top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 23, 2025



Fr. Robert Reyes

Halos isang buwan na ang lumipas mula nang magkaroon ng tatlong malalaking pagkilos ang tatlong koalisyon laban sa kontrobersiyal na 2025 national budget ng Marcos admin at para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte. 


Nagtipun-tipon ang mga estudyante ng ilang kolehiyo at unibersidad sa Liwasang Bonfacio. Nagtungo naman ang ilang grupo sa People Power Monument at ang pangatlong grupo ay nag-rally sa EDSA Shrine. 


Magandang tingnan ang buhay na diwa ng oposisyon dahil tanda ito ng buhay na demokrasya. Awa naman ng Diyos, hindi pa patay ang demokrasya sa ating bansa. Ngunit, malubha na ang kanyang sakit at aandap-andap na ito. Sa kabila ng paghina ng demokrasya, siya naman ang paglakas ng mga trapo at dinastiyang pamilya. Ito na nga kaya ang inireklamo ni Jose Rizal noon na “nakatatakot na kanser na lumalaganap sa ating lipunan?”


Merong iba’t ibang uri ng kanser. At parang isang uri lamang ang mga trapo at dinastiyang pamilya. Mas malala rito ay ang mas laganap na kanser ng pagkamanhid at kawalan ng pagmamahal at pagmamalasakit sa Inang Bayan. Nasaan na ang milyun-milyong nanindigan at bumaha sa EDSA noong Pebrero 22-25, 1986? Ano na ang nangyari sa nagdaang 39 na taon (mula Pebrero 25, 1986) nang sa wakas, lumayas o napalayas ang diktador at ang kanyang pamilya ng galit ngunit mahinahong mamamayan.


Dalawampu’t isang taong pinagtiisan at nilabanan ng marami ang rehimen ng Marcos. Ngunit, lingid sa marami na hindi nag-aksaya ng panahon ang mga Marcos habang naghahanap ito ng mga paraan at pagkakataong makabalik hindi lang sa bansa kundi mismo sa Malacañang. 


Maingat na pagpaplano kasabay ang malalim na bulsa, unti-unting bumalik sila, una sa Senado, pangalawa sa pamahalaang lokal ng Laoag. At sa wakas nakabalik sa Malacañang. Mula Marcos Senior hanggang Marcos Junior, nagtagumpay ang mga trapo at dinastiya hindi lang sa Luzon at Kamaynilaan kundi sa buong bansa.


Ngayong halos 40 taon o apat na dekada nang naghihirap ang Pilipinas sa ilalim ng mga trapong pamilyang dinastiya na hawak ang poder mula Malacañang hanggang Senado, Kamara, hanggang mga lalawigan, siyudad, bayan at barangay, may pag-asa pa bang magbago at bumuti ang kalagayan ng nakararaming maliliit, mahihirap na walang tinig na mamamayan?


Tumataginting na “oo” ang sagot ng iba’t ibang grupong nagkaisa at bumuo ng iisang programa ng paggunita sa apat na araw na EDSA People Power Revolution. Ito ang ipinakita ng tatlong koalisyon ng ‘Tama na; Tindig-Pilipinas at Siklab, at Clergy and Citizens for Good Governance. 


Magbabago pa, lalaya at uunlad pa ang mahal nating bansa. Kailangan lang na pagsikapan ng lahat ang pagkakaisa. Nagtanungan ang tatlong grupo, “Puwede ba tayong mag-usap-usap at bumuo ng nagkakaisang programa ng iisang panawagan, iisang tinig at iisang pagkilos?” Ito ang ipinakita ng tatlong malalaking koalisyon noong nakaraang Biyernes, Pebrero 21, 2025. 


Sa isang presscon na ginanap sa Parokya ng Madonna de la Strada sa Katipunan, isang tinig, isang sigaw ang ipinadinig ng tatlong grupo sa buong sambayanan, “Isabuhay ang diwa ng People Power! Marcos, singilin! Duterte, panagutin! Sara, litisin!”


Tatlong kulay ang nagtabi-tabi sa isang mahabang lamesa: itim, dilaw at pula. Kulay na hindi hiwa-hiwalay tulad ng magkakaibang kulay ng bahaghari. Magkakasama ang dalawang pari at isang Obispong Katoliko, mga aktibista ng “First Quarter Storm,” mga progresibong grupo na madalas magkakalayo at nag-iiwasan ngunit nagkakaisa ngayon at ang mga kabataan na kaisa ng mga nakatatanda. Kay gandang tingnan ang nagkakaisang oposisyon at hayaan itong magpalakas ng diwa, loob at paninindigan.


Ito ang mensaheng binigyan natin ng diin. Hindi imposibleng magkaisa ang mga nagmamahal sa Inang Bayan. Hindi imposibleng mag-usap-usap, magkaunawaan at magkasundo sa iisang mensahe at pagkilos at makita’t marinig ang nagkakaisang oposisyon. Hindi ba’t ito ang milagro ng EDSA, ang mapayapang pagkakaisa ng buong bayan?


Kaya mula umaga hanggang gabi ng Pebrero 25, 2025, makikita’t maririnig ang nagkakaisang mga grupo na iisa ang ipinaglalaban. 


Kung bumaha ng dilaw sa EDSA noong Pebrero 25, 1986, babaha naman ng itim, pula at dilaw sa darating na Martes, sa ika-39 taong anibersaryo ng mapayapang People Power Revolution.


Dahil sa pangunguna nina Marcos junior at Duterte daughter, sampu ng mga trapo’t dinastiya sa buong bansa, pinagkakaisa ninyo ang oposisyon. Maraming-maraming salamat po. Buhay na buhay pa ang diwa ng People Power Revolution!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 22, 2025



Fr. Robert Reyes

“Baby Boomers” ang tawag sa amin na ipinanganak pagkatapos ng “World War II” noong 1945 (mula 1946 hanggang 1964). 


Karamihan sa amin ay tutungtong na sa edad 70. Medyo matanda na, suwerte at pinagpala kung malakas pa. Pitong dekada na puno ng pangako at hamon, at punung-puno ng pagpapala.


Isinilang ako noong Pebrero 24, 1955 bandang ika-9:32 ng umaga sa Mary Johnston Hospital Tondo, Manila, ayon kay Dr. Benjamin Lazaro, tiyuhin ni Carlos, aking ama. Malusog at mabigat ang timbang ko sa 8 pounds. 


Hindi lang ang nanay kong si Natividad at amang si Carlos ang tuwang-tuwa noong araw na iyon. Lahat ng tiyuhin at isang tiyahin ko sa parte ni Tatay Carlos ay naghihintay sa aking pagdating at nagdiwang nang husto nang nasilayan nila ang pinakauna nilang pamangkin sa kanilang Kuya Carling at Ate Naty. At siyempre tuwang-tuwa si Lola Pia (Policarpia) sa kanyang unang apo.


Pitong dekada o 70 taon na ang nakalipas mula nang mabiyaya’t masayang araw na iyon. At nais kong balikan at pasalamatan ang pitong dekada ng makulay at makasaysayang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa akin. 


1955-1965: Pagsilang, pamilya, kabataan, ang Pilipinas 10 taon pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII) -- (Quirino, Magsaysay, Garcia)


1965-1975: Pagtuklas at pagsunod sa bokasyon at misyon ng pagpapari. -- (Marcos)


1975-1986: Mga magulo at mapanganib na taon sa ating bansa: Martial Law, at pagbubuo ng Samahang Gomburza (Pebrero 17, 1977), pag-iibang bansa (Roma, Italia) -- (Marcos, Aquino)


1985-1995: Ang pangako at pangarap ng EDSA 1986: Paglaya sa diktador, paglilingkod sa ilang taong mapayapa at maunlad, puno ng pag-asa at sigla -- (Aquino, Ramos)


1995-2005: Unti-unting pagtalikod sa diwa ng pagbabago, wagas na pagmamahal sa bayan, pagpapahalaga sa katotohanan at kasaysayan, tunay na paglilingkod. EDSA Dos, EDSA Tres -- (FVR, Erap, GMA)


2005-2015: Balik-kalye, balik-rally. Pansamantalang pahinga at pag-asa muli ngunit bitin at bigo, sayang at panghihinayang -- (GMA, PNoy)


2015-2025: Pagbabalik ng mga trapo, paglaganap ng mga dinastiya, pagkabulok ng pulitika -- (PNoy, Digong, Bongbong); Pag-ulit ng kasaysayan -- (Marcos Sr. noon, Marcos Junior ngayon)

                 

Makulay ang araw ng aking kapanganakan. Katapusan ng EDSA sa Pilipinas noong ika-24 ng Pebrero 1986 at nasa Roma kami noon. Kaharap ko ang dalawang paring Pinoy at merong bote ng Champagne sa aming harap, pero sarado pa. Walang laman ang aming mga baso at nakikinig kami sa BBC Radio, at naghihintay ng anumang masayang balita sa tuluy-tuloy na apat na araw ng mapayapang rebolusyon sa ating bansa. 


Bandang hapon noon sa Roma at umaga sa ‘Pinas nang narinig namin ang masayang tinig sa Ingles: “And the dictator has left. The Philippines is free again!” Noon lang namin binuksan ang bote ng Champagne at pinuno ang tatlong baso at kakaibang toast iyon. “Happy birthday tol at mabuhay ang kalayaan, mabuhay ang bansang Pilipinas!” sabi nila sa akin. 


Bata pa tayo noon, 31 taong gulang pa lamang at tuwang-tuwa kami, ako, dahil uuwi kami sa isang bansang lumaya muli. Makakasama kami sa muling pagtatayo ng nasirang demokrasya, kamalayan, kultura at pagsisikapang ibahin ang istorya ng aming bansa mula sa diktadurya tungo sa kaliwanagan ng bagong pag-asa.

Ngunit agad na naglaho ang mga matatayog at magagandang pangarap. Sa mabilis na nagdaang 39 na taon mula EDSA People Power Revolution at 70 taon mula ng aking pagsilang, malungkot na nasaksihan ang tila kataksilan ng maraming namumuno noon at ngayon. 


Malungkot ding makita at maranasan ang pagsira ng pananaw at maka-bansang pananaw ng taumbayan. Hindi ligtas ang mga simbahan. Tila napaglaruan at nagamit din ang maraming namumuno sa simbahan. At ganito nga ang kalakaran ngayon ng mga nakapuwestong mga miyembro ng mayayaman at makapangyarihang pamilya na kilala sa tawag na dinastiya!


Pitongpu na tayo, medyo may edad na ngunit walang tigil at pagkasawa sa pangangarap at paglaban para sa tama. Mahirap at nakakadismaya ang mga pangyayari ng nakaraang 39 na taon mula Marcos Senior hanggang Marcos Junior. Parang wala tayong natutunan at umuulit lang ang kasaysayan.


Pero, hindi ganoon ang lahat ng mamamayan. Maraming gising pa rin bagama’t may edad na rin. Salamat sa buhay at sa lahat ng hamong hinarap at ipinaglaban. Buhay na buhay pa rin ang maraming baby boomers at mas matanda pa. At dumarami na rin ang mga mas bata sampu ng mga kabataang nangangarap, lumalaban at naniniwala na darating ang araw na muling maririnig natin ang balitang, “lumayas na ang mga trapo’t dinastiya, malaya na naman ang ating bansa!”

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 15, 2025



Fr. Robert Reyes

Ipinanganak tayo 10 taon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II). Taong 1955, buwan ng Pebrero iyon. 


Ibang-iba ang panahong iyon, naaalala pa natin ang bahay ng aking Lola Pia sa kalye Dimasalang, Sta. Cruz, Maynila. Naalala ko ang puno ng balimbing at ang maliliit na bulaklak na puti at pula na unti-unting nagiging bungang hugis bituin na pahaba. 


Napakalinis ng bahay ng lola ko. Salamat sa kanya at sa mga anak niyang maayos at masipag maglinis ng bahay. Mapayapa, masagana, masaya ang mundo noong mga panahong iyon. Simple ngunit sapat lang ang buhay na handog sa aming magkakapatid ng masisipag naming magulang. 


Guro ang nanay ko at accountant naman ang aking tatay. Nagtuturo sa isang kilalang hayskul sa bandang Maypajo at Tayuman ang nanay ko. Isa accountant ang aking ama sa isang kumpanyang Amerikano ng mga barkong pampasahero. 


Tuwing Disyembre laging may uwing pabo (turkey) at kesong pula ang aming ama. Meron pang kalendaryo ng mga kilalang tourist spots sa Amerika mula Enero hanggang Disyembre. Naaalala ko pa ang sama-samang paghanga ng aking pamilya at lahat din ng mga kababayan nating nakarating sa Amerika. Kaya noong bata ako, buhay na buhay ang naturang ‘American dream’ sa aking mga magulang, mga kapatid, kapitbahay at sa nakararami. Hindi kalaunan dalawa sa aking mga kapatid ay nakipagsapalaran sa paghahanap ng kanilang American dream. Dalawa kami ng kapatid kong lalaki ang naiwan sa bansa kasama ng aming mga magulang.


Hindi rin nagtagal ng marating natin ang bansang kinahumalingan ng marami. Dumating ang pagkakataon nang mag-aral tayo sa Roma. Tuwing summer sa Europa (Agosto-Setyembre) karamihan sa mga kapariang estudyante ang naaanyayahan ng mga parokya sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos para humalili sa mga kura parokong nais magbakasyon. Dalawang summer tayong tumulong sa St. Andrew the Apostle Parish sa Calumet City, Illinois. At noon din ako nagkaroon ng pagkakataong madalaw ang aking kapatid na babae sa Seattle, Washington at ang mga pinsan ko sa Los Angeles, California.


Presidente ng Amerika noon si Ronald Reagan. At sa mga sumunod na mga taon ng aking pagdalaw sa Estados Unidos nasundan natin ang pamumuno nina George Bush Sr., Bill Clinton, George Bush Jr., Barack Obama hanggang sina Donald Trump, Joe Biden at ngayon Trump muli.


Kapansin-pansin ang paiba-ibang polisiyang panloob at panlabas na pinaiiral ng mga naging presidente. Merong mga pangulong agresibo sa pakikipagdigma at merong hindi. May bukas sa mga migrante, may kritikal at sarado sa mga migrante.


Tuwing madadaan tayo sa harapan ng US Embassy sa Roxas, Boulevard makikita ang mahabang pila ng mga aplikante para sa US visa. Hindi ko alam ngayon kung ganoon pa rin kadami ang mga  aplikante. Ngunit, unti-unti na ring naglalaho ang ningning ng naturang American dream. 


Hindi na ganoon kayaman at kaunlad na tulad ng dati ang Estados Unidos at dumarami ang problemang panloob at panlabas nito. Kaya paulit-ulit na maririnig ang ganitong slogan ng mga tumatakbong presidente: “America Will Be Great Again.” Oo, magiging makapangyarihan muli ang Amerika, ngunit sa anong paraan?


Nang tumakbong presidente si Donald Trump noong 2016, ang kanyang kampanya ay ‘Amerika para sa mga Amerikano!’ ‘Pag nahalal na presidente, pangako ni Trump na ‘magtatayo siya ng pader sa pagitan ng Mexico at Estados Unidos. Palalayasin niya ang lahat ng mga migranteng ilegal!’ Hindi pa nananalo si Trump noong 2016, nagsalita na si Papa Francisco, “Trump is not a Christian. A person who thinks only about building walls, wherever they may be and not building bridges is not a Christian.” 


At nanalo muli si Trump at lalong tumindi ang kanyang paglaban sa mga migranteng ilegal na ngayon ay titiyakin niyang palayasin at pabalikin sa kani-kanilang mga bansa. Kaya muling nagsalita si Papa Francisco ukol kay Trump: “What is built on the basis of force, and not on the truth about the equal dignity of every human being, begins badly and will end badly,” na ang ibig sabihin lamang ay anuman ang itayo batay sa puwersa at hindi sa katotohanan ng pantay-pantay na dangal ng bawat tao, ay nagsisimula ng masama at magtatapos ng masama.


Ganito ang ginawa ni Adolf Hitler sa mga Hudyo. Ibinintang sa mga ito ang pagbagsak at paghina ng Alemanya. Ganito rin ang ginawa ni ex-President Rodrigo Duterte sa mga nalululon sa droga. Ibinintang sa droga ang paglubog ng Pilipinas. Maging si Trump ay ganito rin ang ginagawa sa mga migrante. Kailangang may pagbintangan at ituring na kalaban. Ngunit ano nga ba ang suliranin ng Estados Unidos?


Anuman ang problema ng dating makapangyarihang bansa, hindi solusyon ang mag-scape goat o ibintang sa iba ang problema. 


At marahil ito rin ang problema ng American dream o ng anumang panaginip. Kung pera lang ang tagong pinag-uusapan at hindi ang dangal ng bawat tao, ang mga makapangyarihang korporasyon at ilang mga bilyonaryong mamamayan ang mapapaboran. Kaya, hindi umano mahalaga ang dangal ng mga migranteng ilegal. Sila nga raw ang problema kaya ang pagpapalayas sa kanila ang tanging solusyon. Tama at totoo ba ito? Nasaan na ang American dream?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page