos na serbisyo.


Pero dahil sa papalit-palit na pamumuno ay ito ang naging resulta — walang proper turnover.


Kung hindi interesado ang bagong pamunuan ng LTO sa proyektong ito ay huwag naman sanang pabayaang mabulok na lamang ang nagagandahang bus dahil pwede pa itong magamit sa libreng sakay tuwing may mga isinasagawang tigil-pasada ang transport group.


Nakakapanghinayang kasi talaga at nakakalungkot na ang dating pinagkakaguluhang bus ng ating mga kababayan ay nakatengga at pinababayaang ulanin at arawin na lamang hanggang sa mabulok.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 9, 2024


Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa nakakamatay na heat stroke ngayong nagsisimula na ang summer season sa bansa at isa sa nangungunang nakabilad sa kalye ay ang mga nagmamaneho ng motorsiklo.


Dobleng kapahamakan kasi kung ang isa sa ating mga ‘kagulong’ ang tatamaan ng heat stroke sa gitna ng pagmamaneho dahil bukod sa epekto ng heat stroke ay posible pa itong humantong sa malagim na aksidente.


Dahi dito, may ilang payo sa publiko ang DOH upang maiwasan ang heat stroke at mabigyan ng proteksyon ang katawan sa matinding init at iba pang sakit na madalas nararanasan tuwing tag-init gaya ng diarrhea.


Kabilang dito ang pag-iwas sa pagsusuot ng makapal at kulob na damit, paglalagay ng cold compress sa singit, kili-kili at likod, at pananatili sa malilim na mga lugar.


Iwasan ding lumabas ng bahay sa tanghaling tapat, gawin sa umaga o hapon ang mga lakad, magsuot ng maninipis at magagaan na damit at uminom ng maraming tubig.


Gumamit din ng sumbrero at sunglasses kung hindi maiwasan na lumabas sa tanghali.


Agad na kumonsulta sa doktor kapag nakaramdam ng sintomas tulad ng lagnat na sobra sa 40° ang temperatura, pamumula, mainit at tuyong balat, kulang o sobrang pagpapawis, sakit ng ulo, pagkahilo at pagsusuka, pangangalay o pamumulikat.


Kung ang mga traffic enforcer ay binibigyan ng 30 minutong break para uminom ng tubig o magbasa ng mukha upang makaiwas sa heat stroke, kaya dapat maging ang ating mga ‘kagulong’ ay pagtuunan din ng pansin ang babalang ito ng DOH.


Dapat ay palaging may baong inuming tubig upang hindi makaranas ng heat stroke dahil posibleng biglang magdilim ang paningin ng isang nakararanas ng heat stroke, at delikado ito sa isang rider.


Malagim na aksidente ang posibleng sapitin ng isang nagmamaneho ng motorsiklo sakaling makaranas ng heat stroke. Ibig sabihin ay posibleng may ibang tao pang madamay kung hindi mag-iingat.


Huwag nating balewalain ang babalang ito dahil sa bukod sa summer ay nakataas pa rin ang babala sa El Niño na lalong nagpapaigting sa init na ating nararanasan.


Dapat nating alalahanin na walang pinipiling edad ang biktima ng heat stroke, maging bata man o matanda ay pwedeng makaramdam nito, at hindi lang sa ating bansa ito nangyayari dahil nararanasan din ito ng maraming bansa na may mainit na klima.


Taun-taon ay hindi mabilang sa daliri ang binabawian ng buhay dahil sa heat stroke, kaya sana ay huwag na tayong dumagdag pa, lalo na ang ilan sa ating mga ‘kagulong’ na ang hanapbuhay ay maghapong nagmamaneho sa gitna ng matinding sikat ng araw.


Kapag nakakita ng malilim na pwedeng silungan ay saglit na huminto muna sa pagmamaneho ng motorsiklo at makaraang makaramdam na ng ginhawa ay saka na lamang ipagpatuloy ang pagmamaneho.


Huwag tayo masyadong tiwala na hindi tayo makararanas ng heat stroke dahil wala ‘yan sa laki ng katawan. May isang pangyayari na sa gitna ng paglalaro ng basketball ay bigla na lamang bumagsak at nasawi dahil sa heat stroke.


Lantad din sa heat stroke ang mga tricycle driver kahit may bubong ang kanilang minamaneho kaya dapat na magbaon ng malamig na tubig para kapag nakaramdam ng pagkauhaw at panunuyo ay hindi na kailangang maghanap pa.


Isa sa maaaring gawin kapag nakasaksi kayo ng tinamaan ng heat stroke ay agad na dalhin sa malilim na lugar o ipasok sa bahay, at agad ihiga habang nakataas ang dalawang binti.


Agad ding hubarin ang suot na damit at lagyan ng malamig na tubig ang balat habang pinapaypayan. Makakatulong din ang paglalagay ng yelo sa kili-kili, pulso, bukong-bukong at singit.


Habang ibinibigay ninyo ang mga pangunahing lunas ay siguruhing may tumatawag na ng ambulansya upang agad na madala sa pagamutan ang isang tinamaan ng heat stroke para maisalba ang kanyang buhay.


Tandaan na kayang iwasan ang heat stroke, basta maging responsable lang. Kaya ingat mga ‘kagulong!’


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 7, 2024


Mas malabo pa sa sabaw ng pusit ang pag-amyenda sa Executive Order No. 12, na tutugon upang hindi mapasama pa ang 2-wheel electric vehicles sa pagkakaloob ng tax incentives sa electric vehicles.


Hindi pa rin naglalabas ng mga detalye ang National Economic and Development Authority (NEDA) kung nagsimula na ang review process matapos ang palugit na isang taon noong Pebrero 21, 2024 para sa pagrebisa ng naturang executive order.


Napag-alaman na nagsumite ng mga suhestiyon sa NEDA ang Electric Kick Scooter (EKS) Philippines hinggil sa EO12 subalit, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na sagot.


Samantala, sinabi ng Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP), na kahit sila ay hindi umano naimbitahan ng NEDA na maging bahagi ng naturang review.


Ang EO12 na nagkakaloob ng tax breaks sa ilang uri ng EVs ay nakatakda na para sa mandatory review at sa posibleng rebisyon, mula sa rekomendasyon ng NEDA, isang taon makaraang magkabisa ito noong Pebrero 20, 2023.


Ang EO12 ay nagkakaloob ng tax breaks sa ilang uri ng EVs at mga parts at components nito, hindi kasama ang e-motorcycles, na pinapatawan pa rin ng 30% taripa.


Ang executive order ay umani ng batikos mula sa iba’t ibang stakeholders dahil hindi umano makatarungan na hindi isama ang e-motorcycles sa tax breaks.


Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), ang findings at recommendations ng NEDA hinggil sa EO12 ay isusumite sa Office of the President.


Ang iba’t ibang stakeholders ng EV industry sa Pilipinas ay nanawagan sa NEDA na isama sa bibigyan ng tax breaks ang e-motorcycles kapag isinagawa ng ahensya ang mandatory review nito.


Nabatid nila ang mga benepisyo na maidudulot nito upang tugunan ang problema ng bansa sa carbon emissions at matulungan ang karamihan sa mga motorista at motorcycle riders sa kanilang paglipat sa green transportation.


Nakalulungkot lang na ang mga positibong hakbanging tulad nito ay nagkakaroon pa ng mga suliranin na humahantong sa pagkakaantala na dapat ay magbebenepisyo sa taumbayan pero, sadya yatang ganito sa ating bansa — palaging may magkaibang opinyon at pagkakahati-hati sa mga desisyon.


Sana lang ay makarating kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (P-BBM) ang problemang ito para mabigyan ng karampatang solusyon — lalo pa at isandaang porsyento naman ang suporta ni P-BBM sa e-vehicles dahil alam niya ang mabuting dulot nito sa kalikasan.


Tingnan din natin ang magiging galaw ng NEDA hinggil dito at baka may mabuti naman silang pinaplano.


Sana lang sa huli ng lahat ng ito ay manaig ang kagustuhan ng nakararami at hindi ng iilan lang na may ibang agenda.   


Marami na rin kasing lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang bumibili ng 2-wheel electric vehicles tapos ay nilalagyan ng sidecar at ginagawang pampasada kapalit ng tricycle, na naglipana na ang ganyang sasakyan sa Pasay City (e-bike na may side car).


Sabagay, posibleng kumikilos na rin ang mga asosasyon ng tricycle sa bansa dahil sa malaking banta sa kanilang hanapbuhay ang mga e-vehicle na ito, lalo na ’yung bagong labas na habal na trike na galing India dahil ramdam na ng mga manufacturer ng tricycle sa bansa ang kanilang paghina, kung saan mas binibili na ang habal-trike dahil ito rin ang hinahanap-hanap na sakyan ng mga komyuter, kaysa sa tricycle na bukod sa hindi balanse ang gulong ay napakasikip pa ng sidecar. 


Parang kabute nang nagsulputan sa maraming lugar ang habal-trike, at kapansin-pansin na ‘yan kahit sa Metro Manila ay napakarami na, at hindi hinuhuli kahit nasa highway. Bakit kaya ang tricycle bawal pero ang mga habal-trike pwede?


Posible rin namang hindi pa napagtutuunan ng pansin, kasi palagi namang ganoon, kung hindi pa grabe ang sitwasyon ay hindi pa kikilos ang mga enforcer.


Hahayaan munang magkaroon ng sariling terminal at mga rehistradong asosasyon para kailangang magsagawa muna ng mga protesta bago aksyunan. Hays!


Kaya hindi hinuhuli ang mga habal-trike dahil sa hanggang ngayon ay hindi pa madetermina kung ano ang kategorya nito — kung tricycle ba o jeepney kasi korteng jeep pero tatlo ang gulong at maliit.

 

Nakalulungkot lang na ang mga positibong hakbanging tulad nito ay nagkakaroon pa ng mga suliranin na humahantong sa pagkakaantala na dapat ay magbebenepisyo sa taumbayan pero, sadya yatang ganito sa ating bansa — palaging may magkaibang opinyon at pagkakahati-hati sa mga desisyon.


Sana lang ay makarating kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (P-BBM) ang problemang ito para mabigyan ng karampatang solusyon — lalo pa at isandaang porsyento naman ang suporta ni P-BBM sa e-vehicles dahil alam niya ang mabuting dulot nito sa kalikasan.


Tingnan din natin ang magiging galaw ng NEDA hinggil dito at baka may mabuti naman silang pinaplano.


Sana lang sa huli ng lahat ng ito ay manaig ang kagustuhan ng nakararami at hindi ng iilan lang na may ibang agenda.   


Marami na rin kasing lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang bumibili ng 2-wheel electric vehicles tapos ay nilalagyan ng sidecar at ginagawang pampasada kapalit ng tricycle, na naglipana na ang ganyang sasakyan sa Pasay City (e-bike na may side car).


Sabagay, posibleng kumikilos na rin ang mga asosasyon ng tricycle sa bansa dahil sa malaking banta sa kanilang hanapbuhay ang mga e-vehicle na ito, lalo na ’yung bagong labas na habal na trike na galing India dahil ramdam na ng mga manufacturer ng tricycle sa bansa ang kanilang paghina, kung saan mas binibili na ang habal-trike dahil ito rin ang hinahanap-hanap na sakyan ng mga komyuter, kaysa sa tricycle na bukod sa hindi balanse ang gulong ay napakasikip pa ng sidecar. 


Parang kabute nang nagsulputan sa maraming lugar ang habal-trike, at kapansin-pansin na ‘yan kahit sa Metro Manila ay napakarami na, at hindi hinuhuli kahit nasa highway. Bakit kaya ang tricycle bawal pero ang mga habal-trike pwede?


Posible rin namang hindi pa napagtutuunan ng pansin, kasi palagi namang ganoon, kung hindi pa grabe ang sitwasyon ay hindi pa kikilos ang mga enforcer.


Hahayaan munang magkaroon ng sariling terminal at mga rehistradong asosasyon para kailangang magsagawa muna ng mga protesta bago aksyunan. Hays!


Kaya hindi hinuhuli ang mga habal-trike dahil sa hanggang ngayon ay hindi pa madetermina kung ano ang kategorya nito — kung tricycle ba o jeepney kasi korteng jeep pero tatlo ang gulong at maliit.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page