top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 11, 2025



Fr. Robert Reyes

Naanyayahan tayo noong nakaraang Biyernes sa Agenda, isang media forum sa Club Filipino. 


Si Atty. Fred Mison ang pangunahing host at kasama rin namin si Makabayan Partylist Arlene Brosas. Masigla ang talakayan at lumabas kung gaano kasalimuot at kalalim ang problema ng political dynasties sa ating bansa.


Halos 80 porsyento na ng Senado at Kongreso ang galing sa mga pamilyang dinastiya. Ganoon na rin sitwasyon sa mga lalawigan, lungsod at bayan. Tila ang patakaran ng mga dinastiya sa buong bansa ay “walang alisan, walang palitan.” At ganu’n na nga ang nagyayari sa bawat halalan. Pare-parehong pangalan ang makikita sa balota. 


Sa halip na makita at maramdaman ang tunay na pagbabago, walang nagbabago dahil pabalik-balik lang ang pare-parehong mga pangalan, mukha at apelyido. Nagpapalitan lang ang tatay, nanay, anak, apo, pinsan, pamangkin, manugang, biyenan, bilas at sinumang kamag-anak na kasama sa angkan. Mula barangay, bayan, siyudad, lalawigan hanggang Kongreso, Senado at Malacañang asahan nang pare-parehong mukha, apelyido, pangalan ang makikita tuwing ikatlo at ikaanim na taon. Ito ang mahahalagang tanong na tinalakay sampu ng mga sagot ng mga nagsalita.


Posible pa bang mabago ang ganitong sitwasyon ng pulitika sa lahat ng antas na hawak ng mga dinastiya?


Anu-anong dahilan kung bakit dumarami, lumalaganap at lumalakas pa ang mga dinastiya?


Ano na ang nangyari sa partylist system? Instrumento na rin ba ang mga ito ng mga dinastiya?


Ano ang papel ng Comelec sa lahat ng ito.


Pareho ang sagot namin ni Congresswoman Brosas. Mahirap man ay kayang baguhin ang sitwasyon – edukasyon higit sa lahat. Mga botante ay dapat imulat at bigyang kapangyarihang bumoto nang tama at piliin ang mga alternatibong mga kandidato.


Naidagdag lang natin ang mabisang paggamit ng salapi ng mga dinastiya para ipagpatuloy ang paternalism (patronage politics) sa ating bansa. Ang ayuda sa mga maliliit, sa mga mahihirap na tunay na nangangailangan ay padadaluyin na naman, salamat sa programang AKAP at MAIC. 


Kaibigan din ng mga dinastiya ang mga obispo, pari, relihiyoso. Madali silang hingan ng tulong para sa malalaking pangangailangan ng mga simbahan. At hindi kataka-takang tila tumatahimik kami kapag malaki-laki na ang natanggap naming “ayuda.” Ito ang isang mabigat na hamon sa mga simbahan. Ito ang hamon ni Papa Francisco na nagsabing, “Nais ko ang isang mahirap na simbahan para sa mahihirap.” (‘I want a poor church for the poor.’)


Hangga’t walang naipapasang batas na may Implementing Rules and Regulations (IRR) laban sa mga dinastiya, patuloy ang pagdami at paglakas ng mga dinastiya. 


“Kaya taun-taon nagpa-file ng Anti-Dynasty Bill sa Kongreso ang aming grupo,” sagot ni Congresswoman Brosas. Parang suntok sa buwan, ngunit kailangang gawin.


Kailangang manatiling mahina at takot ang maliliit at mahihirap. Marami sila at ang kanilang bilang ay mapanganib. Ngunit kung pananatilihin silang mahina at takot madali silang sawayin at takutin. Nakikita natin ang nakalahad na kamay ng pulubi. Sa sistema ng ayuda, sistema ng paternalismo, sistema ng mga dinastiya, laging makikita ang imahe ng mga mahihirap na nakalahad ang isang kamay na pawang nanglilimos. 


Kailangang matutunan ng lahat na ilagay ang kamay sa dibdib upang manalangin at mangakong mahalin at ipagtanggol ang bansa. Pagkatapos ilapat ang kanang kamay sa dibdib, huwag itong ilahad sa aktong paghingi o paglimos kundi pag-aralang ikuyom at itaas na palaban upang ipakita ang tapang at paninindigan sa pagsulong ng kanyang dangal at karapatan.


Hindi madaling linisin ang bansa at palayain sa pananakal ng mga dinastiya. Hindi rin madaling baguhin ang kamalayan at kultura ng pagsandal, paghingi, pag-asa at paglilimos, ang kultura ng ayuda na pinaiiral at pinalalaganap ng mga dinastiya. Subalit, kayang unti-unting pag-aralang magtrabaho, magtiyaga, magkapit-bisig, magtulungan at magkapit-kamay, manalangin at ilapat ang kanang kamay sa dibdib.


Hindi madaling gamutin ang nakasanayang kahinaan at takot. Ngunit hindi imposibleng matutunang mahalin at magtiwala sa Diyos, makiisa sa kapwang maliit at mahirap upang iwasan at iwaksi ang paghingi, pag-asa at paglilimos sa panginoong may pera’t lupa. 


At darating ang panahon na mababawasan hanggang mawala ang kamay na nakalahad na nanlilimos at mapapalitan ito ng kamaong nakataas, naninindigan at umaasang lalaya ang bansa sa paniniil ng kapatid sa kapatid, kabayan sa kabayan at babalik ang pagkakapantay-pantay sa bansang nagising sa bangungot ng mga dinastiya.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 8, 2025



Fr. Robert Reyes

Kamamatay lamang ng isa sa mga bayani ng mga bundok ng Sierra Madre na si Padre Pete Montallana. 


Inialay ni Padre Pete ang kanyang buong buhay para sa proteksyon ng kabundukan ng Sierra Madre. Alam ito ng daan-daan o baka libu-libong mga Dumagat na nakilala ni Padre Pete sa naturang mga bundok. Bakit ba kailangang protektahan ang mga bundok ng Sierra Madre? Bakit ganu’n na lang ang pagmamalasakit ni Padre Pete para sa mga kabundukan at mga Aeta ng Sierra Madre?


Mahalaga sa kasaysayan, sa pananampalataya, sa sining at para sa kalusugan ng kalikasan ang mga bundok ng Sierra Madre. Salamat sa nasabing kabundukan, dumating man ang sobrang lakas na hangin o ulan ng bagyo, nababawasan ng puwersa ang hampas ng hangin at ulan kaya’t hindi ganoon ang pinsalang tinatamo sa mga bahay at buhay ng mga mamamayan. 


Salamat din sa mga Dumagat at iba’t ibang mga katutubo na pinoprotektahan at hindi sinisira ang bundok, patuloy ang pagdaloy ng biyaya ng kalikasan sa ating mga tao. 

Malinis na tubig at hangin, ang mga sari-saring kayamanang gubat at kabundukan na bumubuhay ay ating tinatanggap. Ano naman ang ating pananagutan sa gitna ng lahat ng pagpapalang ito?


Naririyan lang ang Sierra Madre, tahimik siyang nagtatanggol sa atin. 


Ang mga kababayan nating katutubo na kaibigan at kaisa ng mapagkalingang bundok ang tumiyak na patuloy hindi lang ang pagdaloy ng kayamanang bumubuhay sa tao kundi ang “buhay na palitan, ugnayan ng tao sa bundok, tao sa tubig, hangin, puno, halaman, hayop at lahat ng buhay na bumubuo sa bundok.”


Ito ang dahilan ng pagmamalasakit ni Padre Pete para sa mga Dumagat ng Sierra Madre. Sila ang buhay na paalala na hindi lang tao ang tumatanggap ng pagpapala ng bundok, pananagutan din ng taong ibalik ang pagpapala sa pinanggalingan nito. Minahal tayo ng bundok, mahalin din natin siya.


Ngunit, dumating na ang malungkot at mapanganib na panahon, ang panahon ng mga dambuhalang korporasyon. Naririyan na silang mga pera at kita at wala nang iba pang pagpapahalaga sa bundok. May ginto at sari-saring mahahaling bato at kristal sa bundok. Maraming mamahaling puno at hayop at ibon. Maraming isdang tabang sa mga batis, ilog at lawa. Maraming tubig para sa pangangailangan ng mga siyudad na pumuputok na sa rami ng tao. Malinaw na perang tumataginting ang dating sa mga korporasyon ng bundok, ng Sierra Madre. 


Hindi pangangalaga at proteksyon ang tingin nila sa bundok kundi isang malaking bangko na taglay ang bilyung-bilyong salaping nakatago.


“Tara na’t bungkalin ang bundok, hakutin ang ginto at mahahaling bato, puno at kung anu-anong kayamanan nito. At napakaraming tubig na pawala na sa mga uhaw na bayan at siyudad, ngunit sagana’t tila walang kaubusang taglay nito. Tubig para sa tao, higit sa lahat para sa mga industriya at pabrikang magpapayaman at magpapalaki pa sa mga dambuhalang korporasyon. At huwag kalimutan ang tubig na magpapatakbo sa mga turbina ng kuryente. Oo, tubig para sa kuryente tulad ng planta ng kuryente sa Lucban.”


Nagkasundo na ang mga korporasyong pag-aari ng mga Rason, Araneta at ang mayor ng Pakil na simulan ang pagbubungkal at pag-aangkat ng lahat ng kayamanan ng bundok ng Pakil na sagana sa tubig. Puwedeng pagkunan ng “hydro-power” ang bundok. Tara na bungkalin at pakinabang natin ang mayamang bundok na bahagi ng Sierra Madre.


Noong nakaraang Huwebes, Pebrero 6, 2025, palabas sa isang sinehan sa Megamall ang pelikulang, “Paquil.” Naroroon ang mga artista at ang mga bumuo sa naturang pelikula. Higit sa lahat naroroon ang kagalang-galang na si Mayor Vincent Soriano ng Pakil. Naroroon din ako sa pakiusap ng mga nagmamalasakit na mamamayan ng Pakil. 


Sa tamang pagkakataon, lumapit ako sa harapan ng mayor at itinaas ang placard na ang mensahe sa nagdidilatang titik: “No To Dam in Pakil”. Siyempre, nagulat ang mayor ngunit hindi siya umalis o nagpakita ng galit. Pareho kaming mahinahon. 


At mahinahong sinabi ko rin sa kanya, “Mayor, itigil na po ninyo ang dam sa Pakil!” Tanong ng mayor, “Are you saying that dams are inherently wrong? Sinasabi po ba ninyo na likas na mali o masama ang dam? At dapat bang pasara lahat ng dam?” 


Hindi po, sagot ko. “Sinasabi po ng mga mamamayan ng Pakil na hindi tama at makasasamang magtayo ng dam sa bundok ng Pakil. Masisira ang bundok. Mapapahamak ang tao, ang kultura, ang pananampalataya, at kung anu-ano pang mahahalagang may kaugnayan sa bundok.”


Kinamayan ko ang mayor at pagkaraan ng dalawang minuto ay umalis na rin.


Nakatunganga na lang ang mga naroroon sa ‘rally ng iisa,’ ngunit kinunan ng video ng kasama kong taga-Pakil at ikinalat na sa social media ang video.

Huwag po. Huwag na huwag po ninyong pa-kill ang Pakil!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 2, 2025



Fr. Robert Reyes

Batay sa paring Hesuwitang Horacio de la Costa sa kanyang sanaysay, “The (2) Jewels of the Filipino People,” dalawa ang kayamanan ng mga Pilipino, ang kanilang musika at pananampalataya. Binanggit ni De la Costa ang kinagigiliwang kundiman noong mga nakaraang panahon.


Maalala natin si Sylvia La Torre, ang isa sa mga reyna ng kundiman. Nakilala sa Sylvia sa pag-alay ng kanyang buong buhay sa pagpapalaganap ng kundiman. Malungkot nga lang na kakaunti ang nakakakilala sa kundiman ngunit kitang-kita naman ang pagkahumaling ng kasalukuyang henerasyon sa Pinoy Rock at sa OPM (Original Pinoy Music). Nakapagtataka rin ang matinding interes ng mga kabataan sa Korean Pop at sa matagal na ring kinahumalingang American Pop. 


Noong nakaraang mga buwan tuwang-tuwa ang karamihan ng mga Pinoy nang manalo sa America’s Got Talent ang kauna-unahang taga-Asia at Pinoy na si Sofronio Vasquez. Bagama’t kahanga-hangang nanalo ang isang Asyano na Pinoy sa sikat na paligsahang Amerikano, hindi siya namumukod-tangi. 


Napakarami nang mga indibidwal at grupong Pinoy na nag-uwi ng karangalan sa musika mula sa iba’t ibang bansa. Tunay na magaling ang Pinoy sa musika. Tama si Padre de la Costa.


Pananampalataya. Nakakalat ang mga simbahan, malaki at maliit sa buong bansa. Maski na maliliit na isla ay merong simbahan. Meron ding mga popular na debosyon na sentro ng mga pista ng iba’t ibang mga lugar sa buong bansa. Karamihan sa mga ito ay mga Katoliko-Kristiyanong debosyon  sa iba’t ibang santo. 


Noong nakaraang Enero lang, apat na malalaking debosyon ang natunghayan natin tulad ng Pista ni Hesus Nazareno sa Quiapo, Mayila. Sinundan ito ng pagdiriwang ng Santo Niño de Tondo at Pandacan; Santo Niño ng Iloilo (Dinagyang); Ati-Atihan sa Aklan; Sinulog sa Cebu, at iba pa. 


Ngayong Pebrero ay ang Pagdala kay Hesus sa Templo (Pebrero 1) at ang Candelaria (Pebrero 2). Parating na rin ang kilalang pista ng Mahal na Birhen ng Lourdes (Pebrero 11) at ang popular na People Power Revolution sa Pebrero 25 na Pista ng EDSA Shrine na tinaguriang Shrine of Mary Queen of Peace.


Ganoon na lang ka-relihiyoso ang maraming mga Pinoy. Hindi kumpleto ang buwan kung walang pista o debosyong ipinagdiriwang. At siyempre kasama na rin ang mga kapatid nating Muslim, Lumad, Buddhist at iba pa, na merong kanya-kanyang mga araw ng pangilin.


Natapos noong nakaraang Biyernes ang iba’t ibang pagkilos laban sa problemang nagpapahirap sa ating mga mamamayan tulad ng sinasabing ‘korup’ na budget ng 2025; ang laganap na korupsiyon sa buong bansa na tila bunga ng sistema ng mga dinastiya sa buong bansa. Tila nagsimula ang tatlong mga pagkilos sa Banal na Misa. Hindi na rin tayo magtataka kung bakit ganoon. 


Sa mga nagdaang dekada, mula sa panahon ni Jaime Cardinal Sin hanggang ngayon, naging bahagi na ng sari-saring kilos-protesta ang misa. Lalabanan ang mga problema sa pamamagitan ng mga maiinit at maaanghang na talumpati, ngunit meron at merong panalangin na maisisingit sa simula o katapusan ng pagkilos.


Ito nga ang dahilan kung bakit napili ng mga nagdaos ng pagkilos sa EDSA Shrine. Kailangang manalangin kay Maria, Reyna ng Kapayapaan para sa kanyang mahal na bayan, “Pueblo Amante de Maria”. Mula alas-2 ng hapon hanggang sa katapusan ng anim na oras na pagkilos sa EDSA Shrine naroroon sa likuran ng mga tao ang malaking imahe ni Maria, Reyna ng Kapayapaan (ng EDSA Shrine). Nagsimula sa panalangin ng mga pari at obispong ebangheliko at bago magtapos nagkaroon din ng misa sa loob ng EDSA Shrine na pinamunuan ni Obispo Gerardo Alminaza ng Diyosesis ng San Carlos, Negros Oriental.


Limang banda at mahigit na 20 pahayag mula sa iba’t ibang grupo ang malinaw na pagtatapatan, pagtutugmaan at pagtatalaban ng musika at protesta. Kinumpleto na ng panalangin ang mabisang kombinasyon ng musika at protesta sa EDSA Shrine. 

Simula lang ito at sana unti-unti, sa pamamagitan ng ating sining, pananampalataya at sama-samang pagkilos tunay na magbago ang ating mahal na bansa. Amen.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page