ni Grace Poe - @Poesible | December 21, 2020
Kakaiba ang magiging pagdiriwang natin ng Pasko ngayong taon. Pinapaalala sa atin ng pamahalaan na hindi pinapahintulutan ang pagtitipon ng higit sa sampung tao ngayong Kapaskuhan. Ito ay para sa kaligtasan ng lahat dahil sa panganib na dala ng COVID-19. Dahil delikadong magtipun-tipon dahil baka ito pa ang pagmulan ng pagkakahawa-hawa ng impeksiyon, mainam na lumagay tayo sa ligtas.
Nauuso ang pagkakaroon ng virtual Christmas parties at ng e-numan. Sa pamamagitan ng internet, tuloy pa rin ang kasiyahan ng mga tao. Ngayong hindi posible na maglibot para mamasko, puwede pa ring iparamdam ang ating pagmamahal at pag-alala sa ating mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagtawag sa kanila, video o audio call man, o kaya ay pagpapadala ng pagbati sa text man o ibang paraan.
Ngayong Pasko, sana’y isapuso ng bawat isa ang tunay na kahalagahan ng pagdiriwang na ito: ang pagmamahal sa kapwa tao.
Maligayang Pasko sa inyo at sa inyong pamilya, mga bes!
◘◘◘
Maagang pamasko sa ating mga kababayang dumaraan sa NLEX ang pagresolba, bagama't panandalian ng problema sa cashless transactions. Itinaas ang ilang barriers sa toll gates na nagdudulot ng traffic. Nagbukas muli ng cash lanes kaya hindi na kailangang makunsumi ng mga kababayan natin dahil down ang system ng paglo-load.
Sa ating naging pagdinig sa isyu ng cashless transactions sa ating tollways, lutang ang naging kakulangan ng Toll Regulatory Board (TRB), ang ahensiya ng gobyerno na responsable para sa regulasyon ng ating tollways. Lumalabas, hindi nila pinag-aralan nang husto ang ipinatupad na mandatory cashless transactions. Ang resulta, kaguluhan sa ating expressways na parusa sa ating mga kababayang dumaraan dito.
Ang ating mga motorista naman ay handang sumunod sa cashless transactions. Ang kaso, sila pa ang pinahirapan para makakuha ng RFID stickers. Ang mismong sistema ng loading, problematiko. Sa halip na makaginhawa, aberya ang inabot ng mga sumunod sa itinakdang pagbabago.
Lumabas sa ating pagdinig na may itinakdang undersecretary ng Department of Transportation para tumutok sa TRB at magreport nito sa Secretary ng nasabing ahensya na siyang chairman ng board. Ang kaso, hindi nagawa ang dapat gawin, kaya pasa-pasa ng sisi. Idinidiin ang Executive Director para sa hindi nagawa ng mga ahensya. Sa ganitong pagkakataon, dapat manaig ang command responsibility. Panindigan natin ang responsabilidad ng bawat isa.
Ang problema, naging insensitibo ang TRB sa reklamo at hinaing ng mga tao. Kung hindi pa nagpataw ng suspensiyon ang City Government of Valenzuela sa pamumuno ni Mayor Rex Gatchalian, patuloy ilang ipipilit ang kanilang maling gawain na nagpapahirap sa ating taumbayan.
Kung hindi epektibo, panahon na para balasahin ang nasa pamunuan ng TRB. Kailangan natin ng pinuno rito na gagawa ng kanilang trabaho para sa kapakanan ng taumbayan.




