top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 23, 2025



Fr. Robert Reyes

Sa hinaba-haba ng naging karanasan natin sa masasabing sistema ng katarungan sa ating bansa, matagal nang nabuo ang hindi magandang larawan tungkol dito. 

Labas-pasok na tayo sa mga korte upang samahan ang iba’t ibang mga biktima ng inhustisya, karamihan pa nga’y biktima ng karahasan at pagpatay tulad ng mga biktima ng “Ampatuan Massacre”; ang pitong binitay sa pamamagitan ng lethal injection noong panahon ni Pangulong Erap Estrada; ang maingat na plinanong pagpatay kay Dok Gerry Ortega sa Puerto Princesa Palawan; ang 12 parokyano ng naging biktima ng extra judicial killings sa dating parokya natin sa Barangay Pinyahan, Quezon City noong buong taon ng 2020 (taon ng COVID-19 pandemic) at marami pang hindi na natin kailangang banggitin pa. 


Isama rin natin ang mga sari-saring kaso na ibinintang sa akin na naging dahilan ng aking pagkakakulong mula sa kasong libelo na inihain ng mag-amang Enrile (Johnny at Jacky) laban sa akin taong 2000; ang kasong “sedition” na inihain laban sa akin ng isang kaibigan ng Korte Suprema nang sinamahan ko si Lauro Vizconde sa harap ng SC dahil sa pagpapalaya at pagpapawalang-bisa ng kaso ni Hubert Webb; at ang kasong “rebelyon” na inihain ng pamahalaan sa ilalim ni Gloria Macapagal-Arroyo nang napasama tayo sa Manila Pen Siege noong Nobyembre 2007. Naroroon na naman ang kasong “sedition” na inihain laban sa akin at iba pang pari, mga obispo at iba’t ibang sibilyan na isinampa laban sa amin ni “Bicoy” noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Ano ang masasabi natin sa mga naging karanasan natin sa pamamalakad ng mga korte sa mga nabanggit na kaso? Paulit-ulit na lumulutang ang mga salitang mabagal, pinilit, manipulado, may bahid-pulitika at maraming perang sangkot, napakahina ng “due process”, napakadaling ‘kulayan at baluktutin’ ang kaso sa media at dagdag pa ngayon ang fake news, ang libu-libong bayarang trolls na gamay na gamay ang paggamit sa social media.


Bakit natin ito kailangang ilabas sa pagkakataong ito? Dahil na rin sa maingay na naratibo o kuwento na ikinakalat laban sa pag-aresto at mabilisang paghatid sa dating pangulo sa International Criminal Court (ICC) headquarters sa The Hague, Netherlands. Heto ang mga sumusunod na binibitawang salita:  


“Walang warrant of arrest at kung meron man walang “jurisdiction” sa ating bansa ang korte, ang ICC na naghain ng warrant of arrest.”

“Meron naman tayong mga gumagana at magagaling na korte sa ating bansa kaya’t bakit hindi na lang dito litisin ang dating pangulo?”

“Marahas, hindi ayon sa batas at sa “due process” ang pag-aresto sa isang matandang tao sa katauhan ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.”

“Kung kailangang litisin bakit hindi na lang dito kung saan merong gumaganang mga korte ng batas?


Nakalimutan ba ng mga nag-iingay ngayon ang matagal nang problema sa ating sistema ng katarungan? Hindi ba nila narinig ang madalas ding banggitin na sanhi ng kahinaan ng ating sistema ng katarungan? Sabi ng marami sa wikang Ingles, “In the Philippine experience of justice in the various courts of law, it is not what you know but who you know that matters.”


Nakalimutan ba nila kung paano tumakbo ang sistema ng katarungan sa ilalim ng administrasyon ng dating pangulo? Kung paanong batas ang extra judicial killing, na tila hindi batas kundi paglabag sa batas at sa “due process.”


Ganu’n kahina ang sistema ng katarungan sa ating bansa. Maski na sa tinatawag na Korte Suprema ang pinakamataas na korte sa ating bansa, na dapat kinikilala ng lahat mula karaniwang mamamayan hanggang sa pinakamakapangyarihang pangulo ng bansa. Subalit, tila hindi ganu’n ka-suprema o kataas ang pinakamataas na korte ng bansa. 


Sa kasalukuyang usapin, ipagpalagay nating hindi natuloy ang paghatid kay dating Pangulong Duterte, ano kaya ang mga maaaring mangyari? Hindi na natin kailangang ilatag ang lahat ng mga posibleng scenario dahil hindi nailipad sa The Hague ang dating pangulo.


Isang scenario, isang posibilidad lang ang puwedeng mangyari. Hindi nailipad sa ICC, sa The Hague, Netherlands ang dating Pangulong Duterte. Inilitis dito sa isang korte, maaaring sa Maynila o sa Davao. Habang nililitis ang dating pangulo, nagkakagulo sa mga kalye at sa social media. Maririnig paulit-ulit ang sigaw ng mga sumusuporta, “Duterte, Duterte, Duterte. Matanda na’t walang kasalanan. Palayain, palayain, palayain.” Maaaring madali lang, hindi matagal, matatapos ang paglilitis sa korte para sa dating pangulo. At hulaan ninyo kung ano ang magiging hatol ng korte?


Ngunit hindi ganito ang nangyari. Ang ICC, isang matatag na korte ang lilitis sa kanya. Libong testigo ang handang magsalita at humarap sa korte laban sa kanya. Salamat na lang at hindi lahat ng korte ay mahina. Salamat na lang at hindi lahat ng mamamayan ay takot at nananahimik. Ito na mismo ang mga salitang siya ang nagsabi noong 2016, “Change is coming!”


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 22, 2025



Fr. Robert Reyes


Kaaalis lang noong isang araw ng mga kinatawan ng Ministry ng mga Pamilyang Migrante ng Diyosesis ng Cubao. Nagtungo ng Taipei, Taiwan ang naturang grupo upang makipagtagpo at makipag-usap sa mga kinatawan ng pamilyang OFW na naghahanapbuhay sa Taiwan. Ginagawa nila ito upang patatagin ang programa ng Ministry ng mga Migranteng Pamilya ng Diyosesis ng Cubao. Bakit merong ganitong programa ang Diyosesis ng Cubao?


Hindi lang ang Diyosesis ng Cubao ang merong programa para sa mga migranteng manggagawa at ng kanilang mga pamilya. Ang buong Simbahang Katoliko at lahat ng mga Simbahang Kristiyano at mga iba’t ibang sekta at grupo ang matagal nang bumuo at nagpapatakbo ng ganitong programa dahil sa laganap ang sitwasyon ng mga migranteng manggagawa sa buong mundo. 


Marami ang mga dahilan ng paglaganap ng mga migranteng manggagawa sa buong mundo? Merong dalawang malinaw at pangunahing dahilan. Una, ang positibong hatak ng pandaigdigang ekonomiya o ng globalisasyon. Pangalawa, ang kahirapan na bunga ng mga mali o ‘di makatarungang polisiyang pang-ekonomiya ng iba’t ibang bansa.


Dahil sa una, bukas na ang mundo ng paggawa sa maski na sino. Sa bawat bansa merong dalawang uri ng manggagawang Pilipino, ang “skilled” o manual at ang mga propesyonal. Malaking tulong sa pamilya ang makapagtrabaho sa ibang bansa ngunit marami ring mabibigat na hamon ang kakaharapin ng mga ito. Tingnan natin ang istorya ni Joey sa Hong Kong.


“Wala na si Joey,” ang dumating na pagbati sa akin ng isang OFW na nakasama natin sa Hong Kong noong 2007. Isang OFW si Joey na dumating sa Hong Kong sa mga huling taon ng dekada 90. Malakas at mahusay kumita si Joey, kasama ng iba pang mga propesyonal na lalaking OFW. At noong mga panahong iyon nakilala niya ang kanyang magandang asawa na si Aida. Nagligawan, nag-asawa at nagsimula ng kanilang munting pamilya ang dalawa sa Hong Kong.  


Sa madalas nating pagdalaw sa mga madreng Poor Clares sa isla ng Lamma, nakilala natin sina Joey, Aida at ang kanilang tatlong anak. 2007 noon at kararating ko pa lang sa Hong Kong.  Madalas akong dumalaw sa mga kaibigang madre sa Lamma Island. Ang mga madreng Klarise (Poor Clares, mga anak ni Santa Klara) ang nagpakilala sa akin sa mag-asawa at kanilang mga anak. Ngunit iba na ang kalagayan ni Joey noong nagkakilala kami. Meron na itong sakit sa bato at kailangan na niya ang panghabangbuhay na gamutan sa pamamagitan ng “peritoneal dialysis.” Mabuti na lang at mahusay ang Universal Health Care Program ng Hong Kong. Libre ang mga gamot at mababa ang singil sa anumang operasyon o treatment sa mga pampublikong ospital.


Dahil dito, tumagal ang mga iba’t ibang gamutan kay Joey. 


Mula 2007 hanggang 2014: peritoneal dialysis; 2014 hanggang 2018: hemodialysis; 2018: kidney transplant na nagpahaba ng kanyang buhay hanggang ika-17 ng Marso 2025.


Naging regular na pasyalan at tagpuan ng ilang mga kababayang OFW ang maliliit ngunit magandang tahanan nina Joey at Aida sa Lamma Island. Naging mahalagang bahagi ang mga palitan ng opinyon at kuwentuhan sa kanilang tahanan sa pagbuo ng Buhay Ka, isang Cancer-Support Group sa Hong Kong. 


Salamat sa Universal Health Care Program ng Hong Kong tumagal ang buhay ni Joey. At dahil permanent resident na sina Joey at Aida, tuluy-tuloy ang tulong ng pamahalaang Hong Kong sa kanila. Pero sa mga karaniwang OFW na ang karamihan ay babaeng domestic helpers, bukod ang hindi ganoon kalaki ang sahod. Hindi nila maaasahan ang permanenteng suporta at tulong ng pamahalaan. Kapag sila ay nagkasakit at na-terminate o natanggal sila sa trabaho kailangan nilang makakita ng bagong trabaho, bagong amo sa loob ng dalawang linggo at kung hindi, sila ay sapilitang mapapauwi ng pamahalaan. 


Isa ito sa mahalagang dahilan sa pagbuo namin ng Buhay Ka Hong Kong. Ibang laban na kapag merong malubhang sakit ang OFW sa Hong Kong o sa ibang bansa. Depende sa batas ng mga host countries, ang pananatili ng mga migranteng manggagawa sa kanilang trabaho. Kapag may kanser ang OFW sa Hong Kong malaki ang papel ng employer. Merong ilang hindi ite-terminate ang kanilang kasambahay na OFW. Merong magte-terminate naman sa mga ito kaagad. 


Kung may kanser at terminated, hindi ganoon kadaling makahanap ng trabaho. Maghahanap pa ng pansamantalang matitirhan sa mga shelter ng mga simbahan at NGO o sa mga kaibigang merong uupahang “flat.”


Matagal na nagtulungan ang mga kasapi ng Buhay Ka. Sa mga panahong iyon, malaki ang tulong nina Aida at Dyogi sa ating mga OFW na kasambahay. 

Mahabang paglalakbay at pakikibaka sa karamdaman ang pinagdaanan ni Joey.Tumagal ito ng 21 taon mula 2014 hanggang 2025.



Kuwento ito ng isang buhay ng ating mga OFW. Maraming iba’t ibang kuwento pa ang kailangan nating marinig upang maunawaan ang makulay, mahirap at mapaghamon na buhay ng ating mga migranteng manggagawa at ng kanilang mga pamilya.


Salamat sa kanilang pananampalataya sa Diyos, sa pagmamahalan ng mag-sawang Aida at Joey, sampu ng kanilang mga anak, sa pagtutulungan at pagdadamayan ng mga kapwa OFW sa Hong Kong, nanaig ang pag-asa at pagsisikap tungo sa buhay na marangal at makabuluhan sa kabila ng mabibigat na banta, balakid at hamon.

Taos-pusong pakikiramay kay Aida.  Paalam Joey at mabuhay ka!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 16, 2025



Fr. Robert Reyes


Mabilis, nakakagulat at sadyang bumulabog sa lahat ang mga pangyayari sa mga nagdaang mga araw. Maraming natuwa, marami ring nagalit, maraming nabuhayan ng pag-asa, maraming dinapuan ng galit at pagnanasang maghiganti. 


Dumagsa ang mga reklamo at nauwi pa sa legal na demanda. Nagkaroon din ng sari-saring pagkilos mula mga rally sa maraming bansa at sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Maraming nagsabi at nagtanong kung ganito na nga ba talaga tayong mga Pinoy, hating-hati at magulung-magulo?


Ang sabi ng isang panig: “Hindi sinunod ang ‘due process, kinidnap nila ang pangulo’; hindi nila ibinigay at iginalang ang kanyang mga karapatang pantao, matanda na at may sakit na siya ngunit hindi nila pinayagang pumunta muna sa ospital; pinabayaan nilang yurakan ng ibang bansa ang ating soberanya, puwede namang dito na litisin ang sinuman dahil maayos at gumagana naman ang ating sistema ng katarungan, gayundin ang ating mga korte.”

 

Ang sabi ng pangalawang panig: “Ngayon kayo ang nagrereklamo na hindi kinikilala ang inyong mga karapatang pantao at hindi sinusunod ang ‘due process’ samantalang noong nasa poder kayo, libu-libo ang inyong ‘napatay’ at nagpasyang ubusin sila hanggang mawala ang salot ng droga; ngayon ninyo ginagamit ang panghihimasok ng ibang bansa sa ating soberanya samantalang noong panahon ng inyong panunungkulan pinayagan ninyong pumasok at magtayo ng mga konkretong istraktura sa ating mga karagatan.”


Dalawang pananaw o opinyon lang ba ang ating naririnig at nababasa mula sa dalawang panig? Nasaan ba ang katotohanan? Ano ba talaga ang tunay na nangyari?

Hindi ba’t talaga namang dumanak ang dugo ng maliliit at mahihina na “binantaang ipis na dapat lipulin” dahil bahagi ang mga ito ng salot ng droga? Hindi ba’t libu-libong biyuda at ulila ang naiwanang wala nang ama, kuya, pati na bunso, kaibigan, kaeskwela, kapitbahay? At maraming testigong nangahas mamahayag na ang ating kapulisan pa ang nangunguna sa pagpaslang umano kasabwat ang kanilang mga ‘assets’ at pare-pareho silang nagkubli sa kani-kanilang mga bonnet at helmet?!


Pumangit, humirap, naging lubhang mapanganib ang ating kapaligiran noon. Delikadong magsalita at magtanggol sa mga biktima ng karahasan at inhustisya na saklaw ng salitang kilala sa tatlong titik na EJK o extra judicial killing. Ang hindi makatarunga’t walang ‘due process’ na pagpatay, hindi ng mga may sala kundi ng kung sinu-sinong nasa listahang pinaghihinalaang ‘ipis,’ na bahagi ng salot ng droga. Kasabay nito ang pagsilang ng mataba’t masibang sektor na kilala sa pagkakalat ng mga nakakasirang kuwentong hindi totoo, na laban sa mga kaaway ng pinuno ng giyera laban sa droga at pabor na pabor naman sa pinuno at sa kanyang mga kampon. Kay pangit ng kapaligirang pisikal at sosyal at maituturing na higit na pangit ang mundo ng social media.


Nang umalis ang eroplanong lulan ang dating pangulo, tila merong kakaibang damdaming lumalaganap. Hindi man lubos na ‘gumagana’ at sing tino ang sistema ng katarungan dito sa atin, meron pa rin sa ibang sulok ng daigdig na maayos, matino at gumaganang batas, ang ‘rule of law’ na hindi kontrolado ng mga makapangyarihan at mayayamang pamilyang dinastiya tulad ng sa Pilipinas. 


Hindi lahat madilim at pangit, meron pa ring sirit, pilantik, munting ilaw ng pag-asang galing hindi lang sa labas kundi sa loob din ng ating bansa. Doon sa kalalim-laliman ng bawat tao at Pilipino nananahan ang kagandahan at kabutihan na umiiral at hindi mamamatay o papayag na mamatay dahil likas na bahagi ito ng ating pagkatao at pagka-Pilipino.


“Napakapangit ng ating bansa (sabay mura ng PI),” ganito ang binitiwang salita ng bise presidenteng anak ng dating pangulo. Ganoon ang kanyang nakasanayan at ganoon din ang kanyang karanasan dahil ganoon siya.


Ngunit merong ibang pananaw at pag-uugaling hindi marahas dahil hindi makasarili. Naniniwala sa iwi at likas na kabutihang nagtatago sa loob ng bawat tao. 


Ito na rin marahil ang puwersa ng pagbabago na pinagmulan ng mga pangyayari sa nagdaang mga araw. Merong mas maganda, mas maunlad, mas mapayapa’t ligtas na mundo, at ito ang malalim na inaasam-asam ng bawat isa. Ito ang itinanim ng Diyos sa puso ng lahat ng Kanyang nilikha. Ito ang pinagmumulan ng pag-asa!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page