top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 29, 2024



Fr. Robert Reyes

Katatapos lang ng nobenaryo ng Misa de Gallo. Muling nabuo ng maraming parokyano ang kilalang nobenaryo ng misa sa madaling-araw bilang paghahanda sa Pasko o pagsilang ng Panginoon.


Ang naging tema ng buong nobenaryo ay “Balik-Likas, Balik-Pag-Asa.” Pinagnilayan naming lahat ang ilang mahahalagang sangkap ng buhay na likas, likas na buhay bilang pagtugon sa hamon na labanan ang paglaganap ng artipisyal o plastik na pamumuhay na nagiging tatak ng kasalukuyang panahon. Ano ang kabaliktaran o alternatibo sa artipisyal o plastik na pamumuhay? Ito ang buhay na may lalim, malay, pagsunod sa malinaw na hirarkiya ng buti (hierarchy of values), paninindigan at direksyon. Isang matibay na killing o angkla ng buhay na may lalim at malay ay ang pagkilala, pagmamahal at pagtatanggol sa kalikasan.


Kaya’t ito ang ating ginawa araw-araw kasama ang lahat ng mga dumalo sa misa ng ika-4 ng umaga sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8. Pinagtambal natin ang mahahalagang natural na sangkap ng buhay at ang mga bahagi ng katawan (parts and organs of the body). Unti-unti nating pinamalay sa lahat ang hindi sinasadya ngunit nagiging negatibong pag-uugali natin sa pang-araw-araw na buhay.


Una, pinababayaan at binabalewala natin ang malinis na hangin na kailangan ng ating mga baga upang mabuhay tayong lahat ng malusog at mahaba. Sagipin ang hangin at ibalik ang kanyang likas na kalinisan. Gamitin ng maayos ang baga at huminga ng mabagal at malalim.


Pangalawa, hinahayaan nating lumaganap ang marumi at nakakalasong pagkaing puno ng artipisyal, labis na asin, asukal, taba at kung anu-anong nakakasira sa kalusugan. Bumalik sa likas at simpleng pagkain, gulay at isda, pagkain ng ating mga ninunong magsasaka’t mangingisda. Huwag gawing basurahan at sementeryo ang bibig. Kumain lamang ng pagkaing buhay at bumubuhay.


Pangatlo, likas na kilos, mga paa na lumalakad o tumatakbo. Gamitin nang gamitin ang mga paa. Maganda ring magbisikleta. Iwasan ang sasakyan at labis na pag-upo sa likod ng manibela. Magpawis sa paggamit ng paa sa ehersisyo man o paggawa dahil nilikha tayong may paa. Salamat sa mga paa na saan man, anumang layo nila tayong dinadala. Ito ang ating mga paa, sadyang “paag-paa-paa-la” mula sa Panginoong mapagmahal.


Pang-apat, salamat sa mga kamay na gumagawa araw at gabi, mga kamay na nagtatanggol at kumakalinga, mga kamay ng buhay at hanapbuhay. Kamay ng manggagawa, ng magulang at kaibigan, kamay na tagapagtanggol din sa kaaway ay siya ring kumakalinga’t nagmamahal. Gamitin lagi sa mabuti ang kamay at huwag kalimutang pagdaupin ang mga ito sa tuwina sa pananalangi’t pasasalamat sa Kanyang pinagmulan ng lahat-lahat.


Panglima, habang gumagawa o lumilikha, pagsabayin ang kamay na masipag at matang mapaglikha ng ganda at kagalakan. Ito ang mga matang mapaglikha at gabay ng mga kamay na masisipag. Huwag basta gumawa, hindi basta masipag, galing at ganda balutin ang bawat gawa sa paggabay ng mga matang buhay at ganda ang laging hanap.


Pang-anim, sa panahon ng makina at gadget, nabura at nawala na ang mga magaganda’t nangungusap na mga mukha. Pumalit na ang “monitor” sa mukha. Bihira na ang mukha sa mukha o face to face noong lockdown. Uso na ang mobile to mobile, gadget sa gadget, halos wala na at napalitan na ang tunay na mukha sa tunay na mukha. Hayagan, malinis, malalim at tunay na ugnayang mukha sa mukha, puso sa puso, kaluluwa sa kaluluwa. Kaya ba ito ng gadget? Kaya ba ito ng AI? Nasa atin ito kung ipagkakanulo natin sa makina at gadget ang tunay nating mga mukha, puso at kaluluwa.


Pangpito, bingi na ang karamihan. Kung anu-anong nakapasak, nakabara sa taingang pisikal pati ang tainga ng isip, puso at kaluluwa. Tainga ang buong katawang nais lumapit at yumakap sa katotohanan. Kasinungalingan ang pagkain ng mata at tainga. Fake news ang pag-araw-araw nating pagkain. Ngunit, puwede namang pumili ng tugtugin at usapin. Mukha sa mukha, tainga sa tainga, tao sa tao, diwa sa diwa, kaluluwa sa kaluluwa.


Pangwalo, dalangin ang buhay, buhay ay dalangin. Pusong marunong magmahal, pusong nagdarasal. Pusong walang galit at poot. Pusong puno ng pag-ibig at pananalig. Pusong laman ay hindi pusong bato. Mahalin ang Diyos, mahalin ang tao, ingatan at mahalin ang puso.


Pangsiyam, mula sa puso, sisirin at arukin ang lalim ng loob. Tuklasin ang espiritu sa kaluluwang bukas at wagas na hinahanap at sinusunod ang Maykapal.


Natapos ang siyam na umaga’t gabi ng Simbang Gabi. Napakagandang tradisyon at lahi ng mga Pilipino ng bansang Pilipinas. Araw-araw babalik sa likas, babalik sa pag-asa. Babalik sa likas na buhay mula sa Diyos ng tao at tanang kalikasan. 2025 taon ng Jubileo, taon ng pag-asa, taon ng puspusang pagbalik sa kalikasang bukal ng biyaya’t pag-asa. Amen!

 
 
  • BULGAR
  • Dec 28, 2024

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 28, 2024



Fr. Robert Reyes

Sa nakaraang dalawang buwan mula Oktubre, napakaraming pagbabagong-kalagayan (transition) ang naganap sa ilang bahagi ng Simbahan. 


Naunang ibinalita na sa wakas may bagong obispo na ang Diyosesis ng Gumaca, Quezon. Noong Setyembre 30, 2024 bandang ika-6 ng gabi rito sa Pilipinas, nakarating ang ulat na hinirang ni Papa Francisco si Padre Euginius L. Cañete bilang bagong obispo ng Diyosesis ng Gumaca, Quezon. 


Taga-Liloan, Cebu si Padre Cañete at 58 taong gulang siya. Nang tanggapin niya ang bagong posisyon sa simbahan naglilingkod siya bilang coordinator-general ng Missionaries of Jesus.


Bata at marami pang magagawang mabuti siya para sa ubasan ng Panginoon. Hindi natin masyadong kakilala si Padre Cañete. Ang higit nating kilala ang pinalitan niyang obispo ng Gumaca na namatay sa atake sa puso noong Marso 16, 2023. Nasa 71 taong gulang lamang si Bishop Vic. Nakasama natin sa seminaryo si Bishop Vic na tinatawag naming Vocam (pinagsamang Vic at Ocampo). Kasama siya sa kilalang grupo ng mga mahihilig magpatawa, magtagumpay man o hindi, nakakatawa man o corny. Kasama na rin sa grupong iyon ang kareretiro lamang na obispo ng Cubao na si Bishop Honesto Ongtioco. Nalungkot tayo nang mabalitaan nating namatay si Bishop Vic. Noong seminarista pa tayo, naglingkod din tayo sa Diyosesis ng Balanga, Bataan. Doon natin natutunan ang pagbibisikleta ng malayuan. At doon din nating madalas dalawin si Bishop Vic sa Morong, Bataan kung saan siya ang kura paroko. 


Minsan nagbibisikleta kaming dalawa dahil napahilig din siya sa bisikleta. Mahigit isang taong walang obispo ang Gumaca, Quezon. Medyo mahirap ang kalagayan ng diyosesis na walang obispo. 


Pansamantalang lumulutang ang diyosesis na pawang manok na pinutulan ng ulo. Bagaman binibigyan ng pansamantalang administrador, nararamdaman ng diyosesis ang bahagyang kalituhan o panandaliang paglutang sa alapaap sa mga panahong wala silang obispo at pumapailalim sila sa isang pansamantalang administrador.  


Nakabubuti rin ang panahon ng mahabang paghihintay. Sana mag-usap-usap, puso sa puso, isip sa isip, kalooban sa kalooban ang lahat ng bumubuo sa diyosesis. At kung gagawin nila ito ng may paghahangad ng tunay at malalim na pagbabago, lalabas at lalabas ang sari-saring kalagayan at problema ng diyosesis mula pinansyal hanggang sa napakaselan na usapin ng “pangkalahatang kalagayan ng kaparian.”


Apat na araw pa lang makalipas ang balita ng paghirang kay Padre Euginius Cañete bilang obispo ng Gumaca, Quezon, lumabas ang ulat na meron nang bagong obispo ang Diyosesis ng Cubao. 


Nagmimisa tayo noon sa aming parokya. Katatapos lang nating magbigay ng omeliya at kababasa lang natin ng pambungad na palangin ng ‘Panalangin ng Bayan’ ang merong nag-abot mula sa likuran ng kapirasong papel na ganito ang nakasulat: “Ipagdasal natin ang bagong obispo ng Cubao na si Padre Elias Ayuban CMF.” Nagulat at natuwa tayo sa balita. Nakatutuwang lumabas ang ulat sa pista ng paborito nating santo na si San Francisco ng Assisi. Binasa nga natin ang magandang balita at kitang-kita ang masayang pagkagulat sa mga mukha ng nagsisimba noon. 


Nang matapos ang misa, tinawagan natin agad ang isang kaibigang paring Claretsiyano. Nang sagutin nito ang tawag natin, walang isang salitang inanyayahan tayo ni Padre Bong Suñas na makibahagi sa kanilang kagalakan na isa sa kanila ay naging obispo ng Diyosesis ng Cubao, “Punta ka rito Robert. Meron kaming munting party para kay Bishop Ayuban. Samahan mo kaming batiin ang bagong obispo.” Sumulat na si Obispo Honesto Ongtioco ng Cubao kay Papa Francisco ng kanyang resignation letter noong Oktubre 17, 2023, nang siya ay umabot sa edad na 75, ang opisyal na edad ng pagretiro ng mga obispo. Mag-iisang taon pa lang mula sa pagreretiro ng obispo ng Cubao nang dumating ang anunsyo ng kanyang kapalit. Mula noon hanggang ngayon, napakarami nang mga pangyayari at karanasan na nagbabadya ng mga magagandang pagbabagong parating sa Diyosesis ng Cubao.


At hindi pa talaga umiinit nang husto ang mga balita ng mga bagong obispo ng Gumaca at Cubao, biglang binulaga ang lahat ng isa pang magandang balita mula Roma, ng bagong obispo ng Balanga, Bataan. Mag-iika-7 ng gabi ng Disyembre 3, 2024, Martes, nang biglang kumalat ang ulat na hinirang ni Papa Francisco na bagong obispo ng Diyosesis ng Balanga, Bataan si Padre Jun Sescon, rector ng Basilica Minore ng Poong Nazareno ng Quiapo. 


Nakatutuwa ang balita dahil nagkasama kami ng halos apat na taon ni Padre Jun Sescon sa Seminaryo ng San Carlo Borromeo, Guadalupe, Makati.


Taga-Bataan naman at dating administrador ng Diyosesis ng Bataan ang yumaong Obispo Victor Ocampo na pinalitan ni Obispo Euginius Cañete na maoordinahang obispo sa Katedral ng Antipolo ngayong Sabado, Disyembre 28, 2024. 


Malakas ang pakiramdam natin na maraming maganda at mahalagang pagbabago ang idudulot ng paghirang sa tatlong obispo na parang napaagang Pista ng Tatlong Hari.


Handog ng Panginoong Hesu-Kristo ang tatlong bago at batang-batang mga pari bilang mga obispo. Ano, paano, kailan ang mga pagbabagong ito sa tatlong diyosesis? Maging bukas at handang tumugon lang ang lahat mula sa layko hanggang mga pari at relihiyoso, maraming magandang mangyayari para sa ikabubuti ng simbahan, ng taumbayan at mananampalataya at sa Inang Bayan na dumaraan sa mabibigat na hamon at pagsubok. Mabait at mabuti ang Diyos. Hinding-hindi matatawaran ang kanyang biyaya!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 23, 2024



Fr. Robert Reyes

Balik-likas, balik-pag-asa ang tuluy-tuloy na pinagnilayan ng mga parokyano ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, Quezon City. Pagkatapos ng pagninilay at panalangin, kasunod na ang pagkilos. 


Sa loob ng siyam na araw, binigyang-diin ang siyam na hamon tungo sa pagbabago ng buhay at kakaibang pagbabalik-loob na tawagin nating Pagbabalik-Kalikasan.


Sa mga naturang araw, isa-isang tiningnan namin ang gastos at trahedya ng pagkalimot at pagtalikod sa mga bagay na likas sa malusog at mabungang buhay ng tao.


Una, kinalimutan at pinabayaan natin ang tamang paghinga at ang baga.


Pangalawa, pinabayaan at inabuso natin ang sistema ng ating pagkain at pagtunaw o maayos na paggamit ng pagkain. Kilalang kantang Pinoy ang “Bahay Kubo,” ngunit nananatiling cute na kanta na lamang ito. Sa sobrang dami ng mga fast food resto sa paligid, nakalimutan at tuluyan na nating tinalikuran ang pagtatanim, pag-ani at pagkain ng gulay.


Pangatlo, maliban na lang kung may polio, na-stroke o na-amputate ang ating mga paa at binti (dahil sa diabetes), ganoon na lang kahalaga ang ating mga paa at ang maayos at mabungang paggamit ng mga ito. Sa mga bansa sa buong daigdig, mahilig at sanay ang marami sa paglalakad o sa pagtakbo. Salamat sa lahat ng uri ng sasakyan sa ‘Pinas, dumadami na ang tinatamad sa paggamit ng kanilang mga paa. Magsisimba na lang sa simbahang walang dalawang daang metro ang layo sa kanilang bahay, maghahanap pa ng dyip, tricycle at ngayon ng Grab taxi o car o ang mas popular na Angkas, Move-it, Joyride at ang nagkalat na mga kolorum na motorsiklo.


Pang-apat, ang isa sa pinakauna at hanggang ngayon pangkaraniwan at batayang bahagi ng katawan para sa paggawa o trabaho ay ang ating mga kamay. Maraming hindi na inaalagaan ang kanilang mga kamay. Hindi na karaniwan ang tinatawag na manual labor lalo na nang maranasan ng lahat ang napakaraming uri ng trabahong online.


Panglima, hindi sapat na maging manggagawa lamang tayo na marunong gumamit ng kamay sa paggawa at paghahanapbuhay. Kaya sinabi ni San Francisco: “Sinuman ang magtrabaho na gamit ang kanyang mga kamay ay manggagawa. Artesano ang sinumang marunong magtrabaho gamit ang kamay at ulo (utak). Alagad ng sining ang sinumang gumagawa na gamit ang kamay, isipan at puso o kalooban.”


Upang ipaliwanag ang tatlong antas ng paggawa mula sa ordinaryong manggagawa tungo sa artesano hanggang alagad ng sining, aking pinagsama ang kamay at mata. Nang matapos likhain ng Diyos ang lahat sa ikapitong araw, sinabi sa Genesis,


“Tiningnan ng Diyos ang Kanyang ginawa at sinabi Niyang, ‘Mabuti, maganda ang aking nilikha’.” Kailangang tingnan gamit ang matang pisikal at matang intelektuwal, emosyonal at espirituwal upang hindi manatiling ordinary o mababaw na gawa ang ating trabaho. Sa paglikha ng anumang bagay na maganda, matalino, malinis at mapagpalaya kailangang laging magkapares ang kamay at mga mata.


Pang-anim, pababaw nang pababaw ngayon ang komunikasyon sa marami. Noong pandemic nagkaroon ng kakaibang antas at uri ng pagtuturo at pag-aaral, face-to-face o online. Siyempre nasanay ang marami sa online, at ang naturang down-side ng online classes ay ang pagkahumaling at pagkaadik sa cellphone. 


Sa halip na tumingin sa mukha ng kausap, mas gusto na nating sa cellphone tumingin at makipag-ugnayan sa isa’t isa. Dito pumapasok ang marahan at maingat na pagtingin sa mukha habang nag-uusap. Kailangang pag-aralan natin muli ang pagtingin sa mukha ng isa’t isa.


Pangpito, isang mahalagang sangkap ng pag-uugnayan ay ang marahan at malalim na pagtingin, at totoo hindi tulad ng peke (pekeng balita o “fake news” at pekeng pananalita) at mababaw (hindi pinag-iisipan, hindi pinipili, walang galang, nakakasira ng dangal, nakakawasak ng pamilya, pamayanan, nakakasira ng bayan). At madalas nating makita ang kababawan ng pakikipag-usap gamit ng cellphone. Madaling maging mababaw at walang katapatan ang pakikipag-usap gamit ng cellphone, walang seryosong pakikinig at walang malalim na paggamit ng tainga.


Pangwalo, kung kailangan ang malalim at tapat na pakikipag-ugnayan ng tao sa tao, ganoon din ng tao sa Diyos. Ito ang ginagawa natin sa panalangin. Hindi sapat ang manalangin gamit ang salita, ang bibig, kailangang matuto tayong magdasal gamit ang puso, mula sa loob, sa kalaliman ng ating pagkatao at kaluluwa.


Pangsiyam, ang ganap ng pakikipag-ugnayan sa Diyos ay mula sa puso at lalung-lalo na mula sa espiritu at kaluluwa ng taong nakikipag-usap sa Diyos. Kaya ang tawag sa malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos ay “union” at kapag tinanggap natin ang katawan ni Kristo, “Communion.” Nais ng Diyos ay ang pakikiisa ng ating espiritu sa Kanyang Espiritu.


Sa darating na Miyerkules, sa araw ng Pasko, ating ginugunita at ipinagdiriwang ang pagkakatawang tao ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. Nakiisa sa kalikasan at sa tao ang Diyos Ama sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Malalim, totoo, tagos sa laman, sa buto hanggang sa espiritu ang Kanyang pakikiisa sa atin. 


Ito ang Pasko, ang Diyos ay naging tao at ang tao ay nakaisa ng Diyos, at ililigtas siya ng Diyos sa kanyang pagbabalik-loob sa Kanya, sa kapwa at sa kalikasan.


Maligayang Pasko, at isang likas at tigib ng pag-asang Bagong Taon sa inyong lahat!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page