top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports News | June 9, 2025



Photo: Benilde at Letran - NCAA Philippines / FB


Mga laro sa Miyerkules

(FilOil EcoOil Centre)

Finals: Game 2 (men’s division)

AU leads 1-0

11:00 am – Arellano vs Letran

Finals: Game 2 (men’s division)

CSB leads 1-0

2:30 pm – Letran vs Benilde


Lumipat sa pambihirang four-peat title run ang defending champions De La Salle-College of Saint Benilde Lady Blazers sa bisa ng 26-28, 26-24, 25-16, 25-19 4th set panalo kontra sa Letran Lady Knights sa Game 1 ng best-of-three ng 100th NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.


Nangibabaw sa pambihirang laro si middle blocker Zamantha Nolasco sa game-high 21 puntos mula sa 12 atake, 8 blocks at isang ace para dalhin sa 1-0 bentahe ang three-peat titlists sa kanilang rematch, habang bumira ng halos triple-double si dating 97th league MVP at team captain Mycah Go ng 12 puntos, 16 excellent receptions at walong excellent digs na naghahanda sa kanyang pagpasok sa professional league matapos ang championship round.


Nalampasan ng Benilde ang unang set na pagkatalo na inabot ng 33 minuto, at ang matinding tapatan sa second set, upang makuha ang ikalawang sunod na panalo sa Letran Lady Knights na pumutol ng kanilang 43-game winning streak sa liga, nung first round ng eliminasyon.   


Sumegunda naman sa puntusan si Cristy Ondangan sa 14 puntos mula sa 12 atake at dalawang aces, habang nag-ambag rin sina Shahanna Llesses sa 10 marka, Clydel Catarig sa walo at Rhea Densing sa pito, samantalang namahagi si ace playmaker Chenae Basarte ng 16 excellent sets para kumpletuhin ang three-straight sets matapos ang pagkakadapa sa unang set.


Asam naman ng Arellano University Chiefs na makuha ang kanilang kauna-unahang kampeonato sa men’s volleyball matapos talunin ang Letran Knights sa Game 1. 

 
 

ni Gerard Arce @Sports News | May 29, 2025



Photo: Matagumpay sa gintong medalya si #129 Andrey P. Aquino, 12-anyos ng Bagumbayan Elementary School ng Teresa Rizal, Calabarzon para sa pinakamataas na lundag sa high jump boys elementary sa  Palarong Pambansa 2025 sa Ferdinand Edralin Marcos Stadium habang ipinakita ni Sherwin A. Medel, 17-anyos ng Iligan City Region 10 ang pormang pang-gintong medalya sa Synchronize Double weapons  sa secondary boys sa San Nicolas E. Marcos Mini-Cultural sports center, parehong sa Ilocos Norte. (Reymundo Nillama)


Laoag City –  Limang gold medals at bagong meet record ang itinala ni Sophia Rose Garra at ni Titus Rafael Sia para sa NCR habang naka-4 na ginto ang grupo ni Shayne Mark Monreal ng Northern Mindanao sa Arnis elementary boys sa ikatlong araw ng 2025 Palarong Pambansa sa Ilocos Norte.


Muling lumangoy ang 12-anyos sa Palaro record sa 200-meter individual medley (2:31.41) para burahin ang rekord ni Michaela Jasmine Mojdeh ng Calabarzon sa 2:33.12 noong 2018 at nakuha ang ika-5 ginto sa girls 100-meter freestyle (1:02.51) na segundo lang na kapos sa rekord ni Alexi Kouzenye Cabayaran ng Western Visayas (1:02.25).


Second meet record ni Garra ito  100-meter Backstroke gold (1:07.61) para wasakin ang sariling rekord (1:08.50) sa Cebu City. Ginto rin sa 200-meter freestyle at 4x50 meter Medley Relay. “Mas confident ako sa langoy ko kase since di na ko first timer sa Palarong Pambansa. Gusto kong makapag-rekord ulit,” ani Garra. “’Yung hard work, dedication and mind conditioning, nag-isip ng positive ways. Last year pa lang sinabi na ibe-break ko yung record ko.”


Muling naka-gold si Sia sa boys 100-meter freestyle (59.33) para sa ika-4 na ginto. Gumawa ng dalawang rekord sa boys 200-meter freestyle at boys 100-meter Backstroke, gayundin ang 4x50 meter medley relay. Malupit na performance naman ang Northern Mindanao sa 4 na ginto medalya ng grupo ni Shayne Mark Monreal para sa elementary Arnis. Nakipagtulungan si Monreal sa Synchronized Liha Anyo Single Weapon kasama sina Jhon Michael Espina ng Iligan City Central School at Ryann John Otom ng Intao. 


Apat na ginto ang kay Aireelle Ashley Lape ng Region XIII sa elementary girls.  Tatlong ginto kina  James Custodio III, Vladimir Motia at John Blaze Sandoval ng Region X sa secondary boys. Tig-dadalawang ginto sina Celia Mer Najaro, Ysai Winsleth Lorejo at Charlyn Diaz ng Region XIII sa Synchronized Double Weapon at Synchronized Likha Anyo Espada y Daga.

 
 

ni Gerard Arce @Sports News | May 28, 2025



Photo: Limang gold medals ang nakuha ni Arman Hernandez Jr ng NCR sa gymnastics habang naka-gold din sa 200m Freestyle secondary girls swimming ng NCR si Sophia Rose Garra sa Palarong Pambansa 2025 na idinaos sa FERMIN sa Ilocos Norte. (Mga kuha ni Reymundo Nillama)


Sa murang edad ay nagpakitang-husay si National Capitol region gymnast Arman Hernandez Jr. dahil sa laki ng paghanga at inspirasyon kay 2024 Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel “Caloy” Yulo.


Naengganyo ang bata na mag-gymnast nang minsang masilayan ang 2-time World champion na si Yulo. “Bigla na lang niyang sinabi sa amin na gusto niyang mag-gymnastics. Actually, wala naman sa pamilya namin 'yung maging athlete, siya lang,” pahayag ng inang si Evangeline nang makapanayam kahapon sa Ilocos Norte National High School, kung saan ginanap ang men’s at women’s elementary at secondary event.


Ang batang gymnast mula Pasay City ay kumuha ng korona sa Cluster 1 Individual All-Around, Floor Exercise, Vault table, Horizontal Bar at Cluster 2 Team Championship kasama ang magkapatid na Kizz at Deen Gungob sa event na inorganisa ng Department of Education at Philippine Sports Commission (PSC), na tatagal hanggang sa Mayo 31.


Nakuha ni Hernandez ang unang ginto sa All-Around (36.600) na sinundan ni King Gangat ng Region 1 sa 35.200 at Sage Llanes ng Region 5 sa 33.325. Tumambling naman ito sa 9.200 sa Floor Exercise, 9.300 sa Vault, at 9.300 sa Horizontal Bar, habang walastik ang performance kasama ang Gungob Brothers sa 115.500. Bronze din si Hernandez sa Pommel Horse sa 8.800 sa likod nina King Gangat ng Region 1 sa 9.000 at Kent Jamero ng Region 10 sa 8.950. “Nakita ko lang po sa Facebook si kuya Caloy kaya po ako sumali,” sambit ng mag-aaral mula Don Carlos Village Elementary School.


Naka-2 ginto rin si Melchor Bataican ng Region VI sa Elementary boys Arnis sa Individual Likha Anyo Double Weapon at Individual Likha Espada Y Daga. May tig-2 gold din sina Jemaicah Mendoza ng Region IV-A sa secondary girls Blitz-Individual at Team.


Mayroon ring double golds sina King Cjay Pernia ng NCR sa secondary boys Individual All-Around at Team; John Paul Soriano ng NCR sa Poomsae Individual Standard at Team; sina Zion Ysabelle Buenviaje at Chezka Nicollete Luzadas ng CAR sa elementary at secondary girls Poomsae -Team at Freestyle Individual at Mixed Pair at Team.  



SIA AT GARRA, MAY TIG-3 GINTO SA SWIMMING, SUMIRA NG RECORD  


LAOAG CITY - Mga bagong rekord ang itinala sa athletics at swimming sa 2nd day ng 65th Palarong Pambansa sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium sa Ilocos Norte.

May tig-3 golds sina Titus Rafael Sia at Sophia Rose Garra ng NCR, habang may bagong Palaro record sa grassroots program na tatagal hanggang sa Mayo 31. Nakamit ng 12-anyos swimmer ang unang gold sa boys 200-meter freestyle (2:07.86) para sirain ang record meet ni Rafael Barreto ng Central Luzon noong 2013 sa 2:08.12. 


Bagong gold si Sia sa Boys 100-meter Backstroke sa 1:05.44 na sumira muli ng dating rekord meet ni Martin Isaac Seth ng NCR noong 2015. Nakipagtulungan  ang last season bronze medal winner kina Reighlem Scziyo Salon, Mackenzie at Joshua Erik Chua upang makuha ang 4x50 meter medley relay sa oras na 2:06.83 tungo sa ikatlong gold.


Lumista rin ang 13-anyos na si Garra ng record sa 100-meter Backstroke (1:07.61) para wasakin ang sariling record noong 2024  (1:08.50) sa Cebu City. 


Napagwagian  ang unang gold sa 200-meter freestyle (2:17.62). Hinigitan nila ang grupo nina Sophia Obrense, Yanah Banta, Rica Ansale ar Anva Dela Cruz ng Region IV-A sa 2:16.60 na may silver at sina Kenzie Bengson, Maddaleign Alindogan, Reese Victoria at Pia Angeli Maines ng Region 5 sa 2:18.92.


Ang pambato naman ng Central Visayas na si Jhul Ian Canalita ay lumista ng (15:16.31)  sa secondary boys 5000-meters para malampasan ang 27-taong rekord ni Cresencio Cabal ng Southern Mindanao na 15:38.4 noong 1998 Bacolod meet.


Binura ni Mico Villaran ng Western Visayas ang 15-taong lista sa secondary boys 110-meter hurdles upang sirain ang record ni Patrick Unso ng NCR na 14.68 noong 2010 Manila Palaro. Inihagis  ni Josh Gabriel Salcedo ng Western Visayas ang 45.52-meters na distansiya tungo sa gold medal sa secondary boys Discus Throw.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page