top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 9, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Horse o Kabayo.


Ang Horse o Kabayo ay silang mga isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014 at 2026. 


Sinasabing ang animal sign na Horse o Kabayo ay isang Gemini sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Mercury.


Pinaniniwalaang ang mga Kabayo ay mas papalarin mula alas-11 ng umaga hanggang ala-1:00 ng tanghali. Ang mapalad namang direksyon ng Kabayo ay ang south o timog.


Sinasabing ang mga Kabayo na isinilang sa panahon ng tagsibol at tag-araw ay higit na mabilis, malakas, may magandang pangangatawan at kapalaran kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng winter o tag-ulan.


Sa madaling salita, sinasabing isa rin sa malapad na animal sign ngayong taon ay ang Kabayo, mabilis na lalago ang kanilang pangkabuhayan, career at siyempre lahat ng may kaugnayan sa materyal na bagay ay madodoble rin, higit lalo sa kalagitnaan ng taong 2024.


Kaya naman sa taong ito ng Wood Dragon, anuman ang i-invest at hawakan ng Kabayo ay tiyak na magiging ginto. Ibig sabihin, kikita ang mga kabayo ng malaking halaga, anuman ang kanilang makursunadahang gawin.


Samantala, hindi lang sa propesyon, career at materyal na bagay susuwertehin ang Kabayo, dahil maging sa pakikipagrelasyon ay tiyak din na makararanas sila ng sobrang saya at sarap na romansa.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024


Itutuloy…


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 8, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Snake o Ahas.Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025. 


Bagama't magiging maayos ang unang quarter ng taong 2024 sa buhay at kapalaran ng isang Ahas. Sa second quarter naman ay magiging abala sila sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan. 


Sinasabing kapag may kaugnayan sa salapi ang pagtutuunan ng Ahas, ito ang pagkakataon nilang umangat sa buhay.


Ngunit, pinag-iingat ang mga Ahas sa paggastos at pagbili ng mga bagay na kung anu-ano. Ang naumpisahang paglabas ng pera o salapi ay maaaring magtuluy-tuloy hanggang sa buong taon. Kaya dapat iwasan ng mga Ahas ngayon ang paggastos para magtuluy-tuloy ang kanilang pag-unlad. 


Sinasabi rin sa una hanggang ikalawang bahagi ng taon, madami pang mga suwerte ang nagkukubli sa pansamantalang suliranin, ngunit hindi dapat sumuko ang mga Ahas. Ang inaakala nilang pagsubok ang magdudulot ng karagdagang suwerte at kapalaran sa kanilang karanasan. 


Sa ikatlong hati naman ng taon, sa buwan ng Abril hanggang Mayo, marami kayong matatanggap na biglaang suwerte na magdudulot ng kakaibang karangalan, at pagkilala. Sa bawat increase na magaganap sa kanilang buhay, dapat nila itong itutok sa pag-iipon upang hindi masayang ang magandang oportunidad na kanilang pagkakakitaan.


Pagsapit naman ng Setyembre hanggang Oktubre may malaking gastusin silang kahaharapin. 'Yung mga naipon nila mula sa buwan ng Abril hanggang Agosto ay maaaring mawala o magastos. Kaya sa panahong tinuran, mag-ingat sa paggasta para kapag nangailangan na kayo, hindi n'yo na kakailanganin pang mangutang sa ibang tao.


Ang pangungutang ay dapat ding iwasan ng mga taong Ahas dahil ito ang magpapabagsak ng kanilang kabuhayan. Tulad ng nasabi na, panatilihin n'yo ang pagiging masinop sa buong taon upang mapakinabangan n'yo ang mga suwerte hanggang sa huling buwan ng taon.


Dagdag dito, pinag-iingat din ang Ahas sa paglabas ng salapi, dahil maaari silang maloko sa isang investment na hindi naman totoo. 


Sa halip, bago kayo maglabas ng kuwarta, isipin at siguraduhin n'yo muna na babalik ang inilabas n'yong salapi para hindi kayo malugi o madaya.


Pagdating naman sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, magiging masarap ang karanasan ng mga Ahas, higit lalo sa buwan ng Abril hanggang Hunyo. At sa mga wala pang girlfriend o boyfriend, sinasabing ngayon n'yo matatagpuan ang hindi inaasahang sandali sa inyong buhay. May isang relasyon ding mabubuo mula sa dati n'yong kakilala na magdudulot sa inyo saya at tamis, pero ang romansang paghahaluan n'yo ay sandali at panandalian lang.  


Sa huling bahagi ng taong 2024, mula sa buwan ng Setyembre hanggang Disyembre, magiging abala kayo sa napakaraming gawain na halos hindi n'yo na malaman kung ano ang inyong uunahin. Sa panahong ito, ingatan n'yo ang inyong kalusugan, dahil may babala na kapag napabayaan n'yo ang inyong sarili, maaaring umatake sa inyo ang iba't ibang karamdaman.


Para maiwasan ang ganitong senaryo, kahit sobrang busy n'yo, i-priority n'yo pa rin ang pagre-relax kasama ang inyong pamilya.


Tandaan, kapag napanatili n'yo ang malusog at malakas na pangangatawan, mas makararanas kayo ng kaligayahan sa buhay. Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.



Itutuloy…


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 7, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Snake o Ahas.Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025. 


Tunay ngang bihira lang sa mga Ahas ang bigo sa buhay, dahil bukod sa katalinuhan, taglay din nila ang will power. Sa katunayan, kapag may ginusto silang isang bagay, walang dahilan upang hindi nila ito makamit.


Anuman ang kanilang pagsumikapan, ito ay tiyak na kanilang makakamit, higit lalo kung ito ay may kaugnayan sa negosyo, salapi at pagkakaperahan. Kaya malaki rin ang tendency na sila ay yumaman.


Sa pakikipagrelasyon sinasabing tugma at bagay na bagay sa isang Ahas ang kasabihang, “Ang tahimik na ilog ay napakalalim.” Sa panlabas ay tunay ngang passionate, mapagmahal at sobrang malambing ang isang Ahas, ngunit sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi mo alam at hindi mo rin mapapansin, tunay ngang madami pang reserbasyon sa kanilang isipan at damdamin na iniiwasan niyang i-express o sabihin ninuman.


At dahil nga mapagmahal ang mga Ahas, matagal nilang pinagpaplanuhan ang kanilang hakbang na gagawin. Dahil dito, sa panlabas na anyo ay akala ng iba na ang Ahas ay sobrang seryoso, malambing at mapagmahal, pero sa panlabas lang iyon. Dahil sa katunayan, madami silang inireserbang damdamin. Dagdag pa rito, dahil nga naipapakita ng Ahas ang kanilang pagiging malambing, mapag-aruga at mapagmahal, kitang-kita talaga na pinoprotektahan ng isang Ahas ang kanyang mga mahal sa buhay at mga taong malapit sa kanya.


Dahil tuso, matalino at mautak, sinasabi ring kayang-kaya pakisamahan at pakitunguhan ng Ahas ang lahat ng klase o uri ng mga tao, madali o mahirap man silang unawain. 


Kaya nga, kung sino pa ang mahirap intindihin, sila pa ang mas napapalapit sa puso ng isang Ahas, dahil nauunawaan ng Ahas ang pag-iinaarte ng mga taong mahirap unawain at kausapin.

Dagdag dito, dahil likas na matalino at may pagka-praktikal, isa ang Ahas sa mga kaibigan o kasama na maasahan mo na mag-a-advice sa iyo sa tamang pamamaraan.


Kung anuman ang ipayo nila sa iyo, sundin mo dahil tiyak na aayusin nila ang iyong buhay.  


Kung halimbawa naman ikaw ay naging asawa, boyfriend, girlfriend ng isang Ahas, tunay ngang sundin mo lang nang sundin ang pinapayo at pinapagawa nila sa iyo dahil tiyak na magtatagumpay ka. Pero, tandaan mo lang na dahil nga may pagkatuso, praktikal at matalino ang isang Ahas, ayaw na ayaw nilang pinangungunahan, sa puntong ito maaaring magkagalit kayo at hindi na magkasundo.


Paano ka naman mapapalapit sa Ahas o Snake? Simple lang, ang gusto lang naman ng mga Ahas ay purihin nang purihin ang kanilang pisikal na kaanyuan at mga ginagawa.


Sa ganitong paraan, hindi nila mahahalata ang iyong pambobola, mas madali mo pa silang maaakit at mapapaamo.


Katugma at ka-compatible naman ng Snake ang isa pang tuso, praktikal at matalinong hayop na Tandang. Lalo na pagdating sa pagpaplano, at pagpapayaman. Kamukha at katulad na katulad ding mag-isip at magplano hinggil sa kabuhayan ng Ahas ang Ox o Baka, kaya kapag sila ang nagsama at nagkatuluyan tiyak na sila ay mas madaling uunlad at yayaman.


Bukod sa Tandang at Baka, tugma rin ng Ahas sa matapang na Dragon, mapag-arugang Rabbit, at madaling mauto na Kambing.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran, sa taong ito ng 2024. Tatalakayin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024. 


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page