top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 29, 2022


Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy.


Kung ikaw ay isinilang noong 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Monkey o Unggoy.


Sa pag-ibig, kung ikaw ay single, sinasabing mahihitik ng ligaya at masarap na pakikipagrelasyon ang buhay ng Unggoy sa taong ito ng Water Tiger.


Darating bigla ang iba’t ibang klase ng romansa, ngunit sa sandaling ito ay hindi mo iningatan, tulad ng munting hamog sa gilid ng dahon tuwing umaga, may posibilidad na dagli rin itong maglaho at mabura.


Sa mga magkasintahan o dati nang may karelasyon, may mga tampuhan at hindi pagkakaunawaang maaaring maganap, ngunit anumang problema, paghihiwalay o samaan ng loob na mangyari, ang lahat ng ito ay mag-iiwan ng positibong aral sa buhay ng Unggoy upang lalo pang mapaunlad ang kanyang personalidad na tutulong upang sa susunod niyang pakikipagrelasyon ay makamit na niya ang maligaya at panghabambuhay na pag-ibig.


Sa kabilang banda, anuman ang mga kumplikadong bagay na maganap sa buhay pag-ibig ng Unggoy ngayong taon, isa lang ang tiyak — sabi nga, “Once lost, then found” na nangangahulugang mawala man ang ilang mga relasyon at dagling maglaho, marami naman itong magiging kapalit na pansamantalang ikaliligaya ng Unggoy, na sa totoo naman ay ‘yun din ang hanap niya sa buhay, ang hindi magpatali sa isang relasyon o karelasyon. Sa halip, unconsciously nanaisin ng Unggoy na dumanas ng iba’t ibang lasa ng pag-ibig at pakikipagniig, partikular sa taong ito ng 2022, at ‘yun ang siguradong mangyayari.


Ngunit kung ikaw ay Unggoy na may asawa at masayang pamilya, ngayong 2022, lalong titibay at sasarap ang inyong pagmamahalan, na magiging daan upang lalo pang umunlad at lumigaya ang kabuhayan ng inyong pamilya sa buong taon.


Sa pag-ibig at pag-aasawa at maging sa romansa, tugmang-tugma naman sa Unggoy ang Daga na mahilig ding sumuri at mag-analisa ng problema, kung saan ang relasyong Unggoy at Daga ay may malaki ring posibilidad na umunlad, yumaman at lumigaya dahil kapwa sila magiging mahusay sa paggawa ng pera at sa pagpapalago ng kabuhayan.


Kaakit-akit naman sa isang Dragon ang katusuhang ipinamamalas ng Unggoy, habang ang Unggoy naman ay handang magpaubaya sa pagiging dominante ng Dragon, kaya sila ay kapwa makakabuo ng masarap at kaaya-ayang relasyon.


Madali ring masasakyan ang ugali ng Unggoy ng maramdaming Kuneho, uto-utong Tupa o Kambing, pagala-galang Aso, matalinong Kabayo at masipag na Baka, na sa madaling salita, ang lahat ng nasabing animal signs ay sadyang ka-compatible rin ng Unggoy.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 26, 2022


Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy.


Kung ikaw ay isinilang noong 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Monkey o Unggoy.


Bukod sa pagiging masayahin at mapagbiro, ang Unggoy ay may pagkatuso at saksakan din ng talino, kung saan alam niya kung paano babasahin ang motibo o iniisip ng mga taong nakapaligid sa kanya.


Kaya naman kung pag-iisipan mo ng masama ang Unggoy o pagpaplanuhan mo siya na gawan ng masama, dahil madali niyang nababasa ang masamang motibo ng kanyang kaharap, malabo mo siyang maisahan o mapaglalangan. Dahil bago mo siya maloko, mas mauuna pa siya sa iyo.


At dahil may pagkatuso at matalino ang Unggoy, kung sakali mang maitulak mo siya sa isang patibong o maihulog mo siya sa kumunoy ng mga suliranin at sari-saring problema at mga panganib, habang tinatanaw at pinagtatawanan mo siya, hindi mo alam na pagtalikod mo ay makakatakas o makakaligtas na siya. Ito ay dahil anumang sitwasyon ng buhay o gaanuman kapanganib na pangyayari ang kanyang nasuotan, siguradong makakaisip siya ng ligtas at mahusay na daan at higit pang paraan upang siya ay makatakas at makaahon nang ligtas.


Ganu’n kagaling ang Unggoy, kaya magkaroon man siya ng mabibigat na problema sa buhay, tiyak na siya ay madaling makakarekober at makakamove-on.


Dagdag pa rito, dahil likas na matuwid at makatarungan, mahihirapan ka ring yayain o kumbinsihin ang Unggoy na gumawa ng pagkakamali o kapalpakan. Dahil tulad ng nasabi na, likas sa mga Unggoy ang matuwid at palaging nakasandig sa katarungan at pagkakapantay-pantay. Ibig sabihin, kung nais mong lokohin ang Unggoy na gumawa ng kamalian o hindi makatarungang mga bagay, malabo mo siyang mayaya o makumbinsi sa nasabing mali o lihis sa kabutihang asal na balak mong gawain.


Bagama’t may katalinuhan, sinasabi ring ang Unggoy ay maikli ang pasensya at kapasidad na mag-analisa ng mga problema. Kaya naman hindi tugma sa kanya ang mga bagay na may mahabang isipin. Halimbawa, ang paglalaro ng chess, malabong maging grandmaster o maging dalubhasa ang Unggoy sa nasabing larangan dahil naiinip siya kapag may mahahabang isiping inaanalisa. Kaya kapag nagdesisyon sa buhay ang Unggoy, umasa kang mabilis at agad niya itong ginagawa at ipinapatupad.


Dahil siya ay mainipin, malabo siyang makinig sa kanyang mga kaibigan o mahal sa buhay na nagkukuwento ng mahahaba at kung anu-anong problema dahil nababagot siyang pakinggan ito.


Isang halimbawa nito, mangungutang ka o hihingi ng pera sa Unggoy, hindi mo na siya dapat pang dramahan at kuwentuhan ng kung anu-anong pasakalye, gayung mangungutang ka lang naman ay malabo ka niyang mapagbigyan. Mas gusto ng Unggoy ang usapang mabilis at direct to the point. Ibig sabihin, ang mas tamang diskarte ay sabihin mo agad ang iyong sadya o pakay nang sa gayun ay mapagbigyan ka niya dahil ang totoo nito, walang tiyaga ang Unggoy na makinig sa mahahabang kuwento na wala namang kabuluhan.


Ganundin sa pakikipagrelasyon, kung ikaw ay may girlfriend, boyfriend, kapareha o asawang Unggoy, hindi siya nangangailangan pa ng madetalye at mahabang kuwento.


Sa halip, ang mas gusto pa niya ay magkasama lang kayong dalawa, magkahawak kamay na nakasandal sa pader at habang pinagmamasdan ang mga berdeng damuhan sa parke ay sapat na sa isang Unggoy upang lalong uminit at sumigla ang inyong pagmamahalan habambuhay.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 24, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy.


Kung ikaw ay isinilang noong 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Monkey o Unggoy.


Ang Unggoy o Monkey ay siya ring zodiac sign na Leo sa Western Astrology, na nagtataglay ng ruling planet na Sun o Araw.


Sinasabing higit na maharot at masayahin ang mga Unggoy na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa mga kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig.


Isa sa mga pangunahing katangian ng Unggoy ang pagiging malakas at buo ang loob. Kaya mapapansin mo na hindi natatakot na magpabaging-baging sa punong-kahoy ang Unggoy nang paisa-isang kamay lamang sa baging ng kapalaran at kahit minsan ay hindi nila inaalala na sila ay mahuhulog. At wala naman talagang Unggoy na nahulog sa kabiguan ng buhay dahil kapag sila ay dumaraan sa mga pagsubok, madali silang nakakarekober at nakakaahon dahil dama nila ang tiwala na kayang-kaya nilang mapagwagian ang anumang pagsubok, basta ang mahalaga ay laban lang ng laban.


Ang pagiging malakas ng loob ang kadalasang nagtutulak sa Unggoy na sumubok sa mga bagay na mapanganib at nagagawa naman nila. Subalit ang kahanga-hanga sa kanilang tadhana, kahit gaano pa kapanganib ang isang sitwasyon na susuungin nila, tiyak naman na sa huli, sila ay ililigtas ng langit at siguradong hindi naman talaga sila mapapahamak.


Bukod sa mahilig sumuong sa mga panganib, nagpapasaya rin sa damdamin ng Unggoy ang pakikipagsapalaran. Bagama’t tunay ngang minsan ay natatalo, mas madalas na wagi ang Unggoy sa anumang uri ng pakikipagsapalaran at hamon na kanilang sinasalihan.


Dahil likas na masayahin at maliksing kumilos, hindi sinasadyang nahahawahan ng kaharutan at kasiglahan ang mga taong nakapaligid sa kanila, kaya naman ‘yung mga tatamad-tamad, kapag nakasama sa Unggoy ay tiyak na sisipagin, habang ang mga likas na malungkutin ay matututong ngumiti at maging maligaya ‘pag Unggoy ang kasama.


Kaya naman masasabing mahusay ding magpatawa at mag-entertain ang Unggoy sa kanilang mga kasama. Kaya ‘pag may isang Unggoy sa grupo, tiyak na hindi sila mababato dahil siya ang siguradong kikiliti sa kanilang kaluluwa upang ang pagkabagot ay tuluyang lumisan. Kaya sinasabing mag-alaga ka ng Unggoy at tiyak na magiging masaya ka habang pinapanood mo siyang magharot at kung anu-ano ang kinakalikot.


Samantala, ang isang pamilya na may Unggoy sa tahanan ay itinuturing na mapalad dahil ang nasabing Unggoy na nagdadala ng saya at ligaya sa kanilang tahanan ay aakit ng dagdag pang suwerte at magandang kapalaran, hangga’t siya ay naninirahan sa nasabing bahay.


Kaya lang, ang hindi nila alam, sa kabila ng mapagbirong pagkatao ng Unggoy, tinatago-tago lang niya sa kalooban, siya ay may pusong mamon at may pagkamadamdamin. Ang katulad nila ay isang payaso na mahilig magpatawa, ngunit sa loob ng payasong ito ay may malalim na lumbay at lungkot siyang nadarama.


Samantala, dagdag pa rito, pangkaraniwan ding mabilis mag-isip at kumilos ang Unggoy, kaya kapag may problema ang pamilya, grupo o isang barkada na may kasaping Unggoy ay madaling nasosolusyunan ang anumang mabigat na problema. Kung saan, Unggoy ang madalas makaisip ng kakaibang pormula o paraan kung paano malulunasan ang anumang uri ng suliranin dahil bukod sa likas na tuso, ang Unggoy ay likas ding matalino at mapamaraan.


Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page