top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | May 03, 2021



Isa ang Pilipinas sa may pinakamahabang community quarantine o lockdown sa buong mundo. Habang nagbubukas na muli ang ibang bansa dahil mababa na ang bilang ng kaso ng coronavirus infection sa kanila, narito tayo at kinailangan pa ng ekstensiyon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region at mga kalapit-lalawigang Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna. Samantala, MECQ rin sa lalawigan ng Abra at sa City of Santiago sa Quirino.


Hindi nakakagaan ng loob na gawing halimbawa ang India para magmukhang maganda ang pagtugon ng ating pamahalaan sa COVID-19. Bagama’t kalunus-lunos ang mga imahen ng mass cremation sa nasabing bansa sa dami ng namamatay ngayong pandemya, hindi dapat gamiting pamantayan ang kanilang trahedya para magmukhang tama ang ating ginagawa. Nananatiling mataas ang bilang ng tinatamaan ng COVID-19 at punuan pa rin ang mga ospital. Marami ang nagkakasakit at namamatay. Maraming kabuhayan rin ang naghihingalo, kung hindi man natigok na tuluyan.


Sa ektensiyon ng MECQ, dapat nating tiyakin na ito ay hindi lang pagkukulong ng mga tao sa kanilang bahay. Kailangang palawakin pa ang testing sa ating mga komunidad at bilisan ang pagbabakuna para makamit ng Pilipinas ang herd immunity. Kasabay nito, dapat ibigay ng pamahalaan ang mga ayudang inaasahan ng mamamayan, pati na ang insentibo para sa ating medical frontliners.


Hindi lamang COVID-19 ang nakamamatay, kung hindi pati gutom at kapalpakan ng iilan na tila manhid sa paghihirap ng ating mga kababayan. Sulitin ang ekstensiyong ito ng MECQ at gumawa ng konkretong aksiyon na suportado ng siyensiya at pag-aaral ng mga eksperto. Buhay ng mga tao ang nakasalalay dito. Hindi puwede ang bara-barang solusyon.


◘◘◘


Habang okupado ang isip ng sambayanan kung paano manatiling buhay at ligtas sa gitna ng pandemya, narito at may pagbabanta sa ating teritoryo at soberenya.


Naniniwala tayong dapat manatiling determinado ang ating bansa sa proteksiyon ng ating maritime domain sa West Philippine Sea. Habang nagpapahayag tayo ng ating protestang diplomatiko sa pagpasok rito ng China, patuloy dapat ang pagpapatrulya ng ating pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda na umaasa rito para sa kanilang kabuhayan.


Kailangan nating tayuan at panindigan ang pag-angkin natin sa West Philippine Sea. Hindi nakikipag-away tayo, subalit ang pagkakaibigan ng mga bansa ay dapat nakabatay sa paggalang sa bawat isa at sa pagsunod sa mga alituntunin para sa pagpapanitili ng kapayapaan at istabilidad sa nasabing bahagi ng ating teritoryo.


Ang kaibigan, may pagkilala at paggalang sa kaibigan. Hindi nang-aangkin at nag-iimbot, at lalong hindi nagsusumbat ng naitulong.


Atin ang West Philippine Sea kaya dapat tayong kumilos na tayo ang may-ari nito. Proteksiyunan natin ang atin.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | April 26, 2021



Hirap na hirap na nga ang mga ospital na punuan dahil sa dami ng pasyenteng tinatamaan ng COVID-19. Halos sumuko ang ating medical frontliners dahil sa pagod, bukod pa sa pangamba na sila rin ay dapuan ng karamdaman.


Ang kaso, sa halip na pagpapahalaga at pagkikilala ang ibigay sa kanila, kalbaryo pa ang kapalit ng kanilang pagsisikap. Maraming ospital ang dumaraing na masyadong delayed ang reimbursement mula sa Philhealth.


Nanawagan ang Private Hospitals Association of the Philippines na pabilisin ang paglalabas ng kanilang claims mula sa nasabing ahensya. Umaaray na sila dahil lumobo na sa P28 bilyon ang singilin ng mga pribadong ospital mula sa Philhealth hanggang Disyembre 2020 lamang. Hanggang ngayon, naghihintay pa rin silang mabayaran.


Kinakalampag natin ang Philhealth na gawin nang masigasig at mabilis ang kanilang trabaho. Pinaaalalahanan natin sila na sa ilalim ng Administrative Order No. 23 ng Office of the President, inaatasang pabilisin ang lahat ng proseso ng mga pambansang ahensiya ng pamahalaan para iwasan ang malabis na regulasyon. Tanging ang mga kailangan lamang nila para matupad ang kanilang legal na mandato ang itira at tanggalin ang paulit-ulit lamang na rekisito, pati na ang pahirap lamang sa taumbayan.


Buhay ang ibinubuwis ng ating mga kababayan sa bawat araw ng pandemya. Walang lugar ang patuloy na panggigipit at pagpapabaya sa panahon ng krisis. Ibigay nang mabilis ang bayad para sa mga serbisyong naibigay na ng mga ospital para makapagpatuloy sila sa paglilingkod sa ating mamamayan.


◘◘◘


Isang malaking kalokohan ang ginagawang red tagging sa mga nagtatayo ng community pantries sa bansa. Mula pa naman noong unang implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong isang taon, maraming inisyatibo ang pribadong sektor para makatulong sa mga nangangailangan. Ngayong ginawa ang pagtulong sa nibel ng komunidad, aba’y komunista na. Pambihira!


Kapuri-puri ang community pantries dahil ito ay isang halimbawa ng modernong bayanihan. Magbigay ng ayon sa kakayahan, kumuha ayon sa pangangailangan. Sa panahong ito na marami ang nagugutom dahil nawalan ng trabaho at kabuhayan dahil sa pandemya, lahat ng maitutulong sa ating kapwa ay mahalaga.


Huwag masamain ang pagtulong. Hindi nila kasalanan kung may nakikitang puwang na hindi napupunuan ng pamahalaan. Huwag pahirapan ang mga gusto lang magpagaan ng buhay ng mga tao sa pamayanan.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | April 19, 2021



Minsan, nakalulungkot nang magbukas ng social media account. Halos bawat araw, may kaibigan o kakilala tayong nagpapalit ng profile picture para maging itim o kaya ay kandila, simbolo na sila ay namatayan. Marami sa kanila ay dahil sa COVID-19. Ang masakit, may mga binawian ng buhay nang hindi man lamang nakatanggap ng atensiyong-medikal dahil punuan ang ating mga ospital. Isa itong pagkakataong mahirap man o mayaman, parehong walang malugaran dahil punuan pa rin ang mga ospital.


Ang nasa harapan ng laban natin sa pandemyang ito ay ang healthcare workers. Sila ang pagod na pagod at nakasalang sa panganib araw-araw. Ang malungkot, ilan sa kanila ay tinatamaan na rin ng COVID-19. Sa kabila nito, patuloy silang naglilingkod para gamutin ang mga nagkakasakit.


Bilang insentibo, naglaan ang pamahalaan ng mga benepisyo para sa ating healthcare workers bilang pagkilala sa kanilang malaking ambag sa ating bansa ngayong panahon ng pandemya. Ang problema, umaaray ang marami sa kanila dahil hindi nila nakukuha ang nararapat nilang matanggap.


Inaalagaan tayo ng healthcare workers natin, kaya nararapat din nating alagaan sila. Ibigay ang nakatakdang risk pay, pati na ang allowances para sa pagkain, akomodasyon at transportasyon, nang walang delay. Sa ganitong paraan man lang, maipakita natin ang pagpapahalaga natin sa kanilang serbisyo sa ating mga kababayan.


◘◘◘


Mga bes, mag-ingat sa mga scam sa panahong ito. Nakalulungkot na sa kabila ng paghihirap na kinahaharap ng bawat isa, marami pa ring nanlalamang sa kapwa sa pamamagitan ng panloloko sa text o online.


Tinawag natin ang atensiyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa online bank fraud na bumiktima sa maraming kababayan natin. Higit kailanman, mahalaga ang bawat piso sa panahong ito. Bukod sa mga hindi awtorisadong pagbabawas ng balanse sa kanilang account, marami rin ang nakaranas nailipat ang kanilang pondo papunta sa accounts ng scammers. Seryosong bagay ito na dapat pagtuunan ng pansin para hindi masira ang kumpiyansa ng mamamayan sa sistema ng pagbabangko sa ating bansa.


Isang paalaala natin sa ating mga kababayan na nakikipag-transaksiyon online: siguruhing totoong tao ang inyong kausap at lehitimo ang ibinibigay sa inyong pagkakakilanlan. May business permit ba sila? May ID na maipapakita? I-check ang kanilang profile, may mga katunayan na ba ng matagumpay na transaksiyon? Ilan ito sa mga pag-iingat na maaaring gawin para maiwasang ma-scam.


Maraming tao na ang nawalan ng trabaho. Hindi dapat mawala pa ang kanilang kaunting naitabi. Sa lahat ng naging biktima ng online banking fraud at scams, i-report ito sa BSP sa pamamagitan ng kanilang website para magawan ng kaukulang aksiyon.


Mag-ingat tayo palagi, mga bes.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page