top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Abril 4, 2024



Mula Abril 5 hanggang 11 ng taong kasalukuyan ay libre ang pamasahe para sa mga beterano at isa pa nilang kasama na sasakay ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) bilang pakikiisa umano ng pamunuan ng MRT-3 sa pagdiriwang ng ika-82 Araw ng Kagitingan at Philippine Veterans’ Week.


Napakasimple ngunit isang markadong hakbang ang paggunitang ito ng pamunuan ng MRT-3 at inaasahang guguhit sa alaala ng mga Pilipino na minsan ay may mga kababayan tayong minsan ay nagsakripisyo para sa bayan.


Maging ang Department of Transportation (DOTr) ay nakikiisa sa pagdiriwang ng okasyon para sa mga beterano kaya naglaan sila ng libreng sakay bilang pasasalamat at pagtanaw sa kanilang ginawa para sa bansa.


Kinikilala rin umano ng MRT-3 ang mahalagang kontribusyon sa ating lipunan ng lahat ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kaya naman bilang tugon sa kahilingan ng Department of National Defense (DND), nais nilang bigyang-pugay at pasalamatan ang ating mga beterano kahit sa simpleng paraan. 


At ito nga ang paghahandog ng ‘libreng sakay’ sa loob ng isang linggo para sa kanila at isa pa nilang kasamang bibiyahe.


Kailangan lamang nilang magpakita ng ID mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa security personnel ng mga istasyon para sa kanilang libreng sakay kahit anong oras sa loob ng isang linggong nabanggit.


Mahalaga ang hakbanging ito ng pamunuan ng MRT-3 dahil sa simpleng paggunita na ito ay maraming kabataan ang magtatanong kung bakit may libreng sakay at tiyak na maliliwanagan sila sa sakripisyo ng mga beterano sa bansa.


Maging sa hanay ng mga buhay pang beterano ay malaking bagay para sa kanila na maalala sa panahong ito na halos hindi na sila napapansin dahil sa sobrang bilis ng teknolohiya.


Tiyak na walang pagsidlan ang tuwang nararamdaman ng mga ito at ng kanilang mga kaanak dahil sa free ride na kahit paano ay kinikilala pa sila ng pamahalaan.


Hindi naman maitatago ang naging partisipasyon ng mga veterans sa ating kasaysayan, kaya napakalaking tulong ang ipinagkaloob na ito ng pamunuan ng MRT-3.


Sana, kahit isang araw ay magbigay din ng ganitong pagkakataon ang mga ordinaryong pampasaherong sasakyan upang lubos na ang ating paggunita para sa mga beterano.


Medyo may kabigatan ang pangarap nating ito dahil sa kalagayan ng marami nating transport group ngunit, naisip ko lang ang tuwang idudulot nito sa kanila kung magkakaroon ng katuparan.


Kaya sa mga beterano, huwag kayong mag-isip na nakalimutan na ng sambayanan ang inyong sakripisyo para sa bayan dahil alam naming bahagi kayo ng kung anumang meron kami ngayon sa aming panahon.


Saludo tayo sa pamunuan ng MRT-3 dahil sa pamamagitan ninyo ay nakapagbigay din ng kasiyahan ang taumbayan sa ating mga beterano.


Napakalaki ng impact ng ‘libreng sakay’ lalo pa’t isang linggong isasagawa ito para sa mga beteranong tila nakaligtaan na rin ng kanilang mga kaanak ay maaari naman nilang madalaw.


Bagama’t madalas tumitirik ang mga tren sa MRT-3 ay tila naibsan ng bahagya ang pagkayamot ng mga pasahero na tumatangkilik dito dahil sa buti ng kalooban ng pamunuan nito.


Sana, gumaya rin ang LRT-1 at LRT-2 para mas masaya at memorable ang paggunita natin sa mga beterano at ibang pang magigiting na Pilipino na nagsakripisyo ng buhay alang-alang sa bansa. 


Dapat nating tandaan na kung wala ang ating mga lolo at lola ay wala tayo sa mundong ito kaya dapat lang na atin silang alalahanin at pasalamatan.


Hindi naman tayo nagbibigay ng pressure sa LRT-1 at LRT-2, ang sinasabi lang natin ay kung pupuwede at kung hindi naman kakayanin ay wala namang problema. Ang mahalaga ay alam ng ating mga beterano na nagsusumikap tayong bigyan sila ng kasiyahan sa panahong dapat silang gunitain.


Kaya sa ating mga war veterans, mabuhay kayong lahat!



SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Abril 4, 2024



Hindi pa matiyak kung ano ang kahihinatnan ng panukalang inihain sa Kongreso upang maging patas umano ang mga umiiral na batas-trapiko at hindi na umano makukulong ang driver na wala namang kasalanan sa aksidente.


Layunin ng naturang panukala na desisyunan na agad kung sinuman ang mag-iimbestiga sa isang aksidente at kung sino ang may kasalanan o wala, hindi tulad dati na korte lamang ang magdedetermina nito.


Kung lulusot ang panukalang Philippines Responsible Driving and Accountability Act (House Bill 10128) ay layunin din nitong gawing responsable ang mga nagmamaneho ng sasakyan.


Marami nga namang kaso ng aksidente na karaniwang isinisisi sa driver, kahit na wala talaga siyang kasalanan sa pangyayari, na minsan ay ang mga pedestrian o ibang motorista ang dahilan, pero dahil siya ang may lulan sa mga nasawi at nasugatan ay awtomatiko silang ikinukulong.


Umusad ang panukulang ito matapos na mag-viral sa social media ang video ng isang motorcycle rider na ilegal na pumasok sa Skyway — nag-counter flow at bumangga sa kasalubong na Asian Utility Vehicle (AUV) kamakailan. Kahit malinaw sa video na walang kasalanan ang driver ng AUV ay sinampahan pa rin ito ng reklamo.


Kumbaga, naperhuwisyo na naasunto pa na karaniwang nangyayari sa bansa, kaya marahil ay may punto rin ang nabanggit na panukala upang hindi na makulong pa ang mga driver na binangga na nga, pero dahil namatay ang nagmamaneho ng bumanggang sasakyan, ay siya pa ang ikinulong.


Sabagay, kung makikita naman ng mga kasama natin sa Kongreso ang punto ng naturang panukala ay imposibleng hindi ito katigan para sa kapakanan ng nakararami nating kababayan.


Kaya lamang dahil sa usapin ng legalidad at pagbabago sa batas ay hindi malayong dumaan ito sa maraming katanungan upang matiyak na hindi magdudulot ng anumang komplikasyon sa darating na panahon.


Pansamantala ay relax muna tayo at hayaan nating magtrabaho ang mga kongresista hinggil dito at sana naman ay manaig ang tama tungo sa kapakinabangan ng ating mga kababayan.


Kung hindi palarin dahil sa usaping legal ay huwag naman tayong malungkot, ang mahalaga ay ginagawa ng Kongreso ang kanilang trabaho para sa kapakanan ng taumbayan.


Bilang Unang Representante ng 1-Rider Partylist, positibo ako sa panukalang ito ngunit bilang abogado ay kailangang pagtuunan ng masusing pag-aaral kung makakaapekto ba ito sa kasalukuyang batas na umiiral.


Ang importante ay may pagtutulungan ng bawat isa sa Kongreso, kung magaganda ang panukala at kapaki-pakinabang ay marapat lang na suportahan para sa mamamayan. Isa-isantabi muna ang pulitika at pagtuunan ng pansin ang mga mahahalagang bagay. 

Hindi naman pagalingan sa Kongreso, pagpapakita rito ng pagkakaisa para sa ikagagaan ng buhay ng bawat Pilipino.


Kumbaga, lahat ng anggulo ay tinitingnan at dapat na masusing pag-aralan bago maaprubahan ang nabanggit na batas at ito ay para sa ikabubuti ng lahat.


Sayang kung ang isang napakagandang panukala ay mababasura lang dahil sa pulitika, pero tulad ng sinabi ko, kung hindi naman papalarin ay huwag namang malungkot ang mga nakasuporta sa panukalang ito dahil may proseso tayong sinusunod na dapat manaig.


Basta kung may batas kayong naiisip at sa tingin ninyo ay makatutulong sa ating bansa, huwag kayong magdalawang-isip na makipag-ugnayan sa aming tanggapan at makakaasa kayong pagsisikapan naming makarating ito sa Kongreso.


Kalakip nito ang lahat ng paraan para kayo ay makipag-ugnayan sa aming tanggapan at malaking karangalan na kayo ay aming paglingkuran.


Para sa ikabubuti ng bayan, kasama n’yo ang inyong lingkod.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Abril 2, 2024


Doble-dobleng hirap ang dinanas ng ating mga kababayan sa panahon ng Semana Santa dahil sa palyadong serbisyo ng mga hindi gumaganang radio frequency identification (RFID) stickers na nagdulot ng mahabang pila ng mga sasakyan noong Miyerkules Santo sa mga tollway ng North Luzon Expressway (NLEX).


Kaugnay nito ay nakatakdang ipatawag ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga opisyal ng NLEX kaugnay ng mga hindi gumaganang RFID stickers na nagresulta ng bumper to bumper traffic noong nagdaang Semana Santa.


Ito ang anunsyo ni House Deputy Majority Leader at Rep. Erwin Tulfo nitong Linggo, Marso 31.


Ang daming nagalit at nagsumbong kay Speaker Romualdez na hindi binabasa ‘yung RFID sticker nila pagdaan sa toll plaza na naging dahilan ng napakahabang pila ng mga sasakyan sa NLEX noong araw na iyon.


Imbes na magsimula sa kani-kanilang lalawigan ang kanilang penitensya -- noong Miyerkules pa lamang ay nag-umpisa na ang kanilang pasakit sa pagpasok sa expressway dahil sa palpak na RFID.


Nawalan umano ng silbi ang mga RFID sticker dahil hinihingi sa mga motorista ang kanilang mga RFID card upang makadaan sa mga toll booth.


Maganda rin ang hakbangin ng Kongreso na simulan nang ayusin ang kanilang prangkisa sa mas maagang panahon kung hindi nila agad maisasaayos ang serbisyo ng RFID.


Damay din ang mga opisyal ng South Luzon Expressway at Toll Regulatory Board sa pagpapatawag ng Kamara.


Ang masaklap, wala man lamang paliwanag kahit katiting ang NLEX kung ano ang nangyari at kung kaya pa ba itong iwasan.


Noong nakaraang linggo ay tinalakay natin ang mataas na insidente ng aksidente sa panahon ng Semana Santa – kasabay nito ay nagbigay tayo ng babala na dobleng pag-iingat.


Hindi ba’t may mga nagkomento kung bakit pinangungunahan natin ang mga aksidente sa panahon ng Semana Santa — na nangyari ng ilang ulit ang malalagim na insidente na ating pinangangambahan.


Hindi ba’t binawian ng buhay ang 45 deboto matapos bumagsak ang sinasakyan nilang bus na patungo sa isang Easter conference sa lalawigan ng Limpopo sa South Africa noong Huwebes.


Nasa 19 katao naman ang namatay sa pagkalunod sa panahon ng Semana Santa mula Lunes Santo hanggang nitong Sabado de Gloria, ayon sa report ng Philippine National Police (PNP).


Nasawi ang isang 59-anyos na lalaki at ang kanyang anak na babae matapos araruhin ng isang wing van truck sa Zone 4, Barangay Lonoy, Kananga, Leyte, nitong Martes ng gabi.


Isang 72-anyos na babae ang nasawi habang 14 ang sugatan na magkakamag-anak nang mauwi sa malagim na aksidente ang masaya sanang outing nang mahulog ang sinasakyan nilang van sa Sitio Bangao, Ambuklao, Bokod, Benguet. 


Kasabay nito ay 17 ang namatay nang magsalpukan ang isang van at isang truck, at napakarami pang malalaking aksidente ang naganap hindi lang sa ‘Pinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo.


Hindi naman natin maipaliwanag kung bakit mataas ang bilang ng aksidente tuwing Semana Santa — kaya doble-ingat lalo na ngayong maraming oras na tayo ng pagbabakasyon.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page