top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 5, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Tiger.


Kung ikaw ay isinilang noong 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002 at 2014, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Horse o Kabayo.


Sinasabing mabibilis at sunud-sunod na pag-unlad at pag-asenso ang itatala sa kapalaran ng Kabayo ngayong 2022.


Sa larangan ng career at propesyon, kung ikaw ay negosyante o mangangalakal, tuluy-tuloy na aangat ang graph ng kinikita at aspetong kabuhayan — madodoble ang negosyo, tubo at puhunan. Malalaking komisyon ang matatanggap, kung saan maaari ring sa taong ito ng Water Tiger ay magaganap ang hindi mo inaasahang pagyaman.


Habang kung ikaw naman ay tipikal na empleyado, may mga promosyon kang matatanggap at pag-angat ng income. Tugma sa iyo ang mamili sa stock market ngayong 2022 dahil makukuha mo ang mga stock sa mababang halaga, ngunit kapag ibinenta mo na, doble ang iyong kikitain. Kaya tulad ng nasabi na, kung ikaw ay negosyante, anumang hawakan mo ay tiyak na magiging ginto.


Kaya ang mahalaga para sa Kabayo na magtuloy-tuloy sa pagkilos at paghahanapbuhay dahil tulad ng nasabi na, habang kumikilos at nagmamadali, tuluy-tuloy din ang pag-unlad at pag-angat ng kanyang kabuhayan.


Samantala, sa kabila ng mga suwerte at magagandang kapalarang magaganap, dapat namang mag-ingat ang Kabayo sa taong ito, lalo na sa kanyang kalusugan. Kaya habang tagumpay at maganda ang pangkabuhayan, dapat itong sabayan ng regular na pag-e-ehersisyo at pag-iwas sa mga pagkaing bawal nang sa gayun ay mapangalagaan ang kalusugan. At kapag masigla at malakas ka, higit mong ma-e-enjoy ang magagandang ani ng kapalaran na ipinapangako sa iyo sa buong taon.


Sa pag-ibig, kung ikaw ay dalaga o binata, inaanyayahan ka ng iyong kapalaran na maglalabas ng bahay dahil sa lipunan, maaaring matagpuan mo na ang isang babae o lalaking inilaan sa iyo ng kapalaran, na magbibigay sa iyo ng pag-unlad at ligaya habambuhay. Sinumang lalaki o babae ang makarelasyon mo ngayong Year of the Water Tiger, malaki ang posiblidad na siya na ang iyong mapapangasawa at makakasama habambuhay, na magdudulot sa iyo ng maunlad at maligayang pagpapamilya habambuhay.


Sa mga may asawa na, bagama’t may mga maliit na problemang susundot sa inyong relasyon, ito ay madali namang mareresolba sa pamamagitan ng madalas na pag-uusap at pag-uunawaan sa isa’t isa. Ang mapapasyal sa mga lugar na malapit sa nature at ‘yung kayong dalawa lang ay inirerekomenda rin upang lalong uminit ang inyong relasyon at pagmamahalan.


Samantala, mapalad ang kulay na metallic blue o powder blue, gayundin ang ocher yellow, habang mananatili namang suwerte sa Kabayo ang mga numerong 1, 4, 5. Bukod sa nasabing numero, mapalad din sa Kabayo ang kumbinasyong 1, 14, 25, 32, 41 at 45, ganundin ang 5, 18, 23, 37, 44 at 52, higit lalo sa mga araw ng Miyerkules, Biyernes at Linggo. Sa buong taong ito ng 2022, likas na magiging mapalad at lalakas ang kapangyarihan at likas na pang-akit ng Kabayo mula sa ika-14 ng Mayo hanggang sa ika-23 ng Hunyo at mula sa ika-14 ng Agosto hanggang sa ika-23 ng Oktubre.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 3, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Tiger.


Kung ikaw ay isinilang noong 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002 at 2014, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Horse o Kabayo.


Bukod sa regular na pag-e-ehersisyo at pagme-meditate, ang paglalakbay sa iba’t ibang pook, lalo na sa mga lugar na malapit sa nature ay paraan din upang makapag-recharge ng enerhiya ang Kabayo. Kaya ‘pag medyo nararamdaman niya ang pagod at pagkabalisa, sa pamamagitan ng pamamasyal, tiyak na babalik ang kanyang dating lakas at sigla.


Sinasabing bukod sa pagiging masipag at abala sa kung anu-anong gawain, ang Kabayo ay madaling nakakaiwas sa kahit ano’ng problema dahil alam niya ang sikretong kataga na nakasulat sa singsing ng Hari na, “Ito ma’y lilipas din!” Kapag napapansin niya na may mabibigat ng problema, kahit hindi niya banggitin, kusa itong lumilipas kahit wala siyang ginagawang solusyon. Ganu’n kaganda ang kapalaran ng Kabayo sa panahong may mga balakid o suliranin sa kanyang buhay, at dahil madalas na busy, lahat ng mga negatibong pangyayari ay kusang lumilipas.


Sa propesyon, dahil mahusay siyang magkuwento at mag-exaggerate o magpalaki ng bagay na hindi naman niya sinasadya at nagagawa niya ring pagandahin at pasayahin ang mga nanonood o nakikinig sa kanyang mga kuwento, higit na magiging mahusay ang Kabayo sa larangan ng pag-aalok o pagbebenta, pagre-report o pag-uulat at lahat ng uri ng negosyo at gawaing may kaugnayan sa komunikasyon kung saan tiyak na magtatagumpay at magiging maligaya siya.


Hindi naman magiging produktibo ang buhay ng Kabayo sa mga propesyon o gawaing mahapong nakaupo o nasa lamesa lamang dahil ang talagang gusto niya ay gala nang gala dahil tulad ng nasabi na, sa mga gawaing ‘yun sila higit na nagtatagumpay at nagiging maligaya.


Sa pakikisalamuha sa kapwa, ang Kabayo ay maraming kaibigan, pero kaunti lang ang nagiging tapat sa kanila. Kaya minsan ay nagtataka rin ang Kabayo at naitatanong niya, “Bakit sa dinami-rami ng mga kaibigan ko, wala man lang maaasahan sa panahong may mabigat akong problema?” Dahil alam niyang karamihan sa kanyang mga kaibigan ay nakikisakay at inuuto lamang siya. Kaya mapalad ang Kabayo kapag nakatagpo siya ng kaibigang dadamayan siya sa lahat ng oras at magiging shoulder to lean on niya habambuhay. Dahil ang kaibigan ding ‘yun ang magbibigay sa kanya ng saya at magagandang kapalaran nang hindi nila kapwa sinasadya.


At dahil palakaibigan, kadalasan, ang Kabayo ay napaka-generous o sobrang matulungin, kaya hindi niya napapansing dahil sa sobrang pakikipagkaibigan, madaling nauubos at nalulustay ang kanyang kabuhayan. Ngunit kung matutunan niyang unahin ang kapakanan ng sarili niyang pamilya kaysa sa mga kaibigan, mas madaling mabubuo ang tahanan niya na may maunlad na kabuhayan at mayamang pamilya.


Katugma at ka-compatible naman ng Kabayo ang ring animal sign na mahilig sa adventure na Tigre, ganundin ang Dog o Aso. Kung lilimitahan ng Aso ang pagiging malikot at ang mga kilos na kung saan-saan nagpupunta na parang Kabayo. Dahil dito, matututunan ng Kabayo na iprayoridad ang pamilya at pumirmi sa kanilang romantiko at masayang tahanan. Mararamdaman din ng Horse ang kapayapaan at kampanteng buhay at tahanan sa piling ng Sheep o Tupa o Kambing. Kapag naman nahaharap sa malalaking problema at kailangang-kailangan ng Kabayo ang mahusay na adviser o tagapayo, matatagpuan siyang hinahanap ang tama at mahusay na payo sa kaibigan niyang Dragon. Kaya ‘pag may sinosolb na problema at may gagawing napakahirap na proyekto, bagay na bagay na magkapareha ang Kabayo at Dragon.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 1, 2022


Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Tiger.


Kung ikaw ay isinilang noong 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002 at 2014, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Horse o Kabayo.


Sinasabing dahil inaakala ng Kabayo na siya ay likas na matalino at mabilis mag-isip, minsan, kahit mali ang kanyang pagpapasya o konklusyon sa isang bagay o proyektong kanyang iniisip, ang akala ng mga nanonood sa kanya ay tama ang kanyang desisyon at pagpapatupad. Dahil bukod sa mabilis mag-isip, agad nasasapo ng kanyang matalas na intuition o kutob ang anumang kamalian o kapalpakan na kanyang nagawa, kaya ito ay agad din niyang naitutuwid o naitatama, kaya akala ng mga nanonood, may kakaibang galing at sobrang matalino talaga ang Kabayo.


Bukod sa palaisip, mahusay din siyang magsalita at mangumbinsi, kaya bagay na bagay sa Kabayo ang propesyon na may kaugnayan sa pagbebenta tulad ng ahente at pagmi-middleman kung saan sa mga gawaing ‘yun siya mas mabilis at saktong yayaman.


Ang problema lamang sa Kabayo, dahil iniisip din niyang mahusay siyang mambola, mangumbinsi at magsalita, kapag hindi niya napapa-oo o napapasang-ayon ang kanyang kausap, mabilis din siyang nagtatampo, nayayamot at naiinis.


At dahil ang Kabayo ay Gemini sa Western Astrology, na may ruling planet na Mercury, tipikal sa Kabayo ang mabilis sa lahat ng bagay; mabilis magsalita, maglakad, kumain, magsulat, mabilis ding nakapag-aasawa, nagtatagumpay at nagiging maligaya, anumang bagay o proyekto ang kanyang pinagkakaabalahan at ginagawa.


Kaya naman sinasabing ang pagiging kampante at regular na pag-e-eherisyo, tulad ng pagyo-yoga, pagme-meditate o anumang ehersisyo na roon niya naitutuon ang kanyang isipan ay bagay na bagay sa Kabayo, upang makapagpahinga naman ang kanyang isip at katawan sa mga bagay na masyado niyang tinutukan o pinagkakaabalahan.


Sa ganu’ng paraan, ‘pag nakakapagpahinga at nakapaglilibang ang Kabayo, malayo sa dati na niyang ginagawa at inaaturga sa buhay, mare-recharge ang kanyang enerhiya at kusa na nitong sasagapin ang mas marami pang suwerte at magagandang kapalarang inilaan sa kanya ng tadhana bago pa siyang isinilang.



Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page