top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 21, 2024



Fr. Robert Reyes

Matagal-tagal na rin tayo nagmimisa sa Ace Medical Center, isang pribadong ospital sa tabi ng Quezon City General Hospital sa Project 8, Quezon City. 


Nakatakda ang misa tuwing alas-10 ng umaga unang Biyernes (first Friday) ng buwan.


At sa simula pa lamang napansin na natin ang 10 palapag ng ospital at nagkataon pang nasa ika-10 palapag ang kapilya na pinagdarausan ng misa. Dahil dito naging permanenteng anyaya o hamon na maghintay sa unang palapag ang lahat ng nais magsimba at sa pagdating natin, sabay-sabay kaming aakyat ng 10 palapag hanggang marating ang kapilya. Awa ng Diyos sa tinagal-tagal nating nagmimisa sa naturang ospital, dadalawa pa lamang ang nahikayat nating magtiyagang akyatin ang 10 palapag ng kanilang ospital. At sa halip na magustuhan ng dalawa ang hamon o paanyaya, hindi na natin sila naanyayahan muli na umakyat hanggang sa ika-10 palapag na kasama ko.


Isa sa lagi nating hinihikayat ay ang isang masayahing tao, na sa tingin natin ay isa sa pinakasentro ng buhay sa ospital. Ang pangalan niya ay John Eric Orit na mas gusto niyang tinatawag siyang Erika. Kilalang bahagi ng LGBTQIA si John Eric at hindi niya ito itinatago. 


Mahal siya ng mga tao sa ospital at sa subdibisyong tinitirhan niya sa tabi ng ospital. At mahal din siya ng napakaraming naging bahagi ng mga palabas na siya ang host. Kadalasan sa Tagaytay ang mga palabas at pagdiriwang na ito at kilalang host si John Eric dahil sa kasanayan niyang magpasaya at magpatawa sa mga pagtitipon.


Bago naganap ang malungkot na pangyayari sa buhay ni John Eric, naramdaman na niya na kailangan niyang magpagamot dahil sa mga nakakabahalang nararanasan niya.


Nasabi na niya sa isang doktor na kilala natin, na kailangan niyang magpaopera ng lalamunan. Kaya lang biglang bawi si John Eric dahil mabilis na ikinatuwiran nito na sa Enero na lang dahil sayang naman ang lahat ng handaan na mami-miss siya kung sakaling may mangyari sa kanya. Sayang at hindi sineryoso ni John Eric ang mahiwagang paanyaya ng Diyos na magpatingin. 


Sabi ng isang doktorang kapitbahay ni Eric, “Sayang at nag-atubili, at hindi itinuloy ni Eric ang operasyon at tiyak na makikita ng mga sanay na doktor kung anumang kritikal na kondisyon na dapat maaga pa lamang ay pansinin na.”


At nangyari nga ang trahedya noong Disyembre 16, unang araw ng Simbang Gabi.


Sinaktan ng ulo si John Eric sa kanyang bahay at doon nawalan ng malay. Itinakbo sa ospital kung saan siya naglilingkod bilang nars at doon tinubuhan at pagkaraan ng ilang araw ay inoperahan. Sa kabila ng lahat, nalagutan pa rin ng hininga si John Eric.


At tila bumalik siya sa Panginoon sa mismong araw ng pagkilala sa mga pumasa sa Nursing Licensure Examination (NLE). Kay hirap unawain ang mga pangyayari. Maraming ulit na siyang kumuha ng nursing board exam at nang pumasa siya sa wakas, doon pa siya binawian ng buhay.


“Balik-Likas, Balik-Pag-Asa” ang tema ng siyam na gabi ng Misa de Gallo sa alas-4 ng madaling-araw. Hanggang kaya natin, kailangang ibalik ang bawat aspeto ng buhay sa nakalimutan at naiwanan nang “ritmo ng kalikasan,” (rhythm of nature). 


At habang nag-aalay kami ng misa ng kalikasan at pag-asa, naroroon sa burulan si John Eric na nagpapaalala sa amin ng karupukan at kahiwagahan ng maikling buhay natin. Sa kabila ng pagiging masayahin ni John Eric, magana siyang kumain at uminom ng softdrink. Marami sa mga pagkaing kinasanayan niya ay ang mga artipisyal na pagkain at inumin tulad ng softdrink, alcohol o alak, junk foods at ang tila “walang kapagurang” lifestyle ng buhay-Maynila. Ngunit, walang buhay na walang kapaguran, kaya’t hindi totoo ang buhay na walang kapaguran. 


Sa loob ng tatlong araw ay Pasko na. Tingnan natin ang sanggol na si Hesus. Hindi siya abala sa paghahanapbuhay. Hindi siya busy sa magkahalong mahalaga at hindi mahalagang gawain. Hindi siya abala at punumpuno siya ng buhay at pag-asa, na hindi sa mga gawain ng buhay. Ang buhay na plastik at artipisyal ay tila sinasagisag ng mall.

Ilang taon na ang lumipas mula ng tumakbo tayong paikut-ikot sa mga mall na sumisigaw at nagmumudmod ng mga flyers na may nakasulat na ganito,


“WALA SA MALL ANG SANGGOL.”  Kung babalikan ko ang pagkatao ni John Eric, para siyang malaking bata na laging masayahin. Hindi masamang mga araw ng pagpanaw, ang mismong simula ng Simbang Gabi, ilang gabi ang layo sa paggunita sa kapanganakan ng Panginoon.


Sa lungkot na nararamdaman ng lahat, nangingibabaw ang halakhak ng masayang nars na si John Eric. Tawa’t halakhak na walang hanggan ang naging buhay ni John Eric at hindi trabaho, pera, ari-arian, laging busy, kabisi-bisihan. Hindi ganoon ang tingin ni John Eric sa trabaho. Buhay ang pagtatrabaho bilang nars, hindi kaabalahan kundi pagdiriwang din ng buhay. Ang bawat sandali ng buhay ay halakhak at pagpapasaya sa kapwa. 


John Eric, maaaring yumao ka na ngunit walang tigil at walang kapaguran ang iyong walang hanggang galak, tawa at halakhak. Paalam at maraming salamat, kapatid.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 17, 2024



Fr. Robert Reyes

Kahapon ang simula ng Simbang Gabi at unang umaga ng Misa de Gallo. Siyam na araw na lang ng paghihintay sa Pasko. Konting hintay, puyat, sakripisyo at tunay na dasal na lang at dakilang araw na ng kapanganakan ng Tagapagligtas. 


Sa Adbiyento at Paskong ito minarapat ng aming parokya na tugunan ang panawagan ng Santo Papa na maging mga manlalakbay (pilgrims) ng pag-asa sa buong darating na taon. Ngunit amin ding nakita ang isang mahalagang elemento ng paglalakbay na ito. Sana’y maging paglalakbay na kasama at hindi katunggali ang kalikasan. Kaya’t ang tema ng siyam na gabi at araw ng paghahanda sa Pasko ng Panginoon ay “Balik-Likas, Balik-Pag-asa”.


Meron bang malalim na kaugnayan ang pag-asa sa kalikasan? Marahil ito ang isang malalim na problema sa mundo ngayon, ang kakulangan ng malalim na kamalayan at pag-unawa sa kahalagahan ng kalikasan para sa kinabukasan at kaligtasan ng lahat. Sa tuluy-tuloy na pagwasak at pagpatay sa kalikasan, hindi lang nangyayari ito sa kalikasan kundi sa tao at sa lahat ng may buhay sa mundong ito.


Napakalayo na ng tao sa kanyang kalikasan, sa kanyang likas o tunay na pagkakalikha sa kanya ng Diyos. Mula sa pagdating ng makina na dahan-dahang umulad at ganoon na lang kabilis nanaig sa mundo dahil sa teknolohiya na ngayon ay napakabilis nang umuunlad at nagbabago, mukhang sa halip na tao ang magdikta sa makina at sa computer, kabaliktaran ang nangyayari. Tao ang sumusunod at pumapanginoon sa makina at computer. Tingnan lang natin ang napakabilis na pag-unlad ng teknolohiya ng mga robot, ng “robotics” at ng “artificial intelligence” o AI.


Kaya bago tayo tuluyang maligaw ng landas at tuluyang makalimot sa ating likas na pagkatao, kailangan nating matutong bumalik sa ating tunay na pagkakalikha ng Diyos. Kailangan nating bumalik sa ating likas na pagkatao. Dapat nating magbalik-likas. At dahil siyam na araw ang pagdiriwang ng Simbang Gabi at Misa de Gallo, sinubukan naming pag-isipan at dasalan ang tema ng bawat araw.


Ang unang tatlong araw (Disyembre 16,17 at 18) ay tutukoy sa tatlong aspeto ng kalusugan. Disyembre 16, likas-hinga, mabagal at malalim na hinga, balik-baga; Disyembrte 17, likas-kilos, balik-paa; Disyembre 18, likas-pagkain, balik-gulay.


Ang susunod na dalawang araw ay tutukoy sa dalawang aspeto ng likas na trabaho o gagawa. 


Disyembre 19, likas-katawan, balik-pawis; Disyembre 20, likas-gawa, balik-kalinga sa kalikasan.


Ang susunod na dalawang araw ay tutukoy naman sa dalawang sangkap ng tunay at malalim na ugnayan. Disyembre 21, likas-kuwentuhan, balik-mata sa mata (face to face); Disyembre 22, likas-salita, balik-bibig, payak, tuwiran, walang gadget.


Ang susunod at huling dalawang araw,  Disyembre 23, likas-dasal, balik-loob, balik-puso; Disyembre 24, likas-dasal, balik-pamayanan, iwas-selfie.


Sa sobrang layo na natin sa kalikasan at sa sobrang layo na natin sa ating personal na sarili at kalooban, matinding pagkamatay ito. Hindi natin kailangang mamatay, ipagpatuloy lang natin ang pagkalimot sa mga bagay na napakahalaga at likas na bahagi ng ating pagkatao’t katawan, mamamatay na tayo ng unti-unti at mabilis na kapalit natin ang taong mas gugustuhin ang artipisyal at hindi totoo.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 16, 2024



Fr. Robert Reyes

Tungkol sa dalawang kakaibang babae ang ebanghelyo noong nakaraang Huwebes. Matanda at hindi magkaanak ang una. Bata at wala pang asawa subalit may katipan ang pangalawa. Ngunit, pinili ng Diyos ang dalawa upang paghimalaan. 


Pinagkalooban ang una ng anak sa kanyang katandaan. Ang ikalawa, ang batang babae na sinabihang, “Maglilihi ka at ipanganganak mo ang isang lalaking tatawaging Jesus.” Ito ang kakaibang istorya ng magpinsang Elizabeth at Maria. Ina ni Juan Bautista ang una, at ina naman ng ating Panginoong Hesus ang pangalawa.


Hindi ibinulgar ng dalawa ang milagrong ginawa ng Diyos sa kanila. Natuklasan na lang ng mga kamag-anak at kapitbahay ni Elizabeth ang hiwaga ng paglilihi niya sa kabila ng kanyang katandaan. Ang mga karaniwang pastol at ang kanilang mga hayop ang saksi sa paglitaw ng bagong silang na banal na sanggol. Doon sa katahimikan ng sinapupunan ng dalawang babae naganap ang dakila’t banal na mga himala ng Diyos.


Ibang-iba ang “kadakilaang” hinahanap ng mundo. Tingnan natin ang naging kapalaran ng dalawang indibidwal din, sina Carlos Yulo at Sofronio Vasquez. Alam nating lahat ang natanggap na karangalan ni Carlos Yulo sa kanyang pagwawagi ng dalawang medalyang ginto sa katatapos lang na Paris Olympics 2024. Hinangaan, pinalakpakan at pinasalamatan ng lahat si Carlos. At tunay namang kahanga-hanga ang kanyang tagumpay at ang malaking pakinabang nito sa kanyang buhay. Sumikat siya sa buong mundo at yumaman sa tinanggap na premyo mula sa Olympic Committee, sa ating gobyerno at sa iba’t ibang pribadong indibidwal at mga korporasyon na nagbigay ng pabuya dahil sa idinulot niyang kadakilaan sa ating bansa. Ngunit, nabahiran ang lahat ng ito ng mga bagay na bunga ng mga pangyayari sa paligid ni Carlos na maaari niyang iwasan pero hindi niya nagawa. Kaya sa kaso ni Carlos Yulo, maraming hindi magandang debate at batikusan pa sa mga pabor o tutol sa kanyang mga sinabi at ginawa, pagkatapos ng kanyang pagkapanalo ng dalawang Olympic medals.

Nang pinagninilayan natin ang buhay ni Maria at ng pinsan niyang Elizabeth noong nakaraang Miyerkules ng gabi, biglang bumungad sa aking mga tainga at mata ang masayang balita na nanalo ang kauna-unahang Asian at pinakaunang Pinoy sa America Got Talent. Nanalo sa isang timpalak sa Amerika ang isang hindi Amerikano, kundi isang Filipino. Natalo niya ang mga lumahok na ‘puti’. Kaya ganoon na lang ang puri sa kanya ng kanyang coach na si Michael Buble. Sabi ni Buble, “Proud sa iyo, hindi lang ang iyong mga kababayan kundi ang milyun-milyong mga taga-Asia na nakita ang iyong tunay at hindi matatawarang galing.”


Sadyang masaya hindi lang si Sofronio kundi ang lahat ng kanyang kababayan. Malayo ang narating ng batang galing sa mahirap na pamilya sa Misamis Oriental. Ayon mismo sa kuwento ni Sofronio, “Kami ay mahirap lamang. Ngunit, sa kabila ng kawalan, merong boses at merong awit. Kaligayahan at lakas ko ang musika.” Tiyak na malinaw ito sa kalooban ng batang dukha, ang lakas at galak na dulot sa kanya ng musika sa gitna ng kahirapan ng kanyang pamilya.


Nakasisilaw ang maraming bagay sa buhay, tulad ng katanyagan, salapi, kapangyarihan, rangya at labis na ari-arian. Sana hindi masilaw si Sofronio. Sana, marinig niya ang munti at tahimik na tinig sa kanyang puso. At doon sa kalaliman ng kanyang puso matagpuan din niya ang sama-samang pasasalamat ng mga kababayang uhaw na uhaw sa tunay at malalim na kadakilaan.


Napakahalaga ng pakikinig sa mahinahon at mahiwagang tinig ng kadakilaan at kahiwagaan. Ito ang tinig na narinig nina Elizabeth at Maria. Sinugo ng Diyos ang kanyang mga anghel na gumulat sa dalawang babaeng manghang-mangha sa mga ginawa at patuloy na ginagawa ng Diyos sa kanila. Napakaraming tinig na naririnig nina Carlos at Sofronio ngunit hindi nila dapat balewalain ang tinig na higit na mahalaga sa lahat.


Ito ang ginawa ng dalawang babae na sa kanilang buong buhay, ni minsan hindi nila binalewala at tinalikuran ang tinig na pinakamahalaga sa lahat, ang tinig ng tahimik at malalim na kadakilaan at kabanalan ng Diyos.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page