top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 20, 2024





UMARANGKADA na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at umabot na agad sa 132 na e-vehicle ang nahuli na dumaan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila simula noong Abril 17.


Ayon sa MMDA, wala namang personalan at sumusunod lamang sila sa Regulation No. 24-002 series of 2024 na inilabas ng Metro Manila Council (MMC) na nagbabawal sa mga e-trike, e-bike, e-scooter at tricycle na dumaan sa mga pangunahing kalye sa Metro Manila.


Nasa 41 sa mga nahuli ang dinala sa impounding area ng ahensya sa Marikina City.


Nakasaad sa regulasyon na awtomatikong mai-impound ang sasakyan ng may-ari kung wala itong lisensya o walang rehistro ang sasakyan, partikular ang mga traysikel o e-trike.


Bukod sa pag-impound ng mga sasakyan, ang mga mahuhuling ilegal na dumaan sa national roads, circumferential road at radial road ay pagmumultahin ng P2,500.


Ngunit kasabay nito ay pinalawig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ng isang buwan pa bago simulan ang paghuli sa mga e-bike at e-trike na dumaraan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.


Sa X post ni PBBM sa social media, inatasan nito ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at local government units (LGUs) na bigyan ng palugit ang paghuli sa mga e-trikes at e-bikes na dumaraan sa mga ipinagbawal na lugar.


Sinabi ni PBBM na kailangan ang sapat na panahon para mapalakas ang information campaign at malaman ng publiko ang ban sa mga nabanggit na uri ng transportasyon sa mga pangunahing kalsada.


Inaasahang magdudulot ng bahagyang kalituhan sa panig ng mga nasakote na at na-impound na mga sasakyan kung kailangan ba nilang magmulta sa pagkuha nila ng kanilang na-impound na sasakyan o libre muna.


Sabagay may punto naman si PBBM na kailangang palawakin pa ang pagpapakalat ng impormasyon hinggil dito bago isagawa ang panghuhuli sa mga lalabag na may-ari ng e-bike dahil napakabigat nga naman ng multa para sa mga kababayan nating mahihirap.


Kaya dahil dito ay maaantala lamang ng isang buwan ang panghuhuli sa mga e-bike ngunit hindi nangangahulugan na puwede nang dumaan sa mga pangunahing kalye ang mga e-bike — bawal pa rin.


Ibig sabihin, sa susunod na buwan ay tutuluyan na ng mga otoridad ang panghuhuli, kumbaga nagbigay lang ng konsiderasyon si PBBM upang mabigyang babala ang mga hindi pa inaabot ng impormasyon nito.


Responsabilidad nga naman kasi ng pamahalaan na ipaabot ang mga impormasyon sa mga panuntunan bago ipatupad sa publiko, na marahil ay isa rin sa dahilan kung bakit umabot kaagad sa 132 ang nasakote ng MMDA sa kanilang pag-arangkada.


Sa 132 nahuli ng kagawaran ay hindi maiaalis na malaking porsyento rito ay sadyang pasaway, ngunit hindi rin maitatanggi na may porsyento rin na hindi pa talaga alam na bawal na ang e-bike sa mga pangunahing lansangan.


Sa isang banda, may mabuting dulot din naman ang anunsiyo ni PBBM dahil malaking balita kapag ang Pangulo ng Pilipinas ang nagsalita kaya tiyak na alam na alam na ng mga driver ng e-bike na bawal na sila sa national roads sa susunod na buwan.


Sa mga may-ari ng e-bike, huwag sana kayong magalit sa mga traffic enforcer dahil ang MMC ang nagbuo ng kautusang ito na ipinatutupad lamang nila ang batas.


At hindi naman ito basta naisip lang ng MMC dahil may mga isinagawa muna silang konsultasyon at pag-aaral, bago ipinatupad at nasisiguro kong para sa kapakanan ito ng lahat kaya napagkasunduan.


Inuulit ko, bawal pa rin ang e-bike sa mga pangunahing lansangan — sana lang habang hinihintay natin ang mismong araw na puwede nang manghuli ay maglagay ng mga signage sa mga kalsada na bawal na ang mga e-bike at e-trike para wala na silang maikatuwiran.


Sa malao’t madali ay masasanay din ang lahat, basta’t palagi nating isipin na ginagawa ito ng pamahalaan para sa ikabubuti at kaligtasan ng lahat.


Kaya sa mga nagpaplanong bumili ng e-bike o e-trike, wala namang problema basta’t alam lang natin na limitado na ang mararating nito dahil bawal na ito sa mga national road. Huwag nang maniwala sa sinasabi ng mga ahente na puwede ito kahit saan at hindi kailangan ng rehistro o lisensya dahil hindi na ito totoo.



SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 18, 2024



MATUTULDUKAN na rin ang labis na pagkadismaya ng napakaraming driver na kumuha ng lisensya sa Land Transportation Office (LTO) dahil sa halip na plastic card ay photocopy lamang ang ibinibigay.


Sa wakas kahit pangako ay naglabas ng pahayag ang LTO na makukumpleto na ang 3.2 milyong backlog sa plastic card para sa pag-imprenta ng mga driver’s license sa loob ng 45 araw.


Sa isang press briefing nitong nakaraang Lunes, Abril 15 ay inanunsyo ng pamunuan ng LTO na muli silang nakatanggap ng 600,000 pang plastic card na ginagamit sa pag-imprenta ng mga lisensya sa pagmamaneho.


Tiniyak nilang tuluy-tuloy na ito hanggang makumpletong mai-deliver ang 3.2 milyong pirasong plastic cards at inaasahan na umanong nilang matatapos sa loob ng 45 araw ang pang-unang delivery na sinimulan na noon pang nakaraang Marso 25.


Nauna nang inihatid sa LTO ang isang milyong plastic card noong Marso 25 makaraang pawalang bisa ng Court of Appeals ang injunction order sa pagdeliber ng mga natitira pang plastic card mula sa Banner Plastic na binili noong 2023.


Isang araw matapos ihatid ang isang milyong piraso ng plastic card, agad na naglabas ang LTO ng schedule ng renewal ng mga expired na driver’s license. Layunin ng renewal schedule na matiyak ang maayos na proseso at pamamahagi ng mga plastic-printed card sa lahat ng tanggapan ng LTO sa buong bansa.


Ito kasi ang nakalulungkot na bahagi ng mga ganitong problema, palaging nauunang lumabas sa media ang planong gagawin kaya kapag hindi naisakatuparan ay dobleng kahihiyan ang naghihintay.


Tutal nandiyan na ang problema, wala namang magagawa ang mga aplikante ng lisensya kung photocopy lang ang kayang ibigay ng LTO. Tapos, heto at binibigyan na naman natin ng pag-asa na matatapos na ang problema sa backlog samantalang paparating  pa lamang ang solusyon —kung mayroon man.


Hindi ba’t mas maganda sana kung nagsimula nang manawagan ang LTO sa mga may magre-renew ng driver’s license kung nagsisimula na silang mamahagi ng plastic card.


Sa ganitong paraan ay tuluy-tuloy na ligaya na ang mararamdaman ng ating mga kababayan na hanggang ngayon ay photocopy pa rin ng lisensyang hawak-hawak — pero tiyak namang hindi aabot ng 10 taon ang photocopy.


Sabagay suhestiyon lang ang atin para hindi na sana umasa ang mga driver, pero sa isang banda ay naiintindihan naman natin ang pamunuan ng LTO na sa mas maagang panahon ay nais nilang ipakitang nireresolba nila ang problema.


Kaso kilala na ang LTO na palaging may problema sa kakulangan ng plate number at lisensya kaya parang wala na ring saysay ang mga paasang press release maliban na lamang kung matutupad.


Sana naman ay maging maayos na ang mga suliraning kinakaharap ng LTO upang matugunan nila ang napakarami pa nilang dapat resolbahin. Naniniwala naman ako na kayang-kaya ‘yan ng bagong pamunuan ng LTO na kilala rin ang integridad bilang isang maayos na tagapamahala.


Kaya sa mga kababayan nating may hawak ng photocopy ng  driver’s license ay huwag na kayong malungkot dahil ilang tulog na lamang at magiging plastic card na ‘yan.


Ang mga labis kasing nalungkot sa pangyayaring ‘yan ay ang mga kababayan nating gumastos ng libu-libo sa driving school para lamang matutong magmaneho tapos noong kukuha na sila ng lisensya, excited sila  na magkakaroon nito, tapos ay photocopy lang pala ang ibibigay sa kanila.


Ilang araw na ring tampulan ng kuwentuhan ang photocopy na lisensyang naglipana sa bansa. Ang masakit pa dahil photocopy lang, napakadaling gumawa ng pekeng photocopy kaya maligayang-maligaya naman ang mga driver ng pampasaherong sasakyan dahil hindi na sila mababawasan ng kita mula sa mga traffic enforcer na ginagawa naman silang gatasan umano — dahil imbes na magmulta ay pekeng photocopy driver’s license na lamang ang kanilang ibinibigay.


Sa kahabaan ng Recto kasi, nasa P200 lang ang paggawa ng photocopy driver’s license kumpara sa P500 lagay sa enforcer na araw-araw nanghuhuli dahil sa hindi maubus-ubos na traffic violation ng isang namamasada.


Anyway, gaya nga ng anunsyo ng kagawaran , paparating na ang solusyon at magwawakas na ang problema natin sa backlog ng lisensya.


Sa puntong ito ay mas umigting ang excitement ng mga nais magkaroon ng driver’s license, kaya sana ay pagsikapan ng pamunuan ng LTO na matupad ang pangako nilang ito, kasama n’yo kami sa inyong panalangin. 



SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Abril 16, 2024



Isa sa pangunahing problema ng mga may-ari o nagmamaneho ng sasakyan, ang parking sa bawat lugar na kanilang pupuntahan ngayon, na nadagdagan pa ng problema dahil bukod sa patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina ay todo na ang taas ng multa sa illegal parking.


Grabe na ang ipapataw na penalty sa sinumang driver na basta-basta na lamang pumaparada kung saan-saan kaya dapat maging responsable upang hindi tayo maging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.


Pagmumultahin na kasi ng P4,000 ang driver ng sasakyan na ilegal na paparada sa mga kalsada sa Metro Manila, partikular sa mga lansangan na idineklarang Mabuhay Lane.


Ito ang ipinahayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora, presidente ng Metro Manila Council (MMC) -- magsisilbi umano itong babala sa mga motoristang lantarang sumusuway sa mga patakaran sa kalsada.


Ayon sa MMC, tinaasan na nila ang multa ng illegal parking sa P4K upang maging hadlang umano sa mga nagdo-double park o nagpa-park sa mga lugar na hindi dapat paradahan.


Kaugnay nito, tinalakay din umano ng MMC ang pagsasagawa ng mga road repair sa gabi na malaking ginhawa hindi lang sa mga motorista, maging sa mga pasahero na magtutungo sa kanilang trabaho at eskwela.


Sinilip din ng MMC ang kalagayan ng mga manggagawa na nakabilad sa gitna ng araw bukod pa sa nakakaperhuwisyo sa pagsisikip ng trapiko sa buong Metro Manila.


Batay sa MMC, ang lahat ng road repair ay isasagawa na sa gabi at hindi na ito sa umaga. Kasi nga naman kung peak hours sa mga kalye parehong nagsasakripisyo ang mga driver at mga komyuter, hindi tulad kung sa gabi na lamang magtatrabaho.


Medyo may kabigatan ang napagkasunduang multa ng MMC na ipapataw sa mga driver na kung saan-saan pumaparada, ngunit sa isang banda ay inaasahang magkakaroon ito ng positibong resulta dahil sa rami ng makukulit nating kababayan.


Sa ngayon pa lang ay marami na ang namamahalan sa halagang ipapataw na penalty sa illegal parking kaya inaasahang magiging epektibo ang pagtataas ng multa upang maiwasan na ang mga pasaway na driver.


Kaya sa halip na magreklamo, maging responsable na lamang tayo, kung saan tamang iparada ang sasakyan upang hindi tayo maging biktima ng mataas na multa dahil wala naman tayong magagawa para baguhin ang napagkasunduan sa MMC kundi ang sumunod.


Sanay na sanay na kasi tayong puro reklamo, imbes na ayusin ang mga bagay-bagay at hindi natin maitatanggi na marami sa ating kababayan ang wala talagang disiplina, kaya sa tingin ko ay may punto rin ang MMC.


Napakadali namang iwasan ang multa, ang kailangan lamang ay sumunod. Marami kasing nakaparada kahit sa mga towing zone at naglalakihan na ang karatula tapos kapag hinahatak na ang sasakyan lumalaban pa sa mga enforcer.


Sana lang, hindi ito matulad sa death penalty na kaya isinabatas ay upang maiwasan na ang mga gumagawa ng mga matitinding krimen, ngunit marami pa rin ang gumagawa ng masama kaya inalis na itong death penalty.


Pero tama ang ginawa ng MMC na huwag tayong matakot na sumubok sa mga bagong sistema — baka sakaling sa pagkakataong ito ay maging epekibo na.


Parang mas takot sa multa ang ating mga kababayan kaysa sa parusang kamatayan.


Kung dadalhin pa natin sa argumento ang usaping ito ay sobrang tigas naman na ng ulo ng ating mga kababayan, kaya mas mabuting suportahan na lamang natin dahil sa wala itong masamang pakay kundi ang maturuan ang mga iresponsableng driver na kung saan-saan nagpa-park.


Ang masaklap kasi sa illegal parking, sakop ang buong Metro Manila, kapag may isang lugar lang na medyo nagkaroon ng pagbagal ng takbo ng mga sasakyan ay apektado na ang ikot ng lahat ng mga ito sa buong rehiyon. At mataas na porsyento ng sanhi nito ay ang illegal parking --una ay may isang paparada kahit na ipinagbabawal, tapos may isang gagaya hanggang sa darami na ang nag-park sa bawal at resulta ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.


Kaya huwag natin masyadong kondenahin ang MMC dahil kapag naging matagumpay ang kanilang plano ay buong bayan ang makikinabang.


Sana nga pati multa sa jaywalking ay taasan na rin para maiwasan na ang pagtawid-tawid sa kung saan-saan ng ating mga kababayan na hindi naman natatakot sa mga babalang, ‘HUWAG TUMAWID, NAKAMAMATAY’.


Ito ang isa sa patunay na hindi takot mamatay ang ating mga kababayan, pero tiyak na tiyak na marami ang takot sa mataas na multa.



SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page