top of page
BIDA - JANELLA KAY KLEA I LOVE YOU SO MUCH, MY BABY, MY LOVE, MY SWEET BABY BOO!-IG _kleap
Search

by Info @Editorial | May 31, 2026



Editoryal, Editorial


Dumarami ang kaso ng bullying sa mga pampublikong paaralan. Maraming estudyante ang natatakot pumasok, nawawalan ng kumpiyansa sa sarili, at naaapektuhan ang kanilang pag-aaral dahil sa pang-aapi.


Kaya makatwiran lamang na magdagdag ng 15,000 school counselors sa mga paaralan.

Malaki ang maitutulong ng mga counselor sa mga estudyanteng biktima ng bullying. Maaari silang magbigay ng gabay, payo, at agarang tulong sa mga nakararanas ng emosyonal at mental na problema. Makakatulong din sila upang matukoy at maagapan ang mga kaso ng bullying bago pa ito lumala.


Ngunit hindi sapat ang mga patakaran lamang laban sa bullying kung walang sapat na taong tututok sa mga estudyante. Kailangan ng mga paaralan ng mga propesyonal na handang makinig, umalalay, at magbigay ng tamang aksyon sa bawat insidente.


Ang pagkuha ng 15,000 school counselors ay hindi gastos kundi isang mahalagang pamumuhunan para sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral. Kung seryoso ang pamahalaan sa paglaban sa bullying, dapat nitong tiyakin na may sapat na counselors sa bawat paaralan. Sa ganitong paraan, mas magiging ligtas at maayos ang kapaligiran para sa pag-aaral ng kabataan.

 
 

by Info @Editorial | May 30, 2026



Editoryal, Editorial


Habang abala ang ilang pulitiko sa mga kontrobersiya, paparating na naman ang panahon ng tag-ulan na muling magdadala ng baha at panganib sa maraming komunidad. 


Sa halip na puro ingay ng pulitika, mas dapat pagtuunan ng pansin ang paghahanda para sa kaligtasan ng mamamayan.


Hindi kailangan ng taumbayan ng paulit-ulit na pangako at siraan. Ang kailangan ay maayos na drainage, malinis na estero, mabilis na rescue operation, at konkretong plano laban sa baha. 


Dito nasusukat ang tunay na serbisyo ng mga opisyal — hindi sa rami ng tarpaulin o lakas ng kampanya.


Sa panahon ng sakuna, hindi propaganda ang magliligtas sa tao kundi maagang aksyon at responsableng pamamahala. Kaya habang papalapit ang tag-ulan, huwag magpadala sa ingay ng pulitika. Mas mahalagang tingnan kung sino ang tunay na kumikilos para sa kapakanan ng mamamayan bago pa dumating ang baha at bagyo.


Panawagan din sa mga opisyal ng gobyerno partikular sa lokal, umpisahan na ang paghahanda bago pa humagupit ang mga bagyo. Huwag nang makisawsaw sa gulo ng pamumulitika. Ang kailangan ngayon ay pagkilos at katapatan sa serbisyo-publiko.


 
 

by Info @Editorial | May 29, 2026



Editoryal, Editorial


Marami ang nagtataka sa naging eksena sa Senado kamakailan.

Matatandaang nag-walkout ang mga miyembro ng Minority bloc dahil sa usapin ng online at electronic voting, kahit ilan sa kanila ay dati nang sumuporta sa konsepto ng remote participation. 


Naghain noon sina dating Senador Panfilo “Ping” Lacson at dating Senate President Franklin Drilon ng Proposed Senate Resolution No. 51. Layunin nitong payagan si dating Sen. Leila de Lima, na nasa detention noon, na makadalo sa plenary sessions sa pamamagitan ng teleconferencing. 


Ayon sa resolusyon, ang hindi pagkakaroon ng partisipasyon ng isang halal na senador ay nagkakait sa milyun-milyong Pilipino ng representasyon sa Senado. Binanggit din na nababawasan ang “collective wisdom” ng kapulungan kapag may hindi nakikilahok sa deliberasyon. 


Muli ring isinulong ang remote participation sa Proposed Senate Resolution No. 658 nina Drilon, Senators Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at dating Sen. Ralph Recto. Mas pinalawak ito dahil sakop na rin ang committee hearings gamit ang online platforms at electronic communications. 


Sa madaling salita, dati ay malinaw ang posisyon nila na maaaring gamitin ang teknolohiya para matiyak ang tuluy-tuloy na representasyon kahit may limitasyon o extraordinary circumstances. Kaya para sa ilan, lumalabas itong isyu ng inconsistency. Dagdag pa rito, pinuna rin ng iba ang pag-walkout imbes na direktang makipagdebate sa isyu.


Sa huli, ang higit na dapat manaig ay ang boses ng mamamayan. Pakinggang mabuti ang bawat hinaing at gawan ng aksyon bilang mga pinagkakatiwalaang lingkod ng bayan.  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page