top of page
Search

ni Gina Pleñago @News | August 20, 2023




Ipinag-utos ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang, Jr. sa mga persons deprived of liberty na gibain ang lahat ng kubol o makeshift rooms sa lahat ng prison facilities sa bansa.


Ayon kay Catapang, bahagi ito ng hakbang ng BuCor na tuluyan nang hindi makapasok ang mga kontrabando sa loob ng mga selda.


Iniulat ng BuCor na boluntaryong binuwag ng mga PDL sa New Bilibid Prison ang 60 kubol na matatagpuan sa security housing building 1 at 6 NBP North, SHB 9 NBP East Quadrant 4 at SHB 7 NBP West Quadrant 2, habang nagpapatuloy naman ang paggiba sa mga kubol sa Quadrant 3 ng maximum security compound.


Kaugnay nito, nagbabala rin si Catapang na simula sa Lunes, August 21, sisirain ng mga tauhan ng BuCor mula sa Diversified Maintenance Unit ang mga kubol na makikitang nakatayo pa rin sa loob ng NBP.



 
 

ni Gina Pleñago @News | August 19, 2023



Hindi umano kailangan ng Taguig ang isang writ of execution upang ipatupad ang hurisdiksiyon sa Fort Bonifacio Military Reservation na binubuo ng parcels 3 at 4 ng Psu-2031.


Malinaw umanong nakasaad sa desisyon ng Supreme Court na ang 10 barangay sa Parcels 3 at 4 ay kumpirmado at deklaradong nasa teritoryong sakop ng Taguig, na fibal at executory.


Kaugnay nito, awtomatiko umanong maaalis ang mga nasabing barangay sa teritoryo ng Makati City.


Ikinalat umano ng Makati ang sinasabing “initial assessment” mula sa Office of the Court Administrator (OCA) ng SC na naka-address sa Executive Judge ng RTC Makati kung saan ang opinyon sa "desisyon ng SC" ay mayroong writ of execution bago ang pagdinig sa korteng pinagmulan” na ipatutupad ng DILG.


Binigyang-linaw ng Taguig na ang nasabing opinyon at pahayag ay walang puwersa sa batas at hindi nagbubuklod sa Taguig.



 
 

ni Gina Pleñago @News | August 17, 2023




Nagtayo ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng police desk sa bawat istasyon sa Metro Manila na hahawak lamang sa mga kaso na may kaugnayan sa cybercrime.


Ayon kay NCRPO Director, P/Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ikinukonsidera na ng pulisya na pinakamalaking banta ang cybercrime dahil nasa technological era na rin ang Pilipinas.


Inilunsad ang anti-cybercrime desks makaraan ang pagtatapos kahapon sa NCRPO Headquarters ng 233 partisipante ng Basic Cybercrime Investigation Seminar Classes 2023-01 at 02.


Nagbuo rin ang NCRPO ng tinatawag nilang Process Flow Diagram na nakasaad kung paano hahawakan ang assessment sa mga walk-in complaints, reklamo sa short messaging system (SMS o text messaging), e-Complaint Desk, e-Complaint Text/Hotline

number, at mga kasong inire-refer mula sa ibang units.


Ang mga pulis na nagtapos sa kurso ang siyang magmamando sa desks at magbibigay ng tulong sa imbestigasyon ng mga kaso na may kinalaman sa internet sa ilalim ng Section 6 ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.


Seserbisyuhan umano ng anti-cybercrime desks ang lahat ng 'cyber-related crimes' kabilang ang paglabag sa Special Laws related to R.A. 9775 (child pornography) na nirebisa sa ilalim ng R.A. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse of Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act of 2022.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page