top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 26, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Tiger.


Kung ikaw ay isinilang noong 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002 at 2014, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Horse o Kabayo.


Ang Horse ay siya ring Gemini sa Western Astrology at nagtataglay ng ruling planet na Mercury, kaya naman kilalang-kilala siya sa pagiging listo at mabilis sa lahat ng bagay.


Likas naman na mapalad ang Kabayo o Horse tuwing sasapit ang alas-11:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng tanghali.


Sinasabing higit na kalmante, maunlad at matagumpay ang mga Kabayo na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-lamig, na hindi nakakalmante sa buhay. Bagkus, nagtatagumpay at maligaya lamang sila pagdating ng middle age.


Sa kabilang banda, ang Horse o Kabayo ay kilala sa pagiging masayahin, mapagmahal, mahilig maglakwatsa, kung saan hindi mapapantayan ang kanyang enerhiya sa paggala at pamamasyal.


Dahil gusto ng Kabayo na walang pumipigil sa kanya, ang kaligayahan niya ay ang maging malaya, hindi lamang sa pisikal na katawan kundi maging sa mentalidad at isipan. Dahil masigla at malawak ang kanyang mga imahinasyon, maililipat lamang niya sa reyalidad o katotohanan ang magagandang ideyang ito, lalo na sa pagkakaperahan, siya ay napakaunlad at mayamang-mayaman na.


Bukod sa pagiging malaya sa pagtatrabaho o anumang gawain, Kabayo ang isa sa mga masisipag na animal signs, kung saan kadalasan ay pilit niyang tinatapos ang anumang proyekto na kanyang nasimulan kahit pa abutin siya ng magdamag at madaling-araw. Kaya naman karamihan sa mga Kabayo ay matatagpuang matagumpay, hindi lamang sa career kundi maging sa negosyo at materyal na bagay.


Bukod sa kasipagang aktuwal na nakikita sa personalidad ng Kabayo, kapansin-pansin din ang pagiging aktibo ng kanilang isipan at taglay na galing sa mabilisang pag-iisip at pagdedesisyon.


Kaya naman kapag ang Kabayo ay nahaharap sa mabibigat na suliranin at pagsubok ng buhay, madali niya itong nakakaya at nasosolusyunan sa pamamagitan ng mabilisang pag-iisip at pagpapatupad ng kanilang naisip na solusyon sa kahit ano’ng mabibigat na problema.


Gayunman, sinasabing kapag ang isang Kabayo ay napakabagal magpasya sa anumang kanyang ginagawa, tiyak na siya ang magiging pinakamalungkot at bigo na nilalang. Dahil tulad ng naipaliwanag na, ang Kabayo ay isinilang upang magdesisyon nang mabilis at walang pagdadalawang-isip, kung saan kapag ganito siya– palaging mabilis sa pagpapasya at pagkilos, mabubuo ang napakaunlad, napakatagumpay at napakaligayang Kabayo habambuhay.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 24, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas ngayong Year of the Water Tiger.


Kung ikaw ay isinilang noong 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001 at 2013, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Snake o Ahas.


Ngayong 2022, dahil ang Ahas ay itinuturing na isa sa pinakamatalinong hayop sa 12 animal signs, muling susubukin ang kanilang katalinuhan. Ibig sabihin, mahaharap ang Ahas sa mga masasalimuot na pagdedesisyon, ngunit dahil likas na matalino, tiyak na ang mga hindrances o pansamantalang hadlang na darating sa kanilang negosyo o career ay magiging “blessing in disguise”. Dahil kapag kinatas nila ang kanilang talino at mahusay na nakapagdesisyon kung ano ang kanilang dapat gawin, tulad ng nasabi na, ang mabibigat na problema at pagsubok ay magiging daan upang sa taong ito ng Water Tiger ay higit pang gumanda, bumulas at umunlad ang kanilang career at kabuhayan.


Sa pag-ibig ay halos ganundin, makararanas ang mga Ahas ngayong taon ng mas masarap at romantikong relasyon. Ngunit bago ‘yun, may mga suliranin munang kakaharapin ang mga mag-asawa o may karelasyon na, pero tulad ng kabuuang pangyayari sa kanilang kapalaran, ang mga suliraning masasagupa sa relasyon ng Ahas ay siya pang magiging daan upang lalong uminit, tumatag at tumibay ang pagmamahalan.


Sa mga single o wala pang karelasyon o partner, sinasabing ngayong 2022, maaaring may darating sa iyong relasyon, ngunit dahil magiging abala ka sa ibang bagay, maaaring hindi mo siya gaanong mapansin o mapahalagahan. Pagkatapos, kapag wala na siya, huli na upang siya ay iyong habulin at mauuwi ka na lang sa panghihinayang.


Gayunman, ‘wag mo nang intindihin ‘yun dahil sa taong ito, sadyang mas ipaprayoridad ng isip mo ang mga bagay na may kaugnayan sa career, negosyo at pagpapayaman.


Kaya naman sa susunod na taon na lang babawi ang iyong kapalaran sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon, sapagkat sa taon ng Rabbit o Kuneho, mas magiging makulay at nakakikilig ang karanasang matitikman mo sa buong taong 2023.


Samantala, mapalad naman ang kulay na red, light yellow, golden yellow at black, habang mananatili namang suwerte ang Ahas sa mga numerong 2, 8, 9. Bukod sa nasabing numero, mapalad din ang Ahas sa mga numerong 6, 15, 27, 33, 39 at 42, ganundin ang 9, 18, 24, 30, 36, at 45, higit lalo sa mga araw ng Martes, Biyernes at Sabado.


Sa buong taon, likas na magiging mapalad at makapangyarihan at lalong lalakas ang karisma at pang-akit ng Snake mula sa ika-15 ng Abril hanggang ika-24 ng Mayo, mula ika-15 ng Agosto hanggang ika-24 ng Oktubre at mula sa ika-15 ng Disyembre hanggang ika-24 ng Enero.



Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 22, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas ngayong Year of the Water Tiger.


Kung ikaw ay isinilang noong 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001 at 2013, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Snake o Ahas.


Sinasabing kilala rin ang Ahas sa pagiging tiyak sa lahat ng kanyang ginawa at buo ang kanyang loob. Dahil dito, birang-bihira kang makakatagpo ng Ahas na bigo sa buhay dahil kahit ano’ng kabiguan at pagsubok ang kanyang maranasan, tiyak na siya ay babangon at babangon upang muling manaig at magtagumpay sa anumang layunin o proyektong kanyang nasimulan.


Dagdag pa rito, ang isa pang kakaiba sa personalidad ng Ahas ay sinasabing tugma sa kanya ang kasabihang, “Kapag tahimik ang batis, ito ay napakalalim.” Ganu’n mismo ang pagkatao ng Ahas, kung saan kadalasan ay tahimik lang sila, ngunit mapapansin mong sobrang lalim na pala ang kanilang iniisip.


Sa aspetong pakikipagrelasyon at damdamin, mahinhin at tahimik sa panlabas na anyo ang Ahas, ngunit wild, maharot, marahas at bigay na bigay sa panahon ng pag-e-express ng damdamin, partikular sa aspeto ng romansa. Kaya naman kapag naging kapareha mo ang Ahas, tiyak na sa larangang panseksuwal at pandamdamin ay paliligayahin ka niya nang sobra.


Bukod sa mahusay sa romansa at seksuwal na aspeto, sobrang pinoproteksiyunan din ng Ahas ang mga taong napapalapit sa kanya, kinakalinga at talaga namang minamahal, kaya masasabing hindi lang siya mahusay sa romansa kundi masarap din siyang mag-alaga at magmahal ng kasuyo.


Dahil likas na matalino at magaling mag-alaga ng kapareha, kahit gaano pa kasalimuot o hindi normal ang relasyon na kanyang napasukan, ito ay nagagawa pa rin niyang ipreserba at minsan, ito ay nagiging maligaya at nagagawa pa ring maging masarap at panghabambuhay.


Dagdag pa rito, dahil likas na mapang-akit, kadalasan ay maraming nagiging lihim at lantarang nakakarelasyon ang Ahas. Bagama’t ang iba ay panandalian lamang, ang ilan naman ay nagtatagal at nagiging panghabambuhay.


Sa pag-aasawa, ka-compatible o sadyang tugma sa Ahas ang isa ring materyoso, may pagkatuso at mahilig magpayaman na Ox o Baka. Habang matatagpuan naman ng Ahas ang may plano at masinop na pagpapamilya sa isang Rooster o Tandang. Kaya naman sa 12 animal signs, pinaniniwalaang ang Baka at Tandang ang “the best” na makapareha ng Ahas upang umunlad ang kanilang pamumuhay at ang itatayo nilang pamilya ay tiyak na magiging maligaya at panghabambuhay na.


Samantala, bukod sa Baka at Tandang, tugma at ka-compatible rin ng Ahas ang Dragon, Rabbit, at Tupa. Sapagkat matatagpuan ng nasabing mga hayop sa Ahas ang hinahanap nilang elegante, masaya at masarap na pamumuhay. Sa katotohanan, dahil likas na matalino at mapang-akit, halos lahat ng animal signs ay talagang ka-compatible ng Ahas, gayundin, sadyang mahusay siyang makibagay. Kaya anumang relasyon ang nais niyang patagalin at ipreserba ay madali naman niyang nagagawa na maging maligaya at maging pang-forever.


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page