top of page
Search

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | June 30, 2025



Photo BG: FP


Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang manager sa isang pribadong company sa Quezon City. Dahil sa maraming face-to-face meetings sa aming opisina at mga zoom meetings ay madalas akong nakaupo sa maghapon. Ayon sa isang kaibigan ay maaaring makasama ang madalas at palagiang pag-upo sa aking kalusugan.


Nais ko sanang isangguni sa inyo ang payo na ito ng aking kaibigan. Makakasama ba ang palagiang pag-upo sa maghapon? Regular akong nag-e-exercise. Maraming salamat at nawa’y mabigyan n‘yo ng pansin ang aking liham at mga katanungan.  — Maria Imelda



Maraming salamat Maria Imelda sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Ayon sa research article na isinulat nina Eric Shiroma at I-Min Lee, mga epidemiologists mula sa Harvard School of Public Health sa medical journal na Circulation noong August 17, 2010, ang physical activity ay nakakababa ng risk ng all-cause mortality, sakit sa puso, diabetes, stroke at ilang uri ng cancer. Ayon sa kanila ang mga physically active na indibidwal ay may 30% to 40% na risk reduction kung ikukumpara sa mga hindi physically active.


Inirerekomenda sa 2008 Physical Activity Guidelines for Americans ng federal government ng Amerika na magkaroon ng minimum na 150 minutes kada linggo na moderate intensity na aerobic physical activity o kaya ay 75 minutes na vigorous intensity aerobic physical activity. Ayon sa guidelines na nabanggit, may mga additional health benefits hanggang 300 minutes ng moderate intensity physical activity o kaya ay 150 minutes of vigorous intensity na physical activity. 


Ano kaya ang maaaring epekto sa ating kalusugan kung hindi natin maabot ang minimum na physical activity na kinakailangan? Ayon sa dalawang scientific articles na na-publish sa tanyag na medical journal na Lancet noong taong 2012, ang physical inactivity ay itinuturing na pang-apat na leading cause of death at estimated na 6 na porsyento ng sakit sa puso, 7 porsyento ng Type 2 diabetes, 10 porsyento ng breast cancer at colon cancer ay dahil sa physical inactivity.


Kung kayo ay regular na nag-e-exercise at nasusunod ninyo ang rekomendasyon sa nabanggit na 2008 Physical Activity Guidelines ay mas mababa ang risk ninyo na magkaroon ng mga sakit na nabanggit. Mas mababa rin ang risk ninyo sa all-cause mortality.


Ang madalas na pag-upo na inyong nabanggit ay kabilang sa tinatawag na sedentary behavior. Ito ay kakaibang konsepto sa physical inactivity. Ayon sa artikulong Compendium of Physical Activities na nailathala noong 2011, kasama ng mga sedentary behavior, bukod sa pag-upo, pag-recline at paghiga, ang panonood ng TV, pakikinig sa musika, pagbabasa at pagsusulat, pananahi, paglalaro ng video at computer games at pagsakay sa kotse.


Ang pag-upo ng matagal at kakulangan ng physical activity ay may mga kaukulang independent physiological effects at biological consequences, ayon sa mga scientist sa pangunguna ni Dr. Marc Hamilton ng Dalton Cardiovascular Research Center ng University of Missouri-Columbia sa Ohio, USA. Lumalabas sa mga makabagong pag-aaral na ang sedentary behavior katulad ng madalas na pag-upo na iyong binanggit ay maaaring makataas ng total cholesterol, triglycerides, at blood sugar level. Nagiging dahilan din ito ng paglaki ng tiyan o waist circumference.


Sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga scientist mula sa Indiana University School of Medicine, ang matagalang pag-upo ay nagreresulta sa pagtaas ng cardiovascular disease risk factors. Ayon sa kanila, ang matagal na pag-upo (tatlong oras at higit pa) ay nagiging dahilan ng endothelial dysfunction na maaaring magresulta sa iba’t ibang uri ng sakit sa puso (cardiovascular diseases). Mababasa ang pag-aaral na ito sa Medicine & Science in Sports and Exercise na nailathala noong April 2015.


Makikita natin sa mga binanggit na pag-aaral ang koneksyon ng matagal na pag-upo sa ating lipid profile, pagtaas ng blood sugar level at sa iba’t ibang uri ng sakit sa puso. Ayon kay Dr. Saurabh Thosar at iba pang dalubhasa mula sa Indiana University School of Public Health, maiiwasan ang mga masasamang epekto na ito ng matagalang pag-upo sa pamamagitan ng pagtayo at paglalakad, at iba pang light exercise kada isang oras. 


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y patuloy na bumuti ang iyong kalusugan.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

by Info @Brand Zone | June 25, 2025



PhilHealth PR No. 2025-27 / June 19, 2025


Ang sakit sa bato o Chronic Kidney Disease (CKD) ay isa ngayon sa mga pangunahing sakit sa bansa — isa sa bawat tatlong Pilipino ay posibleng magkaroon nito. Dahil sa mahabang gamutang kaakibat nito, naaapektuhan ng sakit sa bato ang iba’t ibang aspeto ng buhay ng mga pasyente: ang kanilang mga trabaho, kalidad ng pamumuhay, at lalo na ang kanilang mga naipundar.

 

Kaya naman, sa direksyon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., patuloy na pinalalawig ng PhilHealth ang mga benepisyo nito lalo na para sa pagpapa-dialysis, kidney transplantation, at ngayon, pati na rin para sa tuloy-tuloy na gamutan at pagpapasuri ng pasyente upang panatilihing tagumpay ang operasyon.

 

Nais natin na maging dito ay wala ng alalahanin ang ating mga kababayan nang sa gayo’y pagpapalakas na lamang ang kanilang tututukan. Kaya naman, ating binabahagi ang dalawang bagong benepisyo ng PhilHealth: Z Benefits Package para sa Post-Kidney Transplantation Services, isang para sa mga bata at isa sa mga mas nakatatandang mga Pilipinong nakatanggap ng bagong bato mula sa mga donor.

 

Sa ilalim ng bagong benepisyo para sa mga bata, ilan sa mga babayaran ng PhilHealth ay:

1.       Php 73,065 sa kada-buwan na immunosuppressive medications para sa unang taon at Php 41, 150 kada-buwan sa mga susunod na taon;

2.      Hanggang Php 45, 570 na kada-buwan na drug prophylaxis o antibiotic para makaiwas sa impeksyon;

3.      Php 37,585 sa bawat tatlong buwan na pagpapa-laboratoryo para sa unang taon at Php 14,078 naman sa kada-tatlong buwan para sa mga susunod na taon;


at maraming pang ibang serbisyong naka-detalye sa polisiyang ilalabas ng PhilHealth.

 

Para naman sa mga mas nakatatanda, edad 19 o higit pa, ilan sa mga babayaran ng PhilHealth ay:

1.       Php 40, 725 sa kada-buwan na immunosuppressive medications;

2.      Php 18, 932 para sa anim na buwan na gamutan;

3.      Php 11,242 para sa bawat tatlong buwan na pagpapa-laboratoryo para sa unang taon at Php 8,125 naman sa kada-tatlong buwan para sa susunod na taon;

at iba pang mga serbisyong naka-detalye sa polisiyang ilalabas ng PhilHealth.


Sa ilalim ng parehong post-Kidney Transplant Services benefits ay makatatanggap na rin ng suporta ang mga nagmagandang loob na mag-donate ng kanilang bato. Ang mga living donors para sa mga bata at mga mas nakatatanda ay parehong makatatanggap ng Php 1,900 para sa kada-anim na buwan na pagpapa-laboratoryo at monitoring mula sa PhilHealth. Itong kalinga at suportang hatid natin para ating donors ay bunga ng ating pagkaunawa ng kahalagahan ng komunidad sa pagseseguro ng kalusugan ng lahat.

 

Kaya naman, patuloy na pinaiigting ng PhilHealth ang paglilingkod nang tayo ay makapaghatid ng isang Mabilis, Patas, at, Mapagkakatiwalaang agabay sa bawat Pilipino.


 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | June 9, 2025





Dear Doc Erwin, 


Tagasubaybay ako ng Sabi ni Doc column at ng BULGAR newspaper. Dahil sa inyong column ay nagkakaroon ako ng kaalaman sa mga makabagong research tungkol sa ating kalusugan. Ang inyong payo ay kakaiba dahil ito ay base sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa sa iba't ibang bansa.


Nais ko sanang isangguni sa inyo ang tungkol sa advice na ibinigay sa akin ng aking guro sa physical education. Ayon sa kanya ang pag-e-exercise ng regular ay makakatulong upang bumaba ang risk na magkaroon ng cancer.


Bagama't narinig ko na ito na sinabi ng mga doktor, nais ko sanang malaman kung may mga scientific studies na isinagawa kung ito ay totoo at upang alamin ang mga mekanismo kung paano napapababa ng regular na exercise ang cancer risk.


Maraming salamat at sana'y matugunan niyo ang aking mga katanungan. —  Elisa



Maraming salamat Elisa sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Isa sa mga pangunahing layunin ng Sabi ni Doc column ay ipaalam sa ating mga mambabasa ng BULGAR newspaper ang mga pinakabagong research studies tungkol sa kalusugan sa paraan na ito ay madaling maintindihan dahil madalas ay mahirap maunawaan ang scientific literature dahil sa malalim na terminolohiya at statistics na ginagamit sa pag-a-analyze ng mga data na nakukuha sa mga clinical trials. Kahit ang mga doktor ay nag-aaral din kung paano iintindihin at pag-aralan ang mga research studies na nailalathala sa mga medical at scientific journals.


Tungkol naman sa iyong katanungan sa epekto ng regular na exercise sa risk na magkaroon ng cancer ay totoo ang nasabi ng iyong teacher na bumababa ang cancer risk kung regular na mag-e-exercise at marami na ang mga pag-aaral na nagpapatunay nito. 


Kahit na sa mga nagkaroon na ng cancer at matapos ang kanilang pagpapagamot ay bumaba ang risk na muling magkaroon ng cancer kung mag-e-exercise ng regular. Ito ang resulta ng isang Phase 3 randomized trial study na na-publish nito lamang June 1, 2025 sa tanyag na The New England Journal of Medicine. Pinangunahan ni Dr. Kerry Courneya ng Faculty of Kinesiology, Sport and Recreation, College of Health Sciences, University of Alberta sa bansang Canada at ni Dr. Janette Vardy ng Faculty of Medicine and Health ng University of Sydney ng bansang Australia ang pag-aaral na ito.


Sa nabanggit na research study ay pinag-aralan ang epekto ng regular na exercise sa loob ng tatlong taon ang mga dating nagkaroon ng cancer at dumaan sa gamutan na operasyon (surgery), chemotherapy o radiation. Maaaring makapamili ng uri ng exercise ang mga participants katulad ng brisk walking ng 45 to 60 minutes ng tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo. Ang mga regular na nag-exercise ay bumaba ng 28% porsyento ang risk na magkaroon muli ng cancer. Mas lalo pang bumaba ng 37% porsyento ang risk na mamatay sa anumang sakit ang mga indibidwal na regular na nag-e-exercise.


May pag-aaral na rin kung saan sinuri ng mga scientists ang iba't ibang mekanismo (molecular mechanisms) kung paano nagpababa ng cancer risk ang regular exercise. Ayon sa research na ito ang exercise ay maraming mekanismo kung paano nito pini-prevent ang cancer. Halimbawa, tumutulong ang exercise mag-regulate ng mga hormones katulad ng estrogen na dahilan ng breast at endometrial cancer. 


Ang pag-e-exercise ay nakakatulong upang mapanatili ang tamang timbang. Ang obesity ay risk factor sa breast cancer, bowel at prostate cancer. Ayon sa World Cancer Research Fund ang mga overweight at ang mga obese ay may increased risk sa 13 iba't ibang uri ng cancer.


Bukod sa mga nabanggit na molecular mechanisms ng exercise laban sa cancer ay napapalakas din ng exercise ang ating immune system upang labanan ang cancer. Bumababa rin ang chronic inflammation, isang kilalang dahilan sa pagkakaroon ng cancer, sa ating katawan.


Napag-alaman din sa pag-aaral na nabanggit na naiimpluwensyahan ng exercise ang cancer cell metabolism kaya't maaari nitong pigilan ang paglaki ng cancer o pagkalat nito.


Mababasa ang mahalagang research study na ito sa scientific journal na Cancers (Basel), October 25, 2023 issue. Pinangunahan ni Dr. Maria Spanoudaki ng Department of Nutritional Sciences and Dietetics, School of Sciences ng International Hellenic University sa bansang Greece. Makikita niyo sa references ng study na ito ang maraming mga pag-aaral sa epekto ng exercise sa cancer risk. Ang lahat ng mga molecular mechanisms na nabanggit sa study na ito ay nagpapababa ng risk na magkaroon o magkaroon muli ng cancer.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa'y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page