top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | September 7, 2020



Hello, mga bes? Kumusta kayo at ang inyong pamilya? Sana ay malusog kayong lahat.


Panahon ito na ubuhin lang ang isa sa mga miyembro ng pamilya, nakakapraning na. May takot palagi na baka nakakuha na ng COVID-19. Hindi natin nakikita ang kalabang ito, ang magagawa lamang natin ay ibayong pag-iingat sa pagsunod ng health and safety protocols na inirerekomenda sa atin ng mga eksperto at palakasin ang ating immune system. Kahit nagluluwag na sa pagbubukas ang mga establisimyento, pakiusap, mga bes, maging mas maingat tayo! Ginagawa natin ito para sa ekonomiya at kabuhayan, hindi dahil wala nang virus!


Paalala rin sa mga kababayan natin na bigyan ng konsiderasyon ang mga suspek at nagpositibo sa COVID-19. Walang puwang ang diskriminasyon sa kanila sa lipunan natin. Basta’t sumusunod sila sa quarantine protocols, huwag natin silang gambalain.


Mag-ingat at maging ligtas palagi, mga bes.


***


Sa gitna ng pandemya, marami sa mga kababayan natin ang naglilibang sa pamamagitan ng panonood ng mga pelikula at serye. Ang streaming services tulad ng Netflix, patok na patok sa ating mga kababayang hindi makalabas ng bahay dahil sa virus.


Lumabas sa balita ang balak na regulasyon ng Movie and Television Ratings and Classification Board (MTRCB) sa streaming services tulad ng Netflix, Amazon Prime Video, at iba pa. Mula ito sa naging pahayag ng legal division chief ng MTRCB sa pagdinig ng isang komite sa Senado na kailangan ng regulasyon ng nilalaman ng mga palabas sa mga nasabing plataporma.


Marami tayong kababayan na umalma sa panukalang ito. Pambihira nga naman, ito na lang ang pinaglilibangan ng tao, pakikialaman pa. Isa pa, mayroon nga namang settings ang nasabing online streaming platforms na may mga palabas na klasipikadong pambata lamang. Hindi na kailangan ng karagdagang regulasyon mula sa pamahalaan.


Bilang dating MTRCB Chair, hindi tayo pabor sa panukalang ito. Ang daming trabaho ng MTRCB at kulang ang tao, kaya hindi nga ma-review lahat ng palabas sa cable TV. Idadagdag pa nila ang Netflix at ang iba pang streaming services sa gusto nilang pasukin. Pagtuunan ng pansin muna ang mga gawaing dapat aksyunan bago magtakda at umako ng panibagong responsibilidad.


Pangunahing trabaho ng MTRCB ang klasipikasyon ng mga palabas. Nauunawaan din naman natin ang pinanggagalingan ng nagpanukala. Gayunman, ang direksiyon dapat ng ahensiya at ng industriya ay tungo sa sariling regulasyon. Hindi censorship ang mandato ng MTRCB. Hindi ito umiiral para maniil at magpahirap kundi para gabayan ang sambayanan sa matalinong panonood at paglilibang.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | August 31, 2020



Holiday tayo ngayong araw dahil National Heroes Day. Inaalala natin ang Sigaw ng Pugad Lawin, ang simula ng rebolusyon ng Pilipinas laban sa ating mananakop, sa pamamagitan ng pagpipilas ng mga Katipunero ng kanilang mga sedula. Ipinagbubunyi rin natin ang ating mga bayani na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan ng ating Inang Bayan.


Sa panahong ito, iba ang anyo ng kabayanihan dahil iba ang kalaban ng ating bansa. Bayani ang ating medical frontliners na patuloy na nagtatrabaho kahit sila ay magkaroon ng exposure sa COVID-19.


Nariyan ang ating frontliners sa ibang industriya na patuloy na naglilingkod para makapaghatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Ngayong pandemya ang kalaban natin, kabayanihan ang gawing mabuti at mahusay ang trabaho para sa kaligtasan ng nakararami.


Isang malaking pangangailangan ngayon sa ating laban sa COVID-19 ay ang epektibong contract tracing. Ito ang panawagan natin sa Department of Interior and Local Government (DILG) para mapigil ang pagkalat ng virus sa ating mga komunidad.


Samantala, panibagong P5-B ang inilaan sa ilalim ng ratipikadong Bayanihan to Recover as One Bill. May pondo na, ang DILG at ang lokal na pamahalaan na lang ang tutukoy ng mga tao na magsasagawa ng contact tracing. Ang ating mga lokal na opisyal ay may kakayahang tuntunin ang galaw ng mga tao dahil pamilyar sila sa lokalidad at sa mga naninirahan dito. Kung matutukoy agad ang mga taong positibo o may contact sa positibo, puwede agad silang i-isolate para hindi na makahawa ng ibang tao.


Nakita na natin sa karanasan ng mga bansang may mahusay na tugon sa pandemya ang kahalagahan ng contact tracing sa pagsugpo sa kontaminasyon. Ang nakalulungkot, mabagal ang ating Department of Health sa paglalatag at implementasyon ng contact tracing. Maaaring makatulong ang pagkakaroon ng tulong mula sa lokal na pamahalaan at DILG para sa sistematiko at epektibong pagtunton ng koneksiyon at interaksiyon ng mga taong positibo sa COVID-19.


Ang contact tracing ay magiging matagumpay lamang kung buo ang tiwala ng sambayanan sa pamahalaan at sa mga tao nito. Gawin natin ang ating parte para mapanatili ang integridad nito sa pamamagitan ng pagiging matapat para sa kapakanan ng lahat.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | August 24, 2020



Hello, mga bes! Inanunsiyo ng Malacañang noong isang linggo na balik-General Community Quarantine (GCQ) na ang buong National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal hanggang sa katapusan ng Agosto. Samantala, GCQ din ang Nueva Ecija, Batangas, Quezon, Iloilo City, Cebu City, Lapu Lapu City, Mandaue City, Talisay City, pati na ang mga munisipalidad ng Minglanilla at Consolacion sa Cebu.


Sa ilalim ng GCQ, bukas na halos ang lahat ng establisimyento. May dine-in na ang restaurants. Ang mga aktibidad na pang-relihiyon, puwede na rin pero sa 30% ng kapasidad ng lugar lamang para maipatupad ang social distancing.


Bagama’t tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19, ibinalik sa GCQ ang nasabing mga lugar dahil sa mga konsiderasyon sa ekonomiya. Kailangan ng mga industriya na magbukas para makapagtrabaho at kumita ang ating mga kababayan. Ito ang ipinaaalala natin sa ating mga kababayan: hindi dahil nagluwag na sa quarantine, wala nang virus. Lalo natin kailangang mag-ingat ngayon dahil naglalabasan ang lahat kahit pataas ang bilang ng mga kaso ng impeksiyon.


Ang pagsusuot ng face mask at face shield ay pag-iingat hindi lamang sa ating sarili kundi para sa ating mga kapwa rin. Tanda ito ng pagrespeto sa kanila kaya panatilihin natin sa lahat ng pagkakataon.


Manatiling malusog at ligtas, mga bes.


***


Noong Huwebes, Agosto 20, ang ika-81 kaarawan ng aking ama, ang Hari ng Pelikulang Pilipino at Pambansang Alagad ng Sining Fernando Poe, Jr. Sa unang pagkakataon mula noong siya ay pumanaw, ngayon lamang hindi nagtipun-tipon ang mga kapamilya at kaibigan ni FPJ sa kanyang puntod sa North Cemetery sa misa ni Father Larry Faraon, na hindi na rin natin kapiling. Dahil sa COVID-19, nagpasya ang aming pamilya na alalahanin ang birthday ni Da King sa ibang pamamaraan.


Inihatid natin ang ating handog na tablets sa Don Quintin Paredes High School sa Quezon City bilang tulong sa mga mag-aaral na mangangailangan nito para sa online learning ngayong pasukan. Kung nabubuhay ang aking ama, natitiyak akong iintindihin niya ang kalagayan ng mga mahihirap na pamilya na dagdag-alalahanin ang mga gamit na kailangan sa bagong modalidad ng pag-aaral.


Karamihan sa mga eskuwelahan ay shift na sa online education. Sa panahong marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil sa pandemya, problema ng maraming magulang ang gadget na kailangan ng kanilang anak. Bagama’t gumagawa ang Department of Education ng modules para makasunod pa rin ang mga walang gadgets sa mga leksiyon, hindi maikakailang kailangan pa rin ng paraan para maka-access ng internet ang mga bata.


Ang pagbibigay natin ng tablets para sa mga mag-aaral na nangangailangan ang ating parangal sa alaala ni FPJ. Nawa’y maramdaman ng mga mag-aaral na makatatanggap nitong may nagmamalasakit sa kanila.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page