top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 1, 2025



Fr. Robert Reyes

Tatlong rally ang idinaos noong nakaraang Biyernes, Enero 31, 2025, ang huling araw ng unang buwan ng taong 2025. 


Merong kasabihan sa Banal na Kasulatan na nagsasabing, “ang huli ang mauuna at ang nauuna ay mahuhuli.” Ang araw ding ito ay ang ikalawang araw pagkatapos ng “Chinese New Year” o ang Bagong Taon ng bansang Tsina. At makabuluhan ang hayop na sumasagisag sa taong ito. Ito ang taon ng “ahas na kahoy” o ang Year of the Wooden Snake. Meron kayang kaugnayan ang tatong rally sa taon ng “ahas na kahoy”?


Nabasa natin noong isang araw ang pagninilay ng isang paring Tsino tungkol sa Taon ng Ahas na Kahoy. Ito ang sinabi ng pari: “Nawa’y tulad ng ahas matuto tayong iwanan ang nakaraan, tulad ng pagbabalat ng ahas na nagbabalat at iniiwanan ang mga bagay na hindi na kailangan sa patuloy na pagdaloy ng buhay.” 


Likas sa ahas ang pagbabalat. Likas sa ahas ang pagbabago sa tuwina. Laging nagpapalit ng balat ang ahas sa kabuuan ng kanyang buhay, na hindi madali at masakit kaya’t hindi ito kumakain at kumikilos sa panahon ng pagbabalat. Sana’y tularan natin ang ahas na buong tapang humaharap at sumusuong sa pagbabago.


Dagdag pa ng pari: “Ang ahas ay hindi takot dumaan sa mga masukal, madilim at mapanganib na lugar. Hindi siya mananatili sa isang lugar kundi magpapalipat-lipat ito sa paghahanap ng mga lugar na merong buhay na pagkain. Bukas at handa siyang tahakin ang daan ng pagsubok at pagdadalisay para makamtan niya ang kaganapan ng buhay.”

Pangatlo at panghuli, ayon sa pari: “Ang ahas ay hindi natutulog na nakapikit. Walang talukap ang kanyang mga mata. Laging dilat ang kanyang mga mata sa paghahanap at pagbabantay, paglalamay para sa katotohanan.”


Para sa akin, hindi masama ang ahas. Napakarami nating matututunan sa kanya. Sa totoo lang, ang ahas din ang naging simbolo ng buhay at kaligtasan sa disyerto nang pagtutuklawin ng mga makamandag na ahas ang mga Israelita. Sinabi ng Diyos kay Moises na itaas niya sa kahoy na hugis krus ang isang uri ng ahas upang tingnan ng mga natuklaw ng makamandag na ahas at sila’y maliligtas. Isa ito sa mga unang simbolo ng mismong krus ni Kristo na siyang liligtas sa lahat ng mananampalataya.

Marahil, hindi aksidente na ahas ang tanda ng Bagong Taong Tsino. Kailangan nating unawain at matutunan ang mga katangiang kakaiba ng tanda ng “Wooden Snake” sa harap ng malulubhang problema ng korupsiyon, marahas, malupit at nakamamatay na gamit ng kapangyarihan at ang kaugnayan ng mga ito sa lumalaganap at kalat na kalat nang mga dinastiya.


Bunga ng isang buwan na tuluy-tuloy na pag-uusap at pagpaplano ng mahigit 70 grupo ang rally sa EDSA Shrine na tinaguriang: “Boses ng Mamamayan, Konsyerto ng Bayan”. Nagsimula ang lahat sa pagsisikap ng kaparian at obispong bumubuo ng Clergy for Good Governance. Nag-usap-usap at nagplano ng malawakang pagkilos ang ilang pari na kasama ang ilang mga kinatawan ng iba’t ibang samahan at kilusan at nabuo ang rally sa hapon ng Enero 31, 2025 sa EDSA Shrine.


Dalawang rally ng mga iba’t ibang grupo ang tututok sa panawagang i-impeach si Vice President Sara Duterte, isa sa Liwasang Bonifacio at ang pangalawa sa People Power Monument. Ang rally sa EDSA Shine ay may mga panawagan:


Boses ng Pilipino

Konsyerto ng Bayan

Marcos-Duterte Managot!

Marcos BADyet Pahirap!

Sara Alis Diyan!

 

Kailangang ma-impeach ang mga opisyal na korup at kurakot.

Kailangang irepaso at palitan ang pinaka-korup (ayon kay Prof Cielo Magno) na badyet.

Kailangan nang pag-usapan, isulong, isabatas ang pagbabawal at pagpapaalis ng mga dinastiya na umaangkin sa pondo ng bayan at mga matataas ng posisyon sa pamahalaan mula lokal hanggang pambansang pamahalaan.


Mahaba ang rally at halos nagtagal ng anim na oras. Merong mga umawit at nagsalita. Merong mga Protestante, Katoliko at Muslim na nag-alay ng panalangin. Nagkaroon bandang hapon ng maikling pagdiriwang ng misa. At sa  pagtatapos inawitan at pinasalamatan ang mahal na Birheng Maria, Ina ng Kapayapaan bago dumagundong ang isang “noise barrage” upang tutulan ang mga problemang dulot ng mga makapangyarihang Pinoy laban sa maliliit at mahihinang kababayan nila.


At ganito nagtapos ang makulay at makabuluhang huling araw ng unang buwan ng Bagong Taon. Mabuhay ang mga mamamayang nagmamahal sa katotohanan, katarungan, kapayapaan at kalayaan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 27, 2025



Fr. Robert Reyes

Dalawang kaibigan ko ang nais nating alalahanin at pasalamatan bagaman wala na sila. Nasa 14 na taong patay na si Dok Gerry Ortega ng Palawan at kamamatay lang ng dating paring Heswita na si Dok Nym Gonzalez.


Dapat nasa Puerto Princesa sana ako noong nakaraang Huwebes para samahan si retiradong Obispo Pedro “Pete” Arigo. Kaibigan namin ni Bishop Pete si Dok Gerry. 


Tuwing Sabado ng umaga, sa kumbento ni Bishop Pete nag-aagahan at nakikipagkuwentuhan si Dok Gerry. Mapalad tayo dahil residente tayo sa kumbento ni Bishop Pete mula 2009 hanggang 2011. At sa mga taong iyon, napakarami nating natutunan tungkol sa Palawan mula kay Dok Gerry. 


Mahigpit ang laban ni Dok Gerry sa mga katiwalian sa lalawigan ng Palawan noon sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Joel Reyes. Walang kapagurang binabatikos ni Dok Gerry sa kanyang programa sa RMN ang anumang matuklasan nitong katiwalian sa lalawigan ng Palawan mula hilaga hanggang timog. 


Ilang halimbawa na natuklasan ni Dok Gerry. Una, pinuntahan ni Dok Gerry ang mga nai-report nang natapos na mga kalye sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Napakaraming mga inulat na kalyeng tapos ay wala ni isang metrong nasimulan. Pangalawa, ang

Malampaya Funds ay inurirat ni Dok Gerry at pilit tinitingnan kung ano ang napunta sa dapat puntahan ng pondo at matindi ang hinala niya na malaki ang nawawala at napupunta sa maling bulsa. Pangatlo, tinutukan din ni Dok Gerry ang napakaraming mga mapanirang industriya tulad ng pagmimina at pagpuputol ng puno maging ang kaingin na nagdudulot din ng malaking pinsala sa kagubatan. 


Noong umaga ng Enero 24, 2011, binaril si Dok Gerry sa ukay-ukay sa tabi ng veterinary clinic nila ni Dok Patty Ortega. Mabuti’t merong padaang truck ng bumbero na nakita ang bumaril at hinabol ito hanggang mahuli. Pagkaraan ng imbestigasyon, nangumpisal ang mga nahuling “assassination team” at itinuro si Gov. Joel Reyes bilang mastermind umano. Ilang taong inilaban ang kaso ng pagpatay kay Dok Gerry nina Patty sampu ng mga anak nila ni Dok Gerry. Tumakas si Joel Reyes kasama ng kapatid nito ngunit nahuli ang dalawa sa Thailand pagkaraan ng ilang taon. Hindi pa rin tapos ang kaso bagama’t nakakulong na sa wakas ang sinasabing mastermind. Sayang na sayang ang mabuting anak, asawa, ama, Kristiyano, mamamayan na si Dok Gerry.


Noong sumunod namang araw, minisahan natin si Nym Gonzalez sa UP, Diliman. Namatay si Nym noong nakaraang Nobyembre 29, 2024. Kilala si Nym bilang dating Padre Nym Sj. Isa siyang “communications expert” na kasama sa pagtatatag ng JesCom Philippines na ginagamit ang media sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 


Nakilala ko si Padre Nym noong seminarista pa lang ako sa San Jose Seminary at higit ko pa siyang nakilala noong madestino tayo bilang kura ng Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman. Mahusay mag-lecture at magbigay ng homily si Padre Nym at mabuting anak nina NVM at Narita Gonzalez. Ngunit nagulat ang marami nang nagpasyang mag-asawa si Nym. Matagal-tagal na ring siyang pari. Tatlumpu’t limang taon nang paring Heswita si Nym nang lumabas ito. Naalala natin nang lumabas ang balita ng kanyang pag-alis sa mga Heswita. Ang una nating nakausap ay ang kanyang mga magulang. Nagpapaliwanag si Narita ngunit tahimik lang si NVM. Dama natin ang malalim na damdamin na hindi marahil maipahayag ng ama ni Nym. Madaling magsalita naman at maglabas ng lungkot at anuman ang ina niya. Mula noon hanggang mamatay ang kanyang ama, napansin natin ang katahimikang balot ng lungkot. 


Noong Disyembre 8, 2019, inilabas ni Nym ang kanyang libro, “Confessions of an Ex-Jesuit.” Dito niya ibinahagi ang kanyang totoong paglalakbay bilang pari at bilang dating pari. Nasimulan na natin basahin ang libro at mahusay ang Ingles na ginamit. Maraming nagsasabing ‘eh kasi anak ni NVM’. Subalit marami ring nagsasabing oo anak ni NVM ngunit, anak din ng Ama. Puno ng pagmamahal sa sariling ama at para sa Amang nasa langit.


Muli na naman akong nagtungo sa UP, Diliman na paulit-ulit nating binabalikan. Ganoon din ang Palawan. Kung may pagkakataon babalik-balikan ko rin ang Palawan. 

Naglakbay na sina Dok Gerry at Nym. Tapat at bukas ang dalawa. Hindi pa tapos ang ating paglalakbay. Sana, maging tapat at bukas din tayo hanggang sa katapusan ng buhay na ito.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 26, 2025



Fr. Robert Reyes

Madalas tayong tanungin kung naiintindihan natin ang bahagi sa Saligang Batas tungkol sa ‘Separation of Church and State.’ 


Tanong natin, “Bakit po ninyo ako tinatanong?” Sagot naman ng nagtatanong, “Kasi po parang hindi ninyo alam na merong probisyon na ipinagbabawal ang mga pari na tulad ninyo na makialam sa pulitika.” 


Marahan naman nating sasagutin ang nagtatanong, “Alam natin ang tinutukoy ninyong probisyon sa Konstitusyon tungkol sa ‘pagkakahiwalay ng Estado at Simbahan.’ At alam ko rin ang ibig sabihin ng paghihiwalay na ito. Hindi pinagbabawalan ang mga pari na magsalita tungkol sa pulitika, maging pabor o laban sa partikular na aspeto nito. Ang probisyon ay hindi tungkol sa mga simbahan kundi tungkol sa Estado na dapat hindi pumabor o lumaban sa anumang simbahan bilang pagkilala sa batayang prinsipyo ng ‘kalayaan ng pagsamba’.” 


Pinagbabawalang paboran ng pamahalaan ang anumang relihiyon o simbahan. Pinagbabawalan ding labanan, gipitin, pahirapan ang anumang relihiyon. Sa totoo lang, tungkulin ng Estado na protektahan ang bawat relihiyon o simbahan para malaya at makabuluhan ng mga itong maitaguyod ang kanilang paniniwala. Kaya nagpapasalamat kaming mga taong simbahan na naninindigan para sa dangal at karapatan ng tao at kalikasan dahil dapat protektado kami ng batas sa aming espirituwal at moral na tungkulin.


Napakalinaw ng prinsipyong ito sa nangyari noong nakaraang Martes sa ibinigay na sermon ni Rt. Rev. Mariann Budde sa “Interfaith Service” sa Washington National Cathedral. Inagurasyon ni US President Donald Trump bilang pangulo ng Estados Unidos noong Lunes at tradisyon ang pagdalo ng nahalal na pangulo at bise presidente sa “Interfaith Service” sa Washington National Cathedral sa kasunod na araw. 


Nang pinaghahandaan ni Bishop Mariann Budde ng Episcopal Church ang kanyang sermon, meron siyang tatlong prinsipyong piniling palawigin bilang mahahalagang sangkap ng pagkakaisa, ang pagkilala sa likas na dangal ng bawat tao, katapatan at kababaang-loob. Ngunit nang pinanood ni Bishop Budde ang inagurasyon ni Trump at nakita niya ang mga nilagdaang executive orders (EO) nito, nakita niyang kailangan ang pang-apat na prinsipyo. Kailangan ang prinsipyo ng ‘habag’ o ‘awa’. Ito ang mahalagang bahagi ng sermon ni Bishop Budde:


“In the name of our God, I ask you to have mercy upon the people in our country who are scared now. There are gay, lesbian and transgender children in both Democratic, Republican and Independent families who fear for their lives.”  


Nakiusap din siya sa ngalan ng mga nanganganib na ma-deport, tulad ng mga Pinoy na walang dokumento at ng mga “bakwit” galing sa iba’t ibang bansa.


Bagama’t hayagang pagsalag sa mga nilagdaang EO ni Trump ang sermon ni Bishop Budde, buong galang at hinahon niya itong inilahad. Walang angas, galit kundi pakiusap sa isang makapangyarihang pinuno sa ngalan ng mga mahihina at maliliit na nanganganib na maapektuhan. Sa Amerika nangyari ang pagsasalita ng isang obispo sa harapan ng presidente. Kung mangyayari ito sa ating bansa, paulit-ulit na namang maririnig ang reklamo ng ilan tungkol sa naturang pagbabawal sa mga taong simbahan na makialam sa pulitika.


Tingnan nga natin ang sinasabi sa Article II, Section 6: “The separation of Church and State shall be inviolable and, no law shall be made respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof.” 


Sinasabi sa naturang artikulo at section na ang “Pagkahiwalay ng Simbahan at Estado ay hindi mababali at walang pahihintulutang batas na sumusuporta sa pagtatatag ng isang relihiyon o sa pagbabawal ng pangalawa.”


Kinakailangang unawain nang maayos ng mga kasapi ng mga simbahan at ng mga karaniwang mamamayan ang batas na ito at higit pa ay kumilos tulad ni Bishop Budde sa pagsulong ng mga prinsipyo o pananaw na nagtatanggol ng mga batayang dangal at karapatan ng bawat mamamayan. Bahagi lang ng tungkuling moral at espirituwal ng bawat kasapi ng mga simbahan na ipagtanggol ang maliliit at mahihina na karaniwang

walang tinig at kung magsasalita o maninindigan man ay hindi pinakikinggan.


Tumabo ng maraming puna at batikos si Bishop Budde ngunit ngumiti lang ito at nagpaliwanag sa mga sumusuporta at naniniwala sa kanya. Nanawagan lang si Bishop Budde para sa pagkakaisa subalit nilinaw niya ang mga kongkretong maaaring gawin ng bumalik na presidente sa kabila ng kanyang mga babala. Nawa’y hindi mawala ang awa at habag sa ating bansa. 


Dagdag pa ni Bishop Budde, “I think it’s all of us, you know. I think it’is not about me. It’s about the kind of country we are called to be. And that’s what I did my best to try and speak to, to present an alternative to the culture of contempt…”


Dalawang mundo ang nagtatagisan, ang mundo ng kapangyarihan at kasaganahan, at ang mundo ng paglilingkod at pagbabahaginan. 


Nilinaw ni Bishop Budde sa mga makapangyarihan na huwag mabulag at sumamba sa mga sandata ng unang mundo. Maaari pa ring gamitin at gawing bahagi ng pamumuno ang paglilingkod na may habag at awa. Amen!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page