top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 12, 2025



Fr. Robert Reyes

Natapos noong nakaraang Huwebes, Enero 9, ang mahabang prusisyon ng imahe ni Hesus Poong Nazareno lulan ng andas na binagtas ang kahabaan ng 6.5 kilometrong daan mula sa looban ng Intramuros patungo ng simbahan ng Quiapo. Tinawag na Traslacion ang paghahatid ng imahe ng Itim na Nazareno upang balikan ang kauna-unahang paglipat ng imahe ng Poong Hesus Nazareno noong 1787. 


Sa ulat ng kapulisan, tinatayang hanggang anim na milyong deboto ang dumalo sa iba’t ibang bahagi ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno. Ang bulto ng mga deboto ay sumama mismo sa mahabang prusisyon na nagsimula ng madaling-araw ng Huwebes, Enero 9, ang araw ng naturang pista. 


Ngunit, Lunes pa lang ng bandang alas-8 ng gabi, nagsimula na ang ‘Pahalik’ sa imahe sa Quirino Grandstand, Rizal Park. Unti-unting dumating ang mga deboto ng Itim na Nazareno mula mga indibidwal, pamilya, grupo, parokya at iba’t ibang sektor ng lipunan na naniniwala sa mapaghimalang kapangyarihan ni Kristo sa pamamagitan ng debosyon na ito.


Ayon sa isang pari, ang debosyon sa Itim na Nazareno, partikular ang Traslacion, ay ang pagdiriwang ng “kolektibong pag-asa” o “collective hope.” Hindi pag-asa ng mga indibidwal kundi ang sama-samang pag-asa ng lahat ng mga debotong dumalo sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa taong ito. 


Upang madama at maibaon pauwi ang “kolektibong pag-asa” kailangang maranasan, maramdaman, makita ang pagtitiis, pagtitiyaga at pagsasakripisyo ng libu-libo o milyun-milyong maliliit na mga mamamayang deboto ng Itim na Nazareno. Sasamahan ng dagat ng mga deboto, mga mananampalataya ang nagdurusang lingkod ng Diyos (suffering servant of the Lord) na sinasagisag ng imahe ng Itim na Nazareno. 


Maraming masasaktan, magugutom, mapapagod at mahahapo. Laging merong ilang hinihimatay at itatakbo sa ospital. Ngunit, hindi magrereklamo ang lahat dahil bahagi ito ng pananampalatayang pagkakatawang tao, o sa Ingles, “incarnational faith.”


Maraming Pinoy ang maglalakad ng nakapaa bilang penitensya. Maraming magsisikap na maabot ang lubid na nakatali sa andas at unti-unting hahatakin ang sarili tungo sa andas gamit ang lubid na mahigpit hinahawakan ng libong mga kamay. 


Maraming ang matutulakan. Halos lahat ng sumusunod at nagpupumilit na lumapit sa andas ay masasaktan at mahihirapan. Ngunit, bahagi ang lahat ng ito sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga debotong naroroon mula umpisa hanggang katapusan.


Naalala tuloy natin ang ginagawa taun-taon tuwing dumarating ang pista ng Itim na Nazareno ang kapatid na si Padre Emmanuel “Pong” del Rosario na yumao noong Setyembre 17, 2022, na kung mayroong “Batang Quiapo,” si Padre Pong naman ay isang “Paring Quiapo.” 


Masayang kasama si Padre Pong dahil walang kaplastikan, walang pagkukunwari. Kapag siya ay nagbabahagi o simpleng nakikipagkuwentuhan, totoo ang kanyang mga sinasabi na may halong malulutong na mura. Subalit, hindi magaspang at hindi bastos ang mura kundi parang natural na at madulas ang daloy ng salitang lumalabas sa kanyang bibig. 


Naaalala ko rin ang aking yumaong ama na madalas na nagpapakawala ng mura hindi laban kaninuman kundi bilang pamamahayag ng galak, halimbawa na kung nananalo ito sa mahjong laban sa kanyang mga kapatid.


Sa kabilang banda, pangkaraniwan ang kahulugan at kahalagahan ng “itim” na kulay ng

Nazareno. Gustung-gusto ito ng karaniwang Pinoy dahil kakulay daw tayo, lalo na ang sunog na balat ng mga mangingisda, magsasaka at manggagawa. Pinoy na Pinoy na kahit may paghihirap, pagtitiis ay walang kamatayan at pagsuko ng pag-asa sa kabutihan ng Diyos.


Napakahaba ng mga naganap mula pahalik hanggang sa prusisyon. Hindi nagmamadali ang mga deboto dahil kanilang ninanamnam ang bawat sandali ng pakikiisa nila sa imahe ng Itim na Nazareno. 


Kung maaari lang para sa mga deboto na sa kabila ng kanilang kapaguran at sari-saring pananakit ng kanilang pangangatawan, sana’y hindi na matapos ang pagdiriwang ng pistang ito. 


Namumutawi sa kanilang bibig ang katagang, “Mahal na mahal namin kayo Poong Hesus Nazareno. At alam naming mahal na mahal din ninyo kami. Alam naming hindi Ninyo kami iiwanan!” 


Salamat, salamat Poong Hesus Nazareno, ang pag-asa ng masang Pilipino. Amen.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 5, 2025



Fr. Robert Reyes

Pista ng Epipaniya bukas, Enero 6, 2025. Bumibilang ng 12 araw pagkatapos ng Pasko (Disyembre 25) para ipagdiwang ang araw na ito. 


Bakit 12 araw makalipas ang Pasko? Nang ipanganak si Hesus, nakita ng tatlong pantas ang tala at sinundan ito. Naglakbay sila ng 12 araw bago nila natagpuan si Hesus. At sa dulo ng mahaba’t mahirap na paglalakbay, namalas ng kanilang mga mata ang sanggol na tagapagligtas ng lahat.


May kani-kanyang dalang regalo kay Hesus ang tatlong pantas. Mayroong ginto na simbolo ng paghahari sa mundo, kamangyan (insenso) na simbolo ng Diyos, at mira (langis pang-embalsamo) na simbolo ng kamatayan. Tunay ngang hari si Hesu-Kristo hindi lang ng mundo kundi ng sanlibutan at ng sangnilikha. Tunay ding Diyos si Kristo at nakatakda siyang maghirap at mamatay para sa katubusan ng lahat. Kung araw ng pagtanggap ng regalo ang Pasko, araw naman ng paghahandog natin ng regalo sa Panginoong Hesu-Kristo ang araw ng Epipaniya.


Sa pista ng Epipaniya, mahalagang magdasal at magnilay tayo upang sagutin ang tanong, “Ano kaya ang nararapat na iregalo ng bawat isa sa ating Panginoon?

Nagbigay na ng hudyat si Papa Francisco ng kanyang binuksan ang Banal na Pintuan sa Basilica ng San Pietro upang simulan ang Jubileo ng Pag-asa, o ang Taon ng Pag-Asa. Sa mundong magulo, marahas at labis na nagtuturo ng pagmamahal sa sarili sa halip na sa kapwa na nangangailangan, lubhang napapanahon ang pagbibigay ng regalo ng pag-asa.


Ayon kay Papa Francisco dalawa ang kalaban ng pag-Asa. Una, kalaban ng pag-asa ang pesimismo (pessimism) o ang negatibong pananaw sa buhay. Anuman ang gawin ninuman ay walang ibubungang maganda. Ito ang madalas na bukang-bibig ng mga nasasakyan nating drayber ng taxi, grab at tricycle, “Tungkol sa taong 2025, wala naman talagang bago. Pare-pareho lang ang mga namumuno sa atin. Lahat sila ay hindi iniisip ang mamamayan. Pansariling interes, pansariling kapakanan lang ang nangingibabaw sa anumang sabihin o gawin ng mga nasa itaas. Wala namang nangyayari sa lahat ng eleksyon. Pare-pareho ang nananalo at ang tumatakbo. Pare-pareho silang lahat. Ito ang dahilan kung bakit hindi na ako bumoboto.” Malinaw ang pagka-nega ng ganitong pananaw. Subalit, hindi natin masisisi ang karaniwang mamamayan na pinaasa nang pinaasa ngunit lagi namang binibigo.


Tuluyan nang nalason at nagsara ang isipan, puso, kamalayan at damdamin ng marami, at iisa lang ang maaaring gawin, kailangang makipag-usap at magpaliwanag sa bawat mamamayan na hindi totoong wala nang pag-asa. Maaaring piliin ang positibong pananaw at ugali sa halip na magpadala sa negatibo at kawalang pag-asa at saloobin.


Maraming sumuko na hindi man lang nagtangkang kumilos at tulungang lumaya ang sinuman sa negatibo’t walang pag-asang pananaw. Ito ang pangalawang kalaban ng pag-asa, ang pagsuko at ang pagtaas ng dalawang kamay, pagkibit-balikat na iisa ang sinasabi, “Pag-aaksaya ng panahon, lakas at pera ang pakikisangkot. Huwag na lang at hindi ka mapapagod at madidismaya.” Kaya iisa lang ang dapat gawin para salagin ang ganitong pananaw. Kailangan ang positibo at sama-samang pagkilos! Kung merong itim na pagkakampihan o kampihan ng mga sakim at masasama, meron namang pagkakaisa ng mabubuti na nagmamahal sa kapwa at bansa.


Sinasabi ng marami na napagod at nagsawa na sa paglaban sa kasamaan, tulad ng bulok at korup na pamumuno. Sa totoo lang, hindi dapat mapagod at umayaw ang sinumang naniniwala at naglilingkod sa Diyos. Tunay na nakakapagod ang gumawa ng mabuti at lumaban sa kasamaan, mapanganib din ito. Ngunit, malinaw at mabisa ang halimbawa ni Kristo, ang Anak ng Diyos, ang sanggol na hinanap ng tatlong pantas na nangahas maglakbay na sumusunod lamang sa isang tala.


Ito ang tatlong magagawa, tatlong maiaalay natin bilang regalong nagbibigay pag-asa. Makipag-usap at sikaping muling gisingin ang kamalayan. Muling magtulungan at magkaisa, bumuo ng mga grupong kikilos para sa kabutihan ng iba, ng mga maliliit at mahihirap, ang mga inaapi at pinagsasamantalahan. Huwag kalilimutang kumilos din para kay Inang Kalikasan (10 taon nang anibersaryo ng Laudato Si ni Papa Francisco sa Hunyo). At pangatlo, sama-samang maglakbay, magsakripisyo at hanapin ang “Sanggol ng Pag-Asa,” ang Panginoong magliligtas sa lahat.


Sa ganitong paraan, matutulungan natin ang Diyos na muling makita siya, ang prinsipe ng kapayapaan, katarungan, kalayaan… ang Prinsipe ng Pag-asa. Amen!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 4, 2025



Fr. Robert Reyes

Pumanaw noong Disyembre 19, 2024 si Francisco “Dodong” Nemenzo Jr. Si Ka Dodong ang ika-18 presidente ng Unibersidad ng Pilipinas. 


Kakaibang presidente si Dodong. Hindi siya pulitiko o businessman. Isa siyang guro at aktibistang sosyalista. Masasabing isa siya sa mga sinaunang Marxista-Sosyalistang rebolusyonaryo ng ating bansa. 


Noong siya ay bata pa, sumapi siya sa Partido Komunista ng Pilipinas (itinatag noong Agosto 26, 1930 ni Crisanto Evangelista) at mula noon ay nagpakadalubhasa sa pilosopiya ni Karl Marx. Noong namatay si Ka Dodong, sinikap tayong hanapin ng kanyang pamilya para makapag-alay ng misa para sa kanya. Mabuti na lang at nagtiyaga ang kanyang manugang na si Von Fernandez na dating coordinator ng Greenpeace sa parteng ito ng Southeast Asia. 


Nang matanggap natin ang text ni Von, mabilis at malugod nating tinanggap ang paanyaya. Kaya noong nakaraang Disyembre 30, 2024, alas-6 ng gabi, nag-alay tayo ng misa para kay Ka Dodong.


Punumpuno ang bulwagan ng GT-Toyota Asian Center sa UP Diliman. Tahimik na nakaupo sa harapan si Princess Nemenzo, biyuda ni Ka Dodong. Doon sa gitnang harapan, sa sentro ng magagandang halaman at bulaklak, nakaluklok ang metal na urn na taglay ang mga “cremains” ni Ka Dodong. 


Sa gawing kaliwa, naghihintay si Lester Demetilyo (asawa ni Becky Demetilyo) at Astarte Abraham (anak ni Edru Abraham). Nagkasundo kami nina Astarte at Edru na ang mga aawitin sa Misang Katoliko ay mga protestanteng awit na madalas gamitin sa mga serbisyong protestante. May pagka-rebolusyonaryo ang kumbinasyong ito. Ngunit, malinaw na wala namang masama at walang nilalabag na anumang batas ang naturang kumbinasyon.


Sa pambungad na awit, inanyayahan nating manatiling nakaupo ang lahat habang umaawit si Astarte Abraham ng isang imnong protestante. Bagama’t hindi sumasabay ang lahat, buong-buo ang pakikinig at pakikiisa ng lahat sa himig at kabuluhan ng awit.


Damang-dama ang nagkakaisang diwa ng panalangin at pakikiramay ng lahat sa mga nangungulila sa pagpanaw ng mahal at dakilang lider, propesor, aktibista, rebolusyonaryo, asawa, ama, kaibigan, kasama at kababayang Dodong.


Marami tayong ibinahagi tungkol kay Ka Dodong at ang kakaibang epekto nito sa aking buhay. Ilan dito ay ang mga nasulat ni Ka Dodong na nabasa natin na nagkaroon ng malalim sa ating pananaw, pagkatao, pagka-Pilipino at pagka-pari. Nabanggit din natin ang gintong pagkakataon ng pagsasama namin ni Ka Dodong sa UP Diliman mula 1998 hanggang 2003, noong siya ay presidente ng UP Diliman System at tayo naman ang kura-paroko ng Parokyang Katoliko sa campus ng UP Diliman.


Mahalaga ang natutunan natin kay Ka Dodong. Para sa kanya ang pinakamabisang paraan para tutulan at labanan ang mga humahadlang sa positibong pagbabago para sa maliliit at nakakarami sa ating bansa ay ang pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga batayang sektor. Nakasama tayo nina Ka Dodong ng buuin niya ang Laban ng Masang Pilipino. 


Hindi man pala-simba at malapit sa simbahan si Ka Dodong, malapit na malapit ito sa mga mahihirap na sektor. Masasabi nating kilalang-kilala ni Ka Dodong ang “Diyos ng mahihirap” at ang mahihirap at ang kanilang kakaibang pamamaraan ng pagkilala, pagsamba at pagsunod sa Diyos. 


Sa aking halos 43 taon ng pagiging pari, nakita natin ang dalawang grupo sa simbahan.


Pareho silang Katoliko ngunit masasabi kong magkaiba sila sa pagkilala, pagsunod at pagpapasalamat sa Diyos. Alam natin na hindi dalawa ang Diyos: Diyos ng mayaman at Diyos ng mahirap, dahil iisa lamang talaga.


Isa ring Francisco ang ating Papa, at tulad ni Ka Dodong, kakaiba ang ating Papa. Alam ni Papa Francisco ang buhay ng mga mahihirap sa buong mundo. Alam din niya ang buhay ng mayayaman. Ganoon na lang ang paalalang bumabatikos sa mga pari at obispo. “Smell like the sheep” (Maging sing-amoy ninyo ang mga tupa). Ano nga ba ang amoy ng tupa? Sa madaling salita, lumabas kayo. Magpaaraw! Bumaba sa mga pamayanan ng mahihirap! Huwag maging iba kundi pagsikapang higit na maging kamukha, kaamoy, kapanalig at ka-pag-asa ang mga maliliit at maralita nating mga kapatid.


Ganitong-ganito ang ginawa namin noong huling araw ng taon, noong Disyembre 31, 2024. Hinanap namin ang mga nakatago, hindi nagpapakitang mga kasapi sa mga pinakamahirap na pamayanan ng ating parokya. Saan namin sila natagpuan? Sa ilalim ng mga tulay ng Project 8, Quezon City.


Nang dumating kami sa mga tulay, nagsipaglabasan mula sa ilalim ang ating mga maralitang kababayan. Bagama’t kami ang may pamasko at bagong taong handog, higit kaming tumanggap. Ito ang naging buhay ng dalawang Francisco: Papa Francisco at Ka Dodong Nemenzo. Hindi ang magsalita’t mangarap kundi makiisa at maging ka-amoy ang mahihirap at inaaping kapwa at mamamayan. 


Mabunga, mapayapa, mapagpalayang Bagong Taon sa lahat!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page