top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | April 06, 2021



Nagpahayag ang pamahalaan ng ekstensiyon ng enhanced community quarantine (ECQ) para sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, at Laguna, at ng paglalagay sa Modified ECQ (MECQ) ng Santiago City at Quirino at sa General Community Quarantine (GCQ) ng buong Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Batangas.


Bagama’t maraming kababayan natin ang umaalma sa pagpapahaba ng ECQ, ipinataw ang imposisyong ito dahil sa dami ng nagpopositibo sa COVID-19 sa ating bansa. Punuan ang Intensive Care Unit (ICU) at COVID wards sa mga ospital. Pambihira na sa ospital sa Kamaynilaan, 117 sa 180 empleyado ang nagpositibo sa kanilang swab test. Marami tayong kababayan na inaabot ng kamatayan sa mga tent paghihintay na ma-admit kahit sa emergency room man lang. Walang duda, ang pandemyang ito ang pinakamalalang krisis pangkalusugan na naranasan ng ating bansa.


Naniniwala tayong kailangan ng ECQ, pero hindi puwedeng ikulong lang ang mga tao. Kailangang sabayan ito ng massive testing, contact tracing at pagpapabilis ng pagpapabakuna. Kailangan ng kongkretong plano ng aksiyon kasabay ng lockdown. Hindi natin kailangan ng replay lang ng nangyari sa atin noong isang taon na ilang buwang nag-lockdown pero walang kasabay na testing. Huwag nating ulitin ang pagkakamaling ito.


Umaasa tayo ng pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan sa pagbabakuna. Ngayong nagsabi na ang Pangulo na papayagan ang pribadong sektor na umangkat ng kanilang bakuna, sana ay gawing madali ito para sa kanila. Huwag silang pagkakitaan at pahirapan sa red tape. Sinasalo nila ang obligasyon ng pamahalaan, kaya dapat pa nga silang bigyan ng insentibo.


Magandang inisyatibo ang pagbabakuna ng mga pribadong kumpanya sa kanilang empleyado para sa pagbubukas ng ekonomiya. Isang hakbang ito para sa proteksiyon ng mga tunay na bumubuhay sa mga negosyo at industriya ng ating bansa.


Hindi lahat ng kababayan natin ay may pribilehiyo na manatili lamang sa loob ng kani-kanilang bahay para sa kanilang kaligtasan. Mas marami ang kailangang lumabas at makipagsapalaran para may ipanlaman sa kanilang tiyan. Mangangalampag tayo sa mga ahensiya ng pamahalaan para paspasan ang distribusyon ng ayuda sa mga nangangailangan. Sa kabilang banda, patuloy ang ating panawagan para sa ibayong pag-iingat ng lahat.


Manatiling ligtas, mga bes. Lumabas lamang kung talagang kinakailangan.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | March 29, 2021



Palapit nang palapit sa atin ang mga tinatamaan ng COVID-19. Hindi na mga estrangherong nakikita lang natin sa telebisyon ang nagkakasakit kundi mismong kapamilya, kaibigan, kakilala, o katrabaho. Hindi na kuwentong kutsero ang paghihintay sa labas ng ospital para mai-admit kapag hindi makahinga. Puno na ang marami sa mga ospital, lalo na sa Kamaynilaan; wala nang paglagyan sa COVID-19 wards.


Kinahaharap natin ang malaking krisis pangkalusugan. Nananawagan ang healthcare workers: bumibigay na sila sa pagod. Marami sa kanila, nagkakasakit na rin. Bagama’t nagsimula na ang pagbabakuna sa ating medical frontliners, hindi pa ito nakukumpleto hanggang sa ngayon.


May quarantine fatigue na ang ating mga kababayan. Inip na ang mga tao; aburido na sa loob ng kanilang bahay. Malaki ang tama nito sa kalusugang pang-isipan ng mga tao.


Pero, mga bes, hindi ito ang panahon para magtigas ng ulo at magsawalang-bahala ng health protocols. Nakikita natin: nagkakasakit at namamatay ang mga tao. Habang naghihintay tayo ng bakuna, gawin natin ang mga magagawa natin para labanan ang coronavirus: lumabas lamang kung kinakailangan, panatilihin ang kalinisan, patatagin ang immune system, obserbahan ang social distancing, isuot ang facemask at face shield sa tamang paraan, at kung makaranas ng sintomas ng sakit, maging responsable para iwasang manghawa ng iba.


Ngayong Mahal na Araw, maaari pa ring makiisa sa pagdiriwang ng Simbahang-Katolika pamamagitan ng panalangin at pagdalo sa online masses. Puwede tayong makibahagi sa misa mismo ng Santo Papa mula sa Vatican City dahil ibino-broadcast ito sa internet. Iwasan muna ang paglabas ng bahay. May online Visita Iglesia at Stations of the Cross. Magkasya muna tayo rito sa ngayon. Ang pananalig ay nasa puso at rubdob ng panalangin.


Nasa kamay natin ang proteksiyon natin at ng ating kapwa. Mag-ingat tayo palagi sa panahong ito.


Isang mapayapa at mapagpalang Mahal na Araw nawa ang sumaating lahat. Panalangin natin ang kaligtasan ng lahat sa gitna ng pandemyang ito.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | March 22, 2021



Isang taon mula nang isailalim ang ating bansa sa pinakamahabang quarantine sa buong mundo, napakalayo natin sa inaasam na pagtatapos ng pandemya. Sa halip, kinahaharap natin ang nakakatakot na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 na dahilan ng pagkakapuno ng ating mga ospital lalo na sa Kamaynilaan. Marami sa ating mga kababayan, nakararanas ng hirap na ngayon lamang nila natikman, lalo na ang mga nawalan ng trabaho at pagkakakitaan sa panahong ito.


Para maibsan ang paghihirap dulot ng pandemya, isinabatas ang Bayanihan 1 at 2 para makahinga sa pagbabayad ng utang ang ating mga kababayang apektado nito. Sa kabila nito, mahigit 23, 000 reklamo ang natanggap ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) laban sa mga bangko. Karamihan nito ay tungkol sa implementasyon ng mandatory grace period sa mga pautang at credit card bills.


Ang masaklap, marami ring nabiktima ng credit card fraud at unauthorized credit card transactions. Sa gitna ng paghihirap, may mga nakakaisip pang gumawa ng ilegal para magkapera, kahit nagpapahirap ito sa kapwa. Gipit na, lalo pang nabaon sa utang ang kawawang ‘Juan’ at ‘Juana’.


Dahil dito, nanawagan tayo sa BSP na magkaroon ng mas bukas na polisiya sa pagresolba ng consumer complaints at magpalakas ng polisiya nitong pangalagaan ang mga nag-iimpok at nangungutang sa mga bangko at institusyong pinansiyal. Sa panahong hirap na sa pananalapi ang ating mga kababayan, higit ang ating inaasahan muli sa ating regulador.


Hindi sapat na may ipinapataw na multa sa mga paglabag ng mga bangko sa mga regulasyon ng BSP. Higit na kailangang mabantayan ng nasabing ahensiya ang mga institusyong pinansiyal na itama ang mga maling gawain sa kanilang sistema. Kailangan ito upang manatili ang pagtitiwala ng mga tao sa integridad ng sistema ng pagbabangko. Krusyal ito sa pagbangon at pagpapatatag ng ekonomiya ng ating bansa.


Ang bawat polisiya ng BSP ay para sa kapakinabangan, dapat hindi lamang ng mga bangko, kundi ng karaniwang mamamayang nagtitiwala rito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page