top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | July 13, 2021


Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019 at 2031, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign a Pig o Baboy.


Bukod sa pagiging easy go lucky, kilala rin ang Baboy sa pagiging masayahin. Ang ikinaganda pa nito, hindi lang sarili niya ang gusto niyang mapasaya kundi para sa isang Baboy, mas maganda kung lahat ay masaya. Kaya naman labis na kinaiinisan ng Baboy ang isang kasama o kaibigan na “kill joy” o ‘yung mga tao na imbes na makisaya ay sila pa ang pumipigil para maging masaya ang kanyang kapwa. Tunay ngang sila ang mga taong “kill joy” na labis na kinaiinisan ng mga Baboy at ayaw na ayaw talaga nilang makasama.


Bukod sa pagiging likas na masayahin, ang Baboy ay kilala rin sa pagiging tapat, mainit at masarap magmahal, lalo na sa mga pakikipagkaibigan at pakikisalamuha sa kapwa, talaga namang maaasahan at masasandalan siya. Hindi ka iiwanan ng isang Baboy sa pansitan, sa halip, palaging nakalaan ang kanyang mga oras, panahon at kamay upang ikaw ay damayan at tulungan sa anumang uri ng iyong pangangailangan at problema.


Gayunman, dahil kilala sa pagiging mabait at matulungin, kadalasan, ang Baboy ay hindi naiiwasang mabiktima ng mga taong mapagsamantala at mandaraya. Sa umpisa ay makikipagkaibigan at mapapaniwala naman niya ang Baboy na naging tapat na kaibigan, ngunit sa huli, matutuklasan na lamang ng Baboy na inutakan at niloko lang pala siya ng nasabing kaibigan na pinagkatiwalaan niya. Sa puntong ito, mahalagang kilalanin muna ng Baboy ang mga taong kakaibiganin niya o ang mga taong makikisangkot sa personal niyang buhay bago niya lubusang pagkatiwalaan. Sa ganitong paraan, ‘pag naging maingat sa pagpili ng kaibigan ang mabait at madaling mautong Baboy, hindi siya gaanong mapapahamak at mapaglalamangan ng mga taong mapagsamantala.


Bukod sa pagiging mabait, kilala rin ang Baboy na mapagbigay at madaling magtiwala sa mga kaibigan at taong nakapaligid sa kanya. Kadalasan, ito ang nagiging dahilan upang mabilis na nawawaldas o nauubos ang mga ipinundar na kabuhayan o ipon ng Baboy dahil ito ay naipamimigay niya nang hindi sinasadya o nailalabas ang kanyang mga naipon dahil sa labis na tiwala at kabaitan sa mga taong nakapaligid sa kanya.


Kaya naman ito ang dapat iwasan ng Baboy— ang masyadong nagtitiwala at labis na mapagbigay upang mapanatili niya ang maunlad at matatag na kabuhayan, kung saan hindi siya dapat maging labis na mapagbigay sa mga kaibigan at kakilala.


Sa maikling salita, kailangang matutunan ng Baboy ang bahagyang pagkukuripot at pagdadamot upang tulad ng kaibigan niyang Baka ay makatikim din siya ng maunlad at maalwang pamumuhay, partikular sa larangan ng materyal na bagay, higit lalo sa panahon ng kanyang pagtanda.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | July 08, 2021



Sa nakaraang isyu, natapos nating talakayin ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong Year of the Metal Ox.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa huling animal sign sa Chinese Astrology, at ito ay ang Pig o Baboy, kung saan ang pangunahing ugali at ang kapalaran naman ng animal sign na ito ang ating tatalakayin.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019 at 2031, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign a Pig o Baboy.


Ang Baboy ay siya ring zodiac sign na Scorpio na nagtataglay ng planetang Mars.


Likas na magiging mapalad ang Pig o Baboy mula alas-9:00 hanggang sa alas-11:00 ng gabi, habang ang suwerte naman niyang direksiyon ay hilaga (north) at hilagang kanluran (north west).


Sinasabing higit na matakaw at agresibo ang mga Baboy na ipinanganak sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa kapatid niyang Baboy na isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig.


“Nice guys finish last” ang angkop na kasabihang pinatutungkol sa Pig o Baboy dahil siya ang kahuli-hulihang animal sign na nakarating sa palasyo ni Lord Buddha nang minsang ipinatawag niya ang mga hayop.


Kaya naman kilala ang Baboy sa pagiging simple, mabait, matulungin at mapagmahal. Dagdag pa rito, sinasabi ring ang Baboy ay kilala sa pagigng “easy go lucky” o “pabandying-bandying lang” kung saan hindi masyadong seryoso sa buhay at ang palagi niyang hanap ay ang gala at saya. Dahil dito, minsan ay pinagbibintangan ang isang Baboy na sobrang immature o may pagkaisip-bata, ngunit sa totoo lang, hindi siya talaga ganu’n, bagkus, ang nais lang naman talaga niya ay maging masaya o magsaya sa maikling buhay natin sa mundo.


Kagigiliwan mong kasama ang Baboy dahil bukod sa pagiging masayahin, dama mo talaga sa kanya ang natural o hindi plastic na ugali at pagkatao.


Katulad ng kaibigan niyang Tupa at Kuneho, bukod sa saya, kinagigiliwan din ng Baboy ang mga bagay na nagbibigay ng sarap, harmony at malalim na ligaya. Kaya naman bihirang-bihira sa mga Baboy ang nagtatanim ng galit at sama ng loob sa kanyang kapwa, lalo na sa kanyang kaibigan. Dahil ang totoo nito, para sa kanya, tulad ng nasabi na, naniniwala siya na maikli lang ang buhay, kaya walang dapat gawin ang tao kundi ang umibig, magpakasarap at magsaya.


Gayundin, minsan ay napagbibintangan ang Baboy na hindi seryoso sa kanyang responsibilidad at pagkatao. Madalas kasi niyang pairalin sa mga sitwasyon na may mga suliranin ang barkada o pamilya ang prinsipyong ‘hayaan na lang lumipas ang problema upang hindi maistorbo ng mga alalahanin at pangamba’ kung saan, nagkakataong tama naman pala siya dahil wala namang problemang nananatili. Sa halip, ang lahat ng bagay ay talagang lumilipas at naglalayo sa takdang panahong ang tadhana ang nagpasya.


Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | July 06, 2021



Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Dog o Aso.


Kailangang pag-ingatan ng Aso ang kanyang kalusugan, ganundin ang ilang malalapit at mga mahal niya sa buhay. Sa pag-iingat o prevention, mas magiging ligtas at malusog ang buong pamilya.


Bukod sa aspetong pangkabuhayan, magiging positibo rin ang takbo ng career at propesyon sa buong taon, kung saan may mga recognition o pagkilala na matatanggap at maaari ring sa taong ito, tataas ang graph ng kinikita at maaari ring magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan sa iba’t ibang larangang iyong pinagkakaabalahan sa kasalukuyan.


Kaya naman kung naghahangad ka na paunlarin pa ang iyong career at pakikisalamuha sa lipunan, ito ang tamang sandali o panahon upang lalo mong dagdagan ang iyong achievement, ganundin ang pakikilahok sa career, propesyon at larangan ng politika.


Sa nasabing mga gawain, career, politika, negosyo, pagkakakitaan, tunay na hindi ka lang uunlad, bagkus, ang lahat ng gawaing ito ay magdudulot din sa iyo ng maligayang karanasan sa buong taon.


Gayunman, sa aspetong pampinansiyal at pagkakakitaan, sa kalagitnaan ng taon, unti-unting aangat ang kita at kasabay nito, dahan-dahan na ring aasenso ang kabuhayan ng pamilya.


Dagdag pa rito, kung hindi gaanong nagtagumpay ang mga pinasok mong proyekto noong 2020, tiyak namang bago matapos ang 2021, isa-isa nang matutupad ang mga napurnadang gawain. Kaya naman tinitiyak na higit na maraming achievement at pagpapala kang matatanggap bago matapos ang Year of the Metal Ox.


Hindi lang mga dati nang layunin at proyekto ang matutupad, bagkus, may pangako ring bago matapos ang 2021, darating din ang iba’t ibang oportunidad ng pagkakakitaan at sa larangan ng damdamin, mga oportunidad na maaari kang makapagrelaks, pansamantalang makalimot sa mga problema at mga karanasang labis o tunay sa iyong magpapaligaya ay dagdag na regalo rin sa iyong karanasan.


Sa pag-ibig at sa pakikipagrelasyon, bagama’t may mga pagseselos at paghihinala na magaganap, lalo na sa kalagitanaan ng taong ito, hindi mo naman dapat palakihin pa at paniwalaan ang mga tsismis na wala namang basehan. Sa halip, ituon mo pa rin ang tiwala at pagmamahal sa iyong kapareha, kaysa magdusa pa ang inyong iniingatang relasyon at ang pagiging buo ng inyong pamilya.


Sa panahong naghihinala kayo sa isa’t isa, subukan mong pasyalang muli ang mga lugar na una n’yong pinuntahan habang binubuo n’yo ang matibay na relasyon, na may pangakong habang namamasyal, ang pag-uusapan lamang ay ang mga nakakikilig na nakaraan kaysa ituon ang isip sa pagseselos, paghihinala at mga walang basehang pagbibintang sa kasalukuyan.


Minsan, hindi magandang tumingin at uliratin pa ang kasalukuyan kung ito ay makagugulo lamang sa relasyon. Sa halip, mas dapat pagtuunan kung paano kayo umpisang nagmahalan at kung paano n’yo binuo ang nakakikilig at masayang relasyon ngayon.


Sa mga single, ngayong Year of the Metal Ox, sobrang laki ng tsansa na matagpuan mo na ang lalaki o babae na magbibigay sa iyo ng maligaya at nakakikilig na relasyon. Gayunman, ‘wag kang masyadong umasa na ang papasuking ugnayan ay magtatagal o magiging panghabambuhay, sa halip, ang isipin mo lang ay ang kasalukuyan. Tandaang dahil maligaya kayo sa kasalukuyan, ituring na ngayon ay may katumbas na ligayang walang hanggan.


Dahil dito, sa panahong kayo ay magkasama, hindi na dapat isipin ang nakaraan at darating. Sa halip, isa lang ang dapat pagtuunan ng pansin, ito ay ang ibigay ang the best at pinakamasarap na romansa at pagmamahal ngayon bago tuluyang masimot ang patak ng maliliit na buhangin sa orasang kristal.


Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page