top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | September 28, 2020



Hello, mga bes! Kumusta ang lagay ng inyong pamilya ngayong araw na ito? Sana ay malusog at walang sakit ang lahat ng inyong mahal sa buhay.

Tag-ulan na kaya simula na naman ng panahon ng sipon, ubo, at trangkaso. Ang problema, dahil sa COVID-19, hindi na tulad ng dati na basta iinom lang ng gamot at ipapahinga ang karamdaman. May kaakibat ang simpleng bahing at ubo, ang bawat sinat at pananakit ng ulo at katawan, na takot na baka kinapitan na ng kinatatakutang virus. Dahil dito, pinaaalalahanan tayo ng kung may nararamdamang sintomas na maaaring COVID-19, manatili tayo sa tahanan at magsagawa ng self-isolation. Kung nagtatrabaho, mag-abiso sa pinapasukan na may karamdaman upang maiwasan ang posibilidad ng pagkakalat ng impeksiyon.

Obligasyon ng bawat isa na ingatan ang sarili at ang kapwa para maiwasan ang paglala pa ng pandemikong kinahaharap natin sa kasalukuyan. Huwag maging pasaway at makasarili. Sa pagsusuot ng face mask, face shield, at pagsasagawa ng social distancing, nagbibigay tayo ng proteksiyon hindi lamang sa ating sarili kung hindi pati sa ating mga nakakaharap o nakakahalubilo.

◘◘◘

Ilang linggo nang nagsimula ang maraming pribadong paaralan ng pag-aaral kaya mao-obserbahan na ang mga hamon ng online learning sa panahong ito. Maraming magulang ang nagbabahagi na mas nakakapagod at stress ang ganitong set-up kumpara sa pisikal na pag-aaral ng mga bata. Ang mga guro, doble o triple ang oras na nagugugol sa paghahanda para sa pagtuturo. Samantala, ang mga mag-aaral ay naninibago pero nakikisabay sa bagong paraan ng pagkakatuto.

Sa Oktubre pa magsisimula ang pasukan sa mga pampublikong paaralan pero ngayon pa lamang, makikita na ang mga hamong kakaharapin natin. Bagama’t may printed modules na ibibigay ang Department of Education para makapag-aral maging ang mga mag-aaral na walang internet access at kaukulang gadget, lalong pinaiigting nito ang hindi pagkakapantay-pantay ng oportunidad na matuto ng ating mga mag-aaral.

Dahil rito, hinikayat natin ang DepEd na mas paigtingin ang partnership nito sa mga kumpanya ng telekomunikasyon at pribadong sektor upang matiyak na ang mga naghihikahos na estudyante ay makikinabang din sa online learning. Ang ating mahihirap na mag-aaral saanmang sulok ng bansa ay dapat ring magkaroon ng oportunidad na makasali sa online classes at hindi lamang magkasya sa mga printed module. Hindi sila dapat mahadlangan ng kakulangan sa basic access.

Sa pagdinig ng Senado noong Setyembre 25 sa budget ng DepEd para sa susunod na taon, tinanong natin si Secretary Leonor Magtolis Briones kung mayroong mga memorandum of agreement (MOA) ang kanyang ahensiya at ang mga telco upang matulungan ang mga estudyante at guro na magkaroon ng epektibong edukasyon online. Kinumpirma ng ating butihing kalihim na mayroon sa may mga adhikaing kahanay ng sa DepEd. Gayunpaman, tinapat tayo ni Sec. Briones na malaking konsiderasyon ang pinansyal na aspeto para maisakatuparan ito.

Ibinahagi rin sa atin ni Sec. Briones na noong tinanong ang mga bata, guro, at magulang ng paraan ng pag-aaral na mas gusto nila sa panahong ito, at marami ang sumagot ng modular o ang paggamit ng naka-print na materyales. Gayunman, nagsisikap ang DepEd na bawasan ang paggamit ng printed materials at sa halip ay pumunta sa paggamit ng online tools para sa edukasyon.

Gayunman, naniniwala tayong dapat magkaroon ang mag-aaral ng tunay na opsiyon na piliin ang online learning kung kanilang gugustuhin. Hindi dapat malimitahan ang kanilang pagkakataong matuto dahil wala silang maayos na access sa internet o walang gamit para rito. Kung magagawan natin ng paraan, dapat natin itong tugunan para sa ikabubuti ng ating mga mag-aaral.


Malaki na ang gawak sa pagitan ng mayaman at mahirap sa ating lipunan. Isang bagay itong hindi na dapat danasin ng ating mga mag-aaral sa kanilang edukasyon. Sikapin nating bigyan sila ng pantay na oportunidad na matuto.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | September 21, 2020



Panahon na naman sa Kamara at Senado ng pagrerebisa ng budget ng mga sangay at ahensiya ng pamahalaan. Isa-isang sumasalang ang mga bawat tanggapan para i-presenta ang planong paggugol nila sa darating na taon, at ipaliwanag sa mga mambabatas kapag may tanong tungkol dito. Bahagi ito ng tungkulin ng Kongreso na magpasa ng national budget para sa bansa matapos suriin ang hinihingi ng mga opisina ng pamahalaan.


Pagkakataon ito para sa mga mambabatas tulad ng inyong lingkod na maisulong ang aming mga adbokasiya. Tulad ng dati, tiniyak natin na ang mga bata ay makatatanggap ng kinakailangan nilang suporta mula sa ating pamahalaan. Pinagtuunan natin ng pansin ang pagpopondo sa school-based feeding program sa ilalim ng national budget kahit pa walang pisikal na klase ang mga mag-aaral.


Pinaglaanan ng P5.97 bilyong pisong budget ang school-based feeding program sa ilalim ng Department of Education. Kasalukuyang itong tinatalakay sa budget deliberations sa Kongreso.


Suportado natin ang naisip ng DepEd na magrasyon ng masustansiyang pagkain sa mga estudyante na maaaring ihatid ng guro sa bahay ng mag-aaral o kaya naman ay kunin ng mga magulang sa paaralan. Kasabay itong dadalhin ng modules ng mga bata. Naniniwala tayong malaking tulong ito para sa ating mga mag-aaral na apektado ng pandemya. Sa gitna ng kinahaharap natin, walang batang nag-aalala dapat kung kailan siya susunod na kakain. Gawan natin ng paraan para lamanan ang kanilang tiyan para maging alerto ang kanilang isipan.


Kabilang na sa target beneficiaries ang mga papasok na kindergarten learners at ang mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 6 na wasted at severely wasted base sa 2019-2020 School-Based Feeding Program report. Gayunman, hindi na kasama rito ang umabante na sa Grade 7.


Ang magandang nutrisyon ay may malaking kaugnayan sa maayos na paglaki ng isang bata. Ang pag-intindi natin sa nutrisyon nila hangga’t maaga ay magbibigay sa ating kabataan ng mas malaking tsansa na labanan ang mga nakamamatay na karamdaman at makatutulong sa kanilang pag-unlad na pisikal, intelektuwal, sosyal, emosyunal at moral.


Katuwang na programa ng national feeding program ang kampanya para sa public health nutrition at values transformation para sa mas buong lapit sa edukasyong pangkalusugan at nutrisyon.


Sa panahong marami sa ating mga kababayan ang nawawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil sa epekto ng COVID-19 sa ating ekonomiya, ang feeding program para sa mga bata ay isang malaking bagay para pangalagaan ang kanilang kalusugan. Ang programang ito ay para sa kapakinabangan ng higit na nangangailangan sa ating lipunan na pinakaapektado ng pandemya. Umaasa tayong maaaprubahan sa Kongreso ang budget nito at maipatutupad ng maayos para makarating ang tulong sa dapat makatanggap nito.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | September 14, 2020



Hello, mga bes! Sa gitna ng pandemyang dinaranas ng ating bansa, nakikita natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pondo ng pamahalaan para sa mga programang makatutulong sa taumbayan. Isa sa mga pinagkukunan nito ay ang koleksiyon mula sa buwis at taripa.


Nakakailang palit na ng administrasyon at pinuno, hindi pa rin nawawala ang korupsiyon sa Bureau of Customs. Lagi’t laging mainit ang mga mata ng taumbayan sa kawani ng nasabing ahensiya. Mula sa illegal smuggling hanggang sa undervaluation ng imported items, hindi maalis-alis ang alingasngas ng kurakutan sa BOC.


Sa ating pakikipagpulong sa economic managers ng ating bansa tungkol sa 2021 budget, kinumusta natin ang automation project ng Customs na nagkakahalagang P6-B. Idinisenyo ito upang sugpuin ang technical smuggling. Inatasan natin ang BOC na pabilisin ang awtomasyon ng mga proseso sa kawanihan dahil naniniwala tayong kung matatanggal ang interbensiyon ng mga empleyado, hindi lang maiiwasan ang korupsiyon, kundi mababawasan din ang exposure ng mga tao sa isa’t isa na posibleng maging dahilan ng pagkalat ng COVID-19.


Sa panahong ito, kailangan ng gobyerno ng karagdagang pondo para ipantustos sa laban natin sa COVID-19 at sa pagbangon ng ating ekonomiya. Kung ang nawawala sa koleksiyon ng BOC ay mapupunta sa taumbayan, napakaraming makikinabang at matutulungan sa halip na mapunta sa bulsa ng mga tiwaling kawani ng pamahalaan. Bilyung-bilyon piso ang nawawala sa atin dahil sa technical smuggling. Kung makokolekta ito ng Customs at maibubuhos sa makabuluhang mga programa ng pamahalaan, panalo ang taumbayan.


Naniniwala tayong sa pamamagitan ng digitisasyon ng mga proseso ng Customs, masisiguro natin ang bukas at mabisang kalakaran na magpapabuti sa koleksiyon ng ahensiya. Bagama’t may gastos din para maiayos ang sistema, maliit na bagay ito kumpara sa pakinabang na makukuha sa pagsasaayos ng proseso, bukod pa sa dagdag na proteksiyon ng mga kawani at mga taong nakikipagtransaksiyon sa BOC laban sa COVID-19.


Kung paanong nagsisikap ang ating mga kababayan na maghanap ng pagkakakitaan ngayong may pandemya, dapat ring magsigasig ang mga nasa BOC na paigtingin ang pagkolekta ng buwis mula sa nagpapapasok ng kalakal sa ating bansa. Walang magiging pahirap sa tao dahil itatama lang ang baluktot na nakasanayan ng mga nanlalamang sa pamahalaan. Sa halip na mapunta sa katiwalian, ilagay natin ang malilikom mula sa technical smuggling sa mga programang magdadala ng ayuda sa palad at bibig ng mga kababayan nating lubhang nangangailangan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page