top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 8, 2024



Fr. Robert Reyes

Ika-8 ng Disyembre ngayon, Pista ng Birhen ng Immaculada Concepcion, ang paglilihing walang sala ng ating Mahal na Birheng Maria, ina ni Hesus, ina ng Diyos. 


Mahalaga ang pistang ito dahil ipinagdiriwang ang katangian ni Maria na nagbibigay sa kanya ng kapwa karapatan at karangalan na maging ina ni Hesus, ina ng Diyos. Paano magiging ina ni Hesus, ina ng Diyos si Maria, isang karaniwang babae? Meron ba siyang kakaibang katangian upang siya ang mapiling magbigay buhay sa misong bukal ng buhay?


Natutunan ng lahat ng Katoliko sa kanilang katekismo ang tungkol sa “kasalanang mana.” Makasalanan ang ating mga unang magulang na sina Adan at Eva. Sinuway nila ang Diyos dahil sa tukso ng demonyo na nag-anyong ahas sa hardin ng Eden. Bago sila matukso, malaya at masaya silang gumagala sa malawak at masaganang hardin ng Eden. Puno ng punong prutas at mga gulay ang hardin, kaya’t malinis at walang dugo ang kanilang kinakain. Merong isang puno na hindi nila dapat lapitan at pitasan ng bunga. Ito ang puno ng “kaalaman ng kabutihan at kasamaan.” Maaaring puntahan at pitasan nila ang iba’tibang puno ngunit hindi ang punong ito. At ito ang tukso ng demonyo, “Lapitan at pitasan at kainin ninyo ang bunga ng punong ito at kayo ay magkakaroon ng karunungan ng Diyos. At kayo ay magiging tulad ng Diyos.” Marahil, naisip nina Eva at Adan na hindi lang sila magiging tulad ng Diyos, baka kapag kinain nila ang kakaibang prutas na ito, sila ay hindi lang magiging katulad kundi magiging diyos din!

Ito ang unang kasalanan, ang kasalanan ng kayabangan. Itong kayabangan ang kalimutan, na ating hamak na kalikasan bilang mga nilikha. Hindi tayo masama ngunit hindi rin tayo ligtas sa kasamaan, kahinaan at kamatayan. Kailangan nating kilalanin ang ating kalikasan upang maiwasan ang kapahamakan. Kapag tayo ay yumabang, babalewalain natin ang maraming bagay. Babalewalain natin ang lason sa lahat ng uri at antas nito mula pagkain hanggang gawa, ugnayan sa lahat, sa tao at sa lahat ng nilikha at higit sa lahat babalewalain natin ang lason sa ating pagtingin at pakikitungo sa Diyos.


Hindi ba’t lason ang kayabangan ng maraming tao sa mundo ngayon? Tingnan natin ang nangyayaring giyera at kaguluhan sa Ukraine at Palestine. Hindi ba ito bunga ng kayabangan ng mga namumuno ng mga makapangyarihang bansa? Ilang pakiusap na ang pinaaabot ng United Nations sa lider ng Russia at lider ng Israel upang itigil na ang mapanira’t makamandag at nakamamatay na digma gayundin ang Ukraine at Hamas sa Palestine. Hindi ba’t lason din ang kayabangan ng dalawang nag-uumpugang bundok ng mga makapangyarihang pamilyang pulitikal sa ating bansa? Katatapos lang ng nakapagtatakang panawagan ng mga puwersang lumaban sa mga naturang dilawan ng EDSA Uno. Doon sa EDSA Shrine ni Maria, Ina ng Kapayapaan, nanawagan ang grupo na ang lider ay tinawag na “istupido” ang Diyos, “Tara na at mag-People Power tayo upang suportahan ang aming inuusig na lider.”


Matagal na ang lason ng uri ng pulitikang umiiral sa ating bansa. Masyadong kalat at malalim na ang kagat at kapit ng lasong ito sa marami. Kaya’t may debateng mainit na nagaganap ngayon. Ginigiit ng isang panig, “Dapat ma-impeach na si VP Sara.” Sabi naman ng kabilang panig, “Wala nang panahon dahil eleksyon na sa isang taon, maaaring matapos ang debate sa Kongreso at maipadala na ang “articles of impeachment” laban kay VP Sara sa Senado. Subalit, walang mangyayari sa Senado dahil tila mas maraming kakampi ang anak na babae at ang kanyang ama sa mga senador. Kaya mas epektibong kasuhan sa halip na ipa-impeach si VP Sara.”


Mahalaga ang debateng ito, mahalaga na maging bukas ang lahat na pag-aralan nang husto ang tunay na nangyayari sa ating lipunan. Mahalagang tingnan at unawain ang mga pangunahing problema at tukuyin ang ugat ng mga ito.


Natukso ang ating mga unang magulang at sa halip na manatiling inosente, malinis at payak ang kanilang buhay, sumilid sa kanilang isipan ang paghahangad sa kapangyarihan. “At kung kakainin namin ang prutas mula sa ipinagbabawal na puno, kami ay magiging tulad Niya. Kami ay magiging marunong, magiging… diyos!”


Ginanap kagabi sa aming parokya ang isang panayam tungkol sa “Buhay na Pagkain.”


Tila walang kaugnayan ito sa usapin ng mga lason sa lipunan. Ngunit, sa totoo lang, kung meron tayong maaaring simulan upang lumaya sa lason na sumisira at pumapatay sa tao, kalikasan at lipunan, simulan muna natin sa pagkain.


Linisin natin ang ating kinakain. Tanggalin, iwasan ang lason ng artipisyal, karne, labis na asin, asukal, mamantika (baboy). Iwasan ang mga delata at mga processed food. Iwasan ang mga fast food at junk food. Teka, meron nga palang koneksyon. Sino ba ang gumagawa at nagbebenta ng junk at fast food? Sino ba ang nagpaparami at nagbebenta ng mga hayop na pinatataba sa mga pagkain o “feeds” na kahina-hinala? Hindi ba sila-sila rin?


Kung merong likas na pagkain, pagkaing buhay, meron ding likas na pulitika, pulitikang buhay!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 7, 2024



Fr. Robert Reyes

Tatlong impeachment ang nasaksihan at nalahukan natin. Mula sa impeachment complaint kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada hanggang ang tangkang i-impeach si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at itong impeachment case ni VP Sara Duterte. 


Hindi man tayo miyembro ng Kamara o Senado, halos natutunan na natin ang proseso ng sensitibong tungkulin ng dalawang kapulungan ng Kongreso. 


Mula paghahain ng impeachment complaint, mula sa mga karaniwang mamamayan, na hindi lang isa kundi dalawa at higit pa, hanggang sa pagboto at pagpasa nito sa Kongreso, hanggang sa pagpapadala ng mga ‘articles of impeachment’ sa Senado ay madugong proseso ito na pagdedebatehan ng dalawa o mahigit pang pangkat.


Mapapanood at maririnig ang mga argumento ng iba’t ibang panig para at laban sa impeachment.


Batikos ng marami, walang kuwentang pulitika ito at pag-aaksaya ng panahon. Ngunit, napakaraming matututunan dahil lalabas ang mga legal at ilegal na gawain ng nasasakdal. Matututunan ang batas at ang pag-abuso, pagbaluktot dito. Makikita at malalaman ang napakapangit na sabwatan ng mga nasa puwesto para makuha nila ang kanilang gusto, mula pera hanggang posisyon na siyang mga sangkap ng marumi at maling pamamahala. 


Natanggal si Erap o sumuko si Erap noong nagsimula siyang litisin ng Senado matapos na pagdebatehan at pagbotohan ng Kongreso ang impeachment complaint laban sa kanya. Nasaksihan natin ang ilang sesyon sa Kamara at Senado, at naroroon din tayo sa EDSA Shrine noong araw na naganap ang “withdrawal of support” o pagbawi ng suporta ng mga sundalo at pulis sa pamumuno ni Gen. Angelo Reyes.


Sa pagbawi ng suporta ng military at kapulisan, napilitang bumaba at magbitiw sa posisyon ni Erap at pumalit naman si Vice President Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa loob ng tatlo hanggang siyam na taong panunungkulan ni Pangulong GMA, naroroon tayong nagmamasid at nag-aaral ng may kritikal na mata sa panunungkulan ni PGMA.


Malinaw kung paano ginamit ng pangulo sa loob ng siyam na taon ang kanyang kapangyarihan para sa kanyang ‘interes’ at ng pamilya. Humantong ang mahabang panahon ng pagbabantay kay GMA sa isang mahalagang pagpupulong ng mga Obispong Katoliko noong Hulyo 6, 2005.


Noong Hulyo 8, 2005, naunang kumilos ang 10 miyembro ng gabinete ni GMA na nagpulong sa Hyatt Hotel upang ilabas ang kanilang pahayag ng pagbawi ng suporta at tiwala sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit sila’y tinawag na Hyatt 10. Makaraan ang dalawang araw, Hulyo 10, tayo naman ang nagsagawa ng pagkilos sa People Power Monument sa EDSA. Nagdaos tayo ng “indefinite hunger strike” na humihinging mag-resign si GMA sa People Power Monument.


Mula umaga hanggang hapon, hiningi ko sa mga Obispong Katoliko na pagresaynin si GMA. Samantalang nagsimula tayo ng Black Fast o ang hindi pagkain at pag-inom sa loob ng 24 na oras, hinintay natin ang pahayag ng mga Obispong Katoliko hinggil sa kanilang pasya tungkol kay GMA. Nakadidismaya ang kanilang inilabas na pahayag, pagkaraan ng napakahabang paliwanag: “We are not asking her to resign!”


Dahil doon, tumagal tayo ng 44 na araw na hindi kumakain ng anumang solidong pagkain, ngunit umiinom naman. Nangayayat tayo at nawalan ng 30 pounds. Pagdating palang ng ika-40 araw ng “hunger strike” marami nang pumigil at nagtangkang patigilin tayo. Una sa mga ito ang sarili nating ina na nagsabi, “Anak tumigil ka na, hanggang 40 araw lang nag-ayuno si Kristo, hindi ka si Kristo!”


Tama naman ang aking ina ngunit, medyo may lakas pa ako at matindi pa rin ang galit at pagkadismaya ng marami sa naging desisyon ng Obispong Katoliko. Kaya’t tumagal pa ng apat na araw ang “hunger strike.” At tumagal ng mahigit 100 araw hanggang Disyembre 2005 ang pananatili ng tatlong kubol sa People Power Monument, na nakilalang Kubol ng Pag-asa.


Nagtagumpay ba tayo? Opo, hindi sa paraang inaasahan na pagpapatalsik kay PGMA. Tumagal pa hanggang katapusan ng kanyang termino si PGMA. Natalo ba ang liwanag ng kadiliman, ng kasamaan ang kabutihan? Hindi, dahil hindi tayo tumigil noon hanggang ngayon. Lumaban ang marami sa nangyaring karahasan sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at hanggang ngayon lumalaban pa rin ang marami.


Nagsimula naman ang impeachment process at laban naman ito kay VP Sara, anak ni ex-PRRD. Bagama’t maraming lumalaban na umedad na at matagal nang lumalaban, pinapasa na ng mga ito ang “baton” sa mga susunod na henerasyon. May pag-asa kayang magtagumpay? Tiyak na tiyak nating meron!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 2, 2024



Fr. Robert Reyes

Unang linggo na ng Adbiyento at apat na linggo na lang ay Pasko na. Ano kayang kakaiba sa Paskong darating? Mayroon kayang masaya’t magandang balita? Mukhang walang tiyak at malinaw na sagot ang mga katanungang ito. 


Makakatulong marahil ang ebanghelyo tungkol sa punong igos noong nakaraang Biyernes. Ito ang sabi ng ebanghelyo: “At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga,

“Tingnan ninyo ang punong igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-nit. Gayundin naman, ‘pag napansin ninyo ang mga ito, alam ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit, hindi lilipas ang aking mga salita.” (Lucas 21:29-33)


Pansinin ang kalikasan, tingnan ang punong igos. Ito ang unang bilin ng Panginoon. Huwag maging bulag sa ipinapahiwatig ng kalikasan. Matatapos at matatapos din ang taglamig, ang kadalasa’y brutal na lamig ng taglamig (o winter). Hindi mapipigil ang katapusan ng tag-ulan at ang pagsunod ng tag-init. At ganyan din ang tag-init na mapapalitan ng tag-ulan at taglamig.



Nagbabago ang panahon at hindi nananatili at laging umuusad. Sa kanluran merong apat na panahon: narinig natin noong araw ang awit, “Winter, Spring, Summer and Fall… you’ve got a friend.” Apat na yugto ng taon at ang pagkakaibigan. Kung nagbabago ang panahon, hindi ba’t magbabago din, paganda o hindi, palalim o hindi ang pagkakaibigan? Ano ang takbo ng mundo ng tao? Iba ba ito sa kaharian ng Diyos? Maraming ilusyon ang mundo ng tao. Nangunguna na ang mga ilusyon ng pera, kapangyarihan, lakas, ari-arian. At balutin mo pa ang lahat ng ito ng palamuti ng unli. Unli money! 

Noon ang kanta ay “I want to be a millionaire.” Iba na ngayon, “I want to be a billionaire!” Unli power! Tingnan natin ang kasalukuyang bangayan ng dalawang makapangyarihang dinastiya. Para sa tao ba ang kanilang away o para sa kani-kanilang pamilya? Kapangyarihan pa more! Kapangyarihan forever! 

Habang napapako tayo sa kahibangan ng mundo ng unli, hindi natin napapansin ang pagdating ng kaharian ng Diyos. Matatapos at magbabago ang lahat ngunit hindi matatapos ang walang katapusan. Hindi mababago ang walang pagkaluma, walang pagkakupas na kaharian ng Diyos.


Napakaraming ilusyon na pumapatay at nakamamatay. Hindi natin pansin o ayaw nating pansinin na lumilipas, kumukupas, nawawala ang lahat ngunit mayroong laging bago, laging buhay, laging bumubuhay. “Lilipas ang langit at lupa, ngunit hindi lilipas ang aking salita!” Ito ang sinabi ni Kristo noon, at totoo ito hanggang ngayon.

Pumasok na ang Disyembre. Unang linggo na rin ng Adbiyento. Lumalamig na at ramdam na ang malapit na Pasko. 


Pasaya na nang pasaya ang kapaligiran. Dumarami ang mga kumukutitap na Christmas lights. Dumarami ang mga palamuting pamasko. Nakatutuwa, nakabubusog sa mata, ngunit ito ba ang Pasko? Gusto ng mundo ang mga kumikislap na ilaw. Tingnan natin ang lahat ng mall. Gusto ng mundo ang mga regalo. Tingnan natin muli ang mga mall. Ngunit, ito nga ba ang Pasko? Tingnan natin ang ating kalooban. Ano ang nasa loob natin? May bago ba o kumukutitap ba? May mga regalo ba?


Nasa 24 na taon na ang nagdaan nang tumakbo ako nang tumakbo sa paligid ng mga mall na sumisigaw at nagmumudmod ng polyeto, “Wala sa mall ang sanggol!” Nagalit at binugaw akong paalis ng mga guwardiya. Ngunit hindi ako tumigil tumakbo at sumigaw, “Wala sa mall ang sanggol!”


Darating na Siya at hindi ito mapipigilan. Darating na siya, hindi sa labas, hindi sa mall, at hindi sa ilaw at regalo. Darating na siya sa ating kalooban. Bubuksan ba natin ang ating mga puso sa Kanya? Nasaan ba siya? Paano natin Siya sasalubungin at papapasukin? Paparating na Siya sa katauhan ng mga taong dapat nating mahalin, patawarin, tanggapin muli.


Simple ngunit totoo ang panawagan ni Mayor Magalong sa mga Marcos at Duterte: “Mag-usap at magkasundo na kayo… alang-alang sa taumbayan.” 


Wala sa labas ang problema. Pinadadami ang mga tao sa EDSA Shrine. Nag-i-instagram naman ang Pangulo. Ngunit hindi naman sila nag-uusap. Kanya-kanyang pangkat at kanya-kanyang ilusyon, samantalang tuloy lang ang paghihirap ng marami. ‘Wag ka at baka nag-iilusyon din ang marami. 


Manahimik, pumikit, manalangin, parating na kayo. Tulungan ninyo kaming sumalubong, tumanggap, magpatuloy sa inyo Panginoon. Amen.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page