top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 20, 2025



Fr. Robert Reyes

Sunud-sunod ang mga rally ngayong buwan ng Enero. Katatapos lang ng malaking rally ng Iglesia ni Cristo sa Luneta noong nakaraang Enero 13. 


Sumunod naman ang isa pang rally sa EDSA Shrine. Rally ito ng tatlong grupo na naghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte. Merong rally noong Sabado, Enero 18. Tulad ng rally noong nakaraang Miyerkules, rally din ito na sumusuporta sa impeachment ni VP Sara. 


Sa darating na Enero 25, magkakaroon ng rally ang mga nais gunitain ang alaala at kontribusyon ni dating Pangulong Cory Aquino na nagdiriwang ng kanyang ika-92 kaarawan, at pagkaraan ng anim na araw susundan ito ng isa pang rally. Magtatapos ang Enero sa isang rally sa Enero 31, na umabot ng limang rally sa isang buwan. Tungkol naman saan ang mga rally na ito? Tunay bang rally ang lahat ng ito o merong mga rali-ralihan.


Hindi natin huhusgahan ang anuman sa mga rally na nabanggit. Ngunit sa naging karanasan natin sa mga nagdaang limang dekada ng mga sari-saring pakikibaka at pamamahayag sa katotohanan at pagsulong sa katarungan at kalayaan, maaari nating sabihing nakita at naranasan na natin ang lahat ng uri ng rally, pagtitipon at pag-oorganisa.


Pag-usapan na lang natin ang iba’t ibang rally ng bawat dekada, mula dekada 70 hanggang kasalukuyan.


Dekada 70. Madaling malaman noon kung ang rally ay panig o laban sa administrasyon dahil malinaw kung sino ang kalaban. Bagama’t iba-iba ang pamamaraan at paniniwala ng mga grupong organisado at lumalaban, malinaw sa karamihan kung ano ang mga problemang umuugat sa bansang sumailalim sa Batas Militar. Buong tapang na lumaban ang mga organisadong grupo. Maraming nakulong, natortyur, nawala at lumayo, nag-eksilyo sa ibang bansa.


Nagamit ang mga sundalo at kapulisan para takutin at supilin ang mga kumikilos para sa katotohanan at katarungan. Normal na ang paggamit ng batuta, fire hose, teargas at ang pag-arestong walang warrant. Nahati ang mga grupo sa tinatawag na demokratikong kaliwa at dulong kaliwa. Meron ding gitna at kanan. Sumama at nakilahok ang mga simbahan mula Katoliko hanggang Protestante, Aglipayan at mga sari-saring sekta.


Laging nakaabang ang Iglesia ni Cristo. Bahala na kayong alamin kung saang bahagi ng “political spectrum” pumaloob ang mga simbahan mula dulong kaliwa, demokratikong kaliwa, sentro, kanan at dulong kanan. Kung sa kulay naman, naroroon na ang mga dilawan, pulahan, mga bughaw at puti at marami pang iba.


Mahirap, mapanganib ngunit puno ng makabuluhang hamon ang dekada 70.

Dekada 80. Tumindi ang mga rally. Lumitaw at nagsalita ang isang Cardinal Jaime Sin.


Kasama tayo sa isang maliit na pangkat ng kapariang laging pinatatawag ng cardinal upang pag-aralan ang mga nangyayari at maging handang gawin ang anumang sa tingin ng mahal na cardinal ay nararapat at naaayon sa banal na kalooban ng Diyos. At sa dekada 80 naganap ang pinakaunang mapayapang debolusyon ng EDSA People Power Revolution.


Umalis ang diktador at ang kanyang pamilya at naranasan ng lahat ang panahon ng kapayapaan at katahimikan. Wala nang Batas Militar: curfew, ASO (arrest seizure order), o warrantless arrest (basta magustuhang arestuhin o arestado maski na walang warrant), ‘tortyur at mahabang pagkakakulong’ sa Bicutan, Crame, Aguinaldo at iba pang mga kampo ng military at pulis, nabawasan ngunit nagpatuloy pa rin ang mga nawawala o winawala ng kapulisan o militar na pinaghihinalaang kasapi ng mga grupong kalaban ng estado (enemies of the state).


Dekada 90. Nagpatuloy ang katahimikan sa ilalim ng isang organisadong sundalong presidente. Ngunit nagkaroon ng malalaking rally sa dulo ng kanyang administrasyon.


Ang isang rally ay para baguhin ang Konstitusyon upang pahabain ang kanyang pag-upo sa Malacanang. Ang pangalawang rally ay ang malawakang pagtutol sa pananatili ni FVR.


Dekada ngayon. Patindi at parami nang parami ang mga rally. Nakabalik ang mga pinalayas. Dumami ang mga trapo at dinastiya. Nagkampihan ang mga pulitiko sa ‘pagsipsip’ sa pondo ng bayan. Nagkaisa sa malawakang tila panlilinlang at paggamit ng salapi (ayuda) para pahinain at patayin ang mulat at kritikal na pananaw at kamalayan ng lahat, lalo na ang nakararaming mahihirap. Natuto na rin ang mga trapo na gumawa ng kanilang rally, gamitin ang mga simbahang tila bukas na magpagamit at tumanggap ng anumang pabuyang kapalit.


Sa mga magaganap na rally makikita naman kung ano ang totoo at hindi, malaya o sapilitan, bunga ng paninindigan at prinsipyo o bayaran, mababaw o walang malalim na pag-unawa sa problema o may matalas na pagsusuri at pag-uunawa sa mga problema at sa mga sanhi at ugat ng mga ito.


Kailangang-kailangan ang mga rally na totoo at pang-taumbayan. Mag-ingat tayong magamit, maloko o mabudol. Usung-uso na ito noon at lalung-lalo na ngayon.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 18, 2025



Fr. Robert Reyes

Madaling bigkasin ang salitang pag-asa. Madaling sabihin na may pag-asa tayo sa taong 2025. Magandang marinig ito ngunit iba ang pakiramdam kapag kasabay ng pagsabi ng “may pag-asa”, mayroong anumang positibo at konkretong mararanasan o makakamit para sa kabutihan o kapakanan ng marami. 


Magandang mapakinggan na may pag-asang bumalik ang kapayapaan sa Palestine, ngunit iba kung marinig natin na pumayag sa ceasefire ang Hamas at ganoon din si Prime Minister Benjamin Netanyahu ng bansang Israel. 


Magandang marinig na may pag-asang magkaroon ng kapayapaan sa Ukraine, ngunit iba kung mapakinggan nating tumigil na ng paglusob ang army ng Russia at nagsimula nang mag-usap sina Presidente Volodymyr Zelenskyy ng Ukraine at Pangulong Vladimir Putin ng Russia.


Makakatulong banggitin ang isinulat ni Joel Ruiz Butuyan (Philippine Daily Inquirer, “Sources of Optimism in 2025,” sa Flea Market of Ideas, January 2, 2025). Para kay Butuyan tatlo ang maaaring pagmulan ng pag-asa ngayong taong 2025. Una, ang parating na eleksyon sa Mayo. Pangalawa, ang paghahain ng mga kasong impeachment laban kay VP Sara Duterte. Pangatlo, ang banta at malapit na umanong paghahain ng arrest warrant para sa dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court.


Maaaring pagmulan ng pag-asa ang darating na eleksyon sa kabila ng nakakaraming hindi magagandang kandidato sa iba’t ibang posisyong pinaglalabanan. Ayon kay Butuyan, hindi tayo kailangang madismaya dahil kakaunti ang magandang pagpipilian. Tingnan natin ang nagawa at ginagawa pa sa Senado gaya ni Senadora Risa Hontiveros. Maghanap pa tayo ng dalawa o tatlo pang Sen. Risa at pagtulungan nating manalong senador. 


Hindi kinakailangang marami ang pagmulan ng pag-asa, hindi naman ganoon kadalasan ang katotohanan. Hindi ko malimutan ang sinabi ng kilalang antropologong Margaret Mead, “Never doubt that a small group of thoughtful, committed citizens can change the world; indeed, it’s the only thing that ever has.” Huwag tayong magduda na ang pagbabago sa mundo ay maaaring magmula sa kaunting nag-iisip at naninindigan dahil sa totoo lang, lagi namang ganoon.


Nagdaos ng banal na misa sa EDSA Shrine noong nakaraang Huwebes, Enero 16, 2025. Inialay ang misa ng tatlong grupong naghain ng impeachment complaint sa Kongreso. Nagkasundong magsanib-puwersa ang tatlong grupo at magkasamang igiit na ituloy ang proseso ng impeachment laban kay VP Sara. Naroroon ang unang grupo na pinamunuan ng dating senadora na si Leila De Lima, mga lider ng civil society at mga kaparian. Ang pangalawang grupo naman ay ang Makabayan bloc na pinamunuan ng dating kinatawang Neri Colmenares. At ang pangatlong grupo ay pinamunuan ng mga kapariang kinabibilangan ni Padre Bong Sarabia, CM.


Punung-puno ang EDSA Shrine at mataas ang enerhiya ng paninindigan at pagpupursige ng mga naroroon. Mula sa maliit na grupong ito magmumula ang pag-asa tungo sa pagbabago. Marami ang wala sa EDSA Shrine noong hapong iyon.

Naghihintay lamang ng tamang panahon upang makilahok at mag-ambag ng lakas ng paninindigan at pakikiisa para sa pagbabago at paglaya ng Inang Bayan sa mga nananamantala at umaapi rito.


Nakatataba ng damdamin ang huling namahayag nang hapon na iyon. Sabi ni Perci Cendaña ng Akbayan Partylist, “Naririto tayo sa EDSA Shrine upang manalangin at humingi ng tulong sa Panginoong Diyos. Makapangyarihan ang panalangin. Makapangyarihan ang Diyos. Magtiwala tayo sa kanya. Tutulungan Niya tayo. Tutulungan Niya ang mahal nating bansa.”


Ito ang mahalagang simbolo ng hindi kalakihang EDSA Shrine, ang bantayog ng kauna-unahang mapayapang rebolusyon sa mundo. Bagama’t halos apat na dekada na ang EDSA People Power Revolution, hindi namamatay ang pangarap ng milyung-milyong mamamayan na lumabas, nanalangin, nagkaisa at lumaban sa katiwalian ng isang rehimen. 


Hindi pa tapos ang EDSA. Nagbalikan at dumami pa ang mga nilabanan at pinaalis ng taumbayan noon. Dito magpapatuloy ang pag-asa sa pagsasama-sama ng mga tinig, pangarap at pagsisikap na totoo, sinsero at konkreto. Iboboto ang may kakayahan at pananagutan. Muling paaalisin ang mga hindi karapat-dapat, at pananagutin ang mga ginamit sa mali ang puwesto at kapangyarihan. Dito magpapatuloy kung saan nagsimula ang lahat. Dito sa mga iilang nagkakaisa sa paninindigan, panalangin at pagpupursige, muling dadaloy ang rumaragasang puwersa ng ilog ng pag-asa at pagbabago.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 13, 2025



Fr. Robert Reyes

Dumaan ang Pasko, ang Bagong Taon, ang Tatlong Hari o Epipaniya at ngayong linggo, matatapos ang pagdiriwang ng panahon ng Pasko sa pista ng Binyag ng Panginoon. 


Sa magkabilang bahagi ng pista ng Binyag ng Panginoon ay ang pista ng Poong Hesus Nazareno at ng Santo Nino de Cebu. Bagama’t tahimik ang selebrasyon ng pista ng Binyag ng Panginoon, ganoon na lang ang init at tindi ng pagdiriwang ng pista ng Poong Hesus Nazareno at ng Santo Niño.  


At hindi rin magtatagal, ipagdiriwang din sa Biyernes Santo ang alaala ng kamatayan ni Hesus sa pista ng Santo Entiero.


Ano nga ba ang pinakamatingkad na pista sa kamalayan, pagkatao at pag-uugali ng karamihan ng mga Pinoy?


Sinimulan ng pista ng Nazareno ang Enero ngunit tatapusin ng pista ng Santo Niño ang buwang ito. Sa ikatlong linggo ng Enero ipagdiriwang sa Cebu (Sinulog) at Tondo ang pista ng Santo Niño. 


Dinala sa Pilipinas ang pinakaunang imahe ng Santo Niño ni Ferdinand Magellan noong taong 1521. Makalipas ang 20 taon, dinala naman ni Miguel Lopez de Legazpi noong 1972 sa Cebu ang imahe ng Santo Niño. Kasabay din ng pista ng Santo Niño sa Cebu at Tondo, ang pagdiriwang ng Ati-Atihan sa Kalibo, Aklan. Nagkaroon din ng sariling pagdiriwang ang Iloilo na tinawag na “Dinagyang” kung saan nagpapaligsahan ang iba’t ibang pangkat sa pagsayaw ng “Ati-Atihan.” 


Bagama’t batang-bata ang pista ng Dinagyang na sinimulan ni Padre Ambrosio Galindez, kura-paroko ng Parokya ni San Jose, malinaw ang kaugnayan nito sa pista ng Ati-atihan sa Aklan.


Kahit na kaisa-isa lang ang pista ng Poong Hesus Nazareno na ipinagdiriwang tuwing Enero 9, marami ang pista ng Santo Niño. 


Subalit sa taong ito, nagpasya ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na palaganapin sa buong bansa ang debosyon sa Nazareno. Kung pagbabasehan ang bilang ng deboto na dumadalo sa pista ng banal na imahe, panalo na marahil ang Nazareno. Taun-taon tila parami nang parami ang lumalahok sa Traslacion, kung saan hindi na bumababa sa anim na milyong deboto ang nagsusumiksik sa Quirino Grandstand hanggang Basilica Minore ng Quiapo para manalangin at magsakripisyo habang binabagtas ang 6.5 kilometrong ruta ng Traslacion.


Sa tanong na, ano nga ba ang debosyon na merong pinakamatingkad na epekto sa pagkataong Pinoy? Nazareno ba o Santo Niño? Ito ang ating kasagutan, sa anumang debosyon ay laging mahalagang tingnan ang kaugnayan ng debosyon sa transpormasyon o pagbabago ng deboto. Mahirap sukatin ang pagbabagong dulot ng debosyon sa Nazareno at Santo Niño. Ngunit, ngayong taong 2025 na idineklarang Jubileo ng Pag-Asa ni Papa Francisco, mahalagang tingnan ang isang mahalagang sangkap ng transpormasyon o pagbabago at ito ay ang pag-asa. 

Naniniwala ba tayo na may magbabago pa sa ating mga sarili, pamilya, pamayanan at lipunan? Madalas mapag-usapan sa mga malalaking pagtitipon kung meron pang pag-asang magbago ang ating bansa.


Maliban sa pag-asa, meron pang ibang sangkap ang pagbabago, ang pananampalataya. Nakatuon ang mga deboto ng Nazareno at Santo Niño kay Hesu-Kristo. Anuman ang ginagawa mula sa paglalakad, magdamagan na nakayapak o sabay-sabay na pagsayaw, nakatuon ang buong pagkatao ng mga deboto sa ating Panginoong Hesu-Kristo.


Anuman ang panalangin, pasasalamat o paghingi ng tulong, nakatuon pa rin kay Kristo.

At nakita natin ang dalawang mahalagang sangkap ng debosyon tungo sa transpormasyon: ang pananampalataya (pagtuon sa Panginoon) at pag-asa (pagtiwala na may magagawa, may mababago kasama ang Panginoon). 


Ang tanong hinggil sa pagbabago ay tungkol sa panahong kasunod ng pista at matatawag natin itong panahon ng pag-ibig. Kung titingnan lang natin o aasahan si Hesus ngunit wala tayong gagawin o hindi siya kasama, maaaring hindi natin siya talagang mahal.


Kaya’t mabigat ang hamon sa patuloy na paghuhubog sa bawat deboto, at mananampalataya. Hindi sapat ang debosyon, kailangang-kailangan ang transpormasyon. Hindi sapat manampalataya, magtiwala at umasa, kailangang gumawa, magsikap at magtaya: gumawa, gamitin ang galing at gumastos. Ito ang tunay at ganap na pag-ibig, ang bunga ng panalangin at pagtitiwala.


Mayaman at malalim ang debosyon sa Nazareno at Santo Niño, ngunit hindi nagtatapos ang lahat sa debosyon. Kailangang magsikap na magkaroon ng kongkreto at positibong pagbabago sa sarili, pamilya, pamayanan at buong lipunan. Kailangang magpatuloy ang paglalakad na nakayapak pagkatapos ng pista ng Nazareno at “pagsasayaw at pagpupugay” pagkatapos ng “Dinagyang,” “Sinulog” at “Ati-atihan.” Isang malaki at makapangyarihang puwersa ang debosyon tungo sa transpormasyon at hindi sapat ang pananampalataya at pag-asa na walang pag-ibig.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page