ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 7, 2022
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali, katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Tiger.
Kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.
Dahil mahilig mamintas at pumula sa mga kahinaan at pagkakamali ng kanilang kapwa, kadalasan, hindi masaya ang Tandang na makisalamuha sa mga kaibigan o lipunang kanilang ginagalawan dahil mas nauuna nilang makita ang pagkakamali ng kanilang kapwa kaysa sa mga tama nitong nagawa.
Dahil dito, minsan ay nagiging mailap ang Tandang sa kanyang mga kaibigan at kasamahan. Isang halimbawa nito ay sa trabaho o saanmang institusyon siya kabilang. Gusto man niya o hindi, ‘ika nga ay aloof at may pagka-loner ang Tandang, at minsan ay ‘yun pa rin ang nangyayari sa panahong siya ay nakikisalamuha sa lipunan.
Ang nakatutuwa pa sa Tandang, bagama’t aloof at loner siya, patuloy niyang iniisip na siya ay matalino, magaling at sikat, kaya kapag may pinapapurihan o pinaparangalan, halimbawa sa katalinuhan, habang nasa isang sulok at ‘yung pinaparangalan ay umaakyat na sa stage, bumubulong-bulong ang Tandang sa kanyang sarili at sasabihing, “Paano kaya naparangalan si Mr. Egoy, eh samantalang mas magaling pa ako r’yan?”
Ganu’n lagi ang attitude ng Tandang sa halos lahat ng larangan ng buhay. Palagi niyang naiisip na mas magaling siya sa kanyang kapwa at akala naman niya ay totoong-totoo ito.
Samantala, kapag naman siya ang mapaparangalan o bibigyan ng recognition, ang nasa isip niya naman ay, “Kulang pa ang karangalang ito sa sobrang galing at kakayahan ko.”
Ganu’n kayabang ang Tandang, pero hindi niya ito ipinagsasabi at ipinahahalata dahil hindi naman siya maboka o makuwento dahil likas siyang aloof at inis sa lipunang kanyang ginagalawan.
At dahil sa ugali niyang ito, hindi nahahalata na sa loob ng natatago niyang katawan o unconscious self (na siya lang talaga ang nakakaalam at minsan ay hindi niya pa ito alam), talaga namang ang mga Tandang, bukod sa sobrang bilib sa kanyang kakayahan ay sobrang yabang at akala mo ngang magaling na magaling siya sa lahat ng kanyang kakilala.
Dagdag pa rito, isinilang ang mga Tandang upang ayusin ang lahat ng bagay. Kaya kapag may problema sa opisina o may mga pagtatalo sa umpukang kanyang kinabibilangan, walang duda, isang tao lamang ang may kakayahang makaayos ng lahat ng gulong ito at ito ay walang iba kundi ang Tandang. Tunay ngang ang isa sa natatagong galing at husay niya ay ayusin ang lahat ng gusot at gulo sa mahusay, mabilis at mahusay na paraan.
Dahil magaling siyang mag-ayos at mag-manage, puwedeng-puwede sa kanya na maging supervisor o manager, kung saan nagagawa niyang pakilusin at pagalingin ang mga taong kanyang nasasakupan.
At ‘yun naman talaga ang nangyayari kung ikaw ay may boss o guro na Tandang, siguradong ikaw ay magiging mahusay na empleyado at estudyante dahil sobrang mapalad ka dahil ang nangangasiwa at nagtuturo sa iyo ay napakayabang, ngunit napakahusay ding Tandang.
Itutuloy