top of page
Search

ni Gina Pleñago @News | August 13, 2023




Pinalaya na si dating military comptroller retired Maj. Gen. Carlos Garcia mula sa New Bilibid Prison.


Sinunod umano ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang ang utos matapos aprubahan ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pagpapalaya kay Garcia, na natapos na ang sentensya sa ilalim ng batas na naggagawad ng good conduct time allowance (GCTA) para sa persons deprived of liberty (PDLs).


Matatandaang sinentensiyahan ng Sandiganbayan 2nd Division si Garcia ng apat hanggang walong taong pagkakakulong para sa direct bribery at apat hanggang anim na taon sa money laundering.


Si Garcia ay nasentensiyahan din ng hindi bababa sa isang taon at walong buwan hanggang maximum na dalawang taon at apat na buwan para sa perjury at maximum na dalawang taon para sa paglabag sa 96th at 97th Article of War ng General Court Marcial ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.


Ayon sa tala, si Garcia ay nasentensiyahan ng tiyak na pagkakakulong na 18 taon at apat na buwan ngunit ang oras ng pagsilbi nang may time allowance ay lumampas na sa kanyang pinakamataas na sentensiya, na kinalkula batay sa Republic Act No. 10592.


Ayon kay Catapang wala nang legal na batayan para sa karagdagang pagkakakulong ni Garcia sa NBP matapos niyang pagsilbihan ang kanyang pinakamataas na sentensiya.


Matatandaang nasangkot si Garcia sa “pabaon” scandal o malaking retirement bonus ng militar sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.


Si Garcia ay inakusahan din ng pagkamal ng mahigit P300 milyong ill-gotten wealth na nakuha umano niya noong siya ay nasa AFP.



 
 

ni Gina Pleñago @News | August 12, 2023




Handa na para sa Brigada Eskwela ang 14 na pampublikong paaralan ng enlisted men’s barrios (EMBO) na inilipat mula sa Department of Education-Division ng Makati City patungong Division ng Taguig-Pateros alinsunod sa desisyon ng Supreme Court na pumabor sa Taguig kaugnay sa gusot ng teritoryo ng dalawang lungsod.


Nagpulong ang mga opisyal upang planuhin at sabay-sabay ang kanilang hakbang para sa maayos na pagsisimula ng mga inisyatibong pang-edukasyon.


Kabilang sa 14 na public schools sa EMBO ang Makati Science High School, Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Benigno “Ninoy” S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio Elementary School, Fort Bonifacio High School, Pitogo Elementary School, Pitogo High School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School at South Cembo Elementary School


Ang mga nabanggit na paaralan ay nasa pamamahala at superbisyon ngayon ng Division of Taguig-Pateros sa bisa ng DepEd-National Capital Region Memorandum Order No. 2023-735 na pirmado ni DepEd Regional Director Wilfredo Cabral, na inisyu sa petsang Agosto 4, 2023.


Nagkasundong magtutulungan sina DepEd Taguig-Pateros Superintendent Dr. Cynthia Ayles, Taguig Mayor Lani Cayetano at mga opisyal ng lokal na pamahalaan para sa kapakinabangan ng mga estudyante, magulang, guro at kawani.



 
 

ni Gina Pleñago @News | August 11, 2023




Umabot sa 138 tonelada ng basura ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isinagawang clean-up operation sa Manila Bay mula Hulyo 1

hanggang Agosto 5.


Ilan dito ang sari-saring basura na inanod patungo sa pampang ng Manila Bay dahil sa lakas na ulan dala ng ilang bagyo at habagat noong mga nakaraang linggo.


Nanawagan ang naturang ahensya sa publiko na maging responsableng tagapangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pagtatapon ng mga basura sa tamang lugar at pagre-recycle.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page